Ilang linggo nang nakaratay si Mang Gusting sa
mabigat na karamdaman. Batid niya na hindi siya magtatagal pa, at kahit na pauntol-untol
ay ipinatawag niya ang kanyang maybahay na si Aling Tindeng.
Sa tabi ng
kama, kahit paanas ang pananalita ay nagbilin si Mang Gusting sa asawa, “Mahal kong Tindeng, nais kong magpagawa ka ng
testamento para mailipat ko ang ating mga ari-arian sa ating mga anak.
Pakisulat mo ang aking mga habilin: para sa ating panganay na si Alex; ibinibigay
ko ang kalahati ng lahat nating mga ari-arian at pera sa bangko. Dahil sa lahat
ng ating mga anak, siya lamang ang patuloy na may pananalig sa Diyos.”
“Ay naku! Huwag namang ganyan, Gusting! Hindi kailangan ni Alex ang
ganyang kalaking kabuhayan, mayroon naman siyang sariling maunlad na negosyo.
At isa pa, may pananalig siya sa ating relihiyon. Ang mabuti pa, ipagkaloob mo
‘yan kay Berting. Kasi, siya lamang sa mga anak natin ang hanggang ngayon ay
hindi mapagpasiyahan kung may Diyos o wala. Hindi pa nga niya nasusumpungan
kung saan direksiyon ang kanyang buhay talaga pupunta.”
“Ahh, ganoon bah, O sige ibibigay ko ang
kalahati ng lahat ng ating kabuhayan kay Berting.”
Napangiti
si Aling Tindeng at masuyong nagpatuloy, “Gaya nang aking nasabi, Gusting, hindi
kailangan ni Alex ang anumang bagay. Ako na lamang ang bahala sa mga ari-arian para magawa
kong lagi na matulungan ang ating mga anak sa kanilang mga pangangailangan.”
“Palagay ko ay tama ka Tindeng. Ngayon,
tungkol naman sa malaking lupa na ating pag-aari sa Maynila, ang aking desisyon
ay iwawanan ko ito kay Melba.”
Nanlaki ang
mga mata ni Aling Tindeng sa narinig, “Anooh!
Kay Melba???
Nababaliw ka na ba Gusting? Mayroon na siyang mga lupa sa Makati at San Juan,
bakit pati ‘yong nasa Maynila ay ibibigay mo pa? Nais mo bang maging negosyante
siya at masira ang kanyang pamilya? Ang aking iniisip ay si May Jane, siya ang
higit na nangangailangan ng lupa para sa kanyang pamilya.”
Bagamat
nahihirapang huminga at paanas nang magsalita, pinilit ni Mang Gusting na itaas
ang ulo at palakasin ang boses, “Mahal
kong Tindeng, sadya kang mabuting
maybahay at mapagmahal na ina, at nauunawaan ko na hinahangad mo ang
makakabuti sa bawat anak natin, subalit, kung
maaari lamang sana… magpakita ka naman ng paggalang sa aking mga mungkahi o
mga opinyon. Kung tutuusin, sa pagitan nating dalawa sa mga sandaling ito, sino
ba ang mamamatay sa atin, ikaw ba o ako?”
Jesse N. Guevara
wagasmalaya.blogspot.com
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment