Hangga't
nakikinig tayo sa mungkahi ng iba at nagpapadala sa kanilang mga sulsol at
pakikialam, nagiging baluktot at masalimoot ang daan na ating tinatalunton.
Lumalabo ang direksiyong na ating patutunguhan. At sa kalaunan, ay
pinaghihinaan tayo ng lakas para magsikhay pa, ... hanggang sa mawalan ng
pag-asa, tuluyang sumuko, at tanggapin ang anumang kaganapan.
Ito ang kapalaran ng mga talunan; tinanggap at
kinagawian na ang kawalan ng pag-asa, ang kawalan ng kakayahan at kasiglahan na
magpatuloy pa. Hindi nakapagtataka kung bakit patuloy din ang kanilang mga
pagdurusa, mga paghihirap, at mga bagabag. Gayong lahat tayo ay may
kapangyarihan na pumili, at piliin kung ano ang tama. Kasaganaan o Karukhaan?
Kasiyahan o Kalungkutan? Kaligayahan o Kapighatian?
Alinman
dito ang piliin mo, ay siya mong kapalaran. Ikaw lamang, ang tangi at higit
na nakakaalam kung ano ang tunay na dahilan kung bakit ipinagpapatuloy mo ang
iyong mga ginagawa ngayon. Dahil kung hindi mo nais ang iyong kalagayan sa
ngayon, walang makakapigil sa iyo na tuparin ang iyong mga pangarap. Ito naman
ay kung tahasan mong ninanasa na mabago ang iyong buhay.
Sinuman
ay tunay na magiging pambihira at kapansin-pansin kapag tahasan niyang
isinakatuparan ang kanyang mga pangarap. Kapag mataos at taimtim ang kanyang
pananalig sa sarili na magtatagumpay siya, anumang hadlang ay kanyang
malalagpasan, anumang problema ay kanyang malulunasan, at walang imposibleng
bagay na hindi niya makakamtan. Kung tahasan niyang gagawin ito.
No comments:
Post a Comment