Buhay na hindi
inalam, pawang ligalig ang kauuwian.
Kanustá ka na? Ano ang ginagawa mo sa ngayon?
Bakit tila may problema ka? Ilan lamang sa mga katanungan na ating
binibigkas kapag may nakaharap tayong mga kamag-anak, mga kaibigan o maging mga
kakilala. …at marami sa kanila ang nagsasabi na ang buhay na hindi nilimi o
pinag-aralan ay hindi mahalagang ipamuhay.
Bakit naman
ganyang ang isinagot mo? Ang kasunod nating itatanong.
Dahil
karamihan ay nakatanikala at hindi makatakas sa bilangguang kinasadlakan
nila. Sa mga relasyong naging patibong at hindi na sila makaahon pa. Sa mga
trabahong tila mga kable at lubid na gumagapos sa kanila para lalong malublob
at ikalunod nila. Sa bawat araw, patuloy nilang kinakaladkad ang kanilang mga
paa para lamang maipakita na sila ay lumalaban sa buhay kahit animo’y mga patay at
wala nang sigla pa. Sapagkat subsob at palaging abala sa mga gawain at mga bagay na umaaliw sa kanila, nakalimutan nang alamin ang kahulugan ng sariling buhay.
Bihira ang nagsasabi na
kinagigiliwan at sadyang aliwan na nila ang kanilang mga gawain. Kahit
na hindi sila bayaran ay gagawin pa rin nila ang kanilang mga trabaho.
Dahil inalam at pinaglimi nila kung bakit lumitaw at narito pa sila sa
mundo. Ito ang mga tao na kilala nila ang kanilang mga sarili, alam kung
ano ang mga naisin sa buhay, at kung saang direksiyon patungo.
Ang
buhay na hindi pinaglimi ay walang katuturang buhay. Mistulang tuyot na
patpat na matuling tinatangay ng agos sa ilog, at kung saan dalhin ng alon ay
doon isasalpók. Ito ang buhay na maligalig, nalilito, at walang direksiyon kung saan
pupunta. Ang pinakamainam na paraan upang tahasang matukoy kung anong talaga ang mga ninanasa mo sa
buhay, ay ang tanungin ang iyong sarili nang masimbuyò at palagi; Ano
ba ang talagang pinag-aaksayahan ko ng
panahon? Masaya ba ako sa mga taong nakapaligid sa akin? May respeto ba
at may pagtitiwala ang aking pamilya tungkol sa akin? Mabuti ba ang
aking
relasyon sa mga kasamahan ko sa trabaho? May pananalig ba ang mga
kaibigan ko
sa akin? Nagawa ko ba ang maging mapayapa sa aking nakaraan? Madalas ba
at sapat
ang mga kasayahang umaaliw sa akin? Ako
ba ay maligaya sa ngayon? Kung nakakahigit ang hindi at may alinlangan ang mga kasagutan, may mga mahalagang bagay na nakakaligtaan
ka sa iyong buhay.
Alamin at tanggapin sa sarili na ipinamumuhay
mo ang mga bagay na likas at kusang sumisibol sa iyong puso, dahil narito ang
iyong mga potensiyal upang maisakatuparan ang tunay mong kaganapan. Kung AKO ang tatanungin, ang pinagliming
buhay ay siya lamang makabuluhang ipamuhay.
Walang makakapag-andáp sa ningas na kumikislap mula sa iyong kaibuturán.
Parting shot:
Some people die at 25, others in their early forties and most of them aren't buried until 75.
We call them Zombies, and they prefer Zombyosis. Isa ka ba sa kanila?
andàp, malamlám,
malabò adj. dim
kaibuturan, n. inner
core
kisláp, kináng,
n.
shine
ningas, sindí, dingas, liyàb, n. flame
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment