Thursday, September 26, 2013

Huwag Maglibang


Ang kaisipan ay nangungusap bilang kataga. Ang kataga ay nagpapakilala bilang patunay. Ang patunay ay yumayabong bilang ugali. At ang ugali ay nagpapatigas ng pagkatao. Kung kaya't maiging bantayan ang kaisipan at pakaingatan ang mga gawi nito. At hayaang sumibol mula dito ang marubdob na pagmamahal, ang walang pagkupas na pagmamalasakit, at walang sawa na paglilingkod sa lahat ng nilalang.
   Kung tahasang kikilos, magagawang paunlarin ang kalagayan. Hindi ito ipinag-wawalang bahala o nilalaro para maibaling ang isipan sa mga walang katuturan para libangin ang sarili. Walang patutunguhan ang mga panandaliang aliwan, ang mga walang katuturan na mga panoorin at libangan sa telebisyon, kung laging kumakalam ang iyong sikmura at kinakapos sa buhay. Inililigaw lamang ng mga ito ang iyong landas patungo sa ibayong paghihirap.
    Mag-isip at magnilay, pag-aralan ang mga bagay kung bakit walang pagbabago ang kalagayan sa buhay. Ito ang nagdudulot ng kawatasan; ang kawalan nito ay nagbubunga ng kamangmangan. Mahusay na alamin kung saan ikaw ay isinusulong patungo sa kaunlaran, o ibinabalik ka sa kahirapan. Ang mainam sa lahat ay taluntunin ang landas patungo sa karunungan. Kung magastos ang edukasyon, higit na magastos ang kamangmangan. Sapagkat patungo ito sa kapighatian at kapahamakan.
    Magnilay-nilay. Limiin ang idinudulot ng kabutihan kaysa kasamaan. Dalisay na mabuhay nang walang sinumang itinatangi. Iwasan ang gumaya at mamuhay ng balatkayong mga gawi. Maging tahimik at mahinahon. Magaling na paghusayin ang mga gawain. Katulad ng buwan, lumabas mula sa likod ng mga ulap! 

Magning-ning! At buong giting na itanglaw ang iyong liwanag!

Naligaw AKO


Huwag maniwala sa anuman dahil binanggit lamang ito sa iyo. Huwag paniwalaan ang binabanggit ng guro mo nang dahil lamang sa paggalang mo sa kanya. Huwag ding intindihin ang mga pagpuna at panunuyo ng mga relihiyon sa pagpupumilit na ipatupad ang kanilang mga patakaran, upang supilin ang pagkatao mo, at maging ng iyong kaluluwa. Subalit magkagayunman, matapos ang masusing pagsisiyasat at mataos na paglilimi, at napag-alaman mong ito ay makatao, na nakapagdudulot ng kabutihan, ng masaganang pakinabang, ng mahusay na pagkupkop sa lahat ng nilalang -- ang alituntuning ito ay siyang paniwalaan at yakaping mahigpit, at kunin bilang sariling panuntunan. Kailanman sa tanang buhay mo, hindi ka na muling maliligaw pa.
   Ikaw lamang sa lahat at wala ng iba pa, ang tanging may karapatan at kapangyarihan sa iyong sarili. Huwag pabayaang maging kopya ka ng iba. Huwag payagang maglaho sa mundong ito na kasamang malilibing ang iyong musika. Tumindig at harapin ang katotohanan! Ito ang magpapalaya sa iyo upang magkaroon ng pananalig at pagtitiwala sa sarili.
    Huwag sumilong sa nakaraan, huwang pangarapin ang hinaharap, ang pagtuunan ng isipan ay ang kasalukuyang sandali nang magampanang maayos ang katotohanan. Nasa sarili nating isipan, hindi sa kaaway o kalaban, ang humahalina sa isipan sa masamang pag-uugali.
   Sisirin ang kaibuturan, narito ang lahat ng iyong kaganapan. AKO ay talagang ako. AKO ito, tunay at wala ng iba pa. 

Saan ba Tayo Pupunta?


Lahat ng mayroon tayo ay resulta ng kung ano ang ating naisip. Ang mga bagay na ating pinaniwalaan ang siyang nagdadala sa atin kung saan natin nais pumunta. At kung ito ay hindi nasa matuwid, pawang mga baluktot, kalituhan at mga bagabag ang ating masusumpungan. Wala tayong mapagpilian kundi ang sumunod na lamang sa agos, magpatangay, at kung saan sumabit o masadsad, doon na lamang tayo magpapakalunod.
   Kung ang tao ay mangungusap o kikilos nang may masamang kaisipan, ang kapighatian ay susunod sa kanya. Sapagkat kung ano ang laman ng iyong isipan, ito ang iyong mga ikikilos at tatahaking landas. Kung ang tao ay mangungusap o kikilos nang may dalisay na kaisipan, ang kaligayahan ay susunod sa kanya, katulad ng isang anino na kailanma'y hindi siya iiwanan. Bilang katibayan; kung mag-iisip din lamang luminya na tayo doon sa makakabuti at makapagpapaunlad sa ating mga kapakanan. At magawang pakaiwasan ang mga bagay na nagpapasama at nagpapalala ng mga kahirapan, alitan at mga paglalaban.
   Tatlo lamang ang mga landas na tatahakin, at isa lamang ang pipiliin; Kaliwa, Gitna, at Kanan. Alinman dito ay makakarating ka sa iyong patutunguhan. Nasa iyo at ikaw lamang ang tanging nakakaalam kung ano ang tunay na pakay mo. Kaligayahan o Kapighatian, Katotohanan o Kasinungalingan, Kaunlaran o Kahirapan, Pagkabuhay o Pagkamatay. Kung anuman ang piliin mo sa magkakasalungat na landasing ito ay tama ka!  ... At walang nararapat na purihin o sisihin man, ... kundi IKAW.

   Ano pa  ang hinihintay mo? Magsimula nang lakbayin ang iyong piniling landas. Ngayon na!