Pabatid Tanaw

Saturday, June 30, 2012

Maaari ba Kitang Makilala?

      
Maging tunay, ang kalikasan ay kumakampi 
lamang sa katotohanan.

   Sa mga umpukan at lalo na sa mga pagtitipon, kapag may nakasalamuha tayong mga bagong kasamahan na tumawag sa atin nang pansin, ay nais natin silang makilala. Bakit nga ba hindi, kung mayroon tayong nakikitang mga katangian na ating hinahangaan at nais matularan. Subalit papaano naman, sa paghaharap na ito, ay kung papaano magagawang ipakilala o ang ipaalam kung sino kang talaga.
   Ito ang kadalasang pinangangambahan ng marami, lalo na yaong mga hindi nakahanda at walang gaano mang maipapakilalang mga katangian o maipagmamalaking gawain. Urong-sulong at inaapuhap ang mga katagang nais mabigkas nang walang inaala-alang mga kapintasan.  Ang mga karaniwang naitutugon ay, “Ang aking pangalan ay . . . “ o dili kaya’y, “Ako’y isang guro lamang.”  “Taga baryo Makitid lamang ako.” "Taga-probinsiya lamang ako." At magwawakas sa, “Nagtapos lamang ako sa isang publikong pamantasan.”
   Mapapansin na kalimitan ay may kalakip na katagang lamang sa mga ito. At sa madaling pang-unawa, nagpapahayag ito ng kakapusan at umiiral na pagmamaliit sa sariling pagkatao at kakayahan. Nahihiya na makilala ang tunay na pagkatao. Kung ito ang nais na maipakilala, ito rin ang magaganap na pagpapahalaga sa relasyong namamagitan. Kung walang nakikitang paggalang ang iyong kaharap sa iyo mismong sarili, ito rin ang uri ng paggalang na makukuha mula sa kanya. Ang tanong, bakit kailangan pang samahan ng lamang? Gayong sapat na ang banggitin ang ilang inpormasyon tungkol sa sarili. Tungkol ba ito sa pagiging mapagkumbaba? Kung ito ang dahilan; ang pagiging guro ba ay kababaan? Kung taga-baryo Makitid ka, isa ba itong kababaan? Ang pagtatapos ba sa publikong pamantasan ay kababaan? Maliban kung ikinakahiya ang mga pagkakakilanlan na ito sa pagkatao ng isang tao.
   Subalit ang mga ito ay hindi lubusang ipinakikilala kung sino ka, maliban kung mababa ang pagpapakilala mo sa iyong sarili. Hangga’t ikinahihiya ng isang tao ang kanyang kalagayan, nababawasan ang kanyang mga pagkakataon sa buhay. Sa dahilang yaong mga tao na nakahandang tumulong sa kanya ay magsisimulang mag-alinlangan at umiwas na mahawa pa. 
   Sinuman sa atin na nakakatiyak kung gaano ang kanyang mga katangian o maging mga kakayahan, ay hindi pa rin lubusang nababatid na ang mga pagpapakilanlan na ito ay hindi resulta ng masidhing pagtuklas sa ating mga sarili, bagkus isang bagay na kusang “nangyari sa atin, dahil sa kapabayaan.” Napakadaling malaman kung papaano ito nangyari. Gaano ba kadalas na umupo tayo at sinimulang isa-isahin ang mga katangiang na sadyang nagpapakilala kung sino tayo? Mga katangiang sadyang maipagmamalaki natin kung sino tayong talaga.
   Isang katotohanan na ang ating mga buhay ay masalimoot at lubhang matalinghaga. Sinuman ay hindi mapapasubalian na nabubuhay tayo sa isang lipunan na personal at makasarili; patuloy tayong binubomba araw-araw ng mga komersiyal at mga mensahe tungkol sa mga pahusayan, walang hintong mga tunggalian, at mga kompetisyon. Tinitingala ang mga kampeyon, pinupuri ang mga nanalo, at pinaparangalan ang mga magagaling. At kung hindi tayo kabilang sa mga ito, nagkakaroon tayo ng mga pag-aalinlangan sa ating mga sarili at ikinakahiya ang kawalan natin ng kakayahan. Kahit na ang simpleng pagsulat ng ating mga katangian ay isang mahirap na gawain para sa atin.
   Tulad sa paggagamot, hangga’t hindi nalalaman ang sanhi ng karamdaman, walang sapat na kagamutan para ito malunasan. Hangga’t hindi mo ganap na nababatid ang mga katangiang mong taglay wala kang kakayahan na ito’y magamit para sa iyong kapakinabangan.

  Dalawang konsepto ang may relasyon dito tungkol sa pagsasaayos upang personal mong makilala ang iyong sarili.
1-Pagsasaliksik.
       Ito ang relasyon mo sa iyong sarili na magkaroon ng aktibong pagtuklas at panunutunan tungkol sa iyong mga pananaw at inpormasyong pinaniniwalaan. Habang tayo ay nakikibaka sa buhay ay patuloy din ang mga bagong karanasan, mga bagong inter-aksiyon sa ibang tao, at mga bagong emosyon na nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang baguhin o palakasin ang sentrong aspeto ng ating pagkakakilanlan sa ating mga sarili. Ito ang nakapaghuhudyat kung papalitan natin ang ating trabaho, mapapangasawa, o hihintuan ang panonood ng walang kabuluhang palabas sa telebisyon. Nakakatulong din ito na maiwasan ang panghihina ng loob, pagbigkas ng mga negatibong pananalita laban sa sarili o ang paghamak sa sarili, at kawalan ng pag-asa.
2-Pagtatalaga
       Ito ang relasyong iniuukol mo sa iyong sarili na pagindapatin at pahalagahan ay iyong mga katangian at mga kakayahan sa iyong pagkatao. Anumang mayroon sa iyo ay nararapat mong ikarangal at ipagmalaki, sa halip na kutyain at isantabi ang mga ito. Walang sinumang makakagawa nito sa iyo kundi ikaw lamang. Kung wala kang tahasang pagsasaalang-alang ng iyong pagkatao, mistula kang patpat na ililipad sa isang bugso ng hangin. Manindigan! Paunlarin ang iyong sarili at magpakatatag. Simulang tumayo at manindigan sa mga makabuluhan at patungo sa kaunlaran ng iyong sarili. Kahit na bagyo o anumang daluyong, ang matatag na punongkahoy ay hindi magagawang maibuwal.

