Monday, March 21, 2011

Ang Tunay na Kabayan



   Narito ang isang liham mula sa isa nating kababayan sa malaganap na pahayagang ‘Phil.Daily Inquirer’ (03/21/2011) na isinalin sa ating wika.
   “Ang labanan ng network ay umabot na sa antas ng panloloko.  Nakapagtataka, ako’y isa lamang karaniwan at hindi kilala sa grupo ng tagapanood sa telebisyon, at narito ang isang tagapag-ulat at tinatawag akong, “Kapamilya,” “Kapatid,” o ”Kapuso”? Ang kapuso ay wala man lang kalapat sa Inggles.
   Ako ay ano? Kailan pa ako naging miyembro ng pamilya ng higanteng ABS-CBN? At bakit ang GMA7 ay nakuha at nalaman ang aking personal na katauhan, saloobin at damdamin? “Kapatid”? Mayroon lamang akong dalawang nabubuhay na kapatid, kaya bakit ang nag-uulat ay tinatawag akong kanyang kapatid? Gayong ang TV5 ay isang network na hindi naman pagmamay-ari ng denominasyon sa relihiyon.
   Ano ang nangyari sa maaasahang dati na “Mga kaibigan, Kababayan, o Kapwa Kong Pilipino na 99 na porsiyentong kumakatawan sa telebisyon ay humintong gamitin? Ito ba’y usap kaplastikan (walang katapatan).  Kaya nga mabuti ang aking pakiramdam kapag may tumatawag sa akin bilang “kabayan” sapagkat ako’y tunay niyang kabayan.

----POMPEYO PEDROCHE,

   Aray ko! Ang impit at palahaw ng mga tinamaan. Pati na doon sa mga hindi kumikibo, nagpapabaya, at nagsasalaula ng ating mga likas na paggamit sa ating wika. Nawawala na sa ating katauhan ang katotohanan at kawagasan. Lalo lamang tayong ginugulo at inaalisan ng tunay na katauhan ng mga taga-media sa mga taguring ito, sa kanilang telebisyon, radio, at pahayagan. Anuman ang kanilang lihim ng hangarin dito ay kailangang sugpuin, batikusin, at baguhin. Huwag nating pahintulutan na tuluyang maglaho ang taal at kadalisayan ng mga katagang pamilya, kapatid, at kapuso na nakalaan lamang sa tunay nating mga mahal sa buhay. Hindi ito nararapat gamitin kahit kaninong tao, maliban lamang sa malalapit na sariling kaanak. Pinalalabo, iwinawaglit, at pinaglalaho ng mga taguring ito ang ating kabatiran upang tayo'y magkawatak-watak na walang pagkaka-kilanlan.
   Sa ABS-CBN, hindi ko kayo kamag-anak. Hindi ko kilala ang angkan ninyo. Wala akong kapamilya na tulad ninyo. Huwag ninyo akong akitin.
   Sa GMA7, hindi ko kayo kapuso. At lalo naman hindi ko kayo naka-relasyon. Hindi ko malirip, kung saan tayo nagkaligawan at nagkasama upang iduyan ninyo ako na kapuso.
   At dito sa bagong TV5, hindi ninyo ako kapatid. Kilala ko ang aking magulang, wala akong naging kapatid sa labas. Hindi sila malikot na tulad ninyo. Huwag kayong mang-uto.
   Batid ko kung bakit ninyo ito ginagawa. Upang makuha ang aming pagtitiwala. Lahat ng kaparaanan para kami’y mapagsamantalahan ay ginagamit ninyo. Masdan ninyo ang naging kinahinatnan ng marami nating kababayan. Tulad ng alak na nakakalasing, droga na nakakabaliw, ang inyong mga network ay mistulang naging bisyo at aliwan na sa maghapon at magdamag. Sa pag-aakalang pagmamalasakit ang mga taguring ito, marami ang nakakatulog ng mahimbing.
   Sa katusuhang paggamit ng Kapamilya ng ABS-CBN, Kapuso ng GMA7, at Kapatid ng TV5, nakuha ninyo ang pagtitiwala, panahon, at kapalaran ng karamihang Pilipino. Sa hangaring magkamal ng limpak-limpak na salapi, hindi ninyo inalintana ang kalagayan, kinabukasan, at kakahinatnan ng inyong mga kalahi. Masdan ninyo ang ating bansa, lalo ninyong ginugumon sa mga aliwang walang kabuluhan. Pawang pag-aaksaya at pampalipas oras, na sana'y nararapat matuon sa kagalingang pang-kaunlaran.  Palibhasa’y walang katotohanan na “Kapamilya”, “Kapuso,” at “Kapatid” ang mga kapwa Pilipino, nagpapatuloy ang panloloko at pagsasamantala. Hindi ito ginagawa at ipinalalasap sa mga tunay na minamahal sa buhay
   Ang kabuktutan at talamak na pagkagahaman ay nagpapatuloy lamang kapag wala ng mabubuti sa isang lipunan. Ito ang katotohanan.

No comments:

Post a Comment