Tuesday, May 10, 2011

Philippine Festivals

    



   Nakikiisa ang AKO, tunay na Pilipino sa mga masisiglang pagdiriwang ng mga kapistahan sa lahat ng dako ng ating kapuluan. Ikinagagalak at buong puso kong ipinagmamalaki ang naiiba at katangi-tanging pagdakila sa ating mga katutubong tradisyon, mga kaugalian, at kultura.

   Bagama't ang pagsasayang ito ay pangkaraniwang pinangangasiwaan ng lokal na pamayanan at nagpapakilala ng kanilang natatanging pagdakila sa kanilang pangunahing pagkakakilanlan, tungkol sa agrikultura, mga produkto, at pangkabuhayan, o maging pagpupugay sa kanilang mahal na Patron, lahat ng mga ito'y bahagi ng pagdiriwang bilang marubdob na pasasalamat.

   Sa mga pagkakataong ito, nabibigyan ng pagpapahalaga ang pagtutulungan sa pamayanan na makapagdaos ng masiglang selebrasyon at maipahayag ang partisipasyon ng bawat isa sa ikatatagumpay nito. Malaki ang naitutulong nito sa ugnayan upang magkalapit at mapatibay ang mga relasyon. Sa pagsasayang ito, maliban sa ginagawang pangunahing pagtatanghal, dito rin nagaganap ang pagkikita-kita, magkapiling, at magkabalitaan ang magkakamag-anak, mga kaibigan, at malalapit na kasamahan.

   Ang magkasama sa pagdiriwang na ito at maipakita ang kaugaliang naiiba; tulad ng paghahanda ng iba't-bang pagkain na tangi at kinagigiliwan dito, maayos na paninilbihan, kaayusan at kalinisan ng tahanan, pamamasyal sa magagandang tanawin at pook pasyalan, pagtatanghal ng ipinagkakapuring mga likhang kamay, kakaibang sining at mga produktong pangkabuhayan, mga katutubong kaugalian na kinakailangang mapanatili, at pagiging huwaran ng mga matatanda, na maipakita sa mga kabataan at bagong henerasyon ang nakalipas na tradisyon at kabutihan nito sa kasalukuyan. Marami pang iba na matutunghayan at mararanasan lamang kapag naroon ka na't umiindak at kaulayaw sa kawiliwiling mga katutubong tugtugin.

   Lahat na mga ito ay ipinagbubunyi at itinatanghal upang mapatibay ang relasyon ng bawat isa at maisapuso ang pagtangkilik at pagmamahal sa sariling bayan.

  Halina at makipagsaya, pumasyal, at maglibang sa mga kapistahang ipinagdiriwang ngayon sa lahat ng dako ng ating bansa.

Mabuhay!

Mabunying KAPISTAHAN para sa lahat!



Ang inyong kabayang Tilaok,













Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment