Anumang bagay na binibigyan natin ng atensiyon at ugali nang pagyamanin ang siyang
may kapasiyahan sa ating mga pagkilos. Ang ating kaligayahan at kapighatian ay
nakabatay sa kinagawiang ito. Alinman sa dalawang ito ang piliin ay siyang
magtatakda ng ating kapalaran.
Higit
na mainam na magkaroon ng masayang kaisipan sa araw-araw. Sanayin ang
sarili na arugain at pagyamanin ang masayahing puso, panatilihin ang kasiglahan
at maligayang pag-uugali, at ang iyong buhay ay walang hintong mga pagdiriwang
at batbat ng kasaganaan.
Isang
bagay lamang ang kailangang baguhin para sa atin; upang malaman at
tamasahin ang kaligayahan sa ating buhay. Kung nasaan nakatuon ang ating
atensiyon ito ang nagpapasaya sa atin. Dahil kung hindi ito, matagal na tayong
huminto at ibinaling sa iba ang ating panahon. Hangga't patuloy tayo sa ating
kinagawian o kinahumalingan, ito ang umaaliw at siya nating gagawin. Ang
kalagayan at pagkatao mo sa ngayon ay isang repleksiyon ng mga bagay na
kinasanayan mo at patuloy na ginagawa. Kung pagmamasdan mo ang iyong sarili sa
salamin, at kikilatisin mong maigi ang taong nakaharap sa iyo; Ano ang mga pag-uugali mayroon ang taong
ito? Nakakatulong ba o nakakapinsala? Solusyon ba o problema pa? Makasarili o
may malasakit sa kapwa? Maligaya ba o malungkot?
Ang
mga kasagutan ay ikaw lamang ang nakakaalam. Sapagkat anuman ang ginagawa
mo sa ngayon; ito ang iyong mundo na nagpapagalaw
sa iyo.
Manatiling nakatuon sa lunggati upang magkaroon ng direksiyon ang iyong mga pagkilos.
No comments:
Post a Comment