Hanggat inaaliw mo ang mga paniniwala na
lumalason sa iyo, makakatiyak ka sa habang-buhay na pagdurusà.
Ang mundo ay patuloy sa pag-ikot, ang
araw ay patuloy sa pagsilay, ang gabi ay patuloy sa paghimlay, anupat kahit
huminto ka at anuman pa ang iyong gawin, ang mga ito ay hindi ka hihintayin.
Marami tayong kailangan sa mundong ito, ngunit hindi kasama ang mga kasawian at
kapighatian para pahirapan ka. Ang kailangan at siyang nararapat ay tahasang
harapin at tamasahin ang kasiglahan, kagiliwan, at kasiyahan.
Hintuan na ang kahangalan sa pagpapahirap
sa sarili ng mga kapanglawan at mga karaingan sa buhay. Iwasan na ang mga daing
at mga reklamo; takasan na ang mga paghihimagsik at kawalan ng pag-asa, tapusin
na ang mga kabuktutan ng iba at magsimula nang mabuhay na malaya mula sa mga
kamalian, mga kabiguan, at mga kapalaluan para lamang masunod ang mga
kagustuhan ng iba.
Kung nais mo ng katotohanan, maging
totoo at tunay ka sa iyong sarili, at ang lahat sa iyong kapaligiran ay aayon
sa iyo. Kung may paggalang ka sa sarili, ikaw ay igagalang din ng iba. Maging
masayahin ka, at lahat ng nakapaligid sa iyo ay magiging masaya. At doon sa
ayaw makisama sa iyo, hanggat maaga pa, ay iwasan na sila. Dahil naghahanap
sila ng kanilang kauri para malunod din na katulad nila, wika nga,“Misery loves company.” Magagawa mong baguhin ang lahat ng bagay
sa iyong paligid kung magagawa mong baguhin ang iyong sarili.
No comments:
Post a Comment