Sa ating paglalakbay sa buhay, kailangang may mga
gabay tayong pinaiiral upang lagi tayong nakamulat sa anumang pagsubok o panganib
na humahadlang sa atin. At higit na mainam kung matutuldukan natin ang mga
alalahanin na ipinupukol sa atin.
1.
Lahat tayo ay narito sa daigdig para sa isang hangarin.
Anuman
ang ginagawa ng sinuman, lahat tayo ay may ginagampanang mahahalagang papel sa
kasaysayan ng daigdig. At karaniwang ito ay hindi natin nababatid. Bawat isa sa
atin ay may mapanlikhang potensiyal at mula sa sandaling nagawa mong ipahayag
ang malikhaing potensiyal na ito, magsisimula ka nang baguhin ang daigdig mo.
2. Ang
tanging bagay na nasa pagitan mo at ng iyong pangarap ay ang iyong mga
pagkatakot.
Huwag
sumuko sa iyong mga kinatatakutan. Kapag ginawa mo ito, hindi mo na magagawa
pang kausapin ang iyong puso. May isang bagay lamang para maging imposibleng
matupad mo ang iyong pangarap: Ang matakot ka sa kabiguan.
3. Kung may nais ka, ibigay mo muna.
Walang
bagay dito sa daigdig na iyong makakamit kung hindi mo bibigyan ng katumbas na
pagpapasakit. Nais mo ng paggalang, gumalang ka muna. Nais mo ng edukasyon,
mag-aral ka muna. Umunawa muna nang ikaw naman ay maunawaan.
4. Kapag hindi mo ito pinahalagahan, ikaw ay
iiwanan.
Para
sa matagalang pagsasama, pagpapahalaga ang inuuna. Kapag walang pagsuyo at
pagpapahalaga, maiiwan kang mag-isa. Ngiping hindi inalagaan at sinepilyo,
bungi at bungal ang sasaiyo.
5. Kapag may nais kang bagay, ang buong
sansinukob ay magtutulong-tulong upang ito ay maganap.
Hanggat
ikaw ay may ninanasa, ang mga bagay kusang nagsisilitaw at sumasalubong sa
iyong daan para matulungan ka.
6. Kapag may kailangan kang bagay, ang buong
sansinukob ay magtutulong-tulong upang ito ay makamtan mo.
Walang
imposibleng bagay kapag ang buong atensiyon at pagtuon mo ay iyong ibinuhos
para ito mangyari. Sapagkat ang kalikasan ay nagaganap kapag may pagkilos na
sumiklab.
7. Kumalas mula sa mga bagay at ikaw ay
magiging malaya.
Nagiging
kumplikado lamang ang buhay kapag pinuno natin ng kung anu-anong mga bagay ang
ating mga kapaligiran at mga ginagalawan. Hanggat patuloy nating dinadagdagan
ang ating mga kailangan lalong nating ibinibilanggo ang ating mga sarili para
asikasuhin ang mga ito. Habang tumataas ang ating posisyon lalong lumalawak ang
ating mga responsibilidad.
8. Ang pagkakamali o kabiguan ay bahagi ng
ating buhay.
Hindi
ka tagumpay kung hindi ka dumanas ng mga kabiguan. Kung walang mali, hindi mo
makikita ang tama, dahil mula sa pagkakamali ay may leksiyon kang natutuhan
para maitama ang iyong mga paraan. Kaya nga ang lapis ay nilikhang may pambura, para ang mali ay mabura.
9. Bawat pagsubok na nalagpasan, may
karanasang naiiwan, maging mabuti o masama man, pinatatag ka ng mga karanasan.
Walang balakid na ipupukol sa iyo ng tadhana nang hindi mo mapagtatagumpayan. Sapagkat kung wala kang kakayahan, wala kang masusumpungang mga paglalaban. Dahil nasa pakikibaka lamang iyong mararansan ang iyong nakatagong kalakasan.
10. Panatilihing gising ang isipan, nang hindi ka mapatulala kailanman.
Kung ang pananaw mo sa mundo ay katulad
sa gulang na limampu at gayunding pananaw ito noong ikaw ay nasa gulang na
dalawampu, sa nakalipas na tatlumpong taon ay wala kang ipinagbago, kundi ang
harapin ang matinding panghihinayang dahil dito na tataglayin mo sa habang buhay.
11. Mainam ang maging tama, ngunit higit na mabuti ang maging maunawain.
Mayroong hindi malulupig na kagitingan sa
kalooban mo. Ang susi upang ito ay magising ay tahasang pawalan ang walang
hangganang reserba ng kalakasan na nasa kaibuturan ng iyong pagkatao--ang iyong
tunay at wagas na makataong kabutihan.
12. Maging mabuting halimbawa sa lahat ng mga pagkilos.
Ang
kamulatan ay siyang diretsong daan tungo sa kawatasan. Ipamuhay ang iyong
mainam, mahusay, at mabuting buhay. Ang pagiging uliran ay siyang tanging katotohanan.
No comments:
Post a Comment