Monday, June 18, 2012

Pagmamahal sa Inang-Bayan


 
        Ito ang orihinal na bersiyon ng ating Panatang Makabayan na buong kagitingang binibigkas matapos awitin ang ating Pambansang Awit. Bahagi ito ng paglilinang ng ating mga paaralan sa mga mag-aaral upang ikintal sa puso, diwa, at kaluluwa, ang marubdob na pagmamahal sa ating Inang Bayan at sambayanang Pilipino. Kadalasan sa mga pagtitipon; sa panahon ng pagdiriwang tuwing ika-12 ng Hunyo, bahagi ng programa ang pag-awit nito, at sa mga paligsahan at pagsasaya kung sino ang makakabuong awitin ang ating Lupang Hinirang. Matapos ito, ang susunod naman ay ang pagbigkas ng Panatang Makabayan. At kadalasan din, marami ang nakakalimot at hindi mabuo ang ating pambansang awit at panata. Ang kanilang katwiran, para lamang ito sa mga bata. Sa ating henerasyon ngayon, lalo na doon sa mga nagsilaki at nagkaisip sa ibang bansa, tuluyan na itong nalimutan. Doon naman sa mga may kagulangan at mga magulang, pawang pagkibit ng balikat at ismid ang ipupukol sa iyo. May iba naman, mapagkit na tinging Medusa ang magpapatigil at paparalisa sa iyo. Tila mga napapaso at kalabisan na sa kanila ang pag-ukulan pa ito ng pansin. 

   Subalit ayon sa kanila, sila'y mga Pilipino. Kaya lamang, walang nalalaman, o pitak sa kanilang mga puso ang anumang kataga sa awitin at panata tungkol sa pagiging tunay na Pilipino

   Pilipino nga kaya sila? Katanungang pinipilit kong arukin. 

   Ang Lupang Hinirang at Panatang Makabayan ay mahalagang sangkap sa ating katauhan. Nanlulumo ako at hindi mapagtanto kung bakit iilan at bihira ang nakakaalam ng mga ito. Gayong ito ang nagpapaala-ala, bumibigkis, at nagpapakilala sa atin kahit kaninuman, kailanman, at saan mang panig ng mundo. Pinatitibay nito ang ating pagiging makabayan at pagmamalasakit sa ating katutubong kultura at mga sining. Ito ang ating sandigan at personalidad na kumakatawan sa atin kung sino tayo, anong lahi at uri, at ang ating pinanggalingan. Hindi tayo mga putok sa buho na bigla na lamang lumitaw at walang nalalaman sa ating pinagmulan. 

   Nagiging katawa-tawa at nalalagay sa alanganin ang ilang Pilipino kapag nahilingang awitin ang Lupang Hinirang at Panatang Makabayan, at hindi mapaunlakan ang mga banyagang humihiling. Gayong sila ang pasimuno at nangangasiwa sa mga pagdiriwang sa kani-kanilang mga pook sa ibang bansa. Higit pang nakakabalisa; maraming guro sa ngayon ang hindi rin maawit ng buo ang Lupang Hinirang at mabigkas ng tuwiran ang Panatang Makabayan, kapag tinatanong ng mga kabataang nagnanais na matutuhan ang mga ito. Sa maraming bansang aking napuntahan at sinalihang mga pagdiriwang, laging bahagi ito sa mga kulturang pagtitipon. At bilang tunay na Pilipino, nakalaan kang ibahagi ang ating awit at panata. Ito ang pambungad sa alinmang okasyon na nagpapakilala sa ating bansa, lalo na sa pandaigdigang paligsahan, palaro at mga kompetisyon. Katulad sa mga boksing ni Manny Pacquiao, walang masisimulan na laban kung hindi aawitin ang ating Lupang Hinirang.

   Magagawa mo bang awitin at bigkasin ang dalawang makabayang pagdakila na ito sa ating Inang Bayan? 

   Ito ang malaking pagkakaiba sa tunay na Pilipino at doon sa mga huwad at mga nagkukunwaring Pilipino. Ang pakilala nila mga Pilipino daw sila, subalit hindi maawit ang ating Pambansang Awit at mabigkas ang ating Panatang Makabayan. 

   Ang makalimot sa ating nakaraan at pagkakakilanlan; ay masahol pa sa isang banyaga na naghahanap ng sariling lungga.

 
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
 

Pilipinas Kong Mahal


   Isang pagpupugay sa ating minamahal na bansa. Ang lupang ating pinanggalingan at patuloy na naghahandog ng mga biyaya at pagpapala, anuman, alinman, saanman, at magpa-kailanman. Wala itong pinagpipilian. Lahat tayo ay IsangPilipino, sa diwa, sa puso, sa kaluluwa, at sa gawa.

   Anumang handog o regalong ating natanggap---kahit na ito ay alab ng pagmamahal, bukal sa pusong pagdamay, lubos na pagmamalasakit, haplit ng pang-unawa, at maging mga bagay o materyal na iniregalo---kailanman ay hindi natin mahahawakan. Pilitin man nating higpitan ang paghawak, ingatan o itago, lalong itong mawawala sa atin. Ang handog ay nawawala ang kahalagahan; at ang kapangyarihan nito'y wala ng lakas.

  Pag-ukulan ito ng pansin, dumukot at punuin ang isang kamay ng buhangin, kapag pinilit mong pigilan ang pagtapon nito sa pamamagitan nang pagkimis ng iyong kamao, lalong marami sa pagitan ng mga daliri ang nahuhulog. Ilatag at hayaan lamang na nakabuka ang mga palad at magkakadikit ang mga daliri, mahihinto ang pagkahulog ng mga buhangin.


  Ganito rin ang ating pagtunghay sa buhay; kapag maramot ka at may kahigpitan sa patas na bigayan, lalo ka lamang na mawawalan. Kung masiba o ganid ka naman, lalo kang iiwasan at pababayaan. Tamad ka at laging umaasa sa iba, hindi ka magiging tahimik at mapayapa kailanman.

   Tulad ng mga regalo, hindi ito itinatago at pinaluluma sa panahon. Ginagamit ang mga ito bilang pagpapahalaga sa nagbigay at inihahandog din sa iba. At patuloy na inihahandog muli sa iba pa nang walang hinto. At sa dami ng mga taong nabibiyayaan nito ay muling magbabalik ng higit pa sa nakalaan sa atin.

  Anumang bagay na ipinagkaloob sa atin, ay hindi ito natin pag-aari. Ipinahiram lamang ito tulad din ng ating hiram na buhay. Lahat ay panandalian lamang at may nakatakdang katapusan.


  Isang malaking kasalanan ang hindi gamitin ang iyong talento at nakatagong mga katangian. Ipinagkaloob ito sa iyo para magamit ang iyong katauhan sa paggawa ng kabutihan para sa lahat. Nasa paglilingkod lamang ang tunay na kaligayahang ating minimithi.

   Samantalahin natin ang pagkakataon ng magampanan ang pagpapahalaga sa regalong ito na ipinagkaloob sa atin. Ating tangkilikin, arugain, at pagyamanin ito upang makapaglingkod sa iba. Ang ating bansa ay isang regalo sa atin, at walang iba pa na katulad nito.

    Wala nang liligaya pa kaysa ang magmahal sa sariling atin, mula sa 7,107 na nakabibighaning mga pulo at naggagandahan nitong kalikasan ay sadya lamang na kagigiliwan. Ipinagbubunyi at ipinagkakapuri natin ito sa lahat ng tao, at saan mang panig ng mundo.

    Tanggapin natin na tunay tayong mapalad sa pagkakaroon ng isang bansang Pilipinas. Ang ating lupang tinubuan at kinagisnan na muling babalik-balikan ng walang pagsasawa at pagmamaliw.

   Ikaw, AKO, tayong lahat ay maluwalhating tinatanggap ang regalong ipnagkaloob na ito sa atin,
bilang mga tunay na Pilipino.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Maging Tunay na Pilipino


 Kailangan nating panindigan kung sino talaga tayo, gaano man ang pagkatakot o pangamba ang bumabalisa sa ating pagkatao na makilala itong lubusan.  

Ang ADHIKAIN: Ang magkaroon ng makabuluhang kaganapan na ibayong nakakatulong para sa isang mapayapa at maunlad na lipunang makaPilipino.
Narito ang ilang napapanahong mungkahi ng AKO, tunay na Pilipino:

10 Hakbang upang Magampanan ang maging Tunay na Pilipino

1 -Patunayan na ang iyong mga kapasiyahan at mga pagkilos ay siyang napakahalaga. Mayroon kang kapangyarihan na piliin ang tama mula sa mali sapagkat mayroon kang kadakilaan, at hindi natutuklasang potensiyal sa iyong kaibuturan na makagawa ng kabutihan at malaking kaibahan sa iyong pamayanan. Napakahalaga na magkaroon ka ng matatag na paninindigan, kung sino ka at hindi minamaliit o mawawasak ng sinuman na nagnanasang kontrolin at supilin ang sarili mong pagkatao. Ito lamang ang hindi makakayang nakawin mula sa iyo, na nagagawa mong sukatin at pangalagaan ang iyong sarili kahit kaninuman, saanman, at kailanman.

2 -Magbasa ng mga balita. Huwag umasa sa mga bulungan at opinyon ng iba. Pag-aralan ang hinahangad na nais mangyari ng tagapagbalita at ang idudulot nitong pinsala o kabutihan para sa bayan. Isipin ang mahabang ibubunga ng mga pagbabago, at patakaran ng bansa kung masusunod ang kagustuhan ng mga nagtataguyod ng mga balitang ito. Limiin kung ito'y tandasang para sa bayan o para sa ikakayaman lamang ng iilan. At kung papaano makakaapekto ito sa iyong buhay at maging ng iyong pamilya at sa susunod pang mga henerasyon.

3 -Tanggapin kung papaano magagawa na ang ating pamayanan ay maging mabuting tirahan. Ano ang ating maiiwan at maipapamana sa ating mga anak? Alalahaning anuman ang ating ginagalawan sa ngayon na kapaligiran, ay siyang pamana sa atin ng ating mga ninuno. At kung papaano natin ito pahalagahan ay siya naman nating maiiwan sa mga sumusunod sa atin. Magagawa nitong mabago din ang iyong buhay kung bibigyan ng atensiyon at kahalagahan.

4 -Makipag-ugnayan sa pamilya, mga kaibigan at sa iba tungkol sa mahalaga at makabuluhang mga pagbabago. Tiyakin na ang mga talakayan ay nakatuon sa mga praktikal at makabuluhang bagay na nakahihigit pa kaysa karaniwang araw-araw na pag-uusap. Ang mga napapanahong paksa ay mahalagang pinag-uusapan, nakasalang dito ang magaganap sa hinaharap. Narito ang iyong mga susunod na hakbang upang matiyak ang iyong matiwasay na kinabukasan. Iwasang nakakatulog sa mga pangunahing patakaran at mga pangyayari na nagaganap. Nangyayari lamang ang mga kalapastanganan kapag iilan lamang ang gising, tumututol, at lumalaban para dito.

5 -Mag-ukol ng panahon na makapag-boluntaryo sa mga kagalingang pambayan. Ilaan ito sa mga adhikaing nagtataas ng antas ng kamalayan tungkol sa mahahalagang isyu tulad ng Pangangalaga sa Kapaligiran, Kawalang ng Tirahan, Pagmamalupit at Abuso sa mga Bata, Kawalan ng Trabaho, Prostitusyon, Kahirapan, Kagutuman, at Karapatang Pantao. Piliin ang napipisil mong higit na makabuluhan para sa iyo at higit na mahalaga para sa iba. Gustuhin mo man o hindi, ikaw ay apektado ng mga ito. Kung iilan lamang ang kumikilos, o nakikipatulungan para ito malunasan, lahat tayo ay patuloy na nakikiayon na maging mga biktima at abusuhin sa tuwina.

6 -Tumulong na mapairal ang tunay na Demokrasya sa ating bansa. Sa pangkalahatang kaganapan, nakakamit natin ang uri ng pamahalaan at antas ng lipunan na akma at nararapat lamang para sa atin, batay sa ating mga hangarin, mga pagkilos at pakikiayon sa mga namumuno sa atin. Dumarami ang mga masasama at nagpapatuloy lamang ang mga kabuktutan at pagsasamantala sa ating lipunan, kapag iilan na lamang ang natitirang mabubuti sa ating mga mamamayan. Kung wala kang pakialam at walang pagmamalasakit sa kapakanan ng nakakarami, sa kalaunan, ikaw naman ang pakikialaman ng mga karahasang iyong iniiwasan, bilang karagdagang biktima. At sa puntong ito, wala ng makakatulong sa iyo.

7 -Maging mapanlikha. Ibayong mag-isip para sa ikakaunlad ng bayan. Walang hangganan ang isang ideya at sa magagawa nitong potensiyal na kabutihan para sa lahat. Gamitin ang iyong mga katangian at kakayahan na makagawa ng kaibahan sa kapwa at maging sa pamayanan. Walang kakapusan ng pagkakataon na makagawa ng kaibahan lalo na doon sa mga kinagigiliwan mo; ang kakapusan lamang ay ang pagpasiyahan ito na mangyari. Hanapin ang mga bagay na nakapagbibigay ng ningning at tahakin ang landas na patungo dito.

8 -Mag-ambag ng anumang bagay mula sa iyo. Huwag ipagdamot ang makakayanan, maging salapi, mga bagay, at higit pa ng iyong panahon sa ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong, lalo na sa mga panahon ng kalamidad, karamdaman, at mga kagipitan. Walang relihiyon na higit na mataas pa kaysa Paglilingkod sa Sambayanan. Ang maglingkod para sa kabutihang panlahat ay pinakadakilang kredo o panuntunan sa buhay. Hindi tayo lumitaw na basta na lamang mabuhay, narito tayo para makagawa ng kaibahan, na may dakilang adhikain, at may Ispirito ng pag-asa at tagumpay. Bahagi tayo ng pamayanan, at anumang kaganapan na nangyayari para dito, mabuti o masama man, lahat tayo ay apektado.

9 -Huwag iwasan ang pagbabago, ito ang susi ng tagumpay. Ang pinakamahusay na pagbabago ay kadalasan na nagsisimula sa isang natatangi at simpleng kaisipan. Mag-analisa at mag-isip ng mga bagay na makakatulong para sa lahat. Tuklasin kung papaano magagawa ang pangarap na maging katotohanan. Kung nais mong magpalit ng trabaho para umangat sa buhay, napakahalaga na malaman mo kung papaano na masumpungan at maging masikhay sa mga pagkakataon na angkop at nagpapakilala ng iyong mga interes, mga kakayahan, at nagpapasaya sa iyo. Bagama’t hindi natin magagawa ang mga dakilang bagay, magagawa naman natin ang maliliit na bagay na may dakilang pagmamahal.

10 -Panatilihin na buhay ang pag-asa. Hindi ikaw lumitaw dahil sa panahon, ikaw ay narito sa mundo sapagkat may tungkulin kang gagampanan. Anumang ginagawa mo ay siyang salamin ng iyong pagkatao at ang iyong mga nakikita at natatanggap naman ang siyang repleksiyon nito. Anuman ang iyong nagawa sa iyong sarili, sa iyong paglisan ay kasama mo, subalit yaong mga nagawa mo para sa iba ay mananatili bilang naiwan mong pamana. Kapag namamanglaw at lugami ka, ang iyong kapaligiran ay nakikiayon din sa iyo. Ang pag-asa lamang ang tanging tanglaw para ang lahat ay maging malinaw. 

Ang pakikipag-kumunikasyon sa iba ay nakapagbubukas ng maraming pintuan sa iyong buhay para sa isang maaliwalas at maunlad na kinabukasan. Ang kailangan lamang ay maumpisahan ito at ang lahat ay madali na lamang.

Ano pa ang hinihintay mo?


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Thursday, June 07, 2012

Tanging Magasin na Pilipino sa Internet


Ang imahinasyon ay higit na mahalaga kaysa kaalaman. Ang kalaaman ay limitado, ang imahinasyon ay pinupukaw ang iyong pagkatao.

   Kung mapapasyal ka sa tindahan ng mga aklat at sisimulan mong igala ang iyong mga mata sa napakaraming mga estante na naglalaman ng maraming aklat, mapapansing kakaunti lamang ang mga babasahing nasa wikang Pilipino. Lalo na kung naghahanap ka ng mga literatura tungkol sa ating mga tradisyon, mga sining at mga katutubong kultura. At maging sa mga karaniwang magasin at nakalarawang mga babasahin, bihira ang mga kuwentong may inspirasyon, kapupulutan ng aral at tunay na kumakatawan sa ating pagka-Pilipino.
   Maraming taon na ang lumipas nang simulan kong ikuwento ang aking mga nababasa, at naging mga karanasan sa bawa't talakayan o mga usapan na aking sinalihan. Halos hindi ko na mabilang ang mga ito, sapagkat nakagawian ko na, sa anumang pagtitipon ang simulan ang mga usapan doon sa mga makabuluhang bagay at may matututuhan. Bagama't napuputol ang kuwentuhan tungkol sa mga karaniwang bagay at mga 'buhay ng may buhay,' may kagalakan ding namamayani kapag personalan na at tumatalakay sa ikakaunlad ng bawa't isa.
   Kung ang pag-uusapan ay personal na tagumpay, kaligayahan ng pamilya, sariling-pagtitiwala, matatag na pananalig, ibayong pagtutulungan, at pag-ibig, ang lahat ay interesado. Hanggang sa may nagmungkahing isulat ko ang mga ito. Ang tugon ko ay hindi ako manunulat at wala akong napag-aralan o kabatiran tungkol dito. Subalit naging palaisipan ito sa akin kung nararapat na gawin o ikuwento na lamang tulad ng dati. Maging ang aking pamilya ay sinusugan na isulat ko ang aking mga kuwento. At noon lamang Nobyembre ng 2010 nang buksan at simulan (sapalaran) ko ang magsulat dito sa blog ng AKO, tunay na Pilipino.
  At habang ako'y nagsusulat, patuloy kong pinag-aaralan kung nasa tama at hindi nahuhulog sa kanal ang tinutumbok ng aking mga mensahe. Paumanhin na  lamang doon sa mga nakakangilo at malabnaw na paghimas ko sa mga kataga. Katulad ng isang mananahi, marami na ring karayom ang aking nabali sa pagtutuwid ng mga kinakailangang kataga sa pangungusap. Dati'y pailan-ilan lamang ang bumabasa, ngayon ay mahigit ng sandaang libo at patuloy pang nadaragdagan. Kaya naman lalo ko pang pinagbubuti at pinagaganda ang mga larawan para lalong masiyahan ang lahat.
  Ang tangi kong hangarin sa pagsulat ay ang maibalik ang nakalimutang mga pambihirang kataga sa ating wikang Pilipino. Mga katutubong kataga na hindi na ginagamit sa ngayon at mistula nang nawala sa sirkulasyon ng ating mga bokabolaryo. Ang pangunahing layunin ng blog na ito ay makapag-ambag ng karagdagang kaalaman tungkol sa pagiging makaDiyos, makaPamilya, makaKalikasan, maKatarungan, at makaBayan. Dahil marami na ring nagsusulat para dito tungkol sa ating bansa, dangan nga lamang, ay laging sa wikang Inggles, at ang nakapanlulumo dito, bihira sa ating sariling wikang Pilipino at tunay na kumakatawan sa ating lahing pinaggalingan.

   Ito ang masidhing hinahangad ng Pagkamulat, ang magasing Pilipino sa Internet.
   Nag-iisa lamang ito, ngunit marami ang nilalaman; walang hintong samut-sari at tahasang gumigising doon sa mga tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan nating mga kababayan.


    Ang tangi ko lamang mungkahi ay simpleng unawain ang nilalaman ng bawa't pahinang narito sa paraan na higit na makakatulong sa bumabasa. At kung hindi maunawaan ang nilalamang mensahe, magtanong lamang para may maunawaan. Hinihiling ko din na huwag hayaang matulad ito sa iba na mabilis ang pagbasa at madali ding makalimutan. Ang mga pahinang narito ay nararapat na masusing basahin, pag-aralan, pakalimiin, pakatandaan at ipamuhay. At marapat lamang kung may kabutihan na naitulong sa iyo, ay magawang maibahagi doon sa mga natitiyak mong makikinabang din nito, lalo na sa iyong mga mahal sa buhay.

Ang panahon na iyong makabuluhang inaksaya ay panahong hindi nasayang, ito'y karagdagang kabatiran para sa iyong kaunlaran.

   Ang walang hanggang tagumpay sa buhay ay sasaiyo, kung magagawa mong maging reyalidad ang mga inpormasyong narito. Maluwalhating pagtunghay at sa iyong paglalakbay sa tagumpay, nawa'y marami pang mga pagpapala ang dumatal sa iyong buhay. Maraming salamat sa iyong pakikipagniig sa akin.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Tuesday, June 05, 2012

Ang Buhay ay Hindi Pantay, ngunit Mabuti



Hindi ang pinapasan mo ang mabigat, ang paraan ng pagpasan mo ang nagpapahirap sa iyo.


Marami ang paladaing at naghihimutok sa buhay. Ayon sa kanila, walang pagkakapantay na umiiral sa uri at antas ng ating lipunan. May mayaman at may mahirap, may matalino at may mangmang, may nanloloko at may nagpapaloko. At mayroong nang-aapi at may nagpapaapi. Subalit hindi nila binabanggit na mayroon ding kalayaan at kapangyarihan ang bawa’t isa, na piliin kung alin ang tama at mali, isaayos ang mga buhay at paunlarin ang kanilang mga sarili.
   Nais kong paglimiing maigi ang malaking misteryong ito na bumabalot sa ating kabatiran, ito ay isang kontradiksyon.

   Ang buhay ay hindi pantay. Ngunit ang buhay ay mabuti.



   Nasa ating abilidad na pag-isipan at likhain ang buhay na nais natin, kung ito ang ating tunay na pakay. At ito’y ang harapin nang totohanan ang hindi pagkakapantay sa maraming bagay, at pagtuunan ang mabuting kaparaanan na makagawa ng kaibahan sa pagitan ng masaya o malungkot na buhay; sa panalo o talunan na buhay; sa kasaganaan o kakapusan na buhay; at nasa iyo ang kapangyarihan na pumili alinman sa dalawang nagpapaligsahan na ito ng iyong atensiyon. At kung ano ang mapagpasiyahan mo, ito ang magiging kasalukuyan mong kalagayan sa buhay. Anuman ang kinasadlakan mo sa ngayon, ikaw lamang ang may kapasiyahan nito. Walang karapatan ang sinuman na sisihin o pagalitan ang iba kung ang mga ito man ay nakakaangat sa buhay kaysa kanya. Hangga’t laging nakatingin siya at naiinggit sa kakayahan ng iba, kaysa tignan ang nasa kanyang harapan ay walang kaunlarang siyang makakamtan. Higit na mainam na pagtuunan ang kanyang sarili at paunlarin ito.
Kung walang ambisyon ay wala kang masisimulan. Kung walang kang ginagawa wala ka ring matatapos. Ang gantimpala ay hindi ihahatid sa iyo. Kailangan mo itong panalunan.


   Ang isang dahilan kung bakit ang karamihan sa atin ay laging napapahamak o nabibigo sa buhay ay ang kaugaliang mag-isip ng; “Hindi ito dapat mangyari sa akin. Hindi ito parehas. Hindi ito tama!” Kapag pinahintulutan natin itong mangibabaw sa ating mga isipan, magsisimula nang mainis, mainggit, at sisihin natin ang iba. At sa kalaunan, habang patuloy na nadarama ang nanggagalaiting damdamin na ito, winawasak naman ang kakayahan natin na magsumigasig pa. Para saan at magpapakahirap pa ako? Gayong wala rin namang mangyayari!” Karaniwan na itong naririnig doon sa mga wala ng pag-asa, at tinanggap na lamang ang kapalaran na sila’y mga talunan. May tawag ito sa Inggles na “learned helplessness” o natutuhang kawalan ng kusa. Isang pag-uugali na ‘bahala na’ at kung ano ang mangyari, ay “siya nawa!” Ito ang klase ng buhay ng mga "isang kahig, isang tuka." Kumikilos lamang kung kumakalam na ang sikmura. Habang may napagdadagisunan, bastante o panatag na ang pagdadala sa kanilang mga buhay. Subalit kapag dumarating ang mga ibayong pangangailangan, may peligrosong karamdaman, at samutsaring mga kagipitan, lahat ng maaaring malapitan ay pinakikiusapan. At kung hindi makuha ang hinahangad, sinisisi ang lahat at pati na ang langit ay hindi pinatatawad, maliban sa kanilang mga pagkukulang at mga kapabayaan.
Ang mga pagkilos ay hindi laging nagdudulot ng kaligayahan, ngunit walang kaligayahan kung walang pagkilos.


   Marami ang madaling makalimot sa ganitong mga tagpo. Kaunting biyaya lamang ang matanggap, prente na sa buhay at balik na naman sa dating gawi. Kung sakali man na matulungan ng iba, aasahan na ito sa tuwina, at kung minsan ay aabusuhin pa. Kilala natin ang mga taong ito at iniiwasan natin sila. Dangan nga lamang kung hahayaan nating manatili ang ganitong mga pag-uugali, sa kalaunan, ay mapipinsala din tayo. Sapagkat iisang lipunan lamang ang ating ginagalawan. Ang kanilang mga kamalian at kabiguan sa buhay ay pangkalahatang mga kamalian at kabiguan din natin. Ang sakit ng kalingkingan ay nadarama ng buong katawan. Kung ikaw ay tunay na Pilipino at sa harapan mo ay may isang banyaga na pinipintasan ang iyong kalahi, kahit papaano, ay may mararamdaman kang pagkasiphayo. Sa kaibuturan ng iyong puso, naroon ang pagkatalo at kawalan ng pag-asa. Subalit may magagawa tayo para dito. At nalalaman natin kung papaano ito magagawa. Nasa ating mga kamay bilang mga tunay na Pilipino ang ikakaunlad ng ating bayan. At yaong mga huwad at mapag-balatkayo ang siya namang sumisira sa pananalig ng bawa't isa sa atin, at maging sa dangal ng ating bansa. Gisingin natin sila sa mga pagkakamaling ginagawa nila sa ating mga kababayan.
Ang mga kasakitan at mahahapding bagay ay nagpapatalino sa atin at matamis na maalaala.


   Hindi na mabilang ang mga matatagumpay sa ating mga kababayan. Mula sa matinding kahirapan at hindi pagkakapantay sa ating lipunan ay nagawang nilang makaahon sa karukhaan. Sa kasalukuyan, sino ang hindi nakakakilala kina Jejomar Binay bilang bise-Presidente, kay Lucio Tan na taipan, si Henry Sy ng SM, Charice Pempengco sa pagkanta, at Manny Pacquiao ng boksing? Sino sila bago nila narating ang kanilang mga tagumpay? Ang walang pagkakapantay ay hindi naging sagwil upang hindi nila marating ang kanilang mga pangarap. Hindi lamang sila pumantay, nilagpasan pa nila ang karamihan. Mabuti ang buhay ayon sa kanila, kung . . . at ito ang pinakasusi sa tagumpay, KUNG kikilos ka para magawa mo ito, at naiwaksi mo na ang kawalan ng kusa. Ang magpunyagi nang walang kinaiinggitan, mga kadahilanan, at sinisising iba. Bagkus, ang ituon lamang ang lahat ng atensiyon doon sa mga makabuluhan at makapagpapaunlad ng sarili. Kung nagagawa ito ng iba, ay magagawa din natin.
Kung sa simula pa lamang ay pinaniwalaan mo na ang iyong pangarap ay hindi mo makakamtan, mawawalan ka ng pagnanasa na gawin pa at matupad ito.


    
  Bigyan natin ng pansin ang batang nagsisimulang maglakad, ito’y nag-aantalalan muna o nagsisimulang magbalanse na maihakbang ang mga paa para makalakad. Sa simula ay bumabagsak ito, napapaupo, ngunit tumatayong muli. Kahit na mabuway ang mga paa at bumagsak ito, ay nagpupumilit na tumayo at mailakad ang mga ito. Mabubuwal muli, ngunit hindi humihinto. Tatayong muli at maglalakad, hanggang maging matatag at matibay ang mga tuhod at mailakad ito nang maayos. Lahat ng ito’y pinagdaanan natin, dangan nga lamang, ay madali nating nalilimutan kapag nakasanayan na. Subalit ang bisa at Ispirito nito ay nasa atin pa. Kailangan lamang na gisingin at pakilosing muli ito. Hindi kailanman nawawala ito. Sinuman sa atin ay walang karapatan na sumbatan ang isang tao na wala siyang kakayahang ‘maglakad.’ At kahit na harangan mo ito ng sangkaterbang kulog at kidlat, kapag nais nitong ‘maglakad’ kahit na sanlibong pagkabuwal ay pikit-matang susungin nito. Hangga’t may pangarap ito, magagawa nitong tumindig at walang sawang magpapatuloy.
Yaon lamang mga mapagtimpi at masisikhay na makagawa; kahit na napakahirap gawin ang isang trabaho ang humuhusay para madaling magawa ito.


   Ito ang kalidad at kapasidad na mayroon tayo. Hangga’t tayo ay nabubuhay ay nakatanim at kalikasan na natin ito. Tayo ay nilikha na kawangis ng Maykapal at walang imposibleng bagay na hindi magiging katotohanan kung nanaisin lamang natin. Kahit ano ang mangyari, ang Ispiritong kumakatawan sa atin ay laging “tumitindig,” kumakatok sa ating mga puso at nagpapakilala. Ang ating pangunahing tungkulin lamang para sa ating mga sarili ay ang kilalanin ito at pagindapatin. At ang ating mga pangarap ay lubusan nating makakamtan.
 Kung ikaw ay matagumpay, maging ang iyong kapitbahay ay mag-iisip na may katalinuhan kang taglay.

Simulan, at ang lahat ay magiging madali na lamang.



Maraming salamat po.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan






Sunday, June 03, 2012

Ang Bugkos ng Ubas na may Taling Pula


Ang tunay na pagkatao ng isang tao ay makikilala sa kanyang ibinibigay at hindi mula sa kanyang kakayahan sa pagtanggap.

   Nagmamadaling kumatok sa pintuan ang magsasaka sa bahay ng pastor. Mga ilang sandali pa ay binuksan ng pastor ang pintuan, at nabungaran niya ang isang bugkos ng mapipintog na ubas na may taling pula ang iniaabot ng magsasaka.

   “Para sa inyo po ito pastor, mula ito sa pinakamatatamis na puno ng aking ubasan. Pinili ko po ito para matikman ninyo ang napakasarap at pambihira nitong tamis. Handog ko po sa kabutihan ninyo sa akin. Malaki po ang naitulong ninyo sa akin noong may bagyo at walang masilongan ang aking mag-anak. Kundi po sa inyo, malamang nagkasakit ang aking mga anak” Ang pagliwanag ng magsasaka.

   “Bakit nag-abala ka pa? Tungkulin ko talaga ang matulungan ka,” ang wika ng pastor. “Sa ganda at tamis ng mga ubas na ito ay magandang iregalo ito, ibibigay ko kaagad ito kay Aling Trining,” ang masiglang nabanggit ng pastor.

   “Huwag po pastor, tanging para po sa inyo iyan!” Ang pakiusap ng magsasaka at nagpaalam na ito.

   Matagal ding pinagmasdan ng pastor ang nakakasabik na mga ubas, pinaglipat-lipat ang paghawak sa taling pula at napapalunok sa nararamdamang katas ng tamis na maidudulot ng mga ubas, subalit ipinasiya pa rin niyang ibigay ito kay Aling Trining, ang kanilang mabait na labandera.

   Nagagalak namang tinanggap ang mga ubas ni Aling Trining, at tigib ng pasasalamat sa pastor. Subalit nang makaalis na ang pastor, ay naala-ala niya ang maysakit na kapatid na nasa kabilang silid, at naisip niya, “Palagay ko’y magugustuhan ng kapatid ko ang mga ubas na ito," at mabilis niya itong pinuntahan. 

   At ito nga ang nangyari, napunta ang mga ubas sa maysakit, subalit hindi rin ito nagtagal, sapagkat naala-ala ng maysakit ang matulunging kusinero na matagal nang nagluluto at nagdadala ng kanyang masasarap na pagkain sa araw-araw. “Kailangan kong makaganti sa mga pagtulong niya sa akin, nakakatiyak akong masisiyahan ang kusinero kapag naibigay ko ang mga matatamis na ubas na ito sa kanya.” Ang bulong sa sarili ng nakangiting maysakit.

   Namangha ang kusinero sa bugkos ng mga ubas, ngayon lamang siya nakakita ng ganitong kalalaki at mapipintog na mga bunga ng ubas, na lalong pinatingkad ng taling pula. At sa amoy pa lamang ay napakatamis na nito. Hindi mapakali ang kusinero sa tuwa, talagang katakam-takam ang bugkos ng mga ubas, at pilit na iniisip kung kanino niya ito maihahandog. Hanggang sa maisip niya ang butihing pastor. Ito lamang ang nalalaman niyang nararapat na makatanggap sa lahat. “Dahil sa mga kabutihang nagagawa nito sa kanilang lahat ay kailangan naman niyang masiyahan sa idudulot na kasarapan ng mga ubas na ito,” ang nausal sa sarili ng kusinero.

   Bago sumapit ang gabi, mabilis na nagtungo sa bahay ng pastor ang kusinero. Kumatok ito sa pintuan, at maya-maya pa’y bumungad ang pastor. Nagulat ito sa hawak na bugkos ng ubas na may taling pula na dala ng kusinero ngunit hindi kumibo ang pastor.

   “Para po sa inyo ito Pastor, napakatamis po nito at tiyak kong masisiyahan kayo. Ito ay para po sa mga kabutihang nagagawa ninyo sa amin,” ang masayang alok ng kusinero.

   Masayang nagpasalamat ang pastor, naunawaan niya na ang bugkos ng mga ubas na may taling pula ay talagang nakalaan para sa kanya. At nang gabi ding yaon; ay buong kasiyahan niyang kinain ang mga ubas bago mahimbing na nakatulog, na may ngiti sa kanyang mga labi.

---------
Ang pag-ikot ng pagbibigayan at handugan ay nakamtan ng tunay na pinagbigyan; ang ikot ng kagalakan at kaligayahan ay nadama ng bawa’t isa. Nangyayari at nakatakdang maganap lamang ito doon sa mga mababait at mapagbigay na mga tao.  Subalit doon sa makukunat, belekoy, at saksakan ng damot, nawa'y pagpalain sila, sapagkat sadyang mailap at maramot din ang magagandang kapalaran para sa kanila.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Saan Ka Pupunta?


Ang iyong tunay na impluwensiya ay nasusukat kung papaano mo tinatrato ang iyong sarili.

   Bahagi na sa mga itinuturo ng mga guro sa kanilang mga estudyante ang malayang pagpapahayag ng damdamin. Hindi kailangan na ito’y itago at kimkimin, dahil sa katagalan ay pinagmumulan ito ng pagkakagalit. At kung may nais kang itanong, kailangan itong sagutin ng tinanong. Ito ang nakapagpapataas ng antas ng pagtitiwala sa sarili para mawala ang pag-aalala, at masabi mo ang iyong nais nang walang pag-aatubili.
   May dalawang magkatabi na pamantasan sa Balanga na may parehong mag-aaral na taga-barangay Kupang. Ang isa ay nag-aaral sa umaga at ang isa naman ay sa hapon. Sa tanghali ay nagkakasalubong ang dalawa kapag pauwi na ang isa, at ang isa naman ay papasok na. 

   Minsan ay nagtanong ang isa, “Saan ka pupunta?”
   “Ako ay pupunta kung saan ako ihahatid ng aking mga paa,” ang tugon naman ng isa.

   Sa kasagutang ito ay nalito ang unang estudyante, at pagdating sa paaralan ay nagtanong kaagad sa kanyang guro. At matapos ang isalaysay ang nangyari; ay nagmungkahi ang guro, “Bukas ng tanghali, kapag nagsalubong kayong muli, ay tanungin mo ulit siya ng katulad noong itinanong mo sa kanya. At kung pareho din ang sagot niya, ay tanungin mo siya ng ganito, “Kung wala kang mga paa, saan ka pupunta?” Sa tanong na ito’y wala na siyang kawala at sasabihin niya sa iyo ang totoo."

   Kinabukasan muling nagkasalubong sa katanghalian ang dalawang mag-aaral.
   “Saan ka pupunta?” ang tanong muli ng unang estudyante.
   “Ako ay pupunta kung saan may humiihip na hangin,” ang sagot ng tinanong.
   Muling nalito at hindi mawari ng unang estudyante ito, at nang walang maapuhap na kalinawan ay ipinaalam kaagad sa kanyang guro.
    “Tanungin mo siya kung saan siya pupunta kung walang ihip ng hangin,” ang mungkahi ng guro.
   Sa sumunod na araw ang dalawang estudyante ay nagkita sa pangatlong pagkakataon.

     “Saan ka pupunta?” ang pangungulit na tanong ng unang estudyante.
   “Uuwi ako sa amin para magpahinga.” Ang naging tugon ng isa.

---------
May dalawang makahulugang punto ito:
Una: Matalinghaga ang maikling kuwento na ito, subalit kung iisipin ang kamalayang kaakibat ay nakakagising ng kabatiran. Sapagkat nasa pag-uulit lamang at pagtitiyaga, mayroon kang maliliwanagan at matututuhan. Karamihan sa atin, hanggang sa isang tanong lamang at kapag hindi naunawaan ang kahulugan na nais iparating ng tinanong ay tumitigil na at nag-aakala na lamang, at susundin ang kanyang nabuong hinala. At dito tayo nalalagay sa alanganin, dahil ang pag-aakala ay walang ibubungang mabuti. Higit na mahusay ang magtanong muli kaysa maghinala para magkaroon ng tamang kasagutan.
Pangalawa: Naging pag-uugali na natin ang tanungin ang kasalubong. Basta kakilala at taga-roon sa atin, sa halip na kamustahin ay tatanungin kung ‘saan ito pupunta?’ Sa mga umpukan naman, ay  ‘Saang kolehiyo ka nakatapos?’ 'Saan ka nakatira?' at ‘Ano ang trabaho mo?’ Pawang mga personal na tanong ito, at ito ay ipinagbabawal. Ipinapakita ng nagtatanong na hindi siya nakapag-aral, may masamang asal, at hindi siya nagawang turuan ng mga magulang. Mga usisero at tsismoso lamang ang gumagawa nito.
Opinyon: Kung minsan, kailangang brutal ang ginagamit na pangungusap para tumimo sa mga tinatamaan, dahil kapag talamak na sa kagawian at pag-uugali ang isang tao, nilalapatan din ito ng talamak at tuwirang pangungusap. Kung hindi ka nasaling nito, ay wala kang dapat na ipag-alala, hindi para sa iyo ito.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Dalangin para sa Lahat



Ang dasal ay siyang ugat, ang batis, at pinaka-ina ng sanlibong pagpapala.
 
    Katatapos pa lamang ng kapistahan ng Barangay Kupang, nang magkasakit si Trining. Hindi malaman ni Doming ang gagawin sa nangyari sa asawa. Sa kanyang palagay ay nasobrahan ito sa pagod ng pagluluto at pag-istima sa mga bisita. Minabuti niyang ipatawag si pastor Mateo para makapag-ukol ng ilang dalangin para makaginhawa at malunasan ang nararamdaman ng kanyang asawa. Ang pastor ay nagsimulang magdasal, humiling sa Diyos na pagalingin ang lahat ng may karamdaman.

  “Sandali lamang po, pastor,” ang nagugulumihanang pansin ni Doming, “Ipinatawag ko po kayo para magdasal sa aking asawa at ako’y nagulat dahil nagdarasal kayo para sa lahat ng mga may karamdaman.”

  “Nagdarasal din ako para sa kanya, Doming.” Ang mahinahong tugon ng pastor.

  “Pero ang pagdarasal ninyo ay para sa lahat! Hindi ko man lang narinig ang pangalan ng asawa ko. Ang hindi pa maganda dito, ay ipinagdarasal din ninyo ang aking kapitbahay na si Lucio na maysakit din, at siya ay aking kagalit at hindi ko mapapatawad.” Ang paliwanag ni Doming habang pailing-iling at kinakamot ang kanyang batok.

  “Wala kang nauunawaan tungkol sa pagpapagaling, lalo na’t mataimtim na dalangin ito at para sa lahat,” ang pahayag ng pastor. “Sa aking pagdarasal para sa bawa’t isa, naidadagdag ko ang aking mga dasal para doon sa milyung-milyon na mga tao na nagdarasal din para sa kanilang mga maysakit. “ Matapos ito ay tumitig ang pastor kay Doming at malinaw na nagwika,

  “At kung pagsasama-samahin; ang mga tinig na ito’y makakarating sa Diyos, at ang bawa’t isa ay pagpapalain. Kung magkakahiwalay at isahan lamang, nawawalan ito ng lakas, humihina at tinatangay lamang ng hangin.”

-------
Katulad ng walis na tinting; kung nag-iisa lamang ang tinting, walang mawawalis ito. Kinakailangang pagsamahin ang maraming pang mga titnting at bugkusin, nang magkaroon ng kakayahan para makawalis. Ang isang sinulid ay maliit at madaling maputol kapag napuwersang batakin. Subalit pagsamahin ang maraming tulad nito at puluputin, ay isa na itong liting na hindi magagawang maputol sa pagbatak lamang. At kung pagsasamahin muli na nakapulupot sa isa't-isa, isa na itong matibay na lubid. Anumang bagay, kapag napagsama at nagkaisa ay may puwersang nakakagulat at makabuluhang magagawa.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Thursday, May 31, 2012

Tanong at Sagot



Ang mga katanungan ay ang mga kasagutan.


   Kung may tanong ay may sagot. Ang matatagumpay na tao ay mayroong mahuhusay na mga katanungan, at ang resulta, ay tinutugon din sila ng mga mahuhusay na mga kasagutan. Sa ating buhay, kung hindi ka palatanong sa mga bagay na nakakaapekto sa iyo, sa bandang huli ang mga ito ay ikakapahamak mo. Kung ikaw ay naligaw sa iyong patutunguhan, at hindi mo gawi ang magtanong, ang pag-aaksaya ng oras, mga pagkalito at aksidente ang tiyak na susuungin mo. Hindi kailangan na manatiling macho ka at nahihiyang magtanong, dahil isang kahibangan ang magkunwaring may nalalaman. Ang pagtatanong ang makapangyarihang mga hakbang upang manatiling nasa tama at matuwid ang ating mga pagkilos. Dito nakasalalay ang ating mga kapasiyahan at siya ding nagpapalinaw kung ano pa ang susunod nating mga gagawin.
Ang matalinong tao ay marami ang malalaman sa hangal na tanong, kaysa isang hangal na may malaman mula sa matalinong kasagutan.

Ang may kalidad na mga katanungan ay lumilikha ng may kalidad na pamumuhay. Kailangan nating ihinang ito sa ating mga isipan, sapagkat  narito ang mahalagang susi kung papaano hinaharap ang bawa’t balakid na nakahalang sa ating daraanan. Makakatiyak ka ng tagumpay kung ang iyong mga kapasiyahan na nagtatakda ng iyong kapalaran ay mga kasagutan sa iyong mga katanungan. Kung tama ang katanungan, ay tama din ang magiging kasagutan. Kung mali ang tanong, makakatiyak kang mali din ang sagot. Kung malinaw at nakakatiyak ang iyong katanungan, hindi lamang ang iyong sarili ang natutulungan nito, pati na ang iyong tinatanong. Nagiging madali ang komunikasyon, trabaho, panahon, matipid ang mga gastusin, at maayos na natutupad ang lahat.
Hindi kailangan na laging abala. Gayundin ang mga langgam. Ang tanong ay: Ano ba ang ating pinagkaka-abalahan?

Ang pakikisama, pagkakaroon ng mga kakilala, at maging mga kaibigan ay nagiging mabunga at maluwat kung may mga katanungan na kailangan masagot muna, bago magkaroon ng paghahatol na kadalasan ay nauuwi sa alitan at hiwalayan. Kung may tamang tanong tungkol sa pinanggalingan ng hidwaan at kung papaano maiiiwasan ito, at sa halip, ay magtulungan sa isa’t-isa kaysa magsabunutan at magsuntukan, ang hinahangad na kooperasyon at kapayapaan ay mananatili. Nasa uri at antas din ito ng iyong mga kasama. May nagwika, “Sabihin mo sa akin kung sino ang mga kaibigan mo; at sasabihin ko sa iyo kung sino ka.” Dahil kung hindi ka palatanong, sinuman ay puwede mong makaibigan. Sapagkat “Kung hindi ka mapili, ang makukuha mo ay bungi.”
Siya ay talaga namang ignorante at masasabing tanga, dahil lagi siyang mapagprisinta na may kasagutan sa bawa’t itanong sa kanya.

 Ang pagkakaiba sa pagitan ng matagumpay at mga talunan ay ang mga katanungan na patuloy nilang itinatanong. Sa mga nagnanasang magtagumpay, palaging nakatuon ang kanilang mga katanungan sa pag-unlad. At doon sa patuloy na nabibigo at mga talunan, bahagi ng problema ay ang kanilang limitado o makitid na mga kaisipan. At ito ang naghahatid sa kanila para mabigo sa buhay. Habang patuloy silang matigas at ayaw tumanggap ng katotohanan, mananatili na matigas din ang kapalaran para sa kanila. Dahil, kung baluktot ang iyong paniniwala at ang lahat ay umuusig na sa iyo, panahon naman na pag-aralan at limiing mabuti kung may magandang patutunguhan ang pagmamatigas mo. Nasa pagtatanong lamang ito, at ikaw din ang makakasagot lamang tungkol dito. Tulad ngayon, maaari mong tanungin ang sarili, “Ano ang tunay mong ikinaliligaya sa iyong buhay ngayon? Ano ang mga nagpapasaya sa iyo sa tuwina? Sino ang mga taong maaasahan mo sa iyong mga pangangailangan? Ano ang mga bagay na nararapat mong ipagpasalamat? Maglaan ng ilang sandali, na limiin ang mga kasagutan at pakiramdaman kung anong damdamin ang sumasaiyo at nangyayari kung bakit tagumpay o talunan ka.
Kapag pera at pagyaman na ang pinag-uusapan, ang lahat ay interesado. Subalit kung gagawin at mahihirapan na, ang karamihan ay iniiwasan na ito.

Hindi ang mga pangyayari ang humuhubog sa aking buhay at nagpapahiwatig kung ano ang aking nadarama at ikinikilos, bagkus, ang kaparaanan kung papaano ko binibigyang kahulugan at pinaglilimi ang mga karanasan ko sa buhay. Kapag ako ay nasasalang sa isang kalagayan na may pag-aalinlangan o nalilito na ako, mabilis kong itinatanong kaagad ang kahalagahan nito sa aking buhay. Sapagkat sa bawa’t kapasiyahan na aking gagawin, hindi lamang para sa aking sarili ang nakasalang; bagkus laging kasangkot ang aking mga mahal sa buhay. Ang kapariwaraan ko’y kapariwaraan din nila. Nasa pagtatasa lamang ito para higit kong malinawan ang aking kalagayan.

 Ano ang kahulugan ng Pagtatasa?
     vt  evaluate, : pagtatakda ng halaga, kondisyon, kalagayan, sitwasyon  : maingat na pag-aaral at pagpapahalaga : pagkilatis o estimasyon sa katangian, kakayahan, o mga kagalingan

Papaano ko ba magagawang magtasa?
Ano ba talaga ang pagtatasa?
Habang binabasa ko ito, ako ba’y nagtatasa ngayon?
Bakit patuloy ang aking pagbasa nito, napagtasa ko bang may matututuhan ako?
Kung ako ba'y nahaharap sa isang problema, tinatasahan ko ba ito para luminaw ang aking isip at makagawa ng tamang kapasiyahan?

Ang katotohanan; ang pagtatasa o pagkilatis ay mga katanungan. Kung walang pagtatanong, walang pagliliming magaganap. Ang mag-isip ay isang proseso ng pagtanong at pagsagot sa mga katanungan.  Siya na palatanong ay hindi makakaiwas sa mga kasagutan.

Ang ating mga katanungan ang nagbabadya ng ating mga kaisipan.

Kailangan nating mapatunayan na halos lahat ng ating mga ginagawa sa maghapon at maging bago matulog sa araw-araw; ay ang magtanong at sagutin ang mga katanungang ito. Kung talagang nais nating mabago ang kalidad ng ating buhay, kinakailangan na baguhin natin ang nakaugalian nating mga pagtatanong. Sapagkat ang mga katanungang ito ay itinutuon ang ating atensiyon, kung papaano tayo mag-isip at maunawaang lubos kung ano ang ating nadarama. Dahil narito ang ating mga kapasiyahan at sumusunod nating mga ikikilos. Hindi makatarungan na tumahimik at gumawa na lamang. Kailangan ding magtanong kung bakit mo ito gagawin, para saan, at kung makakatulong ito sa lahat. Lalo na kung ang iyong reputasyon at integridad ang masasangkot kapag ipinagpatuloy mo itong gawin. Ang mga katanungan ay mayroong kapangyarihan na makaapekto sa ating mga paniniwala, at nagiging posibleng mangyari ang hindi posibleng mangyari.
Walang katanungan na mahirap sagutin, kung nasa harapan at nangyayari na ang kasagutan.

Kung wala kang paggalang sa iyong sarili, basta ka na lamang susunod nang walang mga katanungan. Mistulang robot na de-susi na sunod-sunuran sa mga dikta at ipinag-uutos ng iba. Bilang mga tunay na Pilipino, isa nating pag-uugali ang magtanong muna, bago simulan ang lahat ng mga bagay. Sa aking pabrika, doon mismo sa departamento ng produksiyon ay may inilagay akong malaking karatula: “Magtanong sapagkat kailangan, upang ang pagkakamali ay maiwasan!” Laging nasa aking isip ito; tayo ay hindi mga perpektong tao, kaya nga nilikha ang lapis na may pambura, dahil sa anumang saglit ay may kamaliang magaganap. Higit na maagap ang laging handa, kaysa bahala na at batbat ng pangamba. Ang aksidente ay nangyayari lamang kung walang pag-iingat at malinaw na mga katanungan sa magaganap.
Higit na masaklap ang matakot kaysa mabugnot, at kahindik-hindik naman ang sumagot nang walang nagtatanong at may pahintulot.

Madaling makilala ang dalawang pangkat ng mga tao sa kanilang mga katanungan.
Unang pangkat: Maraming tao na nakikita ang mga bagay ayon sa mga ito, at ang bigkas ay; “Bakit?” At matapos ito ay bastante na muli at patuloy na gagawin ang dating ginagawa nang walang mga katanungan. Ipinauubaya na lamang sa “bahala na” ang lahat. Pinaikling, ‘Bathala na’ ito, na ang kahulugan ay si Bathala na ang mag kasagutan para sa lahat. At dahil dito, ay buong pusong tatanggapin na ang lahat na mangyayari sa kanilang mga buhay. Gayong may kawikaan na, “Nasa Diyos ang awa, subalit nasa tao ang gawa.” Kung wala kang pagkilos, papaano may mangyayari? Kung patuloy kang maghihintay ng milagro, ang mismong kalagayan mo ay milagro nang nagaganap. Nasa dulo lamang ng iyong mga kamay ang lahat para ang iyong hinahangad ay maganap.
Pangalawang pangkat: Ang ilan naman ay nangangarap sa mga bagay na wala sa mga ito, at ang bigkas ay; “Bakit hindi? At isinasagawa ang kanilang iniisip na maging reyalidad ang mga ito. Hindi sila makagawa hangga’t walang malinaw na dahilan kung bakit gagawin ang isang trabaho. 
Higit tayong may nalalaman sa paghahanap ng kasagutan sa tanong at hindi matagpuan ito, kaysa ang matutuhan ang kasagutan nang walang kapaguran.

May isang taga-ukit sa Paete, Laguna, ang dalubhasa sa paggawa ng rebulto. Halos inaabot ng isang linggo bago siya makatapos ng isa. Matagal ang inuubos niyang panahon para mapaganda ito at makatapos ng isang istatwa. Limitado ang kanyang pagkita at batay lamang kung gumagawa siya. Isang kahig, isang tuka, ang ganitong sistema. Isang bisita ang nagka-interes na bumili ng isang rebulto, nilagyan ng mga dekorasyon, pinaganda, at nagpagawa ng maraming katulad nito sa isang pabrika. Ginawang komersiyal na maramihang ipinagbili, at naging maunlad na negosyo niya. Ang taga-ukit ay masipag, subalit hindi masikhay at binabraso ang lahat. Walang mga katanungan kung papaano uunlad. Ang negosyante ay nagtanong,”Papaano ko kaya ito mapaparami sa madaling panahon, nang marami ang makabili?” Bigkas nga ng aking ama, “Daig ng maagap ang masipag.”
Laging may magandang kasagutan doon sa may higit na may magandang katanungan.

May nagtatanong, ngunit ayaw sagutin ang sariling mga katanungan, dahil umiiwas na mahirapan. Mayroon namang may katanungan, at mapilit na hinahanap ang mga kasagutan – at kaagad na isinasagawa ito. Doon sa una, makakatiyak ka na pulitiko ito. Dito sa huli, manlilikha at imbentor ito ng mga produkto. Isa sa mga katanungan na nagpalinaw ng aking pananalig ay ito:
 Question with boldness even the existence of a God; because, if there be one, he must more approve of the homage of reason, than that of blind-folded fear. “ Binigkas ito ni Thomas Jefferson, (an American Founding Father, the principal author of the United States Declaration of Independence and the third President of the United States).

Pakatandaan: Hindi lamang ang mga katanungan na iyong naitanong, pati na ang mga katanungan na nabigo mong itanong ang nagtatakda ng iyong kapalaran.

Anong kapangyarihan ang iyong mapapakawalan; kung magagawa mong magtanong ng simpleng katanungan subalit pinakamabisa ang kalalabasan, at makapagbabago ng iyong direksiyon sa buhay? Ikaw at ako ay mababago ang ating nadarama sa isang iglap, kung babaguhin lamang ang ating pagtuon. Hangga’t binibigyan natin ng atensiyon ang isang bagay, lalong lumalaki ito. Malaki ang pagkakaiba sa pagitan ng tumitingin at tumititig. Ang tumingin ay pahapyaw at panandalian, at ito’y bilang pagsulyap lamang; samantalang ang tumitig ay may panahong inilalaan, para pag-aralan ang tinititigan. Sa pagtatalo, baguhin lamang ang pagtuon sa pinagtatalunan, mapapayapa na ang mga kalooban.

 Ano bang mga katanungan ang iyong madalas na gamitin o regular na ginagamit kung nalalagay ka sa alanganin? Ako ay may dalawang katanungan na ginagamit kong kalasag at pangunahing batayan bago ako magpasiya. Malaki ang naitutulong nito upang maging malinaw at nasa tama ang aking susunod na mga hakbang. Simpleng mga katanungan lamang: 1) “Anong makabuluhan ang patutunguhan nito?” at “Papaano ko ito magagamit para mapakinabangan ko?”

At kung may alinlangan ako sa pagiging malapit at kapansin-pansin na pagsuyo ng isang tao sa akin, mayroon akong isang katanungan na madalas kong sandigan, “Ano ang tunay na intensiyon ng taong ito?” Nagsimula ito noon pang bata ako, nang pinag-aaralan namin ang aklat ng ating bayaning si Francisco Baltazar, ang ‘Florante at Laura.’ Sa isang saknong, ay binanggit ito,Kung ang isalubong sa iyóng pagdating, ay masayáng mukha at may pakitang giliw, lalong pakaingatan at kaaway na lihim siyang isaisip na kakabakahin.” Matalim at nagpapalinaw ang pangungusap na ito, sapagkat kung lilimiing mabuti, ang mga taong may mabuting pakay at walang lihim na hangarin, ay karaniwan at normal lamang ang paglapit sa iyo. Walang mga palabok at paligoy-ligoy, at hindi na kailangan pang magsinungaling. Subalit doon sa mga mapagsamantala at may mga maitim na balakin, mistula itong naghahanda ng patibong para ikaw ay mahuli ng kanilang inihahandog na mga pain.

Narito pa ang mga mahahalagang mga katanungan, kung nais na makatiyak na maging matagumpay; mga katanungan na kailangan nating sagutin para ituon sa tamang direksiyon ang ating mga buhay:
1)      Bakit ako lumitaw sa mundo, para saan ba ito?
2)      Ano ba ang talagang dahilan at kung bakit ako ay nabubuhay pa?
3)      Mayroon ba akong kailangang gawin pa at tapusin na kailangang maipamana?
4)      Sino nga ba ako?
5)      Ano ang talagang nais ko sa aking buhay?
6)      Saan ba ako patungo, ang tinatahak ko ba ngayon ang tamang direksiyon?
7)      Maligaya ba ako sa ngayon at may kaluwalhatian na?


Pinaka-makapangyarihang mga katanungan ito, at kung hindi mo ito masasagot; sa halip, ay lagi kang naghihintay at umaasa na may milagrong magaganap kahit na hindi ka kumikilos. At ang milagro ay nangyayari na; ang mismong kalagayan mo sa ngayon ang pruweba. Ang mga bagabag, pamamanglaw, at mga pagkalito mo sa iyong buhay ang resulta nito. Ang mga hidwaan, hiwalayan, at hindi pagkakasundo sa pamilya ay nananatiling hindi pa tapos, at nangangailangan ng kalunasan. Kung wala pang tunay na kaligayahan na naghahari sa iyong buhay, may pagkakataon ka pang maisaayos ito at tamasahin ang iyong nakatakdang kaligayahan.
Narito pa ang isang katanungan na kailangan mong masagot; “Kung may isang pagkilos na mabilisan mong magagawa at nakakatiyak kang makapag-papabago ito ng iyong buhay, bakit hindi mo ito masimulan?”

Kung may mga katanungan at may mga kasagutan. Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian? Mamili ka, sapagkat narito ang mga kasagutan ng iyong mga katanungan.

May katanungan ka pa ba?



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan