Sa mga umpukan, hindi nawawala ang bida o laging nauuna sa mga pagbabalita. At higit pa dito, yaong mga 'matatalino at magagaling daw' na laging sinusunggaban at sinasahod ang bawat paksa. Anupat sa bawat pahayag, mayroon silang mga kasagutan, mga kaukulang inpormasyon at mga paliwanag. Mapilit sila na maging sentro at may kontrol sa bawat talakayan.
Marami ang naiirita at nanggagalaiti sa ganitong uri ng pagkakatao na patuloy ang mga pagpuna, mga mga pakikialam, at mga pagtuturo na nagsisilbing sermon sa mga nakakarinig. Sa halip na may malayang talakayan, na kung saan ang bawat isa ay nakapagbibigay ng kanyang opinyon na kapupulutan ng magagandang aral, nauuwi ito sa matinding pagkainis at nakakubling galit na sa kalaunan ay nauuwi sa alitan pa.
Higit na mainam muna ang makiramdam, magiliw na makinig, at bukas ang isipan na umuunawa; kilatisin ang mga kausap, bago ibukas ang bibig at ikuwento ang laman ng iyong isipan sa bawat umpukan. Isang mahapding kapahamakan ang ipangalandakan at iparada sa mga kaharap kung sino ka, ipagyabang ang iyong mga katangian at mga nagawa, kung hindi naman ito itinatanong at walang kinalaman sa mga pinag-uusapan.
Hindi maitatanggi na lahat tayo ay may kanya-kanyang pinapasan na bagahe o mga suliranin sa ating buhay. At sa bawat umpukan, lalo na sa harap ng mga kaibigan, nakaugalian na natin ang ibulalas ang ating mga karaingan sa paghahanap ng mga kasagutan kung ang ating direksiyon sa buhay ay nasa tama o maling landas. At magkabilang sampal sa ating mukha kapag may isang tao na kumikitil at kumokontrol na maipahayag ang ating mga saloobin para maibsan kahit munti man ang ating mga kapighatian.
No comments:
Post a Comment