Hindi
kailangan na panghimasukan ang bawa’t pagtatalo
kung walang paanyaya sa iyo.
Sa araw-araw nating
pakikisalamuha
sa maraming tao, bahagi na nito ang makasumpong tayo ng iba’t-ibang mga asal at
kagawian. Bagama’t iniiwasan nating hatulan sila, ang magagawa lamang natin ay
kontrolin ang ating mga sarili na huwag madamay pa sa kanilang mga kaugalian.
Dahil naisin man o hindi natin; mayroong
mabuti, may masama, may maganda, may pangit, at katawa-tawa na mga karanasan tayong natatamo mula sa
kanila.
Narito ang 31 mahalagang mga
leksiyon sa mga usapan na aking natutuhan at patuloy na pamantayan sa
pakikiharap kaninuman:
1-
Huwag kalimutan ang kahalagahan ng matatag na unang impresiyon.
2-
Tiyakin na wala kang anumang pag-aalinlangan at nakahandang makipag-usap.
3-
Panatilihing nakangiti at nag-uukol ng kailangang atensiyon sa kausap.
4- Maging malinaw,
maikli, at may katapusan ang bawa’t pangungusap.
5- Iwasan ang palinga-linga at
tumitig sa mga mata ng kausap kapag nagsasalita.
6- Palagiin na
ipakilala ang sarili sa isang positibo, maganda, at ulirang personalidad.
7- Maging mahinahon,
magiliw, at matiyagang nakikinig sa usapan.
8- Huwag patuloy na nagsasalita,
tumigil, at pakinggan ang opinyon ng iba.
9-
Sabihin lamang ang mga totoo at aminin ang mga responsibilidad kapag inuusisa.
10- Ingatang
nakapinid ang mga labi at ipakita sa aksiyon ang mga pananalita.
11- Gawing
makabuluhan ang usapan nang walang personalan at anumang mga pang-uusig.
12- Iwasang
ikuwento ang mga nakaraang kamalian at mga kabiguan. Mga pananakit lamang ito sa damdamin ng kausap.
13- Huwag ihalo sa
usapan ang pribadong buhay at mga kapintasan ng sariling pamilya.
14- Tandaan na malaking
kapahamakan ang laging naninisi ng iba. Sa halip ay magpatawad.
15- Maging maingat
at gising kung saan patungo, ano ang intensiyon at ibubunga ng talakayan.
16- Iwasan ang maghinala
at lalo na ang mag-akala, walang saysay ang patutunguhan nito.
17- Kung hindi
nakaharap ang tao para ipagtanggol ang sarili niya, huwag siyang pag-usapan at idawit pa sa pagtatalo.
18- Huwag magpadala
sa emosyon at kagalitan ang kausap kapag wala na ito sa katuwiran. Sa halip ay umunawa at payapain ang mga karaingan at mga pagkatakot ng kausap.
19- Manatiling
masaya, may tawanan at kaibig-ibig sa bawa’t sandali ng pakikiharap sa iba. Pinahahaba nito ang ating mga buhay.
20- Pakaiwasan ang
magalit sa kaharap, ipagkakanulo ka nito at mauuwi lamang ito sa alitan, nagiging sanhi pa ito ng mabigat na karamdaman.
21- Kung hindi na maganda
at pasama na ang usapan, kaagad na putulin ito at baguhin na.
22- Ingatan na
mahawa at makiisa sa dalamhati ng mga paninisi sa iba ng kausap.
23- Huwag sumagot,
kung hindi ka naman tinatanong. Pagyayabang na lamang ito.
24- Pag-aralan ang pananalita,
asal at mga gawi ng kausap kung magkakaugnay sa diwa ang mga ito.
25- Pakaiwasan ang
humatol at magbigay ng sariling pahayag o komento; kung wala naman itong kinalaman sa
usapan at pagsisimulan lamang ng panibagong argumento.
26- Maging makatao, walang
kabuluhan at pagsasamantala ang magduyan at utuin ang kausap para kagiliwan ka
nito at makuha lamang ang kanyang pagtitiwala.
27- Hindi isang
negosyo at pagkakakitaan ang pakikipagkapwa, kundi isang salamin at pagpapakilala ng iyong
tunay na pagkatao sa iba.
28- Huwag ipilit
ang sariling katuwiran at manumpa para makuha lamang ang ninanasa. Isang matinding kalapastanganan ang gamitin at isangkot pa sa usapan ang Dakilang maykapal para lamang paniwalaan ang katuwiran.
29- Kapag ikaw ay
may kausap; pakaiwasan ang pumuna at pumintas, dahil ipinagkakanulo ka ng iyong mga inseguridad, kawalan ng pagtitiwala, at mga pagkatakot na siyang nagpapakilala ng iyong tunay na pagkatao.
30- Hangga’t
kaharap ang kausap, maging mapayapa at mapanglunas ng kapighatian.
31- Palaging isipin na hindi ka mapapahamak
ng mga salitang hindi mo kailanman na binigkas.
… Ang pinakamasaklap na sitwasyon ay kapag nais mo nang
tapusin ang usapan at ang kausap mo ay ayaw tumigil at nanggagalaiti pa. Kaagad
na mag-ingat, dahil kapag pumatol ka, simula
na ito ng malawak pang mga pagtatalo. Ang kapayapaan ay hindi ang kawalan ng
mga alitan, kundi ang abilidad na harapin ito nang may mga ngiti sa labi,
umuunawa, at nagmamahal. Peryod.
No comments:
Post a Comment