Friday, August 02, 2013

Mapaminsala ang Hidwaan




Sa paninirahan, mamuhay nang nakatindig sa lupa. Sa pag-iisip, gawin itong simpleng bagay lamang. Sa hidwaan, maging pantay at mapagbigay. Sa pamamahala, iwasan ang pag-kontrol. Sa trabaho, gawin kung saan ka masaya. Sa buhay pamilya, laging naroroon ka. 

Sino sa atin ang walang kagalit?
 
Abnormal at namumuhay lamang na mag-isa sa bundok ang walang kagalit. Hangga’t kabilang ka sa lipunan ng mga tao, hindi mo maiiwasang may makagalit. Kahit na ano ang gawin mo, magaan man o mabigat ito, may natulungan o hindi natulungan, nakabuti o nakapinsala man, mayroon pa ring sasabihin, pupurihin, pupunahin at pipintasin. May matutuwa, may maiinis, at may magagalit. Wala kang itulak at kabigin. Lahat ay may kanya-kanyang opinyon. Ang mahalaga sa lahat, ay ang panatilihin mong kumikilos ka at sinusunod ang sarili mong opinyon.
   Hindi maiiwasan ang hidwaan sa ating buhay. Laging may tunggalian, kumpetensiya, labanan, at lamangan. Hangga’t may paligsahan, may nananalo at may natatalo. Bahagi na rin nito ang balatkayo, pagsasamantala, at pandaraya. Kung tulog ka, malilinlang ka nang gising at harapang madudukutan nang walang nalalaman.
   Marami ang naniniwala na mayroon lamang na dalawang opsiyon na mapagpipilian sakalimang ang hidwaan ay mangyari. Kailangan lamang na umatungal na tulad ng lion at ilapat ang ating paninindigan. O, ang tumahimik na tulad ng maamong tupa at pagbigyan ang katunggali. Bawa’t kapasiyahang ito ay may kaukulang kasagutan at kakahinatnan.
   Ang paggalang na maasahan mo mula sa kagalit ay batay lamang sa ipinapakita mo; ang maging lion o maging tupa. Nasa ating kakayahan kung palaban o paatras, pasulong o paurong, pa-kaibigan o pa-kaaway, pagkakagalit o pagkakasundo. Alinman dito, ang iyong budhi ang tahasang masusunod; kapayapaan o karahasan, kaligayahan o kapighatian. Tanging sa iyo lamang ang kapasiyahan, at responsibilidad mo ang magiging resulta nito.
   Ang hidwaan ay mistulang anghang at palabok. Tulad sa pagkain, para lalo itong maging malasa, nilalagyan ng paanghang o palabok na nagpapa-linamnam. Sa buhay, ang hidwaan ang nagpapatalino, nagpapalakas, at nagpapatapang sa iyo na makibaka sa mga pagsubok na dumarating. Ang paglalaban ay isang pagpili. Ang iyong kapasiyahan ang magtatakda kung magiging maligaya ka o mapighati sa kapalarang ninanais mo.
   Palaban ka ba o palasuko?


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Magpatawad




Ang mata sa mata ay nagagawang mabulag ang buong mundo. At ang ngipin sa ngipin naman 
ay ang maging mga bungal ang magkalaban.

Kung nais mong lumipad, alisin mo ang mga bagahe na nagpapabigat sa iyo. Hindi ka makakakilos nang magaan kung puno sa galit ang iyong puso.Ang matagal nang kinukuyom na galit o sama ng loob ay mahalaga sa karamihan natin. Pilit nilang inaalagaan ang matandang alitan at madalas na inuusal ito sa mga nakakausap para sariwain at ipaalaala na sila’y hindi nakakalimot. Bahagi na ng kanilang gawain sa maghapon ang aliwin ang mga sarili sa panggigipuspos at pagkainis. Bukambibig nila ang mga reklamo, mga hinaing, at mga paninisi. Laging naghahanap ng mga kauri nila para ibahagi ang bigat na kanilang dinadala sa buhay. (Misery loves company). Kapansin-pansin din na ang mga usisero, usisera, at mga mahiligin sa tsismis ay kauri ng mga ito.
   Marami ang hindi nakakabatid na ang patuloy na pagtatanim ng galit ay sanhi ng maraming karamdaman. Ang istres o pagka-ligalig ay nagreresulta sa depresyon. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang kabutihan ng sarili at mga mahal sa buhay, inililihis nito ang atensiyon para sa matiwasay, maunlad, at maligayang pamumuhay. Hangga’t pinapasan natin ang bigat ng mga bagabag, mga pagdaramdam, at mga alitan, mistula itong mga tanikalang may pabigat at inilulubog tayo sa kumunoy ng kapahamakan.
   Kung pag-aaralan lamang, higit na makakabuti na alpasan at alisin na sa ating isipan ang mapaminsalang galit, pagkasuklam, at mga pagdaramdam. Sa dahilang ikaw ang higit sa lahat ang nasasaktan. Mistula itong kamandag na unti-unting lumalason sa iyong kalusugan at kapanatagan ng pag-iisip. Gayong ang iyong katunggali o kaalitan ay nagsasaya at nakalimutan na ito. Isang kahibangan na ipagpatuloy pa na aliwin at panatilihin ang pagkagalit kaninuman. Ikaw mismo ang nagpapahirap at gumaganti sa iyong sarili. Napinsala ka na, bakit hinahayaan mo pang patuloy kang masugatan at panatilihing sariwa ang iyong kapighatian sa tuwina?
Ang mabisang paraan para maging matiwasay at umunlad ang iyong sarili ay pawalan na ang anumang alitan. Pakawalan ang kamandag at magpatawad.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Matabil na Dila


Natutuhan ko na ang mga tao ay malilimutan kung ano ang sinabi mo, malilimutan din nila ang iyong nagawa, subalit hindi nila malilimutan magpakailanman kapag nasaktan mo ang kanilang damdamin.
Walang patutunguhan ang pagiging matabil ang dila. Marami itong kamag-anak; makating dila, madaldal, tsismoso/tsismosa, usisero/usisera, sanga-sangang dila, atbp.
   Lagi kong naririnig sa matatanda na pakaingatan ang iyong mga salita. Lalong higit kapag ito’y nakakasakit ng damdamin. Magagawa mong saktan ang buong katawan ng isang tao at makakalimutan niya ito sa pagdaan ng panahon, subalit ang saktan ang kanyang damdamin ay habang buhay niyang daramdamin.
  Ang katabilan ng dila o pagiging madaldal nang walang saysay ay isang kapahamakan. Mistula nitong ipinaparada o isinasambulat ang uri ng iyong pagkatao. Ang isda ay nahuhuli sa sariling bibig. Hangga’t matabil ay walang pakundangan ang iyong mga salita, ipinagkakanulo nito ang iyong sarili. At sa bandang huli, siyang maglalagay sa iyong kapahamakan.
  Pakaingatan na hayagang ipaalam ang mga higit na mahahalagang bagay tungkol sa iyo sa mga taong hindi naman mahalaga sa iyo. Nawawalan ng katuturan at naglalaho ang kariktan ng iyong pribadong buhay. Ang sigla at intensiyon na kalakip nito ay humihina at tumitigil. Mapanganib ito lalo na kung hindi pa nasisimulan at nasa pundasyon pa lamang ang iyong mga lunggati. Katulad ng pinapakuluang tubig, hangga’t patuloy mong binubuksan ang takip at pinasisingaw ito, hindi mapapabilis ang pagkulo nito. Gayundin sa mga balakin, hangga’t ipinapahayag mo ito, napaparalisa ang mga pagkilos. Nagagawa pa ng mga maagap na unahan ka at gawin ang iyong mga binabalak.
   May mga tao din na nagdiriwang na tulad ng mga buwitre mula sa ating mga ideya o balakin. Sinasamantala nila ito na kilatisin, punahin, husgahan, at baligtarin kung ano ang mahalaga para sa iyo. Ito ang magpapahina at magpapatigil upang masimulan ang anumang nais mong matupad. Makakabuting sarilinin muna ang anumang binabalak, pag-aralang mabuti, alamin ang magiging resulta bago iparada ang mga ito sa mga negatibo, usisero, miserable at palapintasing mga tao.
   Marami sa atin ay nalalaman lamang kung papaano pipintasan at papatayin ang isang ideya kaysa pahalagahan ang kapakinabangan nito sa nakakarami. Doon sa mga makikitid ang isipan, higit na mahalaga para sa kanila na huwag kang magtagumpay at tuluyang mabigo ka, kaysa ang umunlad ka at madaig mo sila.

Magsanay na maging malihim at tahimik upang ang iyong kasiglahan at pagpupunyagi ay magpatuloy na makamit ang minimithi mong tagumpay.


 Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Sunday, July 28, 2013

Dalisay na Kaisipan


Upang patuloy sa pagyabong ang iyong ispirito, kailangang iwaglit ang mga istoriya ng iyong nakaraan para ang sansinukob ay makasulat ng panibago at makakatulong na istoriya.

Katulad ng puno na sa lamang tapayan o banga, para ito masidlan ng bago at dalisay na tubig, kailangan alisin ang naimbak at naglatak ng tubig sa matagal na panahon. Hindi malalagyan ng bago ang anumang bagay na puno na, dahil tatapon lamang ito. Kahalintulad ng mga maling paniniwala, kung ito ay wala na sa panahon, hindi na nakakatulong, at sadyang mali, kailangan nang alisin at mapalitan ng bago, tama, at naaayon sa makabagong panahon.
   Kung nag-iisip tayo o nais magsalita ng negatibo at nakakasakit ng damdamin, kahit naniniwala tayong hindi natin ito sinasadya, ang aksiyong ito ay nagdadala ng enerhiya na lumilikha ng mga kaganapan sa ating kapaligiran. Bawa't bagay na ating iniisip ay isang sanhi (cause) na lumilikha ng epekto o kaganapan (effect). Kung patama-tama at walang direksiyon ang ating kaisipan, madali itong mahalina ng mga bagay na walang katuturan at hindi nakakatulong sa ating pagkatao. Ito rin ang dahilan kung bakit mailap ang tagumpay at hindi natin makamit.

Tatlong kategorya ang nakapaloob ditto: (1) negatibong pagkilatis sa sarili, (2) pagkagalit o pagkainis sa sarili, (3) at hindi mapatawad na mga kasalanan sa sarili.

   Walang kumpiyansa sa sarili, mahiyain, may mababang pananaw, matinding kahihiyan, at kawalan ng pag-asa ay mga negatibo na pinayagang umiral sa sarili at nakaugalian na. Hindi ito mga totoo. Hangga't may hininga may pag-asa. Hangga't may panalangin may pagpapala at biyaya. Habang nagtitiyaga may nilaga. Lahat ng mga bagay na sinasabi mo sa iyong sarili ay siyang makapangyayari at magtatakda ng iyong kapalaran. Maging mabuti o masama man ito, habang patuloy mong inuusal ay siyang magaganap. Kung mag-iisip din lamang tayo, yaon lamang mga bagay na makakatulong at makapagpapaunlad sa ating kapakanan at maging sa mga mahal natin sa buhay.
   Anumang bagay na lagi mong pinagtutuunan ng pansin o atensiyon ay lumalaki. Magigising ka na lamang isang umaga, na ikaw na pala ang lagi mong iniisip. Maging gising tayo sa tuwina at pakapiliin ang mga bagay na ipinapasok sa ating isipan. Sapagkat anumang inilalagay mo sa iyong utak, ito rin ang siya mong ilalabas. Mula sa isipan, ito ay magiging salita, at susundan ng mga pagkilos, at siyang magtatakda ng iyong kapalaran. Kung nais mong mabago ang iyong kapalaran, baguhin mo ang iyong mga iniisip. Baguhin mo ang iyong mga kataga at mababago ang iyong buhay.

Ito ay nakasulat at nakatakdang maganap.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Paumanhin

Humihingi ako ng paumanhin sa pagkakabalam sa pagpaskel ng mga mensahe at artikulong sinusubaybayan ninyo. Bagama't hindi inaasahan, ang nakatakda ay sadyang magaganap. Isa sa aming mahal sa buhay ay yumao na, at naatasan akong mag-ayos ng mahahalagang bagay na naiwanan. Gayunman, hindi nawawaglit sa aking isipan ang aking tungkulin sa pagpapatuloy ng blog na ito.

Isang Pagbati:
Sa aking mga taga-subaybay sa blog na ito, nagpapasalamat ako sa patuloy na pagtangkilik ninyo sa mga pahinang narito. Pinalalakas nito at pinatatatag ang mga adhikaing itinataguyod natin tungo sa pagbabago sa ating lipunang Pilipino. Mula sa pagpansin sa ating mga sarili, kaugalian, at mga pinaniniwalaan. Nagsisilbing inspirasyon tayong lahat na magkaisa tungo sa malaya, maunlad, at mapayapang pagbabago. Ang kalaliman ng inyong paghahanap, at katapatan na inyong ipinapakita ay mga inspirasyon sa likod ng blog na ito.
   May mga naiiba at matamang nakasubaybay na nagdudulot sa aking ng ibayong liwanag sa aking buhay, at nababatid ninyo kung sino kayo.

   Ang aking pagtataguyod at mataos na pasasalamat para sa lahat.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Tuesday, June 04, 2013

Maligayang Bati!



Gumigising ako tuwing umaga na may matayog na hangaring lumigaya. Ito at wala ng iba pa ang puspusan kong ninanasa sa tuwina.

Kaligayahan Nasaan Ka?


Ang kaligayahan ay kahulugan at lunggati ng buhay, ito ang buong hangarin at kaganapan ng ating pagkakalitaw sa mundo.


Masaya Ka Ba?


Ang kasiyahan ay hindi ang kawalan ng mga bagabag o mga problema, kundi ang kakayahang harapin at lutasin ang mga ito.