Sunday, February 28, 2016

Mga Sangkap ng Pagmamahal



Magagawa mo na ipikit ang iyong mga mata sa mga bagay na ayaw mong makita, subalit hindi mo magagawang bawalan ang iyong damdamin sa mga bagay na nagpapatibok sa iyong puso.

1. Makirot ang magmahal sa sinuman nang walang katumbas o katugon ito na pagmamahal. At higit namang mahapdi pa ang magmahal sa sinuman na walang kakayahang maiparating ang nadarama sa napupusuan. Nagkakasya na lamang sa patingin-tingin, mga nakaw na pagsulyap, mga panghihinayang, mga himutok at paninikis sa sarili.

2. Ang malungkot na bagay sa buhay ay kapag nakatagpo ka ng isang tao na napakahalaga sa iyo at pinag-ukulan mo siya ng ibayong pagmamahal, para lamang malaman sa bandang huli na hindi pala kayo nakaukol sa isa’t-isa at kailangang magpaubaya ka na para sa kanyang kaligayahan.

3. Ang matalik na kaibigan ay yaong uri na magagawa mong umupo sa kanyang tabi nang wala anumang alinlangan, magiliw, tahimik at walang kataga na namamagitan sa inyong dalawa, at masigla kang tatayo at aalis na tila isang masayang pag-uusap ang namayani sa inyo.

4. May katotohanan na hanggat hindi nawawala ang bagay na ito sa atin, hindi natin malalaman ang kahalagahan ng bagay na ito para sa atin, subalit totoo din na hindi natin malalaman kung ano ang nawawala sa atin hanggat hindi pa ito dumarating.

5. Anumang bagay na hindi mo minahal o iningatan man lamang, ikaw ay iiwanan. Hindi mo malalaman ang kahalagahan nito hanggat nakikita mo o na tabi mo lamang. Subalit kapag ito ay nawala na sa iyo, doon mo mapapatunayan kung gaano kasakit ang pagkawala nito.

6. Sandali lamang ang magkaroon ng crush o interes sa isang tao, isang oras para magustuhan siya, at isang araw para mahalin ito, subalit kailangan mo ng mahabang panahon at kung minsan ay buong buhay pa ang malimutan siya.

7. Huwag tumingin sa panlabas na kagandahan, ito ay mandaraya. Huwag umasa sa kayamanan, ito man ay nauubos din. Sumama doon sa nagpapangiti at nagpapasaya sa iyo, sapagkat ang ngiti at mga tawanan ay tanda ng maligayang pagsasama. Umiwas sa mga bagabag at mga kalituhan dahil narito ang mga kapighatian.

8. Mangarap anuman ang iyong nais na pangarap, pumunta sa pook na nais mong marating, at puspusang gawin kung sinuman ang nais mong maging ikaw. Sapagkat mayroon ka lamang isang buhay at isang pagkakataon lamang sa buhay na ito para magawa ang lahat ng nais mong mangyari sa buong buhay mo. Simulan na, at ang lahat ay madali na lamang.

9. Palaging ilagay mo ang iyong sarili na suot ang sapatos ng iba. Kung sakalimang ito ay masikip at nagpapasakit sa iyo, gayundin ang nadarama ng may suot nito.

10. Kung wala kang pagmamahal para sa iyong sarili, wala ka ring maibibigay na pagmamahal sa iba. Hindi mo maaaring ibigay ang bagay na wala sa iyo.

11. Ang walang ingat at padalus-dalos na kataga ay pinagmumulan ng sigalot at mga alitan. Ang malupit na salita ay nagwawasak ng buhay. Ang napapanahong pang-unawa at mga pagsuyo ay nakababawas ng pighati. Subalit ang magiliw at mapagmahal na salita ay nakalulunas sa anumang hilahil at mga kalituhan. Kapag ito ang namayani sa isang pagsasama, ang pagpapala ay patuloy na makakamtan.

12. Ang pagmamahal ay nagsisimula sa isang ngiti, nadaragdagan ng isang halik, sinusuyo ng isang haplos, at nagtatapos sa pagluha. Noong ipinanganak ka, ikaw ay umiiyak at lahat ng nakapaligid sa iyo ay nakangiti. Ipamuhay ang iyong buhay na kapag ikaw ay yumao na o lumisan na dito sa daigdig, ikaw ay nakangiti at ang lahat ng nakapaligid sa iyo ang siya namang umiiyak.

jesguevara
wagasmalaya.blogspot.com


No comments:

Post a Comment