Pabatid Tanaw

Tuesday, September 27, 2011

Ang Pulubi at ang Kanyang Kayamanan

Kinasasabikan ko ang mapag-isa, upang kilalanin mabuti ang aking sarili.

   May isang pulubi na nanghihingi ng limos sa may gilid ng simbahan sa loob ng tatlumpong taon. Isang araw isang lalaki ang lumabas ng simbahan at napadaan sa kinauupuan ng pulubi.

   “Palimos po, mahabag po kayo sa isang matandang pulubi,” ang paanas ng samo ng pulubi sabay taas ng hawak nitong basyong lata at pilit na idinuduldol sa harapan ng lalaki.

   “Wala akong maibibigay sa inyo, “ ang wika ng lalaki, subalit napahinto ito nang mapansin niya ang kahong kahoy na inuupuan ng pulubi. “Ano iyang inuupuan mo? Tila antigong kahon at may nakaukit pa na maraming dekorasyon.

   “Walang kuwenta ito, napulot ko lamang sa basurahan maraming taon na ang nakakalipas. Mainam kasing upuan at lapat sa puwitan ko.” Ang paliwanag ng pulubi.

   “Nagawa mo bang buksan iyan upang malaman mo, kung anong laman sa loob?” Ang usisa ng lalaki.

   “Hindi,” ang pairap na tugon ng pulubi. “Para saan pa, makapal na sa kalawang ang susian at ang mga bisagra nito ay dikit-dikit na. Wala itong mahalagang laman, kaya nga itinapon na, eh!

   Lalong nasabik ang lalaki nang malamang hindi pa nabubuksan ang kahon. Sa kanyang pangmalas, mamahaling kahon ito at ginagamit ng mayayaman na lalagyan ng kanilang mga mahahalagang alahas. Muli nagsalita ang lalaki sa pulubi,  “Puwede mo bang buksan?

   “Wala akong pambukas,” ang pasimagot na tugon ng pulubi upang matapos na lamang ang pangungulit ng lalaki.

   Kumuha ng screwdriver ang lalaki sa kanyang kotse at iniabot ito sa pulubi. Pinagtiyagaang buksan ng pulubi ang lumang kahon na napipilitan at bubulong-bulong sa inis nito sa lalaki. Mga ilang sandali din ang lumipas at nabuksan niya ito. Biglang nanlaki ang kanilang mga mata, hindi sila makapaniwala, at umapaw ang kanilang kagalakan nang makita nilang puno ito ng baryang ginto. 

   "Isa lamang akong estranghero na napadaan sa iyo at walang anumang maibibigay na limos. At sinabi ko sa iyong buksan mo ang iyong kahong upuan, at tignan ang loob nito. Narito pala ang iyong kayamanan na malaon nang naghihintay sa iyo." Ang paliwanag ng lalaki.

-------
Katulad ng parabolang ito tungkol sa antigong kahon; kung ano ang laman nito sa loob, ay gayon din sa iyong kalooban. Kung ano ang tunay ding nilalaman nito. Bakit hindi mo subuking alamin kung ano ang nasa kaibuturan ng iyong puso. Alam mo bang narito ang tunay mong kayamanan na malaon na ring naghihintay sa iyo na makamtan mo?
    Kailangan lamang itong buksan nang malaman mo kung sino kang talaga.
   Tanggapin mo ang katotohanan na; Hindi ikaw ang naiisip mong ikaw. Kung anuman ang nabuo mong pagkatao na iniisip mong kabubuan mo; ay bunga lamang ng lahat ng mga paniniwalang ipinaalam sa iyo, nalalaman mo, ginagaya mo, nakakasanayan mo, nararanasan mo, at isinasagawa mo. Subalit hindi ito mismo ang buo mong pagkatao, at hindi rin ito ang kumakatawan at nakapangyayari sa iyo.

   Mayroong higit pang busilak at wagas na gumagabay sa iyo. Ito ang nasa kaloob-looban ng iyong pagkatao. Ito ang laging gumigising sa iyo at nagbibigay ng mga bagabag, mga panag-inip, at kung minsan ay mga bangungot. Laging kumakatok na iyong dinggin at pagbuksan. Ito ang susi sa iyong minimithing kaligayahan sa buhay.

   Bawa’t isa sa atin ay naghahangad ng lubos na kaligayahan, at walang anumang mga kapighatian. Hangga’t nadarama natin ang ibayong pagmamahal sa sarili, at ang kaligayahan nararanasan natin ay bunga ng pagmamahal na ito, makakamit natin ang kaligayahang inaasam. Ito ang ating kalikasan na siya nating nararanasan sa araw-araw sa ating pagkilos ng natutulog. Kailangan nating gumising at alamin ang ating sarili. At magsisimula ito sa katanungang, sino ako?

No comments:

Post a Comment