Thursday, September 26, 2013

Nakakasawa na!


Ang ating mga teoriya o pangmasid sa walang hanggan ay kasinghalaga tulad ng isang sisiw na hindi pa nababasag ang talukap ng itlog upang makilatis ang anyo ng daigdig. Ang mga nakaraan ay tapos na at hindi magagawang mabalikan pang muli. At ang hinaharap ay walang katiyakang magaganap. Kung ano ngayon ang nasa ating harapan, ang siya nating pagtuunan, dahil ito ang magbabadya at kikilos kung ano ang nais na maganap bukas. Sa araw na ito ay magagawa mo na ang iyong kinabukasan, kung tahasang nais mong matupad ang iyong mga pangarap. 
   Sa paglalakbay sa buhay ang timbulan ay pananalig, ang ulirang mga pagkilos ang kanlungan, at ang kawatasan ang siyang liwanag sa araw, at ang tamang kagisingan naman ang proteksiyon sa gabi. Kung ang tao ay namumuhay nang dalisay at wagas, walang makapang-wawasak sa kanya. Anumang puwersa laban sa iyo ay walang halaga, hangga't lumalaban ka at nilalagpasan ang lahat ng anumang pagsubok na ipinupukol sa iyo.
   Hindi mahalaga kung gaano kabagal kang maglakbay sa buhay, hangga't nagpapatuloy ka at hindi kailanman humihinto at nawawalan ng pag-asa. Sa kalaunan, ay magtatagumpay ka, sapagkat ito ang nakatakda para sa iyo. Ang pinakamasaklap ay matanggap na wala ka ng magagawa sa buhay at umasa na lamang sa magaganap. Ang kawangis mo ay isang tuyong patpat na inaanod ng rumaragasang tubig at inihahampas sa mga batuhan sa anumang direksyon na mapagbalingan nito.
   Walang nagsisi sa una, kundi palaging sa huli. Papaano na kung matanda ka na at naisin mo mang baguhin ang nakagisnan at kinahibangan? ... ay wala ka nang magagawa pa kundi ang humarap sa taong nasa salamin at kilatisin ang mga nagawa nitong maiiwang pamana sa sariling pamilya, sa mga kaibigan, at sa pamayanan.

Maghinayang ka man ay huli na ang lahat, kundi ang pagsisihan kung ano ang dapat!
   
  

Hintuan na!

Habang patuloy na nagagalit, ay patuloy ding pinarurusahan mo ang iyong sarili. Ang panatilihin ang pagkagalit ay katulad ng pagsambot sa nagbabagang uling na may intensiyong ipukol ito sa kinagagalitan; ikaw mismo ang napapaso at tuluyang masusunog. Problema na huwag nang problemahin pa, sa halip gawan ito ng solusyon. Ang problema ay hindi pinag-uusapan, kundi ginagawan ito ng solusyon.
   Ang wastong paraan ay iparating sa mga kinauukulan, ang anumang nagpapagalit o lumiligalig sa iyo. Habang pinapasan mo ang bigat nito, lalo kang mahihirapan, at sa kalaunan ay siyang magpapahamak sa iyo. Kung wala kang pakialam sa mga kaganapan sa iyong kapaligiran, katibayan lamang ito na tinatanggap mo at may pahintulot ka sa mga karahasan, mga kabuktutan, at mga kababuyang nagaganap. Dahil kung sadyang nagagalit ka, ilalantad mo ito at tahasang ipapahayag ang tunay mong saloobin. 
   Anumang bagay na nais mo ay makakagawa ka ng maraming paraan, at kung ito naman ay hindi mo gusto, ay marami kang magagawang kadahilanan. Anupa't makikilala ka sa iyong mga gawa, at hindi sa iyong winiwika. Madali ang magsalita at magbitaw ng mga pangungusap, subalit ang higit na may batayan ay nasaan ka noong kailangan ka ng bayan? Nasa harap ng telebisyon at may artistang kinababaliwan. Basketbol ang libangan at pulitika ang aliwan. Hindi naman kataka-taka na ikaw ay mapag-iwanan at magalit kapag nasa kahirapan. Gayong ang nararapat na sisihin ang iyong pagiging makasarili at walang katuturan sa mga taghoy at panawagan ng iyong bayan!

Ano ba ang ikina-iinggit at ikinagagalit mo? Ang tagumpay ng iba o ang mga kabiguan mo?
 

Itigil na!


Kapag sumilakbo na ang galit, at wala na sa direksiyon ito, mangyaring pakaisipin ang kakahinatnan nito. Sapagkat sa pagkakataong ito, na ikaw ay nalilito, maraming bulaan na samahan ang hihikayat sa iyong makiisa sa kanilang mga layunin. Mayroong nasa kaliwa, may naroon sa mga banal, may bayaran, may  nakikiayon nang walang nalalaman, at ang may mag-usisa lamang. Ito ang tamang pagkakataon upang kapain mo ang iyong kaibuturan.
    Ang tamang sundin ay ang iyong puso, kung nasaan ang pag-ibig ay doon ka pumunta. Ang mabatid kung ano ang tama at hindi gawin ito ay karuwagan at malaking pagkakasala. Nangyayari lamang ang mga kasamaan kung wala ng kabutihang umiiral. Hindi sakdal ang mga tao, anumang sandali ay magkakamali ito, at nasa iyong paghatol at isinukling kahulugan makikilala kung ito ay mabuti o masama. Subalit kung puso ang siyang mangingibabaw, kailanman ay hindi ka maliligaw. Sapagkat uunahin mong higit ang kapakanan ng nakakarami kaysa kakaunti na laging pagsasamantala ang inaatupag at hindi ang kagalingang pambayan.
    Sa tatlong paraan ay matututuhan natin ang kawatasan: Una, sa repleksiyon, na siyang kagalang-galang; Pangalawa, sa panggagaya, na siyang pinakamadali; at Pangatlo, sa karanasan, na siyang pinakamapait. Alinman dito ay magagawa mo, at ang iyong pinili ang susundin mo. Ang pagpili nang walang kaisipan ay naaksayang kapaguran. Ang kaisipan nang walang napag-pilian ay kapahamakan. Kung pipili din lamang, piliin na yaong may makabuluhan at makapagpa-paunlad sa iyong kapakanan.

Ang tunay na kaalaman ay malaman ang saklaw ng iyong kamangmangan.

Tama na!


Ang mga maalam ay malaya mula sa masalimoot, ang mga uliran ay malaya sa mga bagabag, at ang mga marahas ay malaya sa mga pagkatakot. Kung nakakapanakit na, kung nakakasugat na, kung umaabuso na at hayagan ng kababuyan ang ginagawa, institusyon na ito at wala nang pagbabago pang maaasahan.
   Katungkulan ng bawa't mamamayan na siyang naghalal na alisin ang mga salaula at wasakin ang sanhi ng mga kasalaulaang ito sa mga inihalal ng bayan. Isa itong kanser ng kailangang putulin. Katulad ito ng isang pusali na patuloy na mangangalisaw ang mabahong amoy at ibayong makakasira pa ng iba. Sa isang lipunang nasabing malaya, ang ganitong uri ng pamamahala na binababoy ang paglilingkod sa bayan ay sobra-sobra na! 
   Naturingan daw na mga lingkod ng bayan, na may sagradong tungkulin na ginagampanan, 
at may taguring mga kagalang-galang, subalit mga pagnanakaw ang kinahiligan sa kaban ng bayan. 
   Mga tusong magnanakaw sila na gahaman at walang pakundangan sa salapi ng bayan, mga makasarili at kinababaliwan ang pagpapayaman. 
   Hindi kulungan ang dapat nilang kabagsakan kundi ang bitayan, sapagkat mahaba nang panahon ding dinadaya nila ang sambayanan!
   Mayroong mga artista at sadyang madrama, nagagawang umiyak tulad ng buwaya. May mga abugado na kuntudo de kampanilya, ang alibi na katibayan daw nila ay pilipitin ang katotohanan para sa kanila.
   Humihirit din ang mga may asawang artista, na mayaman sila at hindi na kailangan ang manguwarta pa, ngunit pabaya at kasali sa lahat ng kababuyan sa kamara.
   Mayroong ding mga negosyante at makabayan daw, subalit nahuhumaling sa pambubulsa ng pera at hindi ang bayan ang mga nasa isipan nila.
   Gayundin ang Malakanyang; na pawang kamag-anak, kaeskuwela, kapartido, at kabarilan ang samahan, at bilyun-bilyon piso na kaban ng bayan ang pinagkakaguluhan, at ginagawang puhunan upang lalong yumaman nang magpatuloy ang kapangyarihan sa kasuwapangan.
   Anupa't nakalublob na sa pusali ang lahat, at ang sambayanan ay patuloy naman sa matinding paghihirap, na kailangang tigilan na at tahasang wakasan, ang mga kababuyan sa ating pamahalaan.

Humihiyaw ang bayan na sila ay parusahan hindi sa kulungan kundi sa bitayan.

  

Lumaban!

Kilatisin ang mga kagawiang ginagamit ng isang pinuno na nakaupo sa pamahalaan, isaalang-alang ang kanyang mga motibo, matyagan ang kanyang mga libangan at kinahuhumalingan. Ang mga pinuno na ito na halal ng bayan kailanma'y hindi magagawang ikubli at malihim ang kanilang mga kabuktutan
   Isang matinding kababalaghan na lantarang ipinagyayabang ang mga yamang walang hanggan. Maraming mga mansiyon na ang mga halaga ay daan-daang milyon, maraming negosyo at mga ari-arian, gayong maliliit ang suweldo at walang kakayahan sa tamang paraan. 
   Subalit at bakit napakayaman at halos lahat ng kapamilya ay inululuklok sa katungkulan; laging nagpapalitan at walang makasagot ng tamang dahilan, kundi ang ubusin ang kaban ng bayan. 
   Hindi matantiya ni maarok man, kung bakit nagsasamantala sa salapi ng bayan, gayong sila ay pinagkatiwalaan at inihalal ng bayan, ay naging makasarili at inaatupag ang pagpapayaman.
   Wala silang mga budhi at sadyang mga gahaman, tanging pagnanakaw ang mga nasa isipan, at wala nang mga pakialam sa tunay na karaingan ng sambayanan.
   Hindi ito tama at wala na sa katuwiran; na laging may sabwatan at kampihan, sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan. Lahat na sila mula sa Kongreso, Malakanyang at pati sa Hukuman ay pawang mga gahaman. Walang gaanong  hinuhuli at pinarurusahan, kaya ang mga makasalanan ay patuloy sa mga kabuktutan.

  Tama na! ... Sobra-sobra na! ... at Tigilan na! 
  Labanan ang mga kababuyang umiiral sa ating pulitika.

  Wakasan at lupigin ang mga nagsasamantala,
     upang ang ating bayan ay makalaya at guminhawa.