Lumaki at nagkaisip tayo sa isang
lipunan
na laging
may paglalaban, pahusayan, tagisan ng talino, at walang hintong mga kumpetisyon
sa lahat ng larangan. Laging sikat at pinupuri ang maging kampeon, ang maging
numero uno, ang laging nangunguna at pinakamahusay sa lahat.
Bahagi
na ng ating mga buhay ang paligsahan, na kailangang may magtagumpay at may mabigo. Sakalimang manalo ka ngayon, may araw na
darating at matatalo ka rin. Sa bawa’t paglalaban hindi maiiwasan ang may panalo at bahagi din nito ang may matatalo.
Ang korona o kampeonato ay palipat-lipat lamang ng kamay. Katulad ng gulong
kapag gumugulong, minsan ay nasa ibabaw ka subalit kadalasan kung nakahimpil ay
nasa ibaba ka.
Mayroon
lamang na isang tao na matatalo mo sa bawa’t sandali, at ito ay ang iyong
sarili. Hangga’t patuloy na nakabase o umaayon ang iyong
pansariling-kahalagahan sa mga tagumpay o mga papuri kaysa
pansariling-kaganapan, patuloy ding mailap sa iyo ang tagumpay. At nagpapatuloy
ang iyong pagnanasang makilala at matanggap ng iba bilang matagumpay ding
katulad nila. Ang tunay na satispaksiyon ay nakakamtan, hindi mula sa panalo,
bagkus mula sa eksplorasiyon at pagpapaunlad kung anumang mga talento na
ipinagkaloob sa iyo ng tadhana.
No comments:
Post a Comment