Sunday, November 03, 2013

Walang Direksiyon


Walang katahimikang idudulot kapag lagi kang nakatingin, patuloy na pumapansin, pumupuna, at nakikialam sa buhay ng iba. Sa halip na maasikaso mo ang iyong sariling buhay, hayagan mo itong pinababayaan. Nangyayari lamang ang mga ito kapag wala kang tunay na layunin at hindi alam kung saan ka patungo. Sapagkat kung ikaw ay abala at nais matupad ang iyong mga lunggati; isang katiyakan ito, na wala ka ng panahon pa sa mga pakikialam, at pati na sa mga bagay na walang katuturan o walang kapakinabangan. Lahat ng iyong mga sandali ay itutuon na lamang na pagyamanin ang iyong sarili, at hgit na asikasuhin ang kapakanan ng iyong pamilya.
   Kalimutan at iwaksi na sa isipan na ikaw si Atlas at pasan-pasan mo ang mundo sa iyong balikat. Lahat ng mga suliranin ay pinipilit mong sagutin, pag-usapan, at magawang itama. Ang mundo ay patuloy sa pag-ikot, at hindi ka nito hihintayin. Kahit na wala ka, patuloy ang pagsilay ng araw at pagdilim ng gabi. Isang kahibangan ang pakialaman ang mga bagay na wala kang kinalaman at hindi nakakaapekto sa iyo. Sa halip na maunawaan ka, kung "mabuti" man ang iyong intensiyon, ay paghihinalaan at ikakagalit pa ito ng iba sa iyong panghihimasok sa kanilang mga buhay.
   Ang buhay na may katiwasayan sa kaibuturan, mahinahon, magiliw at puno ng kasiglahan ay walang pagkabagot o pagkabugnot. Ito ang pinakamadaling uri ng pakikibaka sa buhay. Nakatuon ka lamang sa iyong dinadaanan at hindi laging nakalingon o nakatingin sa magkabilang tabi. Walang mga bagabag at pagkatakot na nadarama sa araw-araw, kundi ang taimtim na pananalig na ang lahat ay nakatakda at siyang magaganap. Kung ikaw ay nakahanda at ginagampanang maigi ang tunay mong layunin sa mundong ito, ay sadya kang mapalad at lahat ng mga pagpapala ay sasaiyo.
    Ang kasiyahan ay laging nasusumpungan mula sa panlabas at panandalian lamang, samantalang ang kaligayahan ay umaalpas mula sa kaibuturan at walang hanggan. Ito ay nasusulat at siyang tahasang nagaganap.
    Tandaan lamang sa tuwina; anumang ginagawa mo ay magiging walang kahalagahan sa paglipas ng mga panahon, ngunit napakahalaga na magawa mo ito. Naisin mo man o hindi, maging tama o mali man ito, sadyang may sasabihin pa rin ang mga tao. Bawa't isa ay may kanya-kanyang opinyon tungkol dito. Sapagkat hindi tayo perpekto at ang pagkakamali ay karaniwan na para tayo ay kailangang matuto. Kaya nga nilikha ang lapis na may pambura. Ang kailangang matanggap mo, ay ang sasabihin mo sa iyong sarili. Tulad ng, "Salamat at nakagawa akong muli ng kaibahan sa araw na ito."

No comments:

Post a Comment