Thursday, May 19, 2011

Sino Ba Sila?

 
  Binanggit ito ng Nanay ko, “Kung nais mong maging talunan at bigo sa buhay pilitin mong nagagalak at sinusunod palagi ang ibang tao."

  Noon, idinaan ko lamang ito sa pagkibit ng balikat at binale-wala. Subalit sa paglipas ng panahon; napatunayan ko ang malaking kahalagahan at nagagawa nito sa pagdadala mo sa iyong sarili sa pakikipag-relasyon kahit kaninuman. Hangga’t maaari, ay pakaiwasan ito at tuluyan nang iwaglit. 

  Ngayon, tiyak ko na --- Kailanman, hindi mo magagawang pasayahin ang sinuman sa tuwina. Kailanman, hindi mo rin katungkulan o obligasyon na laging natutuwa sila sa iyo at sinusunod ang mga kahilingan nila. Kailanman, hindi mo kailangan ang kanilang pahintulot upang isaayos mo ang iyong sariling kapakanan. Kailanman, hindi sila ang nakapangyayari sa anumang pansariling kapasiyahan mo, kahit na sa pagsuklay sa buhok o maging kulay at istilo ng damit na isusuot mo. Kailanman, anuman ang iyong pinagkakaabalahan, ipinagdiriwang, libangan, at nagiging mga kaibigan, hindi kailangan isangguni sa kanila at hatulan ang mga ito. Kailanman, wala silang kapangyarihan o karapatan man lamang na paghimasukan ang sarili mong buhay, kahit na sumisipol ka pa habang natutulog. At higit sa lahat, ikaw lamang at hindi ang ibang mga tao ang may kapangyarihan at katungkulan sa buo mong katauhan.

Noong ako'y nasa elementarya pa lamang, tinandaan ko na ang mga katagang ito sa Inggles,
"You are the captain of your ship and the master of your soul."


 Sino Ba Ikaw?
Tumingin ka na ba sa salamin at napagmasdan mo ang nakaharap sa iyo? Mayroon bang pagbabago na nagaganap? May naiba ba?
  Kilala mo ba ang nasa salamin ng lubusan? Maipagkakapuri ba siya? Masigla at puno ng pag-asa ba sa kanyang buhay? Ano ang ginagawa mo para sa kanya na makabuluhan at kaibahan sa ngayon?
Sino ba Tayo?
Magkatulad ba tayo ng hangarin at may pagsasamahan?



Sino ba Sila?
   May isang panahon na pinasikat ito ng mangangantang si Sampaguita, kaya lamang sinalit-salit ito at ginawang, Nosi Balasi.  Narito ang kabubuan ng kantang ito.

Nosi Balasi
Wag mong pansinin ang naninira sa 'yo
Basta't alam mo lang, tama ang ginagawa mo
Wag mong isipin, wag mong dibdibin
Kung papatulan mo'y lalo ka lang aasarin.
Nosi, nosi ba Iasi
Sino, sino ba sila
Nosi, nosi ba lasi
Sino, sino ba sila?

ltuloy mo lang, gawin ang gusto mo
Walang mangyayari kung sila'y papansinin mo
Talagang ganyan, wag mo lang patulan
Wala lang magawa kaya sila'y nagkakaganyan.



  Walang ibang may hawak sa sarili mong buhay kundi ikaw lamang. Maging ang sarili mong mga magulang o nag-aruga sa iyong kaanak ay walang karapatan kapag narating mo na ang tamang gulang upang tumindig at mamuhay para sa iyong sarili. Sa unang 20 taon; katungkulan ito ng magulang mo at nararapat lamang na ibigay mo ang lahat ng paggalang, pagpapahalaga, at pagdakila para sa kanila. Matapos ito, ang susunod naman na mga taon sa iyong buong buhay ay ikaw ang tanging masusunod; upang ibigay naman ang lahat ng iyong paggalang, pagpapahalaga, at pagdakila para sa iyong sarili. 

   Anumang idadagdag dito, na mga pag-uusyuso, pag-uusisa, sulsol, pag-uudyok at pakikialam ng iba tungkol sa iyong sarili --- lahat ay pawang komentaryo na lamang.


Ang inyong kabayangTilaok,


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan










No comments:

Post a Comment