Pabatid Tanaw

Wednesday, June 20, 2012

Panganib ng mga Negatibong Salita



Kung nauunawaan mo ang kapangyarihan ng salita, kailanman ay hindi mo magagawang bumigkas ng negatibong pananalita.

   Sino ang hindi nakakakilala kay Howard Hughes? Isa siyang henyo, mapagsarili, mapanlikha, at mapangarapin. Ang kanyang mga tagumpay sa negosyo, sa larangan ng aviation, at maging sa media ay nagawa na maging isa siya sa pinakamayaman at makapangyarihang mga tao sa Amerika, bagama’t siya ay nabiyayaan ng mga kagulat-gulat na kayamanan at hinahangaan ng milyung-milyong mga tao, ang asal ni Hughes ay nagtulak sa kanya para magkubli at manatiling nag-iisa tulad ng isang ermitanyo.
   Sa maraming dekada, habang nagtatago sa likod ng mga nakatabing na kurtina ay namuhay si Howard nang may matinding mga bagabag at patuloy na pagkatakot.  Sa tinatamasa niyang karangyaan at kasikatan, nagsimula nang sigilahan siya ng matinding takot na anumang sandali ay matatapos ang mga papuri, kayamanan, at pati na ang kanyang buhay. Sa araw-araw ay ito ang kanyang bukambibig sa kanyang sarili. Ang nakakalungkot, ang kanyang pagkatakot sa kamatayan ay naging dahilan upang makaligtaan niyang tamasahin ang kaligayahan ng buhay. Ang pansarili niyang konsepto, ang mga salitang kanyang binibigkas sa sarili, ay nilunod siya sa dagat ng kapighatian. Ang nakagugulat niyang kayamanan ay nagawan ang kanyang kamatayan na maging taliwas sa kanyang mga pangarap. Sa halip, ito mismo ang nagtulak sa kanya upang maligalig at katakutan ang maagang pagkamatay. Bagama’t siya ay lubhang mapagpalabis sa lahat ng bagay, sa huling sandali ng kanyang buhay, ay isa siya sa napakaraming mga tao na nagsasabi sa kanilang mga sarili na sila ay lubos na natatakot, na ang kanilang mga pagkabalisa ay hindi pinahintulutan kailanman na ibayong magpakaligaya sa bawa’t sandali ng kanilang mga buhay.
   Hindi magandang panuntunan ang umusal ng mga negatibong salita sa sarili, sapagkat anuman ang iyong binabalak na magawa ay hindi kailanman magtatagumpay. Sa simula pa lamang, ay pawang mga pag-urong at kawalan ng kakayahan ang mangyayari sa iyo. Pinahihina nito ang iyong pag-asa na magpatuloy pa at manatiling nag-aalinlangan, hanggang sa tuluyan nang huwag gawin ang anumang layunin.  
   Mahalaga ang iyong mga salita, at kung paulit-ulit itong binibigkas sa iyong sarili, ito rin ang iyong bibigkasin sa mga kaharap at mga kausap. Marami na ang winasak ng mga negatibong salita, sa pagsasaboy ng mga putik sa pulitika, pinagsimulan ng digmaan sa pagitan ng dalawang bansa, winasak na pagmamahalan ng mag-asawa, pagkakalat ng mapanirang tsismis, at siya ring naging kamatayan ng isang tao na may pangalang Jesus, nang ipako siya sa kurus. Ang salita ay isang makapangyarihang kasangkapan at masasabing higit na makapangyarihang sandata. Nagagawa ng salita na magkaroon ng isang inspirasyon, magpasigla, bumuhay, manira, mangwasak, at maging ang pumatay. At kung papaano natin ito gamitin ay tumutugon sa malaking kaganapan tungkol sa bawa't isa sa atin.


   Anumang ang patuloy na sinasabi mo sa iyong sarili, lalo na kung ito’y mga negatibo, ay malaking kapahamakan lamang ang idudulot sa iyo. Kung ano ang iyong iniisip, at laging binibigyan ng atensiyon, ito ang pagmumulan ng iyong mga kapasiyahan. At mula dito, ang sumusunod na mga pagkilos ay siya namang mga hakbang na lilikha ng iyong kapalaran. Kung mayroon kang mabuting pansariling-konsepto, ito ay mahalagang lakas para magawang itama ang iyong mga pananalita. Sa positibo at praktikal na pagtunghay sa buhay, kung may pananalig ka sa iyong kakayahan at potensiyal na magagawa sa buhay, ang lahat ng tao na nakapaligid sa iyo ay mapapansin ito at nagnanais na ikaw ay tularan at sumunod sa iyo. Kahit na lingid ito sa iyong kaalaman, gustuhin mo man o hindi, ikaw ay isang likas na pinuno. Ang kailangan lamang ay tuklasin mo ito sa positibong paraan ng pagdadala mo sa iyong sarili. At nagsisimula ito sa iyong mga salita na binibigkas mo sa iyong sarili.

Saan ka ba magsisimula na baguhin ang paraan ng pagsasalita mo sa iyong sarili? Papaano ka makakakuha ng mga positibong mga salita na magtataas sa iyo sa halip na magbabagsak sa iyo?

Makapagsisimula ka sa paggawa ng listahan:

1-Isulat ang iyong mga talento (katangian, kakayahan). Saan ka ba mahusay at sadyang sanay na gumawa? Anong mga bagay na laging kinagigiliwan mong gawin, na kahit nagugutom ka na ay hindi mo pa maiwan, dahil isa na itong libangan para sa iyo? Tulad ng isang mamimili, hindi ka pupunta sa palengke o shopping mall nang wala kang listahan ng mga bibilhin. Sapagkat anuman ang humahalina at nakakatukso sa iyo ay siya mong uunahin. Mainam ang may plano sa gagawin, kaysa makalimutan mo ang iyong pakay at sa iba mapunta ang iyong atensiyon. Mainam ang may listahan, upang malaman mo kung nasaan ang antas ng iyong kaalaman at umaayong mga pagkakataon na maaari mong pasukan at gawing trabaho.

2-Ano bang mga bagay ang nagpapasaya sa iyo? Gumawa din ng listahan. Napakahalaga nito sa iyong buhay, dahil mabibigyan mo na ng panahon ang mga positibong bagay na umaaliw sa iyo, at maiiwasan mo na ang aksayahin pa ang iyong mga makabuluhang sandali sa mga negatibo at nagpapahamak sa iyo. Mainam ding batayan ito, pagdating sa mga tao na laging nasa iyong tabi, kung pinasasaya ka o pinalulungkot ang iyong mga sandali. Kung wala kang listahang tulad nito, sinuman na dumikit at humalina sa iyo ay siya mong kagigiliwan.

3-Sino ba ang mga tao na nakakatulong at nagpapahalaga sa iyo? At sino naman ang mga taong nagsasamantala at humahamak sa iyong pagkatao? Isulat din ito, upang maunawaan mo kung magpapatuloy o iiwas ka sa nagaganap sa iyong buhay. Kung wala kang kabatiran sa tungkol sa bagay na ito, anumang nangyayari ngayon sa iyong buhay ay kagustuhan mo. Kung wala kang partisipasyon, hindi ito kailanman mangyayari sa iyo.

4-Ilista ang lahat mong mga napagtagumpayan, papuri, katibayan, at mga nagawa. Nakapagbibigay ito ng malaking pagtitiwala sa sarili na makagawa pa ng higit kaysa mga ito. Ito ang iyong matibay na pundasyon na makalikha pa. Sa bawa’t araw, kung nais mong patuloy ang iyong tagumpay, isang paghamon sa iyong sarili na mahigitan mo ang iyong kahapon. Kailangang may maunlad na pagbabago sa tuwina nang higit pa kaysa dati. Kung hindi ito naisulat, makakatiyak kang ito’y malilimutan at hindi na masusundan pa. Maaaring ordinaryo o simpleng bagay lamang ito sa iyo, subalit bahagi nito kung sino kang talaga. At kung ito’y nakasulat, pinalalakas nito ang iyong pananalig na makagawa pa, sapagkat napapansin at pinahahalagahan ang iyong mga talento ng mga taong nakapaligid sa iyo.

5-Pansinin ang iyong mga talento, ang iyong mga kakayahan at ipagmalaki ito. Ikaw lamang ang makapagbibigay para sa iyong sarili ng pagtitiwala na magawa ito, upang ang iba ay magtiwala din sa iyo. Kapag patuloy mong inilalantad ang iyong mga kalakasan, anumang ligalig at pagkabahala na namamayani sa iyong isipan ay kusang maglalaho. Hindi ka na mag-aalala pa sa iyong kakayahan. Pakatandaan lamang, may kakayahan kang magawa ang isang trabaho, subalit kung patuloy na sinasabi mo sa iyong sarili na hindi mo ito makakaya, kahit na ano pa at lahat na gawin, pawang kabiguan lamang ang iyong aanihin.
Walang ipinagkaiba ang matalino at mangmang, kung ang matalino ay hindi nagagamit ang kanyang kaalaman.



Kung ang mga tao ay may pangunahing pang-unawa ng tama mula sa mali, at nagtataglay ng masigasig na hangaring mapaunlad ang kanilang mga sarili at masikhay na makaahon mula sa kinasadlakan, magagawa nilang putulin ang tanikala 
ng anumang negatibong kapaligiran.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment