Wednesday, October 16, 2013

Pambihira Ka

Ipahayag ang iyong kaibahan at mga talento; at kung nagagawa mo ito, may pagtitiwala ka sa iyong sarili na pambihira ka at talagang kakaiba.

Maging matapat sa sarili, at ang pinakamahalaga -- paniwalaan lamang ang katotohanan. Hindi hilaw o hindi kapos. Walang kulang at wala ring labis. Walang dumi, puwing o munti mang bahid. Kundi yaon lamang wagas at sakdal na katotohanan. Sapagkat dito nasasalamin kung sino ka at ang tinataglay mong pagkatao
Narito ang iyong integridad at iniingatang reputasyon. Kung wala ito sa iyo, bahagi ka ng mga naliligaw ng landas at nagpapahirap sa lipunan na iyong ginagalawan. Sa halip na solusyon, isa ka pang karagdagan sa problema.
   Kung nais na maging uliran ang pagkatao, mahalaga para sa iyo na alamin at pakalimiin ang munting tinig na