Pabatid Tanaw

Thursday, September 29, 2011

May Kabuluhan o Walang Katuturan?

Kung relihiyoso ka at hindi mo natutuhan ang pagkakaiba ng mabuti at masama; gaya nang nakikita sa iyong mga gawain, ang iyong relihiyon ay walang katuturan at mapanganib.

   Nangyari ito sa bundok ng Mariveles, sa lalawigan ng Bataan. Isang araw, hinimok ng pantas ang kanyang mga disipulo na mamasyal sa makahoy na bahagi ng kagubatan. Habang sila ay naglalakad, may nadaanan silang mga magtotroso na pumuputol ng malaki at mataas na punongkahoy. 

   Isang disipulo ang nagtanong sa isang namumutol, “Puputulin din ninyo ba ang mga tuyo na at wala ng dahon na mga puno?

   Umiiling na sumagot ito, “Hindi. Ang mga punong iyan ay walang katuturan, dapat lamang silang panggatong!

    Nang makarating na ang pantas at mga disipulo nito sa paanan ng bundok, naparaan sila sa isang dampa ng magbubukid. Nang makita sila nito ay inanyayahan silang mananghalian sa kanyang dampa. Mabilis na nag-utos ang magbubukid sa kanyang anak na lalaki na humuli ng manok, katayin ito at iluto. 

   “Alin sa dalawang manok ang kakatayin ko, Tatay?” Ang tanong nito sa ama, “'Yon bang pumuputak o ‘yong hindi pumuputak?

   Ang malinaw na tugon ng ama, “Patayin mo ang hindi pumuputak, dahil wala siyang katuturan!

   Kinagabihan, nang makauwi na ang namasyal na pangkat sa itaas ng bundok, isa sa mga disipulo ay nagtanong sa pantas, “Mahal naming maestro, paki-paliwanag nga po ninyo sa amin; bakit ang walang katuturan na punongkahoy ay hindi pinuputol, at ang walang katuturang manok ay kinakatay.” 

   Nag-aalinlangan namang susog ng isa pang disipulo, “Sa buhay na ito, papaano natin malalaman kung may kabuluhan o walang katuturan ang mga bagay?

   Napangiti ang butihing pantas at banayad na tumugon, “Mga anak, hindi na ninyo kailangan pa na mag-alinlangan, kung may kabuluhan o walang katuturan ang mga bagay. Gawin lamang na angkop at lapat ang inyong mga sarili sa tama at mali; sa may kabuluhan at walang katuturan, at magiging matiwasay ang inyong pakikibaka sa buhay.

    "Hindi natin mauunawaang sapat ang mga samut-saring kabuluhan at katuturang nakapaligid sa atin; subalit makakaya naman nating pag-aralan kung anong kaparaanan ang makakabuti sa atin."  Ang pagwawakas na paliwanag ng pantas.

-------
Mabisang Aral: Lahat ng mga bagay ay may kaukulang kalalagyan. Anumang walang katuturan sa iyo ay mahalaga naman sa iba; at ang may kabuluhan sa iyo ay wala namang katuturan sa iba.
   Ang refrigerator ay walang katuturan sa Antartika dahil nababalot ito ng niyebe at sukdulan ang ginaw, subalit sa disyerto ng Sahara na sukdulan ang init ay may kabuluhan ito.
  Maraming bagay na tinatawanan natin noon na walang katuturan; tulad ng mga arbularyo lamang daw silang naturingan noon, na patapal-tapal ng dahon, pagpapainom ng katas ng mga sari-saring halaman, at pahilot-hilot sa ating mga katawan kapag may karamdaman. Ngunit ito ay napatunayan at may kabuluhan na ngayon, at siya nating pinagtutuunan ng pansin kaysa mga synthetic pills na gawang-tao na sumisira sa ating mga internal organs at sanhi pa ng malubhang kanser na nakakamatay.
   Sa pagitan ng kasinungalian at walang katuturang katotohanan, na ipinangangalandakan ng iba ay walang itong ipinagkaiba. Ang ginto o salapi na nakabaon at itinatagong mahigpit ay walang katuturan o kahalagahan. At maging nababalutan ka man ng katakot-takot na diploma at mga katibayan ng iyong karunungan, hangga’t hindi mo ito nagagamit ay walang katuturan. Tulad ng computer at internet, kung wala kang kaalaman nito, anong katuturan nito para sa iyo? Bagay na hindi mo alam, maaaring makatulong o makapahamak.

   Nasa iyong diskarte na lamang kung papano mo ito makakayang ilapat, at maging angkop sa iyong pagdadala sa sarili. Dahil narito ang ikakatagumpay mo.

Tatlo ang uri ng katalinuhan:
Una: Nauunawaan mo ang kahalagahan ng mga bagay.
Pangalawa: Nagpapahalaga ka sa mga nauunawaan ng iba.
Pangatlo: Wala kang nauunawaang kahalagahan ng mga bagay at pagpapahalaga sa pang-unawa ng iba.
   Paala-ala: Ang una ay pinakamabisa, ang pangalawa ay mabuting pakikitungo. Samantalang ang pangatlo ay walang katuturan at ikapapahamak mo.

Karagdagang Kaalaman-------10 Mga KAWIKAAN
1-Maganda sana ang kanyang intensiyon, dangan nga lamang wala itong katuturan hangga’t hindi niya isinasagawa.
-------
2-Sa aking paningin, napatunayan ko, na ang taguri sa isang walang katuturang tao ay walanghiya, kapag dalawa na ito, ang taguri ay magkapanyerong abogado o pulitiko, at kapag tatlo at parami na ang tawag naman dito ay Batasan.
-------
3-Hindi totoong walang katuturan ang mahihilig sa katamaran. Sila ay lantarang huwaran na huwag pamarisan.
-------
4-Hindi ako tanga. Nagkataon lamang na walang katuturan ang mga ginagawa ko. Kaya nga pinipilit kong libangin ang aking sarili sa panonood ng telebisyon at pagsubaybay sa buhay ng mga artista at manlalaro ng basketbol.
-------
5-Anumang kabatiran na natamo sa pagdaan ng maraming taon ay walang katuturang handog sa iyo, hangga’t hindi mo ito naibabahagi sa iyong kapwa.
-------
6-Kapag ang dalawang tao na magkasama ay laging nagkakasundo, ang isa dito ay walang katuturan. At kung hindi naman sila nagkakasundo, pareho silang walang katuturan.
-------
7-Bagama’t hindi nagawa ang iyong plano na gawin, hindi ito nangangahulugan na wala na itong katuturan.
-------
8-At ito ang tama, kung magagawa mong sakdal na walang katuturan ang maghapon, nang sakdal na walang katuturang asal, natutuhan mo na kung papaano mabuhay ng walang ligalig.
------
9-Ang mga bagabag ay walang katuturang pag-aksayahan ng panahon sa mga bagay na hindi na natin mababago pa. At lalong higit doon sa hindi na mangyayari pa.
-------
10-Kung walang kaalaman, ang anumang pagkilos ay walang katuturan; at ang kaalaman na walang pagkilos, ay hindi lamang walang katuturan, mapanganib pa ito.

~~~~~~~
At siyanga pala, mangyari lamang po na ipasa (email, twitter, facebook, etc.) ito sa inyong mga kaibigan, kaanak, at mga kasamahan. Sapagkat kung kayo po ay nasisiyahan at nadaragdagan ang inyong kaalaman sa ating tunay na kulturang Pilipino, marapat po nating ibahagi ito sa iba.
    May pangamba po kasi ako na kapag laging nakatikom ang inyong mga palad, nais ninyong manuntok, hindi palabigay, at natutulog. Dalawa lamang ang pagpipilian: May Kabuluhan o Walang Katuturan!

Maraming Salamat Po!

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment