Kung ano ang laman ng iyong isipan, ito ang laging mong iisipin, ito ang susundin mong kapasiyahan at ikikilos. Maging ang mga katagang bibigkasin mo ay batay sa iyong iniisip. Maglimi at bantayan ang daloy ng iyong mga pananalita kung hinahangad mo ang kapayapaan sa isipan. Simulan ang bawa't araw na tahasang inilaan na mapayapa, kasiyasiya at may masayang saloobin. At ang lahat na susunod pang mga araw ay mababalot na matiwasay, kaibig-ibig, at matagumpay.
Ang
iyong kaisipan ay makapangyarihan, at kapag ito ay kaya mong supilin at
maibaling sa direksiyon na nais mo, ang kapangyarihan nito ay walang
limitasyon. Kawangis nito ang maamong tupa, sumusunod, tumutulong, at higit na
may kapakinabangan. Ikaw at ang iyong isipan, kalakip ng lahat ng iyong mga
iniisip at proseso nito ay dalawa, at hindi kailanman iisa. Ikaw ang
tagapagmatyag at ang iyong isipan naman ang tagaisip, kung anong nais mong kaganapan ang
mangyayari sa iyong kapasiyahan.
Baguhin mo ang iyong mga kaisipan at
mababago mo ang iyong mundo. Dahil anumang paniniwala na sinusunod mo na hindi
mga kaibig-ibig, nakakapinsala, at nagpapasimula ng alitan ay kailangang
putulin. Kapag hindi ka maligaya, nalilito, at may mga bagabag; patunay lamang
ito, na mali ang landas na iyong tinatahak. Hanggat't nababalisa ka, nabubugnot
o nababagot sa buhay, ipinapakita nito na wala kang pananalig sa Maykapal at
nakatuon lamang sa makamundong mga bagay. Sapagkat sa harap ng Maykapal, ikaw
ay hinahatulan hindi sa iyong mga pagkilos, kundi kung ano ang tunay mong mga
intensiyon. Sapagkat ang Ama lamang ang nakakaunawa sa kawagasan ng iyong puso.
Hindi ako lagi ang may kontrol sa
anumang kaganapan sa aking kapaligiran, subalit lagi akong may kontrol sa anumang kaganapan
sa aking kalooban.
No comments:
Post a Comment