Tuesday, April 11, 2017

Gumising Ka Naman!

 
8 Manatiling Gising at Laging Handa 
   Makagagawa ka ng mahusay na sermon sa pagpapakita ng iyong buhay kaysa paggamit ng iyong dila. Anumang binibigkas mo ay walang saysay kung sa iyong sarili ay hindi mo ito nagagampanan. Kung natutulog ka’t wala pang namamalayan sa tamang kahulugan ng iyong buhay, panahon naman na bigyan mo ito ng pansin. Dahil hindi lamang ikaw ang mabibiyayaan nito, maging ang iyong pamilya ay makikinabang kung ikaw ay gising na at handa sa mga pangyayaring dumarating sa inyong buhay.
     Laging mapag-isa at magbulay-bulay. Anumang karanasan na nagdadala sa katahimikan ng iyong kamalayan ay matatawag na meditasyon. Sa pagkilos sa araw-araw ay may makakaharap kang nangangailangan ng masusing paglilimi, at dahil dito, mahalaga na masanay kang mapag-isa at ituon ang iyong buong kamalayan kung ano ang tunay mong nais na mangyari, at kung ito'y may kinalaman sa iyong wagas na layunin sa buhay.
   Lagi kong binabanggit, higit na mabuti ang gising kaysa ang magkunwari. At lalong nakakahindik naman kung ikaw ay nagtutulog-tulugan.
   Hindi mo kailanman alam kung papaano ang mga bagay ay maisasaayos. Lahat ng iyong tagumpay, at maging lahat ng iyong kabiguan ay tuwirang resulta ng iyong kamalayan. Lahat ng iyong kahinaan at kalakasan, kalinisan at karumihan, kapurihan at kapintasan, ay tanging sa iyo lamang, at hindi para sa iba. Walang sinuman ang magagawang maliitin ka, abusuhin ka, pagsamantalahan ka, kung wala kang partisipasyon o kooperasyon. Ikaw lamang at wala ng iba pa ang makapagbabago para sa iyong sarili, hindi magmumula sa iba. Ang iyong kundisyon at kalagayan ay sarili mo, at ang kaligayahan at kapighatiang naghahari sa iyo ay sanhi ng iyong kamalayan kaya ito nangyari. Kung ano ang iyong malay, ito ikaw, at habang nag-iisip ka, ang kamalayan mo ay umiiral.
Habang pinagyayaman natin ang ating kamalayan sa mga bagong paniniwala tungkol kung sino tayo, ang ating mga asal o nakaugalian ay nagbabago upang patibaying higit ang ating bagong pagkatao.
Ang Pangako
Hangga’t ako’y may Kamalayan, hindi ko magagawang makatulog,
sapagkat may misyon akong tutupdin na kailangang maganap.
Hindi ko inaaksaya ang aking panahon sa walang mga kabuluhan.
At hindi rin ako mabibigo sapagkat lagi akong may mga parehong mga katanungan,
katulad na mga pagpapagod, katulad ng mga pagkalimot,
katulad ng mga pagkatakot, katulad ng pagka-makasarili,
at katulad ng mapagpasalamat at mapagbigay.
Hangga’t ako’y may Kamalayan, hihiling ako at makatatanggap.
Kapag ako’y kumakatok, ang pintuan ay nabubuksan.
Kapag akoy tumingin at talagang tumitig, aking natatagpuan
ang aking Kaluwalhatian.
Sa lahat ng ito, tandasang aking namamalayan.
Patunayan na ang iyong Kamalayan na makagawa ng mga makabuluhang kapasiyahan at mga pagkilos ay napakahalaga. Mayroon kang dakila at hindi natutuklasang kapangyarihan na makagawa ng kabutihan at malaking kaibahan sa iyong kapwa.
. . . anong malay mo, ito na pala ang hinihintay mong pangako na buong kamalayang tupdin mo ang iyong dakilang misyon na gampanan ang itinakdang Kaluwalhatian para sa iyo.

Ang naglalagablab na apoy ay nagsimula lamang sa isang siklab, gayundin ang isang pagkamalay na humantong sa isang ulirang buhay.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


 
 
 
(May nagtanong kung tagasaan AKO talaga sa lungsod ng Balanga: Sa Brgy.Cupang Proper po)

No comments:

Post a Comment