Tuesday, May 31, 2016

Magkabilang Dulo ng Patpat


Hindi madadampot ang isang dulo ng patpat nang hindi sasama ang kabilang dulo nito. Tulad ng pag-aasawa, hindi lamang ang iyong minamahal ang iyong pinakasalan, kundi maging ang kanyang pamilya at mga kaanak. Naisin mo man o hindi, bagamat hindi ito inihayag sa kasunduan ng pag-aasawa, sa panahon ng inyong pagsasama, kailangan mo ding pakisamahan ang kanyang pamilya, at kadalasan, pati na ang kanyang angkan.
Paglimiin ang mga ito:
Ang Kaligayahan ay nangangailangan ng Kapighatian.
Daranas ka muna ng ibayong mga kalungkutan bago mo ganap na maranasan
ang minimithi mong kaligayahan.

Ang Tagumpay ay nangangailangan ng Kabiguan.
Ibayong sakripisyo, mga pagpupunyagi, mga kabiguan at mga kapaitan ang iyong sasagupain
bago mo marating ang tamis ng tagumpay.

Ang Kabutihan ay nangangailangan ng Kasamaan.
Hindi mo ganap na mauunawaan ang kabutihan kung walang kaakibat itong kasamaan. Makikita lamang natin ang liwanag matapos ang kadiliman. Papaano natin higit na makikita ang ningas o lagablab ng isang kandila? Ilagay ito sa dilim.

Ang Pagmamahal ay nangangailangan ng Pagkasuklam.
Anumang bagay na iyong hindi pinahalagahan, ikaw ay iiwanan. Bago maranasan ang tunay na pag-ibig, dumaraan muna ito sa mga baitang ng pagsuyo, pagtatangi, pakikisama, walang pagkakaunawaan o walang kibuan, mga pagtatalo at awayan, pagkakagalit at hiwalayan, susundan ng poot at pagkasuklam, bago maunawaan at madama ang kawalan para patamisin ang pagmamahalan. Kung walang pait, hindi makakamit ang tamis.

Ang Panalo ay nangangailangan ng Pagkatalo.
Hanggat hindi mo nararanasan na matalo, kailanman ay hindi mo makakamtan ang tunay na kahulugan at tamis ng panalo.

Ang Kasiyahan ay nangangailangan ng Kalungkutan.
Upang ganap mong madama ang kasiyahan mong ninanasa, kailangan munang dumanas ka ng mga pagsubok at maraming pakikibaka, at ibayong mga pasakit bago matupad ang mga pangarap.

   Kailangan munang maranasan at matanggap ang mga ulos at mga pasakit ng tadhana. Sapagkat kung walang kaakibat na pighati sa ligaya, ang mabigo bago ang tagumpay, ang mali sa tama, at ang lungkot sa saya; mawawalan ka ng pagpapahalaga sa mga ito. At kung wala kang pagpapahalaga, mawawalan din ng halaga ang bawat bagay na nagaganap sa iyo. Kung ito ang mangyayari, matutulad ka sa isang karaniwang patpat na inaanod ng rumaragasang agos at ipinupukpok saanman ito sumalpok.

No comments:

Post a Comment