Ang
aking pag-ibig ay kusang bumubukal nang walang pagmamaliw. Tinatanggap ko ang
iyong pagmamahal anumang bagay ito at patuloy kong iginagawad ang sa ganang akin.
Hindi ito katulad ng pagmamahal ng isang lalake para sa isang babae, lalo
namang hindi ng isang asawang lalake sa kanyang asawang babae, hindi rin ito
kaparis ng pagmamahal ng isang ama sa kanyang anak, o kawangki ng pagmamahal ng
Diyos sa kanyang mga nilikha.
Wala itong kahalintulad na uri ng damdaming
iniuukol sa aking itinatangi. Sa katunayan, wala itong pangalan o taguri man,
at walang paliwanag na sasapat upang ito ay tahasang mailarawan. Mistula itong
ilog mula sa walang hintong batis na hindi makayang maipaliwanang kung bakit
may sinusunod itong tahasang pag-agos; kundi ang magpatuloy sa iisang
direksiyon, ang maipahayag ang tanging layunin nito: ang magmahal nang walang
pagmamaliw. Isang pag-ibig na walang hinihingi, hinihintay o inaasahan man
lamang. At walang ibinibigay bilang kapalit; ito ay simpleng nasa aking
kaibuturan at kusang bumubukal.
Tayo ay malaya. Kailanman, hindi ako
magiging iyo at ikaw, kailanma’y hindi magiging akin. Magkagayunman, iisa at
walang sawa, ...at buong katapatan kong paulit-ulit na bibigkasin ito sa iyo: Iniibig
kita.
No comments:
Post a Comment