Hindi na kailangan pa ang marami mong mga
pananalita, ang iyong sariling buhay ay sapat ng sermon upang maipakita kung sino kang talaga.
Ang
pangalan niya ay Teryo. Bagama't traysikel drayber siya, may suot na kupasing
kamiseta at sinulsihang pantalon na maong, at may sapin sa paa na tsinelas na
magkaibang kulay, ang mga ito ang kadalasan niyang suot sa hanap-buhay at
pagpasok sa kolehiyo tuwing gabi. Sa araw na ito ng Linggo, ay muling naiinis
na nag-anasan ang mga nakaupo sa kapilya, nang huling dumating si Teryo nang
nasa kalahatian na ang sermon ng pastor, ganoon pa rin ang pananamit, gusot ang buhok at naghihikab pa.
Wala itong maupuan sa likuran, at sa
kahahanap ay napagawi sa may unahan, hanggang sa makalapit sa pulpito. Nang
walang makitang bakante na mauupuan ay tumabi sa dingding at pasalampak na
umupo sa lapag. Lumakas ang mga anasan, ngunit walang naglakas ng loob na
magsalita para pagbawalan si Teryo. Napahinto ang pastor sa kanyang sermon, at
lalong dumami ang mga nagbulungan kung bakit walang umiimik at pinapayagan ito.
Nababalisa ang pastor kung papaano niya ito maisasaayos nang hindi mapapahiya
si Teryo, nang isang matandang lalaki na may tungkod ang tumayo mula sa
likuran, may mahigit na 80 taon na gulang ito, magilas, uliran, at maginoo. Paika-ikang
naglalakad, humahawak sa sandalan ng mga upuan, at patungo siya kay Teryo sa harapan.
Marami ang muling nag-anasan at nagsabing, "Hindi natin masisisi ang matandang
lalaki, kung anuman ang gawin nito kay
Teryo." May nagsalita pa ng, "Ano
ba ang dapat nating asahan sa isang matanda, kung anuman ang pagkatao nito,
kundi ang unawain na sadyang ganito ang mga kabataan ngayon, wala nang
pagpapahalaga pa sa mga alituntunin ng simbahan!" May ilang saglit din bago makarating ang matanda sa kinauupuang lapag ni Teryo.
Tahimik ang lahat, at ang maririnig lamang
ay ang palatok ng tungkod ng matanda. Lahat ng mga mata ay nakatuon sa gagawin
ng matanda. Hindi mo rin maririnig maging ang paghinga ng sinuman. Hindi rin
maipagpatuloy ng pastor ang kanyang sermon, hangga't hinihintay ng lahat ang
gagawin ng matanda. Nang makarating ito kay Teryo ay binitiwan ang tungkod, itinukod ang kaliwang kamay sa dingding, unti-unting
sumalampak at umusod patabi kay Teryo. Nakangiting ginaya ang pagkakasandal ni
Teryo sa dingding, tumatangong tumingin sa pastor at tumahimik. Nais niyang may
makasama at makatabi si Teryo sa araw na ito.
Bawa't isa ay nagbara ang lalamunan sa
emosyong nagaganap, may ilan ang nangilid ang luha sa nasaksihan. Hindi nakahuma
ang pastor, siya man ay nabigla sa nangyari. At mabilis na nagpahayag ito, "Anumang sasabihin ko tungkol sa aking sermon sa araw na ito, kailanman ay
hindi na ninyo maa-alaala o matatandaan man lamang. Subalit ang inyong
nasaksihan kangina, kailanman ay hindi na ninyo malilimutan. Maging maingat kung papaano kayo mabuhay. Ang inyong
buhay ay siyang tanging Bibliya
lamang--na babasahin kailanman ng maraming tao."
Ang mahalagang SERMON na iyong magagawa ay ang iyong HALIMBAWA.
No comments:
Post a Comment