Pabatid Tanaw

Saturday, June 06, 2015

Pagkakaiba ng Galit at Pagmamahal

Isang maestro ang nagtanong sa kanyang mga disipulo:
Bakit tayo humihiyaw kapag nagagalit? Bakit ang mga tao ay nagsisigawan sa isat-isa kapag sila ay nanggagalaiti na?’ Kung nasa tama ang katwiran mo, bakit kailangang ihiyaw mo pa ito para maunawaan ka?’ Dahil ba hindi ka nakakatiyak kung tama nga ito?”
   Ilang sandaling nag-isip ang mga disipulo, at isa sa kanila ang tumugon,,“Dahil nalimutan nating maging mahinahon, kaya nga naging marahas tayo at sumisigaw pa upang higit na maintindihan!”
“Kung gayon,” ang pahayag ng maestro, ‘bakit naman kailangan pang sumigaw kahit na kaharap mo lamang ang kausap?’ Hindi ba higit na mapayapa kung mahina ang boses dahil magkatabi lamang kayo?’ Bakit kailangan pang sigawan ang kaharap kapag ikaw ay nagagalit na?”
   Marami pang mga kadahilanan ang ipinaliwanag ng mga disipulo, subalit isa man ay hindi nakatugon at ikinagalak ng maestro.
Sa bandang huli siya ay nagpaliwanag:
“Kapag ang dalawang tao ay nagagalit sa isa’t-isa, ang kanilang mga puso ay magkalayò at malaking agwat ang pagitan. At halos hindi na magkakilala. Para mapaglapit ang kanilang mga puso, kailangan magsigawan sila para magkarinigan ang bawat isa. Kapag lalo silang nagagalit, kinakailangang ihiyaw nila nang buong lakas ang kanilang mga boses para tumagos sa kanilang mga puso dahil sa malaking distansiya nito sa isa’t-isa.”
Matapos ay may nagtanong sa maestro:
“Papaano naman kung may dalawang tao na nagmamahalan?” Nakangiting nagpahayag ang maestro,Hindi sila nagsisigawan, sa halip, mahinahon at magiliw silang nag-uusap, at madalas, sila’y nag-aanasan na lamang, bakit? Sapagkat ang kanilang mga puso ay magkalapit. Ang distansiya o agwat sa pagitan ng kanilang mga puso ay manipis at halos walang puwang o dingding.”
At sa huli ay idinugtong pa ito:

“Kapag sila ay nagmamahalan nang higit pa sa isa’t-isa, ano ang nagaganap?’ ‘Hindi na sila nag-uusap, mga bulong na lamang kapag magkadikit at magkayakap sila sa pag-ibig. ‘Sa kalaunan, hindi na nila kailangan pa ang magbulungan, tinititigan nila ang isa’t-isa at hinahayaang mag-usap na lamang ang kanilang mga puso. Ganito kung papaano tahasang magkalapit ang dalawang tao kapag sila ay wagas na nagmamahalan sa isa’t-isa.” 

Para sa iyo, ikaw... papaano ba ang nagaganap na pagmamahalan sa pagitan ninyo ng minamahal mo?

No comments:

Post a Comment