Tuesday, April 08, 2014

Nasaan Ka Inay?


Mahal Kita, Anak Ko... mga katagang bihira nating sambitin, lalo na kung kaharap natin ang pinag-uukulan ng ganitong pagtatangi. Baganma't malungkot na banggitin pa ito, kadalasan ay naririnig ko ang mga katagang ito sa tuwing nakikiramay at sumasama ako sa libing. Ito ang tagpo na inilalagay na sa hukay ang yumao, at ang mga hagulgol, mga pagdaing, at pagpaparinig ng mga katagang ito ay wala nang halaga pa sa isang malamig na bangkay.
   Nakapanghihinayang at nakakapang-gagalaiti kapag nasasaksihan ko ang ganitong tagpo sa libingan. Ano pa ang halaga at saysay nito? Wala na. Mistulang pakitang-tao at walang hanggang pagsisisi lamang ito.
   Mahalaga lamang ang mga bagay kung nawala na ito sa atin. Hangga't kapiling natin ang mga ito, nagtitiwala tayo, na nariyan lamang sila at hindi umaalis. Subalit ang buhay ay maikli lamang at walang katiyakan. Lahat ng ating nakikita at nahahawakan ay mga panandalian lamang at mawawala din sa atin. Nakatakda ito at siyang magaganap. Ang mga bagay na pinakamahalaga sa lahat at siyang tumatalab sa ating mga puso at kaluluwa ay yaong hindi natin mga nakikita.
   Umaasa ako na ang kuwento na ito ay makapagbubukas ng isipan.

Mahal Kita, Anak Ko...


Isang dapithapon, maririnig ang malakas na paghagulgol ni Melba mula sa kanyang silid. Kalilibing lamang ng kanyang Lolo kangina, at pagkauwi sa bahay ay hindi na niya nakayanan pang pigilin ang kanyang tinitimping pagdadalamhati. Ang panaghoy niya ay mistulang talim na humihiwa sa puso.
   Naulinigan ng kanyang ina ang pagtangis ni Melba, at nag-aalala itong kumatok sa pinto ng silid. Melba, anak ko, buksan mo ang pinto at nais kitang makausap.”
 
 “Ayoko! Tigilan at iwanan na ninyo ako!” Ang hiyaw nito habang umiiyak. Subalit lalong nilakasan ng ina ang pagkatok sa pinto. At napilitan si Melba na tumayo mula sa pagkakadapa sa kama at pagbuksan ito.

 “Bakit po ba? Ano'ng kailangan ninyo sa akin? Ang nagmamaktol na usisa nito habang nakatayo sa gilid ng pinto.

   “Baka ... kung mapaano ka na anak? Kasi, lagi ka na lamang umiiyak buhat nang mamatay ang Lolo mo, hindi ka na kadalasang kumakain?  Bakit nga ba? Ang may pangambang tanong ng ina.

   “Hindi ko malimutan si Lolo, lagi kong naa-alaala ang masasaya naming pag-uusap at mga kwentuhan, lalo na kapag mayroon akong mga problema na idinudulog ko sa kanya. “ Ang paliwanag ni Melba.

   “Alam ko iyon, anak ko,” ang pakikiayon ng ina. “Hinahanap-hanap ko rin ang Lolo mo, at ako’y nalulungkot din. Narito naman ako, bakit ayaw mong makausap ako?

    Bigla ang pagtalikod ni Melba at muling sumubsob sa kama, umiiyak, at humihiyaw, Hindi maaari! Hinding-hindi mangyayari ang sinasabi ninyo." Ang palahaw nito sa ina.

   “Bakit naman hindi, narito naman ako... at tutulungan kita.” Ang pagsusumamong pakiusap ng ina kay Melba.

   “Dahil kayo ang aking problema! At kayo ang lagi naming pinag-uusapan ni Lolo!” Ang paninising pahayag ni Melba sa kanyang ina.
-------

Kadalasan ang mga anak ay hindi magawang magsumbong, magtapat, at ipaliwanag sa mga magulang ang nangyayari sa kanilang mga sarili. Sa kadahilanang, nawalan na ang mga ito ng pagtitiwala at respeto sa kanilang mga magulang.
   Mahaba ding panahon ang nagdaan bago dumating ito sa ganitong relasyon. Hindi ito sa isang iglap lamang ay nangyari na at kusang naganap. Ang mga magulang ang nagsimula ng lahat ng mga ito; sa mga pangakong paulit-ulit na hindi tinutupad sa anak, sa mga pangungutya, pamimintas, pamumuna, at paninisi sa kapintasan at pagkatao ng anak, sa panghihiya at pangungutya sa harapan ng mga kaibigan ng anak, sa pagda-daldal sa iba ng mga kamalian at kapintasan ng anak, sa pagwawalang-bahala at kawalan ng atensiyon na iniuukol sa anak, sa hindi pagdalo, pakikihalo, at pakikiisa sa mga pagsasaya ng anak, sa pagkakait ng paglingap bilang magulang sa anak, atbp.
   Higit pa dito, sa mga panahong kailangang-kailangan ng mga anak ang madadaingan at makakalunas sa kanilang mga problema, ay hindi nila mahagilap ang mga abalang mga magulang sa tuwina. At kung makaharap naman, sa halip na umunawa ay ibayong paninisi at pagbabanta ang iginaganti sa anak. 
   Kapag walang makaunawa at hindi matagpuan sa sariling tahanan ang hinahanap na pagmamahal, ay humahantong ang mga anak na tuklasin ang kaligayahang ito sa labas ng tahanan; sa kanilang mga kabarkada, sa iba’t-ibang mga tao, at hanggang magumon sa mga masasamang bisyo, na nagiging dahilan ng kanilang mga pagkapariwara at matinding kasawian.
   Laging nasa huli ang pagsisisi. Madali ang maging ina, ngunit mahirap ang magpaka-ina. Laluna't ang madalas na katwiran ay laging abala at nasa mga amiga. 

May bumigkas, “Ang magulang; ay yaong nalalaman ang inaawit ng iyong puso at nagagawang awitin ito sa iyo, ...sa mga panahong ito’y iyong nalimutan.” Kung mayroon ka na ganitong uri ng mga magulang, ikaw ay mapalad. Ito ang mga magulang na may ibayong pagpapahalaga at pagmamahal. Anuman ang kalagayan na narating mo at ikaw ay nakatindig, matatag, may pananalig at ibayong pag-asa, ikaw ay mapalad.
   At mula dito, huwag naman nating ipagkait ito sa ating mga anak. Huwag naman nating kaligtaan sila... bago pa mahuli ang lahat, at pahabol na bigkasin ang,
                                                          Mahal Kita, Anak Ko...



Harinawa.

Saturday, March 22, 2014

Maging Magiliw



AKO ay Pilipino. Piling-pili at pinung-pino. 
Kaya naman AKO ay maginoo.

Napansin ko na bihira na sa ating mga kababayan at lalo na sa mga kabataan ang maging magiliw, masuyo, at mapagpasalamat. Kadalasan ay laging nagmamadali, lubhang abala at padalus-dalos na ang mga pagkilos. Sa halip na mapagaan ang mga gawain dahil sa makabagong teknolohiya ng komunikasyon, tulad ng telebisyon, selpon, ipad, iphone,  atbp., ito na mismo ang pinaglibangan at kinahumalingan. 
   Nabawasan na ang harapang kamustahan, yakapan, at balitaan. Napalitan na ito ng mga agaw-pansing Facebook, Twitter, You Tube, Instagram, atbp. Hindi kataka-taka na kasama na ring makaligtaan nang tuluyan ang mga kaugaliang Pilipino na kalugod-lugod. 
   Narito ang ilan sa mga kagandahang-asal na nakakaligtaan natin sa maghapon:
  
21 Mga Ulirang Pag-uugali

  1. Maging makatao sinuman ang kaharap mo.

  2. Ngumiti.

  3. Maging masuyo kung may kailangan.

  4. Iparamdam sa tuwina ang pag-asam at kasiglahan.

  5. Maging mapagkumbaba.

  6. Maging makatotohanan sa lahat ng relasyon.

  7. Umunawa muna nang maunawaan ka.

  8. Bago humiling, bigkasin ang “Maaari ba…”

  9. Kung hindi ka tinatanong huwag sumagot.

10. Iwasang mainip at laging magtimpi.

11. Isipin ang iyong kapakanan bago makialam.

12. Higit na mahalaga ang tao kaysa mga bagay.

13. Iwasan ang mag-akala.

14. Mag-isip muna bago magsalita.

15. Tumingin sa mata ng kausap at makinig.

16. Huwag personalin ang mga bagay.

17. Sambitin ang “Sori...” kapag nais mong tukuyin ang “Pasensiya ka na.”

18. Kapag kumakain kasama ng pamilya, iwasan ang selpon at telepono.

19. Tuparin ang iyong mga pangako.

20. Panatilihing nauuna ka sa tipanan.

21. Laging sambitin ang Salamat sa iyo.

… Simpleng-simple lamang ang mga ito; at kung maisaulo at tahasang gagawin, malaki ang magagawang kahalagahan sa pakikipag-relasyon kahit kaninuman, saanman, at kailanman.



Usyaming Paghahangad



Huwag nang maghintay pa, kumilos ka na!

"Ang masipag ay daig ng maagap;" "Mapangarap  ka man at hindi tumitinag ay walang magaganap;" "Kung nais mong may mangyari, magsimula kaagad nang hindi ka magsisi sa bandang huli;" "Huli man at magaling ay siya nating unahin;" "Makupad man at masikhay, sa kalaunan ay nagtatagumpay."
   Mga kawikaang Pilipino ito, na nagpapatibay sa atin na kumilos kaagad at puspusang isagawa ang nakaharap na gawain para magtagumpay. Marapat lamang na ating balikan at maisaulo, at gawing kalasag sakali mang pabagu-bago ang ating mga kapasiyahan… bago pa mahuli ang lahat.
   Narito ang isang tula noong AKO ay nasa elementarya pa, sa aking pagkasalin at karagdagan:

Sa paghahangad ng pako ng kabayo. ang bakal na sapatos ay nawala.
Sa paghahangad ng bakal na sapatos, ang kabayo ay nakawala.
Sa paghahangad ng kabayo, nainis ang sasakay at nasuya.
Sa paghahangad ng sasakay, ang mahalagang babala ay hindi naibigay.
Sa paghahangad ng mahalagang babala, natalo sa labanan at walang napala.
Sa paghahangad na makabawi sa digmaan, natalo nang tuluyan ang kaharian.
Sa paghahangad na makabangon, higit pa na lalong nabaon.

… ang lahat ay dahil lamang sa paghahangad, nang hindi naman tumitinag.

   Hangga’t hindi ka nagsisimula, mauuwi ka sa tunganga.