Pabatid Tanaw

Tuesday, September 27, 2011

Ang Batang Pastol


Ang sikreto ng buhay ay katapatan at parehas na kasunduan; hindi ang balatkayo o mapagkunwaring samahan.

   Sa buhay, kailangan nating iwaksi ang palalong ugali. Malaking bahagi nito ay bunga ng mapagkunwaring pamumuhay. Unawaing mabuti kung saan nagmumula ito sa ating mga sarili. Doon ba sa hangarin na mapuri at hangaan ng marami? O dili kaya, sa panibugho at pagiging mainggitin at nais makigaya sa mga nakikita sa kapaligiran?  

   Marami ang balatkayo at mapagkunwari sa ating paligid na gumagamit ng salamangka at matatamis na salita upang makaakit. Kapag nahumaling ka sa mapagkunwaring nilang paraan, ito ang iyong kapahamakan.

Ang mga katangian ng palalong ugali:
   Pagyayabang na walang katotohanan
   Pagkainggit na walang katuwiran
   Pagkagalit na walang kadahilanan
   Pananalita na walang kabatiran
   Pagbabago na walang kaunlaran
   Pag-uusisa na walang kapupuntahan
   Pagtitiwala na walang katiyakan
   Paglalaban na walang kapakinabangan
   Pangungutya na walang katarungan
   Pangangaral na walang kawatasan
  
   Doon sa may Ala-uli ay may isang batang pastol ng mga kambing. Isinusuga niya ang kanyang mga alaga tuwing umaga at ibinabalik ang mga ito sa kanilang kuwadra sa kinahapunan. Minsan magtatakipsilim na, habang itinatali niya ang mga kambing ay naubusan siya ng panaling lubid at isang inahing kambing ang nakakawala pa.

   Nabalisa ang pastol at naisip na ito’y mapapalayo. At dahil padilim na ay mahihirapan siyang mahuli ito. Pinilit niyang maghanap ng pantali, at maging ang mga baging ay sinubukan niya, ngunit hindi niya magawang makabuo ng matibay na panali. Hindi niya malaman ang gagawin nang maalaala niya si pastor Mateo na kanilang kapitbahay. Mabilis niya itong pinuntahan at humingi ng payo.

   Iminungkahi ng pastor na hawakan sa sungay ang kambing at hilahin doon sa pagtataliang poste sa kuwadra. “Magkunwaring may hawak kang panaling lubid, at magkunwari ding tinatalian mo ang kambing. Tiyakin lamang na nakikita at nararamdaman ng kambing ang iyong ginagawa, at ito’y hindi na aalis pa upang makalayo.” Ang paalaala pa ng pastor.

   At ito nga ang ginawa ng batang pastol, nagkunwari siyang may hawak na lubid at itinali ito sa kambing, at ipinakita niya sa kambing na itinali din niya ang dulo ng kunwaring lubid sa poste. Paulit-ulit pa niya itong ipinakita na hinihigpitan niya ang pagkakatali.

   Kinaumagahan, nang bumalik ang pastol sa kuwadra ay nakita niya ang inahing kambing na nanatiling nasa tabi ng poste sa magdamag. Tulad ng dati, pinakawalan niya ang mga kambing at lahat ay matuling naglabasan sa kuwadra. Itinataboy niya ang mga ito sa madamong sugahan, nang mapansin niya na wala sa pangkat ang inahing kambing. Bumalik siya sa kuwadra at nakita niya itong nasa tabi pa ng poste kung saan ito kunwaring nakatali at hindi makaalis.

   Binulyawang pataboy ng pastol ang kambing na lumabas ng kuwadra, ngunit tumingin lamang ito sa kanya at hindi kumilos. Hinatak niya ito sa sungay, ngunit ayaw lumakad at sumunod sa kanya. Nagumilahanan ang batang pastol, kung bakit hindi niya mapasunod ang kambing. Muli siyang nagbalik kay pastor Mateo at isinalaysay ang nangyari.

   At ang wika nito, “Patuloy pang iniisip ng kambing na nakatali siya, kaya hindi ito makakalis sa tabi ng poste. Bumalik ka at magkunwari kang muli, ipakita mong kinakalagan mo siya. Kapag nalaman ng kambing, na hindi siya nakatali, lalabas na rin ito sa kuwadra upang manginain.”

    Mabilis na ginawa ito ng pastol, at ang kambing ay masiglang lumabas ng kuwadra at sumama sa pangkat na nanginginain sa madamong sugahan.

-------
Isa lamang itong paglalarawan kung ano ang namamagitan sa atin kung pinangingibabawan tayo ng mga maling paniniwala at pag-aakala. Kawangis natin ang kambing na itinatali ang ating mga sarili sa mga bagay na walang katotohanan. Marami sa atin ang mahiligin sa pagkukunwari at nagpupumilit na mamuhay nang wala sa katotohanan.
   Kahit hindi kaya, ay pinipilit kayahin kahit mabaon sa kahirapan. Pikit-matang umuutang upang maipakitang may kakayahan. Kung ano ang mayroon sa kapitbahay, kailangang itong mahigitan o mapantayan man. Tuwing dumarating ang mga kapistahan, kaarawan, at maging karaniwang pagtitipon sa bahay, pilit na ipinapakita ang kakayahang huwad, para lamang mapuri at hangaan ng mga bisita.
   Lipas na ang mga ganitong sistema. Panahon na upang alisin natin ang puwing na nakahalang sa ating mga mata at titigang mabuti ang mga pagkukunwari sa ating harapan. Matuto tayong piilin ang tunay kaysa huwad, ang katotohanan kaysa impostor o balatkayo, ang tama kaysa mali, lalo na ang kabutihan kaysa kabuktutan. Ang pagpapakumbaba kaysa kapalaluan.

   Isa lamang ang pipiliin: Kaligayahan o Kapighatian?

   Malaya tayo, dangan nga lamang tayo mismo ang nagbibilanggo sa ating mga sarili kapag pinahihintulutan nating maging alipin ng mga pagkukunwari at kapalaluan sa ating buhay. Kung ano ang totoo at tama, ito ang ating gampanan--- at ang nagdudumilat na katotohanan ang magpapalaya sa atin.

   Kailangan natin ang marami pang pastor Mateo na gigising sa ating matinding pagkakahimbing. Panahon na upang talikdan natin ang ating maling kinaugalian at harapin ng buong giting ang tunay nating buhay, na walang bahid o katiting man ng kapalaluan o maging bulag sa pagkukunwari.

Maraming pantasya at kahiwagaan na bagay lamang sa mga balatkayo na ipangaral. At masuyong paniwalaan ito ng mga hangal.

No comments:

Post a Comment