Tuesday, April 11, 2017

Natutulog Ka pa ba?

 5 Ang Daigdig Mo ay Ikaw
Hangga’t ikaw ay nagkakamalay, ang mga pagkilos na mula dito ay nililikha mo ang iyong sariling daigdig. Anumang ipinupukol sa iyo ng tadhana, maging ito’y mga balakid at mga paghamon, ang siyang humuhubog sa iyong buhay nang higit pa sa anumang bagay. Nasa iyong pangmalay nagsisimula ang lahat. Anuman ang iyong pinaniniwalaan, ang iyong kamalayan mula dito ang magtatakda sa iyong mga kapasiyahan. At kung ang paniniwalang ito ay hindi na mababago at bahagi na ng iyong buhay; ito mismo ang magtatakda kung maaliwalas o masalimoot, maligaya o malungkot, ang tuwirang magaganap sa iyong buhay.
  Ikaw ay wala sa daigdig; ang daigdig ay nasa iyo. Bawa't isa ay manlilikha ng kanyang sariling daigdig. At bilang manlilikha, ang kamalayang ito ay higit na mahalaga kaysa buong daigdig. Anumang iyong nararanasan ay repleksiyon ng iyong sarili. At anumang nasa labas ng daigdig mong ito ay walang magagawang makabuluhang mga kasagutan, hangga't hindi ka nagbabago at kumikilos na tagalikha ng iyong mga reyalidad.
   Ang matuwid na landas na iyong tataluntunin ay ang sa iyo. Higit sa lahat, ikaw lamang ang may kapangyarihan at karapatan sa iyong kapalaran. Ang pangmalay mo sa iyong kaunlaran at kaligayahan ay nakasalalay sa iyong mga kamay. Walang iba o sinuman ang makagagawa nito para sa iyo. At higit na masaklap, kung may sinusundan at ginagaya kang iba na magdudulot lamang ng ibayong kapighatian sa iyo. Huwag pabayaan na makasama mong malibing ang iyong musika, patugtugin mo na ito hanggat maaga pa.Tiyakin lamang na ikaw nga talaga ang nakapangyayari at lumilikha ng sarili mong daigdig.
Ang kamalayan ang nagbubunsod na maging mabuti ang masama, nagtatalaga kung malungkot o masaya, nagpapairal ng mayaman o mahirap, at nagtatakda sa pagkabuhay o kamatayan.
   Kailangang magkamalay bago sumagot at mangako. Iwasang "tulog" ang isip. Ang sumagot ng hindio ayoko ay siyang pinakamatayog na pangangalaga sa sarili. Makatotohanang mapaunlakan mo ang iyong sarili kung lilisanin mo ang isang pagtatalo, tatanggihan ang isang paanyaya, bibiguin ang isang kahilingan o pakiusap, at iwasan ang iniaatang sa iyo. Makakalayo ka sa mga ito nang may kasiglahan at higit na pagtitiwala sa sarili kaysa tanggapin at sumagot ng “Oo” sa mga kahilingan. Hindi isang karuwagan ang umiwas at ipaalam ang iyong kakayahan at kawalan ng panahon. Mahirap na isuong ang sarili sa mga bagay na magpapahirap at magsasalang sa iyong reputasyon. Madali ang mangako, subalit ang tuparin ito nang may agam-agam ay mahirap.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


(May nagtanong kung tagasaan AKO talaga sa lungsod ng Balanga: Sa Brgy.Cupang Proper po)

No comments:

Post a Comment