Pabatid Tanaw

Friday, June 22, 2012

Liham para kay Tatay


Tatay,

Alam ko, lahat ng sinusulat kong essays ay nabasa ninyo. Sa maraming pagkakataon, lagi ko kayong nababanggit sa mga isinusulat ko. Hindi ko alam kung ano'ng nararamdaman ninyo noon sa tuwing nababanggit ko kayo. Marahil hindi ko na malalaman pa.
   Hindi ko lang alam kung mababasa ninyo pa ito; nagbabakasakali lamang ako. Baka may internet connection din naman d'yan. O baka, may mag-print nito para sa inyo, tulad ng parating ginagawa ni Inay.
Maraming pagkakataon akong nasayang. Dapat matagal ko nang ginawa ito, ngunit hindi ko alam kung paano sisimulan o kung paano tatapusin. Hindi ko rin alam kung ano’ng pumipigil sa akin. Siguro, takot akong magpakita ng emosyon sa inyo, tulad ng kinalakihan naming magkakapatid.
   Naiintindihan ko rin naman kung bakit ganoon; lumaki din kayo sa feudal na lipunan at konserbatibong pamilya. Ang magpakita ng emosyon ay isang kahinaan at dapat maging matatag, dahil masakit ang hagupit ng buhay.
   Tuwing nakakainom kayo, doon ninyo lang naikukuwento sa amin ang masakit ninyong karanasan noong kabataan ninyo sa kamay ng inyong mga mapang-aping mayamang angkan. Ang alak ang nagiging tagapagsalita ninyo: naipagtatapat ninyo sa amin kung gaano at papaano kayo inapi ng mayayaman at malulupa ninyong tiyo at tiya, at mga pinsan. "Sapagkat ang aking ina ay nakipagtanan sa isang mahirap na magsasaka na itinuturing nilang putok sa buho," ito ang parating hinanakit ninyo. Ang galit noong pang kabataan ninyo ay dala-dala pa hanggang sa inyong pagtanda, na siyang sugat na lumipat hanggang sa sumunod naming henerasyon. Nitong huli na lang namin napagtanto, na ang alak na aming kinatatakutan at kinamumuhian, ay siyang tumulong sa inyo sa pagsalo ng mga kinimkim na galit sa mundo.
   Naiintindihan ko rin kung bakit ganoon na lang ang pagmamalasakit ninyo sa mga naghihirap at naaapi sa iba't ibang sulok ng Pilipinas. Kung bakit niyakap ninyo ang idelohiyang masyadong masalimoot para sa makikitid ang utak sa lipunang ating ginagalawan. Ngunit hindi ko na napaabot pa sa inyo ito.
   Nabanggit sa akin ng Tiyo na ang isa sa pinaka-regret ninyo ay hindi ninyo kami nabigyan ng marangyang buhay, dahil ang pagtulong sa mga naapi, mga walang kalayaan, at mga walang kapangyarihan ay hindi makapagdudulot kailanman ng salapi o kasaganaan. Pero Tatay, hindi naman namin hinangad na yumaman; sapat na sa amin ang kung anong meron tayo. Ngunit hindi ko na nasabi pa sa inyo ito. Hindi ko masabi --- dahil akala ko’y naiintindihan ninyo na.
   Marami tayong hindi pagkakaintindihan at maraming hinanakit na hindi nasabi. Marahil sa takot na baka hindi ninyo maintindihan ang aming nais sabihin. O marahil, nahihiya kaming magpakita ng emosyon. Ang emosyon ay isang kahinaan na dapat magapi. Corny ang magpahiwatig ng nararamdaman.
   Napakahirap ninyong maabot. Hindi namin alam kung paano papasukin ang inyong napakatigas na balatkayo. Kung nagawa lang namin iyon, makikita namin doon sa loob ang isang batang nagmumukmok at humihingi ng tulong. Marahil naging makasarili at madamot kami, at hindi namin matiyagang hinanap ang batang iyon. Ang inisip lang namin, ay kung gaano kami nasaktan at ang sariling pagmumukmok lamang ang aming inatupag.
   May nagsabi sa akin, medyo nagalit kayo sa Diyos sapagkat hindi ninyo maintindihan kung bakit hinahayaan Niya na dumanas ng sakit at kamatayan ang mga mahihirap, samantalang ang mga walang kwentang tao na nagpapakasasa sa buhay at nang-aabuso ng kapwa ay hinahayaan Niya lang magpatuloy sa kanilang gawain na walang pasakit o pahirap man lamang. Tatay, kahit sino ay walang makakasagot nito. Huwag na sana kayong magtampo sa Kanya. Pero mukhang nakipagbati na kayo n’ong Huwebes, di ba?
   Ang mga galit na ito ay nagbunga rin ng poot sa kalooban namin. Ang poot na ito ang naging hadlang upang makinig ng mga kwento sa aming pagtulog --- ang mga karanasan sa bundok, sa kapatagan, sa kagubatan, at sa karagatan na inyong tinahak ay naging hadlang upang ganap naming maintindihan ang mga kuro-kurong dapat sana’y naibahagi sa amin. Ang poot na ito ang dahilan kung bakit bulag kami sa mga katotohanan: na ang pagmamahal ninyo sa aming mga anak, ay higit pa sa ano mang pagmamahal na maari naming makamtan. Sabi nga sa amin, kahit saan mang lupalop kayo nanggaling, ay putikan kayong umuuwi sa bahay pagkagat ng dilim upang makita kaming mahimbing na natutulog. Noong kabataan n’yo, mahilig kayo sa mga bagong kagamitan at kasuotan, tulad ng paborito n'yong Banlon T-shirts; pero dahil sa amin, ilang taon nang butas ang inyong Advan na sapatos ay hindi pa ninyo pinapalitan. Mas kelangan daw naming magkakapatid ang bagong sapatos, ang madalas ninyong katwiran.
   Tatay, ang tangi lamang pagkakataon para tayo nakakapag-usap noon ay sa pamamagitan ng gitara at piano. Naaala-ala n’yo ba noon, kung paano tayo magkantahan, lalo na kapag nawawalan ng kuryente sa bahay? Naaala-ala n’yo din ba noon, kung paano tayo gumawa ng napakagandang musika? Ang musika, ay isang napakagandang pabaon sa amin. Kahit na kapos, ay pinag-aral n’yo kami ng piano, ibinili ng gitara, at pinag-aral sa magaling na maestro upang marating ng boses ang hindi marating ng karaniwang Juan o Maria.
   Nitong nakaraang apat na taon, saka lang tayo nagkatagpo sa isip. Natuto kaming makinig, hindi lang bilang mga anak ngunit bilang tao na nagmamalasakit din.

Ngunit hindi ko masabi ang lahat ng ito.

   Hindi ko masabi, Tatay, na hindi man tayo naging mayaman, ay mahalagang naituro ninyo sa amin ang magmahal sa bayan nang taos-puso at walang kapalit na hinihintay. Hindi man kami nasa matataas na posisyon ngayon, ang mahalaga ay natutunan namin, na ang pera ay hindi mahalaga, sapagkat ito'y maaring kitain muli ngunit ang magbenta ng kaluluwa ay hindi na mabubura, at kailanman ay hindi na mababawi. Itinuro ninyo sa amin, na ang manindigan sa prinsipyong pinaniniwalaan ay hindi madali, bagkus ito'y magdudulot ng ibayong pasakit at pahirap. Marami kang makakaaway at marami ding maisasakripisyo, ngunit, Tatay, ‘wag kang mag-alala, makakatulog naman kami ng mahimbing.
   Masakit ang magmahal nang hindi naman naibabalik ang inialay na pag-ibig. Bakit nga ba umiiyak tayo kapag nababasted o bine-break-up tayo? Sana naman hindi ninyo ito naramdaman sa aming mga anak ninyo. Sana naman, kahit papaano naipaalam namin sa inyo na ang pag-ibig ninyo ay nagawang naibalik din namin sa inyo. Hindi man sa salita --- sapagkat salat kami sa pananalita --- pero kahit papaano, naiparating namin sa inyo. Marahil, walang ibang pinakamasakit na trahedya sa buhay ang malamang hindi ka mahal ng iyong mga anak.
   Kaya sana, Tatay, ay nababasa ninyo ito. May internet connection din naman sa langit, di ba? 

Sinulat ni Awiyaw Mangubat, natatangi para sa InterAsksyon.com
Ika-17 ng Hunyo, 2012

No comments:

Post a Comment