Sunday, March 13, 2011
AKO ay Tunay na Mayaman
Ang salapi ay isang nakakaaliw na batubalani at malimit ay nakakalasing. Nabibili nito ang maraming bagay na magpapasaya sa iyo; karangyaan, libangan, papuri, palamuti, at mga kakilala. Subalit ang pagkakaroon ng maraming salapi ay hindi nangangahulugan o magagawang matagumpay ka. At lalo naman, ang bigyan ka nito ng hinahangad mong kaligayahan. Ang tunay na kailangan ay magkaroon ng kaganapan ang iyong buhay ayon sa nais mong mangyari sa iyo.
Papaano ito?
Tunay nating kailangan ang salapi, bakit nga ba hindi? Subalit gayundin ang makahulugan at makabuluhang buhay, dahil ito ang magpapatunay kung sino ka.
Kailangan natin sa ating gawain, anumang larangan ang ating kinalalagyan ang maging makabuluhan ito. Sapagkat dito nakasalalay ang tunay na kayamanan na siyang magpapaligaya sa atin. Sa salapi, mabibili natin ang anumang ating naisin, subalit hindi nito mabibili ang mga bagay na hindi nakikita na siyang pinakamahalaga sa lahat. Dahil ang mga ito ay sumisibol mula sa kaibuturan ng ating puso.
Ano ang mga ito?
Pagmamahal, Katapatan, Pakikiisa, Kalinga, Pagtingin, at Pagmamalasakit, mula sa matalik na Kaibigan. Ang tunay na pangangailangan natin ay ang palibutan tayo ng mga taong may ganitong mga kalooban. Tanging kayamanan na hindi matutumbasan ng anumang halaga. Higit tayong maligaya kapag kapiling natin sila. Mga taong nagagalak tayong makita. Mga taong ipinagdiriwang anuman ang mayroon tayo. At ipinagbubunyi nila, maging sinuman tayo. Sa lahat nang sandali; sa hirap man o ginhawa, kasayahan man o kapighatian, ay nananatiling tapat at kapiling natin sa tuwina.
Masasabi kong ako'y tunay na mayaman sa pagkakaroon ng mga kaibigan na mayroong ginintuang kalooban na tulad ng mga ito.
Hindi lamang mayaman ako, bagkus ako'y mapalad pa. At bilang pagpapatunay; kaya ito nakapangyayari, sapagkat kailanman, ang Dakilang Diyos ay hindi natutulog. Dagdag pa dito, minsan ma'y hindi ko Siya nakitang kumurap man lamang.
Kaya nga, AKO, ay tunay na MAYAMAN.
Labels:
Banyuhay
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment