Nakaupo siya sa ilalim ng puno ng
mangga, nagninilay sa mga kaganapang mangyayari sa susunod na mga araw.
Kahapon, nakiisa siya sa mga nagtipon sa Pugad Lawin. Malakas ang
kanyang pagsigaw kasabay ng pagpunit ng kanyang sedula. Sagisag ito ng
kanilang paghihimagsik laban sa pamahalaang Kastila. Tanda na kailangang
lumaya ang bansa sa mapanikil na mga dayuhan.
Ngunit ngayon, nanlulumo siya at hindi matanto kung anong tungkulin
ang nararapat niyang balikatin sa katipunan. Hindi siya nakapag-aral at
laking bukid. Subalit kilala at ipinagkakapuri siya sa kanilang nayon sa
kanyang pagiging makatao, matulungin, at likas na katapatan.
Kinapa niya ang puluhan ng gulok na nakasukbit sa bayawang at muling
hinawakan ang sibat na kawayan na kangina lamang ay matiyaga niyang
pinatulis. Tinitiyak kung papaano niya higit itong magagamit sa labanan.
Ito lamang ang kanyang mga sandata, kalakip ng marubdob niyang
hangaring makatulong sa himagsikan.
Nanliliit at pinaghihinaan siya ng loob sa haharaping panganib. Wala
siyang karanasan sa digmaan, lalo na ang maging isang kawal. Nagpasiya
siyang isangguni ito sa kanyang pinuno.
“Kapatid na pinuno, bakit hindi ako mapakali? Kinakabahan ako at tila naduduwag?” ang paunawa niyang bungad. “Hindi
naman ako laging ganito. Nagagawa kong manghuli ng ulupong ahas,
supilin at sakyan ang barakong damulag, at tumawid sa rumaragasang tubig
sa malawak na ilog sa panahon ng pagbaha nang walang takot,” ang dugtong pa.
Tumugon ang pinuno,“Sasagutin kita kung bakit, hayaan mo munang magbilin ako sa ilan nating kapatid. Kung nais mo, makiumpok ka sa amin.”
Sa buong maghapon; nanatiling nakaupo at nakikinig ang katipunero,
pinagmamasdan niya ang pagdating at paglisan ng mga tao na inaalam ang
mga tungkuling gamgampanan sa katipunan. Nakita niyang magkakatulad na
tinanggap ng pinuno ang lahat na may pagsasaalang-alang, pakikiisa, may
ningning sa mga mata at laging nakasilay ang ngiti sa kanyang mukha.
Kinagabihan, nang makaalis na ang lahat at mapag-isa ang pinuno, nagpahiwatig ang katipunero;
“Ngayon, maaari mo na bang ituro sa akin?”
Inanyayahan siya ng pinuno na sumunod sa kubol nito. Ang kabilugan ng
buwan ay nakatanglaw sa kalangitan at ang liwanag nito’y nakapagdudulot
ng masuyong katiwasayan sa paligid.
“Nakikita mo ba ang buwan, kung gaano ito kaganda? Nagagawa nitong
tanglawan ang lahat ng natatanaw niya. At bukas, muling sisilay ang
araw upang siya naman ang pumalit at magbigay ng liwanag.” Ang paala-alang susog ng pinuno.
Nakataas ang kilay, nagpahayag ang katipunero,“Ngunit ang
silahis ng araw ay higit na maliwanag, ipinapakita nitong malinaw ang
mga tanawin sa ating paligid, ang mga punong-kahoy, ang mga bundok, pati
na ang mga ulap.”
“Palagi kong niliirip at inaapuhap ang tamang kasagutan, at
kailanman hindi ko narinig ang buwan na nagsabing, bakit hindi ako
kasing liwanag ng araw? Ito ba’y sapagkat ako ay maliit lamang kaya
naduduwag ako?” ang patambis ng pinuno.
“Hindi naman sa ganoon,” ang nababalisang tugon ng katipunero. “Ang
buwan at ang araw ay magkaibang bagay. Bawat isa ay may sariling
kagandahan at pagtanglaw. Hindi mo maaaring paghambingin sila.”
“Kung gayon, nasagot mo ang iyong katanungan,” ngumingiting pahayag ng pinuno. “Tayo man ay magkaibang tao, may kanya-kanyang inihahandog na kaliwanagan. Bawat isa ay kumikilos ayon sa ating mga pinaniniwalaan, at gumagawa ng mga katotohanan sa pamamagitan ng pagtutol at pakikipaglaban upang ang ating bansa ay maging malaya. May kanya-kanya tayong ginagawang pagtanglaw at nagiging maliwanag at nagni-ningning lamang ito kung maaayon sa simbuyong
nananaig sa puso mo. Silaban mo at patuloy na painitin ito, upang
lalong maglagablab. At ang iyong kahinaang loob ay masusupil.”
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment