Tuesday, May 24, 2011

Anong Kaibahan Mo sa Iba?


   Kung ang iyong mga aksiyon ay nakapagbibigay ng inspirasyon sa iba na ibayong mangarap, puspusang may matutuhan, magawang magsikhay at may kapupuntahan sila, ikaw ay likas at tunay na pinuno. Mabibilang lamang sa ating mga daliri ang nakakagawa nito, kung kaya't mangilan-ngilan lamang ang nagtatagumpay at umuunlad sa isang pamayanan. Bihira ang nakapag-uukol ng kanilang panahon sa paglilingkod at pagnanais na makagawa ng kaibahan sa iba. Gayong kapag tumutulong ka sa iba, higit mong natutulungan ang iyong sarili.

   Ang laging tanong ng karamihan, "Bakit niya nagawang umunlad at maging maligaya?" "Anong lihim mayroon siya, gayong magkatulad ang aming kalagayan, pinagmulan, at sabay na nagkaisip at lumaki sa iisang lugar?"


   Diskarte? Wedo? Kalikasang taglay? Maparaan? Kaibahan? Ang mga ito ay hindi batubalaning personalidad na nagkasama-sama upang mabuo ang pananagumpay ng isang tao, at lalong hindi naman sa kahusayang magpalabok ng mga pananalita. Ito ay hindi sa pamamagitan ng "pakikipagkaibigan at pag-impluwensiya sa kanila," na isang pabalat-bungang pagpapapuri upang may biyayang matanggap. Wala sa mga ito.

   Ang katotohanan ay nakapaloob sa dakilang layunin ng isang tao. Nasa kanyang panginorin o vision na ituon sa matayog na pagtunghay; ang pagtataas ng antas sa pagganap ng mga gawain nang higit pa sa karaniwan na hinihingi ng mga pagkakataon. Ang pagtatatag ng personalidad na lagpas pa sa normal na hangganan. Ito ang ipinagkaiba, ang patuloy na makabuluhang paggawa at pagnanais na magtagumpay habang natutulog ang iba. Ang hangaring makapaglingkod nang higit pa sa kanyang makakaya.

   Sino ang nahilingan na lumakad ng isang kilometro, subalit ng gampanan ito ay ginawang dalawang kilometro? Ang gumagawa ng higit pa sa inaasahan, ang nagbibigay ng may palabis sa mga pagtulong, ang may pananalig at taimtim na kalooban na makaganap at makagawa ng kaibahan sa kapwa? Sino ang laging nag-iimpok, nagtatanim, at nagpapayabong (sa mga relasyon) sa mga dumarating na pagkakataon? 
  At sino naman ang laging umiiwas kapag nahilingan, nagtatago, ayaw masangkot at walang pakialam? Nagmamatyag, nag-aabang, walang direksiyon, at laging umaasa sa iba?

   Matutunghayan sa dalawang pangkat na ito kung sino ang nagtatagumpay at nabibigo. Kung sino ang mariwasa at mahirap. Kung sino ang mapagbigay at maramot. Kung sino ang may kababaang loob at mapagmalaki. Kung sino ang nasa katotohanan at balatkayo. Kung sino ang masigasig at balintuna. 

Kaligayahan o Kapighatian?

   Nasa iyong kapangyarihan ang kapasiyahan upang pumili. At anuman ang naisin mo dito ay siyang tutugon sa antas ng buhay na iyong susuungin. Lahat ng ito'y nakapaloob sa gagawin mong pakikipag-relasyon kaninuman.

Narito ang isang pamamaraan:

   Bahagi ng matagumpay na tao ang pananatili ng magandang pagtitinginan sa relasyon. Dito nakakapanaig ang malaya at makabuluhang talakayan sa bawa't isa nang walang anumang agam-agam at balakid upang mapabuti ang mga gawain.

   Kapag ang iyong pangarap ay higit na matayog sa iyong hinagap, mayroon ka lamang dalawang pagpipilian: Hintuan na ito o dili kaya’y humingi ng tulong sa iba. Lakipan sila ng inspirasyon na makihalo at sumama sa iyong pangarap o proyektong ginagawa sa pagpapahayag sa kanila na sila’y kailangan

   Bawa’t tao ay nagnanais na magkaroon ng kahalagahan at katuturan; ang makagawa ng tulong o kontribusyon sa kanyang kapaligiran o pamayanan; ang maging kaisa at kahalubilo sa mga bagay na marangal at katanggap-tanggap ay isang kasiyahang personal na walang katumbas. Nasa ating pagpapakita at paanyaya lamang sa magandang lunggati na ito upang sila’y mahikayat na sumama at makiisa. Payagan sila na makapiling at maisagawa ang anumang pinapangarap na lunggati na maging katotohanan, at ipakita sa kanila kung papaano ang sama-samang pagkilos ay nagagawa na ang isang simpleng pangarap ay magtagumpay. 

   Lahat ay nagiging katotohanan, ang kailangan lamang ay ibahagi mo ang iyong ideya o kaalaman sa iba, idulog at pag-aralan ito, hanapin ang mainam na solusyon at isagawa ang nararapat tungo sa ikakatagumpay nito. Sa paglalaan ng mabuting pakikitungo at paghahayag ng pagtitiwala sa iba ay isang huwarang hakbang upang makamtan mo ang kailangang pagtulong nila.

   Karamihan sa tao ay masasaliksik nila ang kanilang mga pananagumpay at mga kabiguan sa uri at antas ng kanilang pakikipag-relasyon sa iba. Sapagkat kung hindi ka marunong sumunod, hindi ka makapag-uutos. At lalo namang kahindik-hindik, nais mong umani nang wala ka namang naitanim. Pansinin ang isang alkansiya, kung ang naihulog mo lamang dito ay piso, natural, ang masusungkit mo lamang ay piso din. Marami sa atin, gahanip ang nagawa, "ibayong lupit" ang ninanasang kapalit o biyayang makukuha mula dito. Hindi ba nila alam ang deposit at withdrawal sa bangko? Kung ano ang naimpok mo, iyon din ang makukuha mo; at kung may patubo man, ito ay karampot lamang mula sa kabubuang halaga.

   Ang sikreto lamang para sa lahat ay nasa pagdamay at pakikipagtulungan sa iba. Narito ang susi ng tagumpay. Ang tunay at nagnanasang umunlad ay hinaharap ang musika, kahit na hindi niya gusto ang tono nito. Ang buod ng relasyon ay impluensiya, koneksiyon, at panginorin (vision) upang maisakatuparan ang lahat ng iyong mga pangarap.

Batayan: Tunay at wagas ang iyong pagkatao kung mayroon ka ng dalawang katangiang tulad nito: 
Una, alam mo kung saan ka papunta; Pangalawa, may kakayahan kang mahikayat ang iba na samahan ka. At kung kinakapos, panis, at bamban ka pa sa mga bagay na ito, aba'y gumising ka naman! 

Isaisip tuwina.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan



No comments:

Post a Comment