   Maaaring kaiba ang iyong personalidad, sino ba sa atin ang hindi, ngunit ang iyong pagkakakilanlan ay ang iyong susi sa tagumpay. Ang iyong pagkatao o karakter ay kalidad ng iyong mga personalidad, ang iyong trabaho, ang iyong samahan, kalagayan sa buhay, mga paniniwala, ang iyong pagmamalasakit sa kapwa, at maging ang iyong mga nagagawang pagtulong sa iyong pamayanan. Lahat ng mga ito ay kabubuan ng iyong pagkatao kung sino ka. Higit pa ito kaysa pagkakakilala  mo sa iyong sarili at sa mga nais mo pang magawa sa hinaharap.
   Maging panatag at nakakatiyak sa kung ano ang iyong tunay na personalidad --- sapagkat ito ang lumilikha ng iyong pakikipagrelasyon sa iba. Ito ikaw ngayon, at sa mga darating pang mga araw sa iyong buhay. At kung magagawa mong komportable, may pagtitiwala at mapayapa ka sa pagdadala mo sa iyong katauhan, sinumang tao na iyong makakaharap; maging hari, presidente ng bansa, o karaniwang mamamayan ay wala kang itatago o pangangambahan. Malaya kang ipahayag na banggitin ang iyong pangalan, tirahan, at trabaho nang walang anumang pag-aatubili.

Ngayon, puwede ba kitang makilala?

 
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
  

Mabuting Balita


Hayaan na magkaroon ako ng kaluwalhatian sa aking Sarili
na dati ko nang nakakaniig noon pa man bago ang simula.
                                                                             -Jesus ng Nazareth 

   Isang deboto ang lumuhod sa nagaganap na initiation ng pagka-disipulo. Ang kanyang ispiritwal na tagapagturo o guru ay ibinulong ang banal na mantra sa kanyang tainga, kasama ang babala na huwag itong ipagtatapat o babanggitin man kahit kanino.
   Nagugulumihanang nagtanong ang disipulo,Ano po ang mangyayari, sakalimang magawa ko? Ang tugon ng guru, “Sinuman na magsiwalat ng banal na mantra ay magagawang makalaya sa pagkaalipin ng kamangmangan at kapighatian, subalit ikaw, dahil sa kagagawan mo ay tatanggalin sa pagka-disipulo at daranas ng isang sumpa.”
   Nang matapos ang ilan pang seremonya, biglang tumalilis ang deboto at nagmamadaling nagtungo sa kalapit na pamilihang bayan, tinawag at tinipon ang malaking pangkat ng mga tao na makinig sa kanyang pambihira at mahalagang mantra na ipagtatapat. Buong kasabikan at malinaw na binigkas ng deboto ang banal na mantra sa lahat ng makakarinig na nakapalibot sa kanya.
   Nagalit ang ilan niyang kasamahan na mga deboto nang mabalitaan ang nangyari sa pamilihan. Mabilis nila itong isinumbong sa guru kasabay ang protestang itiwalag ang deboto sa monasteryo dahil sa kanyang pagsuway sa kautusan.
   Magiliw na napangiti ang guru sa narinig at nagpahayag. “Hindi na niya kailangan pa ang anumang bagay na maituturo ko. Ang kanyang aksiyon ay nagpamalas na siya man ay isa na ring guru na naturingan sa kanyang sarili.”
 
~~~~~~~
Naniniwala at natitiyak ko na ang kahulugan ng kuwentong ito ay magiging malinaw katulad ng iba pang mga kuwento sa nakaraang mga pahina ng Banyuhay na narito. Mayroon kang kakayahan na mabatid ang kalaliman ng mga ito upang magising at makabalik sa Ispirito. Nangyayari na ngayon ito sa iyong buhay, bagama’t lingid sa iyong kaalaman, ay hindi mo magagawang basahin ang mga katagang narito nang walang umaakay sa iyo para ito mangyari. At maging sa akin na nagsusulat para dito, hindi ko rin mawari at lubos na maunawaan kung bakit patuloy na itinutulak ako na magsulat ng mga paksang tulad nito.
   Iisa lamang ang layunin nito, ang gisingin ang ating mga kamalayan na alamin at tuklasin ang ating wagas na kaluwalhatian na patuloy na naghihintay para magkaroon tayo ng inspirasyon at ganap na malikha ang minimithi nating kaligayahan.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Ayaw Mapagod

  
 Sinuman na nagnanais nang mabilis na pagbabago ay kailangang palitan ang kanyang pakikitungo sa pabagu-bagong panahon.


Mayroon sa ating ilan na may makitid ang isip o limitado ang pag-iisip. Maging ang pagtunghay sa buhay ay naging makipot at lumabo nang tuluyan. Tulad lamang ito ng malabong salamin, hangga’t hindi mo ito nalilinis, pawang mga aninag at anino lamang ang iyong makikita. Subalit matapos mo itong linisin at pakintabin, ang katotohanan ay iyong masisilayan.
   Sa tuwing mapapasyal ako sa tirahan ng aking bayaw sa kanugnog na lalawigan, napuputol ang aming pag-uusap sa mga tumatawag sa ibaba ng kanyang bahay. Karamihan sa mga ito ay nanghihingi ng kanyang mga talbos at bunga sa kanyang gulayan. At marami dito, na ang hinihingi ay ang dahon at bunga ng malunggay. Naitanong ko sa kanya, hindi ba mga kapitbahay mo sila at malalawak din ang kanilang mga likod-bahay, bakit hindi nila magawang magtanim din ng malunggay kaysa parating manghingi sa iyo? Simpleng kasagutan lamang ang naitugon nito. “Hindi nila magagawa ito para sa kanila, baka sila mapagod!”
   Naunawaan ko ang ibig ipakahulugan ng aking bayaw, higit na madali ang manghingi kaysa magpakapagod na magtanim. Marami ang kuntento na sa pagiging palaasa at palahingi. Gayong sa ilang sandali lamang na pagpapawis o kapaguran ay malulunasan ang nakapanlulumong kanser na pag-uugaling ito.
