Sunday, May 06, 2012

Palitan ang Iyong Iniisip



Ang patuloy na ugali at hindi nag-iisip kung mali ang isang bagay,
ay nakapagbibigay dito ng paimbabaw na anyo,
na ito ay sadyang tama.

Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                            Baitang 5 
   May Sentido Komon at Praktikal

   Dalawang bangka ang naghihintay at masasakyan; ang sentido komon na katwiran at praktikal na kapasiyahan. Ang iyong sentido ay mistulang librarya ng mga nakagisnan, natutuhan, at naranasan; gamitin lamang ang mga ito sa makabuluhan at makakabuti. At sa pakikibaka; huwag gawin na laging nakapinid ang sentidong ito, pag-aralan ang lahat nang umaayon at lapat sa pangyayari na praktikal ang kalalabasan. Hindi lahat ng kautusan ay tama at kailangang sundin, kung nakakapuwing na at kapahamakan ang tinutungo, kailangang labagin at durugin na ito. Kung makaluma at wala na sa panahon, ay praktikal na iwaglit ito at magbago.

   Ano ang kahulugan ng Sentido Komon?
   Sa aking talahuluganan; n common sense : karaniwang paggamit na tanggap at aprubadong pananaw sa mga bagay, pangyayari, at kapasiyahan na naiintindihan ng maraming tao : mabisa at nakasanayan nang paghatol o mga kapasiyahan na maganda ang kinalalabasan : batay sa mga naging pag-aaral, natutuhan, at karanasan
Ano ang kahulugan ng Praktikal?
   adj practical : Ang kapasidad na paggamit ng sentido komon na aplikabol sa mga pagkilos na tinatapos at matagumpay : sinasang-ayunan ng karamihan : nakakatiyak at posibleng mangyari : kagamit-gamit at palaging inilalapat sa pagpapasiya

   Magdesisyon na higit na mahalaga para sa iyo ang maging mabuti, magiliw na magmahal, at matapat sa paglilingkod; kaysa ipagpilitan na laging kang tama at nakakagalit ng karamihan. Mabubugbog mo ang isang tao at makakalimutan niya ito, subalit ang salingin ang kanyang damdamin, hindi ito malilimutan at dadalhin pa niya hanggang sa libingan. Higit na mainam ang magmahal kaysa maging tama sa lahat ng oras. Nasa uri lamang ng ating mga pinipiling mga kapasiyahan naipapakita kung gaano tayo kagaling kaysa mula sa mga abilidad natin.
   Habang patuloy na ginagawa ang patuloy na nagawa, ay patuloy pa ring makukuha ang patuloy nitong mga resulta. Mainam ito, kung sa ikakabuti ang patutunguhan. Papaano kung kapighatian ang kinalalabasan nito? Hindi lamang ang isang tao ay tanga, bagkus baliw ng talaga. Dahil ang isang pagkakamali, kapag inulit niya ito, hindi na ito isang pagkakamali, ito ay katangahan na. At kung sa pangatlong pagkakataon ay ginawa pa niyang muli, ito ay pag-uugali na, kinagiliwan na, at tuwirang nagpapasaya na, kaya patuloy niyang ginagawa. Dahil kung wala siyang napapala mula dito, bakit patuloy niyang ginagawa?
   Ang ating utak ay mistulang ispongha na sumisipsip ng anumang madikit dito. Tulad ng uwak na pinupulot lahat ng makitang kumikinang, kahit na sobrang masikip at nakakasuya na sa kanyang pugad, patuloy pa rin ang pagpuno nito. Ganito rin ang ating utak, kung napuno na ay hindi na gumagana ang sentido komon at praktikal na magpasiya.

Ang kaisipan ng kakapusan, ay ang pakiramdam na laging kinakapos. Bawa’t makita ay nais na mapasakanya. Ang mga suwapang ay walang kagutuman. Ang dulot ng kasakiman ay panandaliang kasiyahan at habang buhay na kapighatian lamang. Makitid ang isipan at hindi praktikal sa mga kaganapan.
   Sentido komon at praktikal na pagharap sa buhay ang kailangan. Wala pa akong tao na nakitang may hawak na bato at ipinupukpok ito sa kanyang ulo. Yaon lamang na paulit-ulit sa paggawa ng paulit-ulit na kamalian at paulit-ulit na natatanggap ang paulit-ulit na resulta.
    Ang masa ng mga tao ay ipinamumuhay ang tahimik na desperasyong buhay. Masalimoot at lubhang kabagot-bagot, nauubos ang panahon sa mga detalye at paulit-ulit na pag-uusap, kaysa pagtuunan ang mga simpleng bagay, simpleng pamumuhay, at simpleng mga pagkilos. Ang panahong nawala ay mga sandaling hindi tayo nakapamuhay ng buong laya at maligaya, panahong hindi napagyaman ng karanasan, ng makasining na paglikha, masayang pagdiriwang, bagkus mga himutok at kasakitan.
   Laging abala at hindi na makausap. Nalito na at tinanggap; na ang tagumpay ay para lamang sa mga nagmamadali: para sa promosyon, para matapos ang proyekto, yumamang bigla, mabilis na mga kapasiyahan na kadalasa’y nauuwi sa hungkag na tagumpay. Nakakalimutan na magtanong; kung saan nararapat na pumunta. At kung makarating man sa pinagkaabalahan ay hindi maligaya.
   Simpleng tanong lamang ang kailangan: “Papaano mo mapapanatili ang katinuan ng iyong pag-iisip sa kabila ng maraming kaabalahan na namamayani sa modernong buhay? “ Simpleng sagot din ang kailangan: Sentido komon ang ipinaiiral at pamumuhay na praktikal.
   Marami ang naliligaw kung anong matuwid na daan ang tatahakin. Ang mga sintomas ng mga bagabag ay hindi pagkakasundo sa tahanan, ang pagtakas mula dito at pagsasarili na emosiyonal, depresyon, pisikal na mga pasakit, paglalasing, pagkabagot sa trabaho, sobrang kain at pagtaba, paggamit ng droga, pagkahumaling sa huweteng at lotto, hindi makatulog sa labis na katutulog, mainisin at kawalan ng pag-asa. Ang ganitong uri ng pamumuhay ay walang kalayaan at tigib ng pagdurusa. Mistula itong:

Mga Bilangguang Walang Rehas
·         Mareklamo at negatibo sa lahat ng bagay
·         Pawang mga personal na kadahilanan at paninisi
·         Mga kabiguan at pagsikil ng emosyon na tigib ng kasiphayuan
·         Laging nag-aalalaala, mapaghinala at walang katiyakan
·         Mahilig sa kumpetisyon at sobrang pamumulitika
·         Balisa at maaklaw sa pabago-bagong pangangarap
·         Makasarili, walang pakiramdam at pakialam
·         Pagtakas sa katotohanan at palaging nakakumpormiso
·         Laging nagmamadali at abala sa sariling daigdig ng mga pantasya
·         Kawalan ng kakayahan at mga pag-aalinlangan sa mga katangian
·         Tunggalian at hindi pagkakasundo sa pamilya at mga relasyon sa iba
·         Mentalidad ng kakapusan at kasalatan sa pananalapi
·         Masalimoot na pagtunghay sa dangal at integridad
·         Pakialamero at mapaghanap ng kamalian sa iba
 
   Kaya lamang ito nagaganap ay wala silang batayan o pamantayan, istruktura o sistema man lamang. Wala silang sinusunod na mga plano, kautusan o alintuntunin na makapagpapa-liwanag ng kanilang kaisipan. Laging makasarili, palalo, at nagdudunong-dunongan na lahat ay nalalaman. Gayong nasa paggawa lamang ng kabutihan at pagiging uliran, kung nais na may matuwid na daan.

Kung ang sentido komon ay nananaig sa katwiran; sa mga pandidikta at pang-aalipin, ay napapailalim naman ang kamangmangan.

Praktikal ang Positibong Saloobin
Anuman ang iyong ginawa, ginagawa, o gagawin, mayroong mag-uusisa, pupuna at mamimintas. Trabaho ito ng mga kritiko, yaong mga walang magawa, palaasa at mainggitin. Tulad ng talangka, ugali na nila ang manghatak pababa upang hindi ka makaahon at mabago ang iyong buhay. Huwag kang mabahala, wala pang naitayo na mga rebulto ang mga kritiko. Hindi ikaw ang nakasalang dito, sila lamang, at huwag mong personalin. Hangga’t tama at makatwiran ang iyong ginagawa, ang lahat ay madali na lamang.
   Hangga’t nabubuhay ka, mapapatunayan mo ang pinsala ng mga maling saloobin. Ito ang pinakamahalagang nangyayari kapag ang kamalayan mo ay walang kabatiran. Hindi mo kailanman maibabalik ang nakaraan, naglaho na ito . . . hindi mo mababago ang katotohanang may mga taong kumikilos nang wala sa lugar, madaling pumuna at manisi, makapanakit ng damdamin, at kung minsa’y nakakasugat pa. Hindi natin maiiwasan ang mga sitwasyong wala tayong kinalaman; ngunit nangyayari sa atin naisin man o ayaw natin, dahil ito ay kagagawan ng iba. Sa bawa’t aksiyon ay may reaksiyon;  10 porsiyento ang nangyayari sa iyo at 90 porsiyento naman ang reaksiyon mo dito. Sa pagitan ng aksiyon at reaksiyon ay may espasyo, ito ang pinakamahalagang pagkakataon mo na ilapat kung makakatulong o makakasama ang gagamitin mong saloobin. Anumang nasa kalooban mo ay ito ang iyong bibigkasin at masusunod sa iyong mga pagkilos.
   Hangga’t hindi ka sigurado sa iyong pangmalas at pang-unawa, makakabuti na pag-aralan mo muna ito. Sapagkat kung wala kang naiintindihan anuman sa iyong gagawin, lahat ng bagay tungkol dito ay magiging napakahirap, maproblema, at nakakalito para sa iyo. Hindi praktikal na ipagpatuloy ang isang bagay na walang katiyakan, at nakakapaminsala sa iyong sarili at maging sa iba.
   Anumang gawin mo laging nakasalang ang iyong pagkatao. Kaya, ibayong pag-aralan ang iyong mga dangal (values) na nagpapakilala ng kahusayan at kabutihan sa iyo, at ulirang ipamuhay ang mga ito.


Papaano pinaiiral ang sentido komon at makakagawa ng mahusay at praktikal na mga pagkilos?
Ang kasagutan ay nakapaloob lamang sa pitong simpleng mga prinsipyo:

1-Huwag manakit
2-Gumawa ng mabuti
3-Igalang ang iba
4-Maging pantay
5-Laging magmahal
6-Paglingkuran ang iba
7-Magpuri sa Dakilang Maykapal

Magtanong sapagkat kailangan, nang ang mga pagkakamali ay maiwasan.

At manguna sa amin hindi matukso, kundi dalhin kami mula sa kasamaan: Dahil ako ay ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang luwalhati, magpakailanman, Amen.       Mateo 6:13 KJV

Makakalaya ka sa bilangguang walang rehas at magiging balanse ang iyong buhay – sa tamang paggamit ng sentido komon at mga pagkilos na praktikal. Dahil kung hindi ito magagawa, ay magtatagumpay ka din – na mawala ang lahat ng mahahalaga sa iyong buhay at makarating sa direksiyong umabala sa iyo na “walang kalayaan” at may habang buhay na sentensiya ng kapighatian 
 . . . ang laging kaulayaw.

Nais mo bang mangyari ito sa iyo?

Ang mabisang katanungan sa buhay ay hindi kung “Gaano pang panahon ang nalalabi sa ating buhay?” Ang mahalagang tanong ay, “May sentido komon ba tayo at praktikal na pagkilos para magawa ito?”


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang mga mahalagang paksa:
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                                                  Baitang  6: Hinaharap ang mga Paghamon
                                           Baitang  7: May Makabuluhang Pangkat
                                   Baitang  8: May Disiplina sa Lahat ng mga Bagay
                          Baitang  9: Tinutupad ang mga Pangarap
                 Baitang 10: Mapaglingkod sa Kapwa
       Baitang 11: May Patnubay ng Dakilang Ispirito
Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN


Saturday, May 05, 2012

Makibaka Huwag Matakot



Kailangan tignan natin ang oportunidad sa bawa’t paghihirap, kaysa maparalisado na iniisip ang paghihirap sa bawa’t oportunidad.

Mga Mabisang Baitang sa Tagumpay

                      Baitang 6 
 Hinaharap ang mga Paghamon

    Alam ko at nakakatiyak ako na sa likod ng bawa’t daluyong, mga paghihirap, at mga pasakit, ay mayroon mabisang mga leksiyon na matututuhan. Hindi ako makakagawa ng mahusay na pagpili, hangga’t hindi ko napagyayaman ang aking sarili at may marangal akong konsensiya, na nagbibigay sa akin ng tiyak at tamang kabatiran, sa aking mga motibo, mga intensiyon, at may moral na mga pagkilos. Hindi ko rin makakayang harapin ang anumang paghamon kung wala akong kabatiran tungkol dito. Kailangan may sapat akong kakayahan at nakahanda sa anumang magaganap.

 Ano ang kahulugan ng Paghamon?
   Sa aking talahuluganan; n challenge : isang pagtawag na may babala kung may kakayahang harapin ang anumang problema, pangyayari, o paligsahan at magwagi para dito : isang pagsubok na nagpapasilakbo ng damdamin; nagbubuyo o humihimok na maipakita ang katatagan ng sarili : isang batayan na kumikilatis kung hanggang saan ang iyong determinasyon na malalagpasan ang balakid o anumang problema.

   Marami ang mga pagsubok na sasalungahin sa buhay, at kailangan na magiting itong harapin upang patuloy na sumulong at makamtan ang tagumpay. Mga pagsusulit ito para tayo ay maging malakas, may determinasyon at matatag sa pakikibaka sa buhay. Ang matutuhan ang ating buhay na walang gaanong panghihinayang na kadalasa’y dulot ng masaklap na karanasan na hindi na muling maibabalik. At magagawa lamang ito, kung positibong hinaharap ang mga paghamon bilang mga tuntungang bato para makatawid sa kabilang pampang.

Itinatama ang mga Mali
Ang pinakamalaking pagkakamali na magagawa mo sa iyong buhay ay ang magpatuloy kang natatakot na makagawa ng kamalian. Kailangan ang pagtitiwala at pananalig sa anumang bagay tungkol sa iyo – sa iyong kagitingan, tadhana, kapalaran, kamalasan, kabiguan. Lahat ng mga ito ay may ipinapahiwatig, at mayroong patutunguhan. Anumang bagay na humarang sa iyong daraanan, gaano man ito kaliit o kalaki ay may kakahinatnan, marunong ka lamang kumilatis at dumiskarte tungkol dito, ay makakatulong ito sa iyo. Huwag matakot, ito’y isang pagsubok lamang sa iyo kung gaano ang iyong makakaya. Hinahamon nito na ilabas ang iyong katangian at kakayahang malagpasan ang anumang problema.  Huwag pakinggan ang opinyon ng iba na lunurin ang iyong munting tinig, na nagsasabi sa iyo na kaya mo . . . kaya mo. Maging matapang na sundin ang itinitibok ng iyong puso at intuwisyon.  (Pakibasa lamang ang Nasa Tamang Pagkilos Lamang, 01 Disyembre/11)

   Sa pagharap sa mga paghamon ay may tatlong uri ang ating pagkatao: 1) mga kakayahan na ipinapakilala natin kung sino tayo; 2) mga katangian na katunayang mayroon tayo; at 3) mga kahusayan na iniisip nating may kakayahan tayo. Ang mga ito ang nagbabadya kung papaano at gaano ang ating gagawin. At marami ang nabibigo dito, kung idinadaan sa padaskol na mga kaparaanan, napipilitan, at nagyayabang. Madali ang magsimula ng anumang gawain, ang mahirap ay magawa itong tapusin. Kung maghihintay naman ng tamang panahon o perpektong kundisyon, nawawala ang bisa ng pagkakataon. Kailangan ang madaliang pagsagot na hinihingi ng mga pangyayari, at kung hindi maagap, harapin man ang balakid ay malubha na ito at higit na mahirap kaysa noong sa simula pa.

May isang maramihang pagsasaliksik ang isinagawa sa 4,000 na mga retiradong ehekutibo ni Dr. Gerard Bell, isang propesor (University of North Carolina), nang tanungin niya ang mga ito kung anong kaibahan ang kanilang mga gagawin sakalimang uliting muli ang kanilang mga buhay.
   Ang nangunguna sa kanilang mga pahayag , ay isang kasagutan na malinaw at ang pinakamahalaga sa lahat ay ito: (1)Sana, ay nagawa kong ako ang nakapangyari sa aking buhay; at maaga kong ginawa ang aking mga lunggati. Ang buhay ay hindi isang pagsasanay, ito ang reyalidad.”
   At kasunod nito ay ang mga panghihinayang na  . . . Sana : (2) Sana, pinangalagaan kong mabuti ang aking kalusugan. (3) Sana, mahusay kong napangasiwaan ang aking pananalapi. (3) Sana,  ay naglaan ako ng maraming panahon sa aking pamilya. (4) Sana, nagsikhay pa ako na mapabuti ang aking personal na mga kakayahan. (6) Sana, ay nagkaroon ako ng maraming kasayahan.  (7) Sana, ay nagplano ako at masidhing pinaghusay  ang aking propesyon. (8) Sana, ay nagawa kong makapagbigay pa ng marami tulong sa iba.
    . . .Sana, kung ako’y pagkakalooban muli ng panibagong buhay. Sana, kung sana man lamang . . .
Isang babala ito para sa atin; na anumang mangyari, Makibaka at huwag matakot. Sapagkat narito ang tunay na pagkakakilanlan sa ating pagkatao at lumilikha ng ating magandang kapalaran.
   Ang buhay ay may mga alalahanin, at may kaakibat na mga panghihinayang. Subalit kung papaano ang mga problemang ito ay ating hinaharap kaysa iniiwasan ang kadalasang determinasyon kung tayo ay masaya o mapighati. Ang mga problema ay “nakabalatkayong  mga pagkakataon” na kailangan nating harapin, labanan, matutuhan, at lagpasan, nang ganap na makilala natin ang ating mga sarili. Narito ang mga kaparaanan ng makapamuhay tayo ng maligaya at magampanang mabuti ang ating mga tungkulin.
   Sa araw-araw, lagi tayong hinahamon na gumawa ng maraming mga kapasiyahan. Hindi para tayo ay paralisahin, bagkus ang tulungan tayo na matuklasan ang ating mga nakatagong kalakasan at mga kakayahan. Tulad ng ating mga masel sa katawan, kailangan nito ang mga oposisyon, mga pagbatak, pagpapahirap, para lumusog ang pisikal nitong kalakasan.

Ang kagitingan ay hindi ang kawalan ng pagkatakot, bagkus ang kahatulan na mayroong higit na mahalaga kaysa ang matakot; ang tanggapin ang mga paghamon at makilala nating wagas ang ating mga sarili.

   Bawa’t kasagutan sa mga paghamon ay katulad ng alimbukay ng ipu-ipo na may epekto sa ating mga buhay. Anumang pagsubok na nangyayari sa atin, ang pinili nating mga reaksiyon sa mga ito ang lumilikha ng malaking kaibahan sa pagitan ng mga kapighatian ng ating nakaraan at ng kaligayahan sa ating hinaharap. Sumusuong tayo sa mga panganib, mga pakikipagsapalaran, at mga paghamon, hindi dahil sa madali nating itong malagpasan, o hindi dahil sa ito’y sadyang mahirap magawa, bagkus ang makamtan ang tagumpay. Sapagkat ito ang nagpapakilala kung anong pagkatao at angking kakayahan ang nasa atin at kung bakit ginagawa natin ang mga ito. Tulad ng diyamante, lumilitaw lamang ang angking kagandahan at ningning nito mula sa napakaraming pagkiskis na pinagdaanan nito. Kung walang mga bagyo, daluyong at mga hagupit ng hangin, hindi magiging matibay at matatag ang isang malaking punongkahoy na tumindig.

Ang kailangan lamang ay magawa mo ang bagay na iniisip mong hindi mo makakaya;  Ang huwag  matakot at umiwas sa mga pakikibaka, kundi ang magiting na harapin ang mga paghamon ng buhay.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang mga mahalagang paksa;
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay
                                          Baitang  7: May Makabuluhang Pangkat
                                   Baitang  8: May Disiplina sa Lahat ng mga Bagay
                          Baitang  9: Tinutupad ang mga Pangarap
                 Baitang 10: Mapaglingkod sa Kapwa
       Baitang 11: May Patnubay ng Dakilang Ispirito
Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN



Friday, May 04, 2012

Pinipili at Kinikilatis ang Samahan



Tungkulin ng Makabuluhang Pangkat ang hatiin at pagtulungan 
ang bawa't gawain, at ang mga tagumpay ay paramihin.

Mga Mabisang Baitang sa Tagumpay

                             Baitang 7
       May Makabuluhang Pangkat

   Kailanman ay hindi mo magagawang mag-isa ang lahat ng trabaho sa isang proyekto. Kailangan mo ng tulong mula sa iba, upang maayos itong magawa at nasa tamang panahon. Ang tagumpay ay produkto ng maramihang paggawa na magkakasama ang maraming tao. Kung nais mong makatiyak ng tagumpay, napakaimportante sa anumang larangan, sa personal, sa mga relasyon, at maging sa pagdadala ng sariling pamilya -  ang isang makabuluhang pangkat na umaalalay sa iyo at laging nasa iyong tabi, sa anumang panahon at mga pangangailangan.
   
Ano ang kahulugan ng Makabuluhang Pangkat?
   Sa aking talahuluganan; n reliable group; support & dependable, isang samahan na kinabibilangan ng iyong sarili at matalik na mga kaibigan : laging nagpupulong para sa kabutihan at kaunlaran ng bawa't isa  ; may matibay na paniniwala na nasa pagkakaisa at pagdadamayan lamang sa bawa't isa ang susi, upang maisaayos at mapabilis ang pagkilos ng bawa't isa para sa tagumpay ng lahat.
Ano ang kahulugan ng kaisang-pangkat?
   - n  team-work, ang sama-samang pagkilos at paggawa na may ispirito at kabatiran na nangingibabaw sa pangkat para magtagumpay : bawa't isa ay ginagawa ang kanyang bahagi na tungkulin subalit ang lahat ay sumusunod sa kagalingan at kahusayan bilang kabubuan ng pangkat : mayroong iisang disiplina, at wastong pag-uugali na sumusunod sa patakaran ng pangkat, maging ito man ay personal o isang organisasyon.

May Mabuti at may Masama
Ang mga taong nakakasama mo ay may dalawang uri: tumutulong na magtagumpay ka, o humahadlang sa iyo na mabigo ka. May positibong isipan at may negatibong isipan. May nagsusulong at may humahatak. May kinagigiliwan at may kinaiinisan. Ang kapasiyahang pumili ay nasa iyong kapangyarihan. At dito nakasalalay, ang iyong Tagumpay at Kabiguan - ang iyong pagkaBuhay at pagkaMatay.
   Makisama ka sa nakakatulong at nagpapaunlad sa iyo. Hindi ang barkadahan, kapisanan ng taltalan, at Double4 Hihi Club (Hihinga-hinga, Hihintay-hintay, Hihingi-hingi, at Hihilata-hilata). Huwag sumapi sa mga samahang ito. Bagkus, ibaling ang iyong atensiyon doon sa mga matatagumpay, dumaramay at nakakatulong. Huwag magsarili na makakaya mo ang lahat. Ang tunay na tagumpay ay magagawa lamang kung may sarili kang pangkat na tumutulong sa iyo.

   Sinuman ay hindi makakagawa nang mag-isa, laging may umaasiste at nagtataguyod upang makarating ka sa iyong patutunguhan. May gurong makapagtuturo sa iyo, may maestrong magsasanay sa iyo, may mga makabuluhang panoorin at mga aklat ng mga dakilang tao na mababasa, may mapagtatanungan ng mga panuntunan at paniniwalang tulad ng sa iyo. May nagsusulat upang malaman at maunawaan mo ito, tulad ng binabasa mo ngayon sa pahinang ito. Sa lahat ng ito, kailangan may grupo kang sarili na may tiwala ka at nagtitiwala din sa iyo. Malaki ang maitutulong nito upang mapabilis ang iyong pag-unlad. Nasa iyong katapatan at matamang pananalig maitatatag ang matibay na pagsasama at suporta ng pangkat na ito.

Mga Kalidad ng Matalik na Kaibigan o Makirot na Kasama: Pagaan o Pabigat
  •  Sila ba ay nakakatulong o nakapagpapabigat?
  • May kusang palo ba sa paggawa kahit na hindi inuutusan at pakiusapan?
  •   Sila ba ay mapagkakatiwalaan? Tinutupad ba nila ang kanilang mga pangako? Sila ba ay may katapatan? Madali bang kausap at bukas ang mga isipan?
  • Madali ba silang humatol, pumuna, at pumintas? Marunong bang makinig, hindi sumasabay sa nagsasalita at naghihintay na maintindihan ang mga detalye bago magpaliwanag?
  • Lagi ba silang nariyan kapag kailangan? Lagi bang pinapakiusapan at sinusuyong madalas?
  • May kakayahan ba at may responsibilidad sa gawain? Nagbabayad ba kung may utang? Marangal ba at may integridad sa kanilang mga pagkatao?
  • Karapatdapat ba sa harap ng mga pamumuna, panghalina, pang-uuto, pagsulsol, at mga paghamon?
  • May kakayahan bang maglihim ng mga sekreto? At ipinagtatanggol ka sa harap ng iba kapag ikaw ay wala sa harapan?
  • Marunong bang tumanggap ng mga pagkatalo, sa kanilang mga kahinaan, ng kanilang mga kamalian?
  • Inuuna ba nila ang kanilang kapakinabangan kaysa iba?Mahilig bang manghingi at kung hindi mo mapagbigyan, ikaw ay makasalanan at walang pakialam?
  • Mapaglingkod at dumaramay ba sa iba sa panahong ng mga kagipitan, nang walang hinihinging mga kabayaran? 
 ... at marami pang iba na tulad ng mga ito. At kung ikaw ay tulog, bulag, at pipi sa mga taong nakapaligid sa iyo, kailanman ay hindi ka makabubuo ng makabuluhang pangkat at may ispirito ng kaisang-pangkat sa tanang buhay mo. Aba'y 95 milyon na ang mga Pilipino, napakarami kang pagpipilian. Huwag ka namang magtiis at tanggapin na lamang ang kasama mo. Simulang maghanap na ng mga taong makakatulong sa iyo, nang ikaw naman ay makatulong din sa iba.

   Ang tunay na pinuno sa anumang pangkat, kapisanan, o organisasyon, ay mayroong pagtitiwala na tumindig na mag-isa, may kagitingan na makagawa ng mabibigat na mga kapasiyahan at may paglingap na makinig at dumamay sa mga pangangailangan ng iba. Kahit na hindi niya hiniling na mamuno, subalit sa kanyang mga pagkilos; ang kalidad at kanyang integridad ay makikita sa kanyang mga intensiyon. Sa huli, ang mga pinuno ay kawangis ng mga agila sa himpapawid . . . nag-iisang lumilipad ng mataas sa langit, nagpapakilala, at magilas; naghahanap ng masisila, kaysa mga manok na nasa ibaba, isang kahig isang tuka, at mga bulati ang inaatupag sa lupa

TOGETHER we stand,
TOGETHER we fall,
TOGETHER we WIN,
and winners take ALL!     -KARLO M. GUEVARA, Klaro, Inc., Dallas, Texas


Narito ang tamang mga kapanalig:
1  May kaibigan ka bang doktor? Ang kalusugan ay kayamanan.
  2  May kaibigan ka bang maestro?  Ang edukasyon ay katalinuhan.
    3  May kaibigan ka bang abogado? Ang katarungan ay katiwasayan.
      4  May kaibigan ka bang karpintero?  Ang pamayanan ay bayanihan.
         May kaibigan ka bang mekaniko? Ang mga pagkilos ay kaunlaran.
           6  May kaibigan ka bang pastor?  Ang pananalig ay kaligayahan.
             7   May kaibigan ka bang tulad mo?  Ikaw ang kaganapan at kaluwalhatian.
 
Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.

1  Doktor: Ang kalusugan ay kayamanan.  
       Sinasagisag ang pag-uukol ng pangangalaga sa katawan at mga bagay na magpapalusog dito. Pangunahing priyoridad sa buhay ang pangalagaan at panatilihin ang kalusugan. Kung may matalik kang kaibigan na doktor sa medisina, malaking porsiyento ng iyong mga pag-aalala sa kalusugan ay nalunasan na. Walang saysay ang lahat; pangarap, trabaho, salapi, pag-aari, kabuhayan, at pamilya. Lahat ito ay isasantabi at ang buong kamalayan mo ay nakatuon lamang sa pagnanasang mabuhay.
2  Maestro: Ang edukasyon ay katalinuhan.
       Sinasagisag ang mga makapagbibigay ng inpormasyon: (mentors, mga guro, mga aklat -wisdom literature, mga makabuluhang talakayan at panoorin). Habang may buhay ay patuloy ang pag-aaral, ang madagdagan ang mga kaalaman upang lalong mapahusay ang mga katangian at mag-ibayo ang kakayahan,
3  Abogado: Ang katarungan ay katiwasayan.
       Sinasagisag ang kapayapaan ng pag-iisip, kung dumarating ang mga hindi inaasahang suliranin sa personal at tungkol sa negosyo. Nakakatiyak na hindi ka ipagbibili sa kabilang kalaban na umaapi sa iyo. Ang hustisya ay mapapasakamay kung mayroon kang kaibigan na nasa likod mo at sinusupurtahan kang makamit ang katarungan. Hindi lamang ikaw ay nakahanda sa hukuman, may tagapaliwanag ka, na maintindihan ang mga batas para sa iyong kapakanan.
4  Karpintero: Ang pamayanan ay bayanihan.
       Sinasagisag nito ang mga pagawain na hindi mo makakaya at pagkakaabalahang gawin pa; paggawa ng plano sa pundasyon, pamimili ng mga materyales, pagsasaayos sa konstruksiyon, at lahat ng mga trabahong nakaukol sa bahay, opisina, at mga pagkumpuni ng mga sira dito. Kasama dito ang pakikiisa sa pamayanan sa panahon ng mga bayanihang pangangailangan.
5  Mekaniko: Ang sasakyan ay kaunlaran.
       Sinasagisag nito ang mga pagawain na kailangan ang eksperto sa kanyang larangan; tulad ng pamimili, pagsasayos, at pagkumpuni ng mga: sasakyan, appliances, computers, cell phones, at personal na mga kagamitan. Kung wala kang naatatakbuhan na makakatulong sa iyo para dito, maraming sandali ang masasayang at gastos na wala sa plano.
6  Pastor: Ang pananalig ay kaligayahan.
        Sinasagisag ito ng mga ispirituwal na tao na makapagpapaliwanag sa iyo ng iyong sariling Ispirito. Hindi yaong mga relihiyoso na ang ipinapaliwanag ay mga doktrina ng kanilang mga sekta at simbahan, na nangangailangan ng walang hintong donasyon. Ang pagpapahayag ng magandang balita ay walang namamagitan na kabayaran bagkus ang paunlarin ang iyong kaisipan at kabuhayan; upang makapaglingkod sa mga nangangailangan. At hindi sa patuloy na pangangailangan ng namamahala ng simbahan.
7 Sarili: Ikaw ang kaganapan at kaluwalhatian.
         Alamin at tuklasin mo ang kaibuturan ng iyong sarili, sapagkat ang Kaharian ng Diyos ay narito, nakatago, at naghihintay na gisingin mo. Pakawalan mo ang iyong sariling Ispirito at sumanib sa Dakilang Ispirito. Malayang pagindapatin ang luwalhati ng Diyos ng Buhay.
 (Pakibasa lamang ang Mga Dakilang Prinsipyo ng Buhay, 07 Disyembre/11)

Coming together is a beginning.
Keeping together is progress.
Working together is success. 

                     -CARINA M. GUEVARA, Education Director, Colin-Newell,  New York, New York

Isaalang-alang: 
   Kung ang isang tao ay hindi nakakatulong, tiyak siya ay nakapag-papabigat. Sa isang organisasyon, kung hindi siya solusyon, alin sa dalawa; hindi siya kailangan o problema siya. Dalahin at palaasa ang may ganitong mga pag-uugali. Hindi ito ang tamang pangkat na kailangan mong samahan. Makakabuti sa iyo na hanapin ang pangkat na may katulad ng iyong pagpapahalaga sa dangal, may paggalang, mapaglingkod, at may pagtulungan sa isa’t-isa. Doon ka makiumpok at makipag-relasyon sa may ispirito ng kaisang-pangkat at ang tagumpay ay lalaging nasa iyo.

Iba na ang may sariling makabuluhang pangkat, marami kang pagkakataon at malaki ang pag-asa mong magtagumpay sa buhay.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang mga mahalagang paksa;
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                                   Baitang  8: May Disiplina sa Lahat ng mga Bagay
                          Baitang  9: Tinutupad ang mga Pangarap
                 Baitang 10: Mapaglingkod sa Kapwa
       Baitang 11: May Patnubay ng Dakilang Ispirito
Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN



Magaling na Panuntunan


 
Ang tulay sa pagitan ng mga lunggati
  at mga tagumpay ay masidhing disiplina.
 
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                        Baitang 8
       May Disiplina sa Lahat 
            ng mga Bagay

    Sinusubukan mo bang mapahusay ang iyong mga ginagawa, ang iyong kakayahan, at maging epektibo sa bawat trabaho? May nararamdaman ka bang may kulang at nawawala na ilang mga detalye, at bumabagal ang mga pagkilos mo? Napansin mo bang pinanghihinaan ka na ng loob? Ang mga dahilang ito ay ang kawalan DISIPLINA. 
   Ano ang kahulugan ng Disiplina?
     Sa aking talahuluganan; n discipline masidhing pagtatama, pag-sasayos ng panuntunan na matatag na susundin, matiyagang pagsasanay, mataman; disiplanado. Pansariling disiplina, ang inaasahang pagtalima at wastong pag-uugali ng pagdadala sa sarili at maging sa kinaanibang organisasyon.

     Disiplanihin mo; Parusahan, turuan, itama, isaayos, isaalang-alang, kontrolin, at supilin.
     Disipulo; Mag-aaral at tagasunod ng disiplina.

 Kung ang hangarin mo ay makatiyak sa Tagumpay, ang Disiplina ang iyong ipamuhay.
Walang importanteng bagay na kailanman ay napagtagumpayan nang walang disiplina. Bawa’t gawain ay nakasalalay dito, at yaon lamang na masisikhay, nagpapakahirap, nagtitiyaga at ipinapailalim ang kanilang mga sarili sa istriktong disiplina, na iwinaksi ang ilang kalayawan at nakakasiyang mga bagay ang nagkakamit ng tagumpay, at ito ang nagpapasaya sa kanila.
    Ang pangunahing tungkulin ng edukasyon ay disiplina kaysa maghasik ng kaalaman. Sapagkat walang saysay ang katalinuhan kung hindi ito ginagamit, at kung gamitin naman, at walang disiplinang sinusunod, ang resulta nito ay pawang mga kabiguan. Ang disiplina ang tulay sa pagitan ng mga lunggati at mga tagumpay.
   Ang henyo ay hindi naniniwala sa suwerte, siya ay nagiging mapalad sa disiplinang pinaiiral niya sa lahat ng gawain, at sa mga pagsasanay na maging eksperto sa bagay na ito. Siya lamang ang nagpapasiya sa kanyang sariling pagtakbo, uri ng karera o takbuhan, at saang karerahan ito gaganapin. May matatag na disiplina at ritwal na sinusunod, batay sa sariling panuntunan at sistema, kaya laging nagtatagumpay.

May isang panahon na bukambibig ang islogan na ito;"Sa ikakaunlad ng bayan, disiplina ang kailangan!"At malaki ang naitulong nito sa mga pag-uugali ng mga tao. Dahil dito, marami ang sumunod sa batas at tinupad ang kanilang mga tungkulin. Bahagi ito ng pansariling disiplina at kalayaan na paunlarin ang iyong sarili sa abot ng makakaya mo. Ang maging malaya mula sa kahirapan at kakapusan, kalayaan mula sa pagiging mahina at mga pagkatakot - pati na ang mga pag-aalinlangan at kawalan ng pag-asa. Kapag may disiplinang nanaig sa bawa't gawain, pinalalakas nito ang pagtitiwala sa sarili, at pinasisigla ang damdamin na makatapos sa gawain.
   Ang disiplina ay pangunahing patakaran  ng mga manlalaro at mga tsampiyon sa paligsahan upang matiyak ang pagwawagi sa palaruan. Batid nila ang kailangang mga disiplina, mga pagsasanay, at kaakibat na ibayong paghihirap para dito. Nakatatak na sa isip, at kusa na ang kanilang mga pagkilos.

  Batayan ng Disiplina
   1. Mayroong plano na sinusunod.
   2. Pinayayabong at maalam sa kanyang sarili.
   3. Maingat na pinipili ang mga aktibidad.
   4. May malinaw na panuntunan sa tamang pag-uugali.
   5. Matapat makisama at marunong sumunod sa mga patakaran.
   6. May responsibilidad at huwaran sa kanyang mga kasamahan.
   7. Nakikiisa sa sama-samang pananaw para pangkalahatang tagumpay.

 Ang kanilang pagkatao ay pinangungunahan ng mga disiplinang ito:
-Walang personalan, trabaho lamang, ang atensiyon ay laging sa positibo, kabutihan, at kaunlaran.
 -Nakakaligtaan nilang kumain, subalit hindi nalilimutan ang magbasa ng mga magpapaunlad sa kanilaa.
 -Organisado ang mga prioridad at nakatakda sa tamang panahon.
 -Laging handa sa mga pangangailangan at masiglang hinaharap ang mga responsibilidad.
-Hindi mapaghinala at mapagpalagay ng mga bagay at mga pangyayari. Ugali na ang tumingin sa ikakabuti kaysa ikakasama. Panig sa katuwiran, hindi sa pagdududahan.
-Magalang at dahan-dahan kung makipagkaibigan, subalit simbilis ng kidlat kung lumisan kapag nakilala’y mapagsamantala.
-Mahinahon, hindi nagugulat, at pabigla-bigla magpasiya. Pinag-aaralan muna bago magsalita at kung magbitaw ng kataga ay yaong nakakagiliw at pumupuri.
-Matapat ang katwiran, walang itinatago; prangka at walang paligoy-ligoy. Sinasabi ng harapan ang sama ng loob at isinusulat ang mga positibong nais bigkasin sa kapwa.
-May isang salita, at pawang katotohanan lamang. Kung may pangako hindi ipinapako. Laging may tamang salita sa tamang mga pangyayari.
-Mahusay sa paggawa at nasa tamang mga hakbang ang mga pagkilos.
 -Maayos at epektibo ang resulta ng mga trabaho.
-Ibinubuhos ang lahat ng makakaya, at huwaran sa lahat upang pamarisan.
-Nasa paglilingkod ang puso. Mapagbigay. Mapagmalasakit. Makabayan … at may pananalig sa Diyos.
. . . Lahat ng mga ito ay hindi magagampanan kung walang DISIPLINA na sinusunod.
                      (Pakibasa lamang ang Ito ang Aking Sinusunod, 26 Nobyembre/11)

Kung bukas ang puso ay mayroong mapaglalagyan, kung ito nama’y nakapinid walang makakapasok. Sa bawa't galaw, ay disiplina ang pinaiiral.

   Sa mga nagnanais na mabago ang kalagayan, pinakamahalaga ang disiplina, ito mismo ang pinakatali na bumibigkis at sumusupil sa lahat ng mga gagawin. Kumakatawan sa layunin upang isulong ang pananaw, pagkakaisa, damayan, pagtitinginan, maabilidad na pagkilos sa pabago-bagong mga kundisyon, na kung saan ay laging sumusubok, may paninindigan at responsibilidad.

Walang kasiglahan, walang motibasyon, walang ambisyon ... kung nawawala ang DISIPLINA sa mga pagkilos. Wala rin ang pag-asa na magtagumpay.

Para sa sariling kaunlaran, DISIPLINA ang kailangan. Upang magtagumpay sa buhay, DISIPLINA ang ipamuhay


Dito nagsisimula ang lahat at siyang patnubay sa tagumpay.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan, ang mga mahalagang paksa;
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                          Baitang  9: Tinutupad ang mga Pangarap
                 Baitang 10: Mapaglingkod sa Kapwa
       Baitang 11: May Patnubay ng Dakilang Ispirito
Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN