Wednesday, May 18, 2011

Ang Ating Kapatiran


  Mayroong tadhana na nagpapahintulot sa atin bilang magkakapatid, sapagkat walang sinuman na nabuhay sa mundong ito sa pagiging mag-isa lamang niya. Lahat ng ating ginagawa gaano man ito kaliit o kalaki, sinadya man o hindi, ay naghahatid ng kaibahan sa buhay ng maraming tao. At ito’y bumabalik sa ating mga sarili nang higit pa sa ating inaasahan. Ito ang tahasang nagaganap sa atin, at ito rin ang siyang nagbabadya kung anong klase at antas ng buhay ang ating patutunguhan.

   Magagawa nating umindayog sa himpapawid tulad ng mga nagliliparan na malalayang ibon, sumisid at maglangoy sa karagatan tulad ng mga malalayang isda, matuling tumakbo at tuklasin ang kapaligiran kawangis ng mga malalayang hayop sa lupa, subalit bilang mga tao na may angking likas na katalinuhan sa maraming bagay, ay patuloy ang ating kamangmangan sa simpleng kaparaanan na mamuhay bilang magkakapatid.

    Sa lahat ng mga bagay sa lipunan at mga pakikipag-relasyon,  maihahalintulad natin ang ating mga sarili sa ating limang daliri. Wala itong ganap na kabuluhan kung magkakahiwalay sa ating kamay; subalit kapag pinagdikit, kinuyom at pinatigas ang lahat ng ito at ginawang kamao, matinding pangyayari ang susunod na magaganap mula dito. 

   Ano ang magagawa ng isang tinting sa pagwawalis, kung walang maraming kasamang tinting at nakabugkos? Mistula lamang itong yagit na ibinabasura o pamarikit sa apuyan. 

   Sa ating buhay, ito ang malimit na nagaganap doon sa mga makasarili, maramot, walang kusa o pakialam, at naghihintay lamang ng awa at tulong mula sa iba sa mga pagkilos pamayanan, gayong nagnanasa sila ng makabuluhang pagbabago. 

   Hinihintay ba muna nilang mapahamak at magdusa kaysa kumilos at maagapan ang nakahihindik na kabuktutan sa ating mga kapaligiran? Hindi ba nila naiisip na kawangis nila’y isang tudlaan na sa anumang sandali’y magiging biktima ng mga karahasan, sakuna, panlalamang, at pagnanakaw? 

   Ang mga kabuktutan, pagmamalabis, at mga sabwatan ay nakapangyayari lamang sa isang pamayanan kapag walang ng natitirang mabubuting mamamayan na dito ay nananahan.

   Hindi mo magagawang dumamay at magkawanggawa anumang bagay sa iyong kapwa bilang kapatid; gaano mang kabuluhan ang mga panuntunan, mga talumpati, at mga pangako hangga’t hindi mo ito ginagawa at ipinamumuhay. Ang pananalig sa pakikiisa ay ang paniniwalang hindi ka makararating sa iyong patutunguhan hangga’t ang lahat ay hindi pa nakararating dito.


   Maaaring manawagan ka para sa kapayapaan nang buong lakas at kagitingan, subalit kung walang kapatiran, mananatili lamang itong tinatangay ng hangin sa kainitan ng tag-araw, at hinahaplit ng daluyong tuwing may bagyo.

   Nasa bukluran ang kalakasan at kapangyarihan, sapagkat ang isinasagawa ng isa ay nakasalalay sa kapalaran ng lahat. Dito lamang sa pagsasamahang ito mapapatunayan na ang paghahati at pagkakawatak-watak na ipinaiiral nang nasa maykapangyarihan ay lalaging nakatindig, matibay at matatag sa lahat ng panahon.

   Kailanman hindi makakamtan ng isang tao ang ninanasang kawagasan niya sa kanyang pagkatao, hangga’t hindi niya hinahangad ito na mangyari din sa iba katulad ng para sa kanyang sarili.

   Matindi ang aking pananalig na kung tahasan nating nais na maiparating at mapalaganap na tayo’y magkakasama na may pagtutulungan upang ang ating buhay ay maging ligtas, mapayapa, at patuloy sa pag-unlad, wala ng hihigit pa sa kawagasan ng diwa ng Kapatiran.


   Kumikilos at nagtatagumpay lamang ang isang bansa mula sa mga natatanging anak nito na may kagitingan, integridad, at pagmamalasakit sa mga pamayanan ng Kapatiran. Ang pagtatatag at pagpapalaganap nito ang siyang bumibigkis ng pagmamahalan at pagkakaisa ng bawat isa na makagawa para sa lahat ng malaking makabuluhang kaibahan at pagbabago sa kanyang lipunan.

Ang Kapatiran ay siya lamang kabayaran at kaganapan sa ating kaligtasan.




Magbuklod tayo at magkaisa ng mataos na hangarin tungo sa dakilang adhikain sa pagiging AKO, tunay na PILIPINO na
maka-Diyos
maka-Pamilya
maka-Bayan
maka-Kalikasan
at maKatarungan.

Laging isaisip, sa puso, sa diwa, at mga gawa.
 Ang inyong kabayang Tilaok,


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan






No comments:

Post a Comment