   Ganito din ang kinasadlakan ng marami sa atin, lubhang inasahan na ang pagbili ng mga napakamahal na gulay sa pamilihan, at bihira na ang nagtatanim sa nakatiwangwang na mga lupain at maging sa mga bakuran. Hindi na biro ang mga halaga ng gulay sa panahong ito, subalit ninanais pa rin ng karamihan sa atin, lalo na sa mga lalawigan na bumili na lamang kaysa magtanim.
   May bumigkas minsan at nalathala sa pahayagan, “Maghagis ka ng binhing buto sa labas ng bintana at saan man ito bumagsak, ito ay tutubo at magiging halaman. At pati na kalsada ay puwedeng tamnan sa Pilipinas.” Bagama’t marami sa ating mga lansangan ang sementado na ay may katotohanan pa rin ang pahayag na ito. Sa tuwing nakasakay ako ng eroplano, at pagmamasdan ko sa ibaba ang buong kalupaan na aking natatanaw sa ating bansa, halos kulay luntian ang lahat. Isang pagkagulat at ibayong kalungkutan ang aking nadarama sa tuwing naririnig at nasasaksihan ko ang kagutumang naghahari  sa ating bansa. Sa aking mga ginagawang pagbibiyahe sa mga lalawigan, sa nakikita kong mga malalawak na bukirin na walang tanim at parating mga damuhan lamang, sa nakatiwangwang na mga saganang lupain sa palibot ng mga pamayanan, sa mga likod bahay na napapabayaan, lahat ng mga ito’y mga nasasayang na pagkain.
   Noon, hindi kilala ang lalawigan ng Benguet at mga karatig pook nito bilang mga gulayan, sapagkat mahirap ang biyahe noon at nasisira lamang ang mga produkto nito. At sa bawa’t lalawigan noon, wala ring kasalatan sa mga gulay, bagkus sobra-sobra pa at ipanapahingi na lamang. Kung nais mo ng upo, kalabasa, patola, ampalaya at kung anu-ano pang gulay, kung walang gulay na tulad nito sa bakuran mo, maaari mong hingin ito sa iyong mga kapitbahay. Mahilig magtanim ng mga gulay ang mga tao noon. Dito sa amin sa barangay Kupang, karaniwan na ang bawa’t kulob o likod-bahay noon na may balag, at may patola, kalabasa o upo na gumagapang dito. Pangkaraniwan na ang okra, kamote, talong, at sitaw sa bawa’t bakuran. Subalit nang magsimulang maging mabilis ang mga biyahe mula sa lungsod ng Baguio, naging mabilis na rin ang pagbibiyaheng pababa mula dito ng mga gulay. Dahil bugbog at sagana ito sa mga pataba, mga kemikal, at mga pamuksa ng insekto, magaganda at malalaki ito kaysa mga napipitas sa aming mga bakuran. At tulad ng inaasahan, ito na ang binibili sa pamilihan at kinalimutan na ang magtanim pa sa kanya-kanyang mga bakuran. Kaalinsabay din nito ang pagsulputan ng mga kakaibang sakit at karamdaman sa mga tao.
   Paminsan-minsan ay may naliligaw na nagtitinda sa palengke ng natural o katutubong mga gulay, maliliit ito at makukulay, maraming kagat ng insekto at hindi magkakasinlaki. Ito ang lagi kong hinahanap sa mga gulay at madalas na binibili. Dahil nakakatiyak akong ligtas ito sa mapaminsalang kemikal. Sa Amerika, noon pa'y nagsimula nang tangkilikin ang mga pagkain at gulay na mula sa likas na pangangalaga o ang katawagang organic, wala itong bahid at halo ng anumang kemikal, mga insecticide, anti-biotic, na sumisira sa ating mga katawan.

   Bahala na
   Kahit na may magagawa, higit na pinagtutunan ng pansin ang madadali at maaasahan. Kaysa magkaroon ng sariwa, likas, at walang kemikal na pagkain, minabuti na lamang na asahan ang dumarating mula sa ibang pook.  At sa pag-uugaling ito, malaki na ang ipinagbago ng ating mga palengke at mga shopping malls. Karamihan sa pagkaing itinitinda dito ay galing pa saTsina at ang mga gawang produkto nito, na ang karamihan ay mga palsipikado at hindi dumaan sa eksamin o mga pagsusuri para matiyak ang ating kaligtasan. Kadalasa’y mga smuggled goods ito na bawal nang kainin o gamitin sa kanilang bansa. Dahil sa mura at magagandang mga pakete nito, lalo na sa mga pampaganda, marami ang nahahalina at pikit-matang binibili ang mga ito.

Anumang iyong iniisip, nililikha ang iyong katotohanan. At habang ikaw ay may inaasahan, walang pagbabago sa iyong kapalaran, bagkus ang patuloy na paglubog sa putikan.
  
Sakalimang malabo ang ating mga mata o ang salamin na ating suot, gaano ba katagal linisin ang salamin sa mata? Kailan nga ba tayo tuluyang magigising at tangkilikin ang sariling atin?
   Tulad ng paglilinis ng salamin, gaano katagal malinis ang isang bintana? Ang isang kuwadrong salamin? Pakatandaan lamang, nakikita natin ang daigdig hindi sa kung ano itong talaga, bagkus kung sino tayo. Ang ating pangmasid ay mistulang may salamin na may grado. Kung ano ang taas ng grado nito, ganoon din ang antas ng ating nais ipakahulugan sa ating nakikita, at hindi ito tunay na umaayon sa ating nakikita.
   Hangga’t hindi naaapektuhan o nadadamay, at hindi nagiging biktima, bastante tayo na pikit-matang tinatanggap ang mga pangyayari sa ating paligid. At wala ring ganap na pagbabagong gagawin para maituwid at ihinto na ang mga kalapastanganan at mga pagkakamaling nagaganap. Ang mga ganitong walang pakialam na kamalayan ay siya mismong mga mitsa ng mga bomba na sasabog sa ating harapan. Kung makitid at limitado ang isip, mistulang tanikala itong nagbibilanggo sa atin para mabatid ang katotohanan na siyang makapagliligtas sa ating kapahamakan.

   Anumang iyong kinakain, ay siyang nagtatakda ng iyong kalusugan at kasakitan. Malaking bahagi ng mga kemikal na sangkap nito ang nakakapagpasiya ng iyong mga pakiramdam, pag-uugali, at pabugsu-bugsong init ng ulo. Ikaw at ang kinahiligan mong pagkain ay iisa.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Friday, June 22, 2012

Liham para kay Tatay


Tatay,

Alam ko, lahat ng sinusulat kong essays ay nabasa ninyo. Sa maraming pagkakataon, lagi ko kayong nababanggit sa mga isinusulat ko. Hindi ko alam kung ano'ng nararamdaman ninyo noon sa tuwing nababanggit ko kayo. Marahil hindi ko na malalaman pa.
   Hindi ko lang alam kung mababasa ninyo pa ito; nagbabakasakali lamang ako. Baka may internet connection din naman d'yan. O baka, may mag-print nito para sa inyo, tulad ng parating ginagawa ni Inay.
Maraming pagkakataon akong nasayang. Dapat matagal ko nang ginawa ito, ngunit hindi ko alam kung paano sisimulan o kung paano tatapusin. Hindi ko rin alam kung ano’ng pumipigil sa akin. Siguro, takot akong magpakita ng emosyon sa inyo, tulad ng kinalakihan naming magkakapatid.
   Naiintindihan ko rin naman kung bakit ganoon; lumaki din kayo sa feudal na lipunan at konserbatibong pamilya. Ang magpakita ng emosyon ay isang kahinaan at dapat maging matatag, dahil masakit ang hagupit ng buhay.
   Tuwing nakakainom kayo, doon ninyo lang naikukuwento sa amin ang masakit ninyong karanasan noong kabataan ninyo sa kamay ng inyong mga mapang-aping mayamang angkan. Ang alak ang nagiging tagapagsalita ninyo: naipagtatapat ninyo sa amin kung gaano at papaano kayo inapi ng mayayaman at malulupa ninyong tiyo at tiya, at mga pinsan. "Sapagkat ang aking ina ay nakipagtanan sa isang mahirap na magsasaka na itinuturing nilang putok sa buho," ito ang parating hinanakit ninyo. Ang galit noong pang kabataan ninyo ay dala-dala pa hanggang sa inyong pagtanda, na siyang sugat na lumipat hanggang sa sumunod naming henerasyon. Nitong huli na lang namin napagtanto, na ang alak na aming kinatatakutan at kinamumuhian, ay siyang tumulong sa inyo sa pagsalo ng mga kinimkim na galit sa mundo.
   Naiintindihan ko rin kung bakit ganoon na lang ang pagmamalasakit ninyo sa mga naghihirap at naaapi sa iba't ibang sulok ng Pilipinas. Kung bakit niyakap ninyo ang idelohiyang masyadong masalimoot para sa makikitid ang utak sa lipunang ating ginagalawan. Ngunit hindi ko na napaabot pa sa inyo ito.
   Nabanggit sa akin ng Tiyo na ang isa sa pinaka-regret ninyo ay hindi ninyo kami nabigyan ng marangyang buhay, dahil ang pagtulong sa mga naapi, mga walang kalayaan, at mga walang kapangyarihan ay hindi makapagdudulot kailanman ng salapi o kasaganaan. Pero Tatay, hindi naman namin hinangad na yumaman; sapat na sa amin ang kung anong meron tayo. Ngunit hindi ko na nasabi pa sa inyo ito. Hindi ko masabi --- dahil akala ko’y naiintindihan ninyo na.
   Marami tayong hindi pagkakaintindihan at maraming hinanakit na hindi nasabi. Marahil sa takot na baka hindi ninyo maintindihan ang aming nais sabihin. O marahil, nahihiya kaming magpakita ng emosyon. Ang emosyon ay isang kahinaan na dapat magapi. Corny ang magpahiwatig ng nararamdaman.
   Napakahirap ninyong maabot. Hindi namin alam kung paano papasukin ang inyong napakatigas na balatkayo. Kung nagawa lang namin iyon, makikita namin doon sa loob ang isang batang nagmumukmok at humihingi ng tulong. Marahil naging makasarili at madamot kami, at hindi namin matiyagang hinanap ang batang iyon. Ang inisip lang namin, ay kung gaano kami nasaktan at ang sariling pagmumukmok lamang ang aming inatupag.
   May nagsabi sa akin, medyo nagalit kayo sa Diyos sapagkat hindi ninyo maintindihan kung bakit hinahayaan Niya na dumanas ng sakit at kamatayan ang mga mahihirap, samantalang ang mga walang kwentang tao na nagpapakasasa sa buhay at nang-aabuso ng kapwa ay hinahayaan Niya lang magpatuloy sa kanilang gawain na walang pasakit o pahirap man lamang. Tatay, kahit sino ay walang makakasagot nito. Huwag na sana kayong magtampo sa Kanya. Pero mukhang nakipagbati na kayo n’ong Huwebes, di ba?
   Ang mga galit na ito ay nagbunga rin ng poot sa kalooban namin. Ang poot na ito ang naging hadlang upang makinig ng mga kwento sa aming pagtulog --- ang mga karanasan sa bundok, sa kapatagan, sa kagubatan, at sa karagatan na inyong tinahak ay naging hadlang upang ganap naming maintindihan ang mga kuro-kurong dapat sana’y naibahagi sa amin. Ang poot na ito ang dahilan kung bakit bulag kami sa mga katotohanan: na ang pagmamahal ninyo sa aming mga anak, ay higit pa sa ano mang pagmamahal na maari naming makamtan. Sabi nga sa amin, kahit saan mang lupalop kayo nanggaling, ay putikan kayong umuuwi sa bahay pagkagat ng dilim upang makita kaming mahimbing na natutulog. Noong kabataan n’yo, mahilig kayo sa mga bagong kagamitan at kasuotan, tulad ng paborito n'yong Banlon T-shirts; pero dahil sa amin, ilang taon nang butas ang inyong Advan na sapatos ay hindi pa ninyo pinapalitan. Mas kelangan daw naming magkakapatid ang bagong sapatos, ang madalas ninyong katwiran.
   Tatay, ang tangi lamang pagkakataon para tayo nakakapag-usap noon ay sa pamamagitan ng gitara at piano. Naaala-ala n’yo ba noon, kung paano tayo magkantahan, lalo na kapag nawawalan ng kuryente sa bahay? Naaala-ala n’yo din ba noon, kung paano tayo gumawa ng napakagandang musika? Ang musika, ay isang napakagandang pabaon sa amin. Kahit na kapos, ay pinag-aral n’yo kami ng piano, ibinili ng gitara, at pinag-aral sa magaling na maestro upang marating ng boses ang hindi marating ng karaniwang Juan o Maria.
   Nitong nakaraang apat na taon, saka lang tayo nagkatagpo sa isip. Natuto kaming makinig, hindi lang bilang mga anak ngunit bilang tao na nagmamalasakit din.

Ngunit hindi ko masabi ang lahat ng ito.

   Hindi ko masabi, Tatay, na hindi man tayo naging mayaman, ay mahalagang naituro ninyo sa amin ang magmahal sa bayan nang taos-puso at walang kapalit na hinihintay. Hindi man kami nasa matataas na posisyon ngayon, ang mahalaga ay natutunan namin, na ang pera ay hindi mahalaga, sapagkat ito'y maaring kitain muli ngunit ang magbenta ng kaluluwa ay hindi na mabubura, at kailanman ay hindi na mababawi. Itinuro ninyo sa amin, na ang manindigan sa prinsipyong pinaniniwalaan ay hindi madali, bagkus ito'y magdudulot ng ibayong pasakit at pahirap. Marami kang makakaaway at marami ding maisasakripisyo, ngunit, Tatay, ‘wag kang mag-alala, makakatulog naman kami ng mahimbing.
   Masakit ang magmahal nang hindi naman naibabalik ang inialay na pag-ibig. Bakit nga ba umiiyak tayo kapag nababasted o bine-break-up tayo? Sana naman hindi ninyo ito naramdaman sa aming mga anak ninyo. Sana naman, kahit papaano naipaalam namin sa inyo na ang pag-ibig ninyo ay nagawang naibalik din namin sa inyo. Hindi man sa salita --- sapagkat salat kami sa pananalita --- pero kahit papaano, naiparating namin sa inyo. Marahil, walang ibang pinakamasakit na trahedya sa buhay ang malamang hindi ka mahal ng iyong mga anak.
   Kaya sana, Tatay, ay nababasa ninyo ito. May internet connection din naman sa langit, di ba? 

Sinulat ni Awiyaw Mangubat, natatangi para sa InterAsksyon.com
Ika-17 ng Hunyo, 2012

Ulirang Panuntunan


   Dahil sa kahilingan ng marami na sumusulat sa akin, ay muling ibinabalik ko ang pahinang ito. Marami sa kanila ang gumawa ng mga sariling kopya, at ang iba nama'y pinalaki ito at inilagay sa kanilang mga opisina at paaralan. Ako'y nagagalak sa makabayang pagtangkilik sa mga ginintuang mga alituntunin na narito, ito'y sadyang nagpapakilala ng pagiging mga tunay na Pilipino natin. 
 Mabuhay! 
   Nasa pagkakaisa at pagtutulungan lamang ganap nating makakamit ang minimithi nating tunay na kasarinlan para sa ating bansa. May kapangyarihan tayong likhain ang pamahalaang karapatdapat para sa atin, at hindi mula sa susog ng iilan at pakikialam ng ibang mga bansa. Ang ating pagka-mamamayan ng Pilipinas ay ang ating pambansang pagkakakilanlan. Sinasagisag nito ang ating pagkatao at mga kabutihang asal sa ating lipunan. Bilang mga tunay na Pilipino, katungkulan nating panatilihin ang mga tradisyon at kulturang minana pa natin sa ating mga ninuno. Tayong lahat ay magkakapatid . . .

IsangLahi, IsangIsip. IsangSalita, IsangGawa, IsangKapatiran, at IsangPilipino.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Thursday, June 21, 2012

Nagkamali AKO



Hindi mo maiisip ang paraan sa bagong uri ng pamumuhay. Ipinamumuhay mo ang iyong paraan sa bagong uri ng kaisipan.

Sino ang hindi namali? Lahat tayo ay may kamalian at patuloy na nakakagawa ng pagkakamali. Walang sinumang nabuhay sa mundo na naging perpekto, bagama’t iniuukol natin ang pagiging perpekto sa isang tao na ipinako sa kurus. Magkagayunman, bawa’t isa sa atin ay nakagawa ng bagay na pinagsisisihan sa bandang huli, at kinakailangang ihingi ng paumanhin, subalit iilan lamang ang umaamin dito bilang taos sa pusong pagpapaunawa sa pagkakamaling nagawa.
    Karamihan sa tao ay dumaraan sa mahigpit at makirot na sitwasyon para ipaalam ang kanilang mga pagkakamali at nagawang kasalanan, huwag nang banggitin pa dito ang pagbigkas ng dalawang kataga na, “Ikinalulungkot ko.” o ang “Pagpaumanhinan ako.” At ang palasak sa Inggles na, “I’m sorry.” Na susundan ng “Nagkamali ako.”

   Lahat ng mga ito ay iniiwasan natin na tulad sa isang peste o nakakahawang sakit. Hindi malunok na bigkasin ang mga nabanggit na mga salita na tila mababagsakan ng langit o mawawalan ng malaking kayamanan. Nahihiyang ilantad ang tunay na kulay ng balat, 'ika nga. Mga umid ang dila na dumaloy sa mga labi ang mga katagang “Patawarin mo ako.”
   Kung palabasa ka ng mga babasahing Pilipino, hindi lingid sa kaalaman ng marami ang katotohanan na kaysa maging lipunan tayo ng mga taong umaamin sa pagkakasala, naging mapagdahilan, taga-panisi at tagaturo tayo sa iba. Kahit na lantarang nakikita ang kabuktutang ginagawa, patuloy pa rin ang pagkukunwari na walang nalalaman. At kapag nasalang sa hukuman at nililitis na, may biglang umaatakeng amnesiya. At kapag maraming nagdudumilat na mga ebidensiya laban sa kanya at nasusukol na, ay biglang nagkakasakit na kailangan ang napakatagal na gamutan sa ospital. Isa itong malalang sakit na sapilitang ginagawang kadahilanan ng mga mapagsamantala sa ating pamahalaan at maging sa mga pribadong hidwaan sa negosyo, anomalya sa bangko, lamangan sa seguro, sa madayang bentahan ng mga lupa, mga paninikil sa karaniwang mamamayan, atbp.
   Kung sakali mang nalantad na ang katiwalian ay may napipilitang umaamin sa nagawang pandaraya o pagmamalabis sa katungkulan, ay dagliang humihingi ng 'paumanhin,' subalit kadalasan ay dinaragdagan ito ng kapuri-puring kabayanihan at pagpapakita ng kalinisan, para mabawasan o kundi man malunasan ang pagkakasala sa mata ng mga tao, na napasama lamang daw sila, at wala silang anumang partisipasyon sa dayaan. Balatkayo at panibagong pandaraya ito.
   Bihira na ngayon ang umaamin at lantarang tinatanggap ang pagkakamali, gayong lahat naman tayo ay nagkakamali. Kaya nga ang lapis ay nilikhang may pambura, upang burahin ang maling naisulat. Ang kailangan lamang ay marunong tayong tumanggap ng ating mga kasalanan. Ang matatag na amining ... tayo ay nagkasala at humihingi ng paumanhin nang walang gaano mang mga kadahilanan. Hindi lamang ito ang nararapat at sadyang tama, bagkus ito lamang ang tanging paraan upang tayo ay patuloy na igalang at pahalagahan ng mga taong ating karelasyon o nasasakupan.

Patawarin Po Ninyo Ako 

   Sino ang hindi nakakalimot sa alibughang anak sa bibliya? Isa itong parabola na tumutukoy sa mapagmataas na anak. Sa kanyang kasabikang maging malaya at magsarili ay kaagad hiningi ang kanyang mamanahin. At nang makuha ito ay mabilis na lumisan upang ipamuhay ang marumi niyang mga pangarap. Magiliw na pinaunlakan ito ng ama, ang taong nagpakahirap na mabigyan ang kanyang pamilya ng magandang pamumuhay at kinabukasan. Lahat ng pagpupunyagi at mga sakripisyong ito ng ama ay tinalikuran lahat ng anak. Halos nadarama natin ang bigat at hapding sumasapuso ng ama na makita ang kanyang anak nang umalis ito ng kanilang tahanan na tila isang preso na nakalaya sa isang bilangguan. Halos madurog ang kanyang puso sa pag-aalala sa batang anak na wala pang kamalayan sa takbo ng buhay sa labas ng tahanan, o maging ng karanasan, kung papaano hahawakan at magagamit sa maayos na paraan ang salaping kanyang minana.
   Gaya ng inaasahan, ang salaping nararapat na maubos sa habang-buhay ay dagliang natapos sa isang kisapmata. Saan napunta ang malaking kayamanang ito? Bagama’t hindi detalyado kung papaano naubos ang pamana sa kanya, sa ating imahinasyon, ito’y nawaldas sa mga kasayahan, at sa mga taong nagsidikit sa kanya at nagsamantala bilang mga kaibigan, hanggang sa magsilisan ang lahat nang maubos na ang dala niyang salapi. At upang may makain ay nakikiagaw na lamang sa pagkain ng mga baboy sa kulungan ng mga ito. At sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang buhay, ngayon lamang niya naranasan ang matinding kahirapan, nag-iisa, walang bahay na masulingan, busabos at yagit ng lansangan.

   Para sa atin, ang leksiyon ng parabolang ito ay nakasentro sa binata; ang pagwaldas niya sa pamana at makasalanan niyang mga bisyo. Subalit ang tunay na puntong moral sa buod ng istorya, ay ang kapasiyahan niyang umuwi sa kanilang tahanan. Nilunok niya ang kanyang pagmamataas, tinanggap ang kanyang kamalian, humingi ng kapatawaran at ipinagkaloob ang sarili na maging alipin na lamang ng kanyang ama para maipakita ang kanyang taos-pusong pagsisisi at katapatan. Ang paggalang ng anak ay naipakita sa kanyang pagbabalik, at hindi mapag-aalinlangan ang kanyang malabis na paghingi ng kapatawaran at pagsasabing, “Ako ay nagkamali.” Ito ang naging daan sa buong pusong muling pagtanggap sa kanya ng ama.

   Naipakita dito ng anak ang buong responsibilidad na pag-ako sa mga kasalanang nagawa. Hindi niya isinisi at nagsabi na, “Kung hindi lamang ako dinaya sa sugalan, tiyak ako ang nanalo.” At hindi rin ito gumawa ng dahilan at nanisi ng kapamilya, “Tatay, kung sinabi lamang ninyo sa akin na maraming mandaraya at magsasamantala sa akin, disin sana ay naging handa ako. Kasalanan ninyo ito sapagkat hindi ninyo ako inihanda sa tunay na kaganapan sa labas ng bahay!” Ang binata ay hindi inilipat ang paninisi sa iba. Walang sinuman isinangkot at mga kadahilanan sa kanyang paghingi ng kapatawaran. Inako niya ng buong kagitingan ang kanyang mga pagkakamali at dahil dito ay buong-puso siyang tinanggap sa kanilang tahanan.

Ang landas na tinatahak ng alibughang anak: paghihimagsik, pagkagumon, pagsisisi, pagpapatawad, at pagsasaayos. Marami ang dumaraan sa mga kalbaryong ito, ngunit iilan lamang ang nakakatapos. Katulad ng pagpasok sa isang paaralan, maraming grado ang daraanan at marami din ang bumabagsak. Hangga't iniiwasan ang paghingi ng kapatawaran, makakatiyak ka na uuliting muli ang nagawang kasalanan, at sa pagkakataong ito, higit na mahapdi ang magiging kapinsalaan.
Ang tao ay maraming ulit na namamali, subalit hindi siya isang kamalian hanggang sa simulan niyang manisi ng iba, at palitawing ito ang may kagagawan.

   Ito ang mga tunay na kaganapan sa ating mga buhay:  Walang utang na hindi pinagbayaran; Kapag may bulok, may mangangamoy; Kung ano ang iyong itinanim, ay siya mo ring aanihin; Ang isda ay nahuhuli sa bibig; Maloloko mo ang mga tao sa isang pagkakataon, at sa isang panahon, subalit hindi sa habang anahon; Gaanoman na pagtatago sa mali, lilitaw din ang katotohanan.

Bawa’t tao ay siyang arkitekto ng kanyang sariling buhay. Itinatayo niya ito mula sa kanyang mga kapasiyahan at mga kagustuhan. Kahit papaano, matapos niya itong itayo gaya nang nais niyang mangyari, paminsan-minsan ay nagpapasiya siya na hindi niya nais ang pagkakatayo nito at naghahanap siya ng sinuman o bagay na mapagbabalingan para sisihin at ipatong dito ang lahat ng kapintasan, maliban sa baguhin ang kanyang sarili.

Ikaw papaano mo binubura o nilulunasan ang iyong mga pagkakamali?



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Wednesday, June 20, 2012

Pagkilala sa Wikang Pilipino


   Hindi ko malilimutan ang naitulong ng mga aklat at komiks na ito noong ako'y nagsisimulang magbasa. Maraming panahon din ang aking ginugol dito kaysa maglaro na karaniwang ginagawa ng mga batang kasinggulang ko. Nauna pang gumuhit ako at kopyahin ang mga nakalarawan dito kaysa sumulat. At noong ako'y nasa ikalawang grado sa elementarya, tagaguhit at tagagawa na ako ng aking guro ng kanyang mga proyekto sa silid-aralan. Lahat ng mga ito'y utang ko sa mga komiks at mga babasahing Pilipino.
  Malaki ang naiambag sa aking kaalaman sa pagbabasa ang mga babasahing Liwayway at Bulaklak. Halos bawat mga nobela na narito ay patuloy kong sinusubaybayan noon. At ang mga komiks naman ang nagpalawak ng aking imahinasyon sa pagkakaroon ng matibay na pananalig, lakas ng loob at mga pakikipagsapalaran sa buhay. Ito rin ang nagpaantig ng aking damdamin na maging makabayan at lingunin ang aking pinanggalingan. Mula sa mga ito ay nagising ako at narating ko ang maraming tagumpay sa aking buhay.

   Nalulungkot lamang ako, dahil nawala na ang masiglang pagtangkilik at masigabong  paglaganap ng mga babasahing ito. Simula nang dumating ang telebisyon at mga panoorin sa entablado, nawalan na ng pansin ang karamihan sa ating mga kabataan na magbasa. Lalo na sa mga babasahing nasa wikang Pilipino na nagpapakilala ng ating mga tunay na tradisyon, sining at kultura.

   Magkagayunman, ako ay nagagalak sapagkat mayroon pa ring ilang tunay na Pilipino ang nagsusumigasig na maibalik at mapanatili ang ningning ng mga komiks sa wikang Pilipino. Ipinagmamalaki at pinupuri ko ang kahusayan ng ating mga dibuhista sa komiks. Noon, makita ko lamang ang kanilang dibuho sa komiks, kilala ko na kung sino ang gumuhit nito. Sadyang napakalaki ang naitutulong ng mga may-akda at mga dibuhista sa mga babasahing tulad ng mga ito sa paglaganap ng wika natin. Naipapakita pa nila ang katutubong mga kaugalian, mga lumang kagamitan, sining at kultura ng ating bayan. Pambihira din at hinahangaan ng maraminng dibuhistang Amerikano ang kanilang mga nagawa sa mga komiks ng Amerika, lalo na sa Marvel publications.

   Para kay kasamang Gerry Alanguilan ng komikero.com at ng alanguilan.com/museum,              Mabuhay ka!
  Ang mga tulad mo ang tunay na kailangan ng ating bansa. Maraming salamat sa iyo.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Panganib ng mga Negatibong Salita



Kung nauunawaan mo ang kapangyarihan ng salita, kailanman ay hindi mo magagawang bumigkas ng negatibong pananalita.

   Sino ang hindi nakakakilala kay Howard Hughes? Isa siyang henyo, mapagsarili, mapanlikha, at mapangarapin. Ang kanyang mga tagumpay sa negosyo, sa larangan ng aviation, at maging sa media ay nagawa na maging isa siya sa pinakamayaman at makapangyarihang mga tao sa Amerika, bagama’t siya ay nabiyayaan ng mga kagulat-gulat na kayamanan at hinahangaan ng milyung-milyong mga tao, ang asal ni Hughes ay nagtulak sa kanya para magkubli at manatiling nag-iisa tulad ng isang ermitanyo.
   Sa maraming dekada, habang nagtatago sa likod ng mga nakatabing na kurtina ay namuhay si Howard nang may matinding mga bagabag at patuloy na pagkatakot.  Sa tinatamasa niyang karangyaan at kasikatan, nagsimula nang sigilahan siya ng matinding takot na anumang sandali ay matatapos ang mga papuri, kayamanan, at pati na ang kanyang buhay. Sa araw-araw ay ito ang kanyang bukambibig sa kanyang sarili. Ang nakakalungkot, ang kanyang pagkatakot sa kamatayan ay naging dahilan upang makaligtaan niyang tamasahin ang kaligayahan ng buhay. Ang pansarili niyang konsepto, ang mga salitang kanyang binibigkas sa sarili, ay nilunod siya sa dagat ng kapighatian. Ang nakagugulat niyang kayamanan ay nagawan ang kanyang kamatayan na maging taliwas sa kanyang mga pangarap. Sa halip, ito mismo ang nagtulak sa kanya upang maligalig at katakutan ang maagang pagkamatay. Bagama’t siya ay lubhang mapagpalabis sa lahat ng bagay, sa huling sandali ng kanyang buhay, ay isa siya sa napakaraming mga tao na nagsasabi sa kanilang mga sarili na sila ay lubos na natatakot, na ang kanilang mga pagkabalisa ay hindi pinahintulutan kailanman na ibayong magpakaligaya sa bawa’t sandali ng kanilang mga buhay.
   Hindi magandang panuntunan ang umusal ng mga negatibong salita sa sarili, sapagkat anuman ang iyong binabalak na magawa ay hindi kailanman magtatagumpay. Sa simula pa lamang, ay pawang mga pag-urong at kawalan ng kakayahan ang mangyayari sa iyo. Pinahihina nito ang iyong pag-asa na magpatuloy pa at manatiling nag-aalinlangan, hanggang sa tuluyan nang huwag gawin ang anumang layunin.  
   Mahalaga ang iyong mga salita, at kung paulit-ulit itong binibigkas sa iyong sarili, ito rin ang iyong bibigkasin sa mga kaharap at mga kausap. Marami na ang winasak ng mga negatibong salita, sa pagsasaboy ng mga putik sa pulitika, pinagsimulan ng digmaan sa pagitan ng dalawang bansa, winasak na pagmamahalan ng mag-asawa, pagkakalat ng mapanirang tsismis, at siya ring naging kamatayan ng isang tao na may pangalang Jesus, nang ipako siya sa kurus. Ang salita ay isang makapangyarihang kasangkapan at masasabing higit na makapangyarihang sandata. Nagagawa ng salita na magkaroon ng isang inspirasyon, magpasigla, bumuhay, manira, mangwasak, at maging ang pumatay. At kung papaano natin ito gamitin ay tumutugon sa malaking kaganapan tungkol sa bawa't isa sa atin.


   Anumang ang patuloy na sinasabi mo sa iyong sarili, lalo na kung ito’y mga negatibo, ay malaking kapahamakan lamang ang idudulot sa iyo. Kung ano ang iyong iniisip, at laging binibigyan ng atensiyon, ito ang pagmumulan ng iyong mga kapasiyahan. At mula dito, ang sumusunod na mga pagkilos ay siya namang mga hakbang na lilikha ng iyong kapalaran. Kung mayroon kang mabuting pansariling-konsepto, ito ay mahalagang lakas para magawang itama ang iyong mga pananalita. Sa positibo at praktikal na pagtunghay sa buhay, kung may pananalig ka sa iyong kakayahan at potensiyal na magagawa sa buhay, ang lahat ng tao na nakapaligid sa iyo ay mapapansin ito at nagnanais na ikaw ay tularan at sumunod sa iyo. Kahit na lingid ito sa iyong kaalaman, gustuhin mo man o hindi, ikaw ay isang likas na pinuno. Ang kailangan lamang ay tuklasin mo ito sa positibong paraan ng pagdadala mo sa iyong sarili. At nagsisimula ito sa iyong mga salita na binibigkas mo sa iyong sarili.

Saan ka ba magsisimula na baguhin ang paraan ng pagsasalita mo sa iyong sarili? Papaano ka makakakuha ng mga positibong mga salita na magtataas sa iyo sa halip na magbabagsak sa iyo?

Makapagsisimula ka sa paggawa ng listahan:

1-Isulat ang iyong mga talento (katangian, kakayahan). Saan ka ba mahusay at sadyang sanay na gumawa? Anong mga bagay na laging kinagigiliwan mong gawin, na kahit nagugutom ka na ay hindi mo pa maiwan, dahil isa na itong libangan para sa iyo? Tulad ng isang mamimili, hindi ka pupunta sa palengke o shopping mall nang wala kang listahan ng mga bibilhin. Sapagkat anuman ang humahalina at nakakatukso sa iyo ay siya mong uunahin. Mainam ang may plano sa gagawin, kaysa makalimutan mo ang iyong pakay at sa iba mapunta ang iyong atensiyon. Mainam ang may listahan, upang malaman mo kung nasaan ang antas ng iyong kaalaman at umaayong mga pagkakataon na maaari mong pasukan at gawing trabaho.

2-Ano bang mga bagay ang nagpapasaya sa iyo? Gumawa din ng listahan. Napakahalaga nito sa iyong buhay, dahil mabibigyan mo na ng panahon ang mga positibong bagay na umaaliw sa iyo, at maiiwasan mo na ang aksayahin pa ang iyong mga makabuluhang sandali sa mga negatibo at nagpapahamak sa iyo. Mainam ding batayan ito, pagdating sa mga tao na laging nasa iyong tabi, kung pinasasaya ka o pinalulungkot ang iyong mga sandali. Kung wala kang listahang tulad nito, sinuman na dumikit at humalina sa iyo ay siya mong kagigiliwan.

3-Sino ba ang mga tao na nakakatulong at nagpapahalaga sa iyo? At sino naman ang mga taong nagsasamantala at humahamak sa iyong pagkatao? Isulat din ito, upang maunawaan mo kung magpapatuloy o iiwas ka sa nagaganap sa iyong buhay. Kung wala kang kabatiran sa tungkol sa bagay na ito, anumang nangyayari ngayon sa iyong buhay ay kagustuhan mo. Kung wala kang partisipasyon, hindi ito kailanman mangyayari sa iyo.

4-Ilista ang lahat mong mga napagtagumpayan, papuri, katibayan, at mga nagawa. Nakapagbibigay ito ng malaking pagtitiwala sa sarili na makagawa pa ng higit kaysa mga ito. Ito ang iyong matibay na pundasyon na makalikha pa. Sa bawa’t araw, kung nais mong patuloy ang iyong tagumpay, isang paghamon sa iyong sarili na mahigitan mo ang iyong kahapon. Kailangang may maunlad na pagbabago sa tuwina nang higit pa kaysa dati. Kung hindi ito naisulat, makakatiyak kang ito’y malilimutan at hindi na masusundan pa. Maaaring ordinaryo o simpleng bagay lamang ito sa iyo, subalit bahagi nito kung sino kang talaga. At kung ito’y nakasulat, pinalalakas nito ang iyong pananalig na makagawa pa, sapagkat napapansin at pinahahalagahan ang iyong mga talento ng mga taong nakapaligid sa iyo.

5-Pansinin ang iyong mga talento, ang iyong mga kakayahan at ipagmalaki ito. Ikaw lamang ang makapagbibigay para sa iyong sarili ng pagtitiwala na magawa ito, upang ang iba ay magtiwala din sa iyo. Kapag patuloy mong inilalantad ang iyong mga kalakasan, anumang ligalig at pagkabahala na namamayani sa iyong isipan ay kusang maglalaho. Hindi ka na mag-aalala pa sa iyong kakayahan. Pakatandaan lamang, may kakayahan kang magawa ang isang trabaho, subalit kung patuloy na sinasabi mo sa iyong sarili na hindi mo ito makakaya, kahit na ano pa at lahat na gawin, pawang kabiguan lamang ang iyong aanihin.
Walang ipinagkaiba ang matalino at mangmang, kung ang matalino ay hindi nagagamit ang kanyang kaalaman.



Kung ang mga tao ay may pangunahing pang-unawa ng tama mula sa mali, at nagtataglay ng masigasig na hangaring mapaunlad ang kanilang mga sarili at masikhay na makaahon mula sa kinasadlakan, magagawa nilang putulin ang tanikala 
ng anumang negatibong kapaligiran.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan