Hindi ang pinapasan mo ang mabigat, ang paraan ng pagpasan mo ang nagpapahirap sa iyo.
Marami ang paladaing at naghihimutok sa
buhay. Ayon sa kanila, walang pagkakapantay na umiiral sa uri at antas ng ating
lipunan. May mayaman at may mahirap, may matalino at may mangmang, may nanloloko
at may nagpapaloko. At mayroong nang-aapi at may nagpapaapi. Subalit hindi nila
binabanggit na mayroon ding kalayaan at kapangyarihan ang bawa’t isa, na piliin
kung alin ang tama at mali, isaayos ang mga buhay at paunlarin ang kanilang mga sarili.
Nais kong
paglimiing maigi ang malaking misteryong ito na bumabalot sa ating kabatiran,
ito ay isang kontradiksyon.
Ang buhay ay
hindi pantay. Ngunit ang buhay ay mabuti.
Nasa ating abilidad na pag-isipan at
likhain ang buhay na nais natin, kung ito ang ating tunay na pakay. At ito’y ang harapin nang totohanan
ang hindi pagkakapantay sa maraming bagay, at pagtuunan ang mabuting kaparaanan na makagawa ng kaibahan sa
pagitan ng masaya o malungkot na buhay; sa panalo o talunan na buhay; sa kasaganaan o
kakapusan na buhay; at nasa iyo ang kapangyarihan na pumili alinman sa dalawang nagpapaligsahan na ito ng iyong atensiyon. At kung ano ang
mapagpasiyahan mo, ito ang magiging kasalukuyan mong kalagayan sa buhay. Anuman
ang kinasadlakan mo sa ngayon, ikaw lamang ang may kapasiyahan nito. Walang karapatan
ang sinuman na sisihin o pagalitan ang iba kung ang mga ito man ay nakakaangat
sa buhay kaysa kanya. Hangga’t laging nakatingin siya at naiinggit sa kakayahan
ng iba, kaysa tignan ang nasa kanyang harapan ay walang kaunlarang siyang makakamtan.
Higit na mainam na pagtuunan ang kanyang sarili at paunlarin ito.
Kung walang ambisyon ay wala kang masisimulan. Kung walang kang ginagawa wala ka ring matatapos. Ang gantimpala ay hindi ihahatid sa iyo. Kailangan mo itong panalunan.
Ang isang dahilan kung bakit ang
karamihan sa atin ay laging napapahamak o nabibigo sa buhay ay ang kaugaliang
mag-isip ng; “Hindi ito dapat mangyari sa
akin. Hindi ito parehas. Hindi ito tama!”
Kapag pinahintulutan natin itong mangibabaw sa ating mga isipan, magsisimula
nang mainis, mainggit, at sisihin natin ang iba. At sa kalaunan, habang patuloy na
nadarama ang nanggagalaiting damdamin na ito, winawasak naman ang kakayahan natin
na magsumigasig pa. “Para saan at magpapakahirap pa ako? Gayong wala rin namang
mangyayari!” Karaniwan na itong naririnig doon sa mga wala ng pag-asa, at
tinanggap na lamang ang kapalaran na sila’y mga talunan. May tawag ito sa
Inggles na “learned helplessness” o
natutuhang kawalan ng kusa. Isang pag-uugali na ‘bahala na’ at kung ano
ang mangyari, ay “siya nawa!” Ito ang klase ng buhay ng mga "isang kahig, isang
tuka." Kumikilos lamang kung kumakalam na ang sikmura. Habang may
napagdadagisunan, bastante o panatag na ang pagdadala sa kanilang mga buhay.
Subalit kapag dumarating ang mga ibayong pangangailangan, may peligrosong
karamdaman, at samutsaring mga kagipitan, lahat ng maaaring malapitan ay pinakikiusapan.
At kung hindi makuha ang hinahangad, sinisisi ang lahat at pati na ang langit
ay hindi pinatatawad, maliban sa kanilang mga pagkukulang at mga kapabayaan.
Ang mga pagkilos ay hindi laging nagdudulot ng kaligayahan, ngunit walang kaligayahan kung walang pagkilos.
Marami
ang madaling makalimot sa ganitong mga tagpo. Kaunting biyaya lamang
ang matanggap, prente na sa buhay at balik na naman sa dating gawi. Kung sakali
man na matulungan ng iba, aasahan na ito sa tuwina, at kung minsan ay aabusuhin
pa. Kilala natin ang mga taong ito at iniiwasan natin sila. Dangan nga lamang
kung hahayaan nating manatili ang ganitong mga pag-uugali, sa kalaunan, ay
mapipinsala din tayo. Sapagkat iisang lipunan lamang ang ating ginagalawan. Ang
kanilang mga kamalian at kabiguan sa buhay ay pangkalahatang mga kamalian at
kabiguan din natin. Ang sakit ng kalingkingan ay nadarama ng buong katawan.
Kung ikaw ay tunay
na Pilipino at sa harapan mo ay may isang banyaga na pinipintasan ang iyong kalahi, kahit papaano, ay may mararamdaman kang pagkasiphayo. Sa
kaibuturan ng iyong puso, naroon ang pagkatalo at kawalan ng pag-asa. Subalit
may magagawa tayo para dito. At nalalaman natin kung papaano ito magagawa. Nasa ating mga kamay bilang mga tunay na Pilipino ang ikakaunlad ng ating bayan. At yaong mga huwad at mapag-balatkayo ang siya namang sumisira sa pananalig ng bawa't isa sa atin, at maging sa dangal ng ating bansa. Gisingin natin sila sa mga pagkakamaling ginagawa nila sa ating mga kababayan.
Ang mga kasakitan at mahahapding bagay ay nagpapatalino sa atin at matamis na maalaala.
Hindi na mabilang ang mga matatagumpay
sa ating mga kababayan. Mula sa matinding kahirapan at hindi pagkakapantay sa ating
lipunan ay nagawang nilang makaahon sa karukhaan. Sa kasalukuyan, sino ang hindi nakakakilala kina Jejomar
Binay bilang bise-Presidente, kay Lucio Tan na taipan, si Henry Sy ng SM, Charice
Pempengco sa pagkanta, at Manny Pacquiao ng boksing? Sino sila bago nila
narating ang kanilang mga tagumpay? Ang walang pagkakapantay ay hindi
naging sagwil upang hindi nila marating ang kanilang mga pangarap. Hindi lamang sila pumantay, nilagpasan pa nila ang karamihan. Mabuti ang
buhay ayon sa kanila, kung . . . at ito ang pinakasusi sa
tagumpay, KUNG kikilos ka para magawa mo ito, at naiwaksi mo na ang
kawalan ng kusa. Ang magpunyagi nang walang kinaiinggitan, mga kadahilanan, at
sinisising iba. Bagkus, ang ituon lamang ang lahat ng atensiyon doon sa mga
makabuluhan at makapagpapaunlad ng sarili. Kung nagagawa ito ng iba, ay
magagawa din natin.
Kung sa simula pa lamang ay pinaniwalaan mo na ang iyong pangarap ay hindi mo makakamtan, mawawalan ka ng pagnanasa na gawin pa at matupad ito.
Bigyan natin ng pansin ang batang nagsisimulang
maglakad, ito’y nag-aantalalan muna o nagsisimulang magbalanse na maihakbang
ang mga paa para makalakad. Sa simula ay bumabagsak ito, napapaupo, ngunit
tumatayong muli. Kahit na mabuway ang mga paa at bumagsak ito, ay nagpupumilit
na tumayo at mailakad ang mga ito. Mabubuwal muli, ngunit hindi humihinto.
Tatayong muli at maglalakad, hanggang maging matatag at matibay ang mga tuhod
at mailakad ito nang maayos. Lahat ng ito’y pinagdaanan natin, dangan nga
lamang, ay madali nating nalilimutan kapag nakasanayan na. Subalit ang bisa at Ispirito nito ay nasa atin pa. Kailangan lamang na gisingin at pakilosing muli
ito. Hindi kailanman nawawala ito. Sinuman sa atin ay walang karapatan na
sumbatan ang isang tao na wala siyang kakayahang ‘maglakad.’ At kahit na
harangan mo ito ng sangkaterbang kulog at kidlat, kapag nais nitong ‘maglakad’
kahit na sanlibong pagkabuwal ay pikit-matang susungin nito. Hangga’t may pangarap
ito, magagawa nitong tumindig at walang sawang magpapatuloy.
Yaon lamang mga mapagtimpi at masisikhay na makagawa; kahit na napakahirap gawin ang isang trabaho ang humuhusay para madaling magawa ito.
Ito ang kalidad at kapasidad na mayroon
tayo. Hangga’t tayo ay nabubuhay ay nakatanim at kalikasan na natin ito. Tayo
ay nilikha na kawangis ng Maykapal at walang imposibleng bagay na hindi magiging
katotohanan kung nanaisin lamang natin. Kahit ano ang mangyari, ang Ispiritong
kumakatawan sa atin ay laging “tumitindig,” kumakatok sa ating mga puso at
nagpapakilala. Ang ating pangunahing tungkulin lamang para sa ating mga sarili
ay ang kilalanin ito at pagindapatin. At ang ating mga pangarap ay lubusan nating
makakamtan.
Kung ikaw ay matagumpay, maging ang iyong kapitbahay ay mag-iisip na may katalinuhan kang taglay.
Simulan, at ang lahat ay magiging madali na lamang.
Maraming salamat
po.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment