Saturday, March 12, 2011
Ito ang Katotohanan
Ang Aking Naging Panuntunan
Noong ako'y nag-aaral sa kolehiyo sa gabi, tinustusan ko ito sa pamamagitan ng trabaho sa aking pinapasukan sa araw at paggguhit ng disenyo sa tatakan ng kamiseta. Palagi akong kulang sa tulog sa pagnanais na matapos ang aking mga ginagawa. Isang gabi sa kapuyatan, napasubsob ako sa lamesa habang gumuguhit at nakatulog. Ito ang tulog na hindi ko malilimutan. Dahil may napag-inipan ako na ginawa kong gabay magmula pa noon. Isang panag-inip na pambihira at sadyang nararapat isagawa.
Sa panag-inip, naglalakad ako sa gubat at ito'y pabalik-balik, hindi ko makita ang aking pupuntahan. Iba't-iba ang nagiging kasama ko. Minsan nakasakay ako sa dyip, sa kotse, sa tren, at sa huli ay bisikleta na umiikot lamang. Palagi akong pasahero kaysa sa nagmamaneho. Napagod ako at naiwang nag-iisa. Umupo na lamang ako sa isang silya sa may pintuan, nang may paos na tinig akong narinig. Una, natakot ako dahil hindi ko mawatasan ito. Palakas ng palakas at nangagaling sa langit. Ngunit wala akong nakikita na anyo. Nagtatanong ito, at tatlong katanungan ang aking narinig. Dumadagundong at paulit-ulit, hanggang sa humina at mawala.
"Bakit kita nilikha na Pilipino?"
"Bakit kita nilikha na mabuti?"
"Ano ngayon ang iyong ginagawa tungkol dito?"
Buhat pa noong magising ako, palagi nang umuukilkil ito sa aking isipan. Kaya't sinimulan ko kahit na sa mumunting paraan, ay maipakilala ko at magampanan nang taos sa puso ang kasagutan. At malaking bahagi nito ang Lingkod Bayan na sinimulan ko noon pa, at ipinagpapatuloy hanggang ngayon.
Dalawa lamang ang kailangang pagsusulit na haharapin kung nais kong mabuhay ng matiwasay.
Una: Ang buhay bang ginagawa ko'y katulad nang nais kong maganap sa akin?
Pangalawa: Nagagalak ba ang mga tao sa aking paligid para dito?
Ito ang lagi kong inuuna, bago ako magsimula kahit na anong bagay. Dito nakasalalay ang lahat kong mga pagkilos. Hindi buo ang aking pagkatao, kapag sa maghapon ay wala akong nagawang kabutihan. Hindi ako makakatulog ng mahimbing.
Labels:
Busilak
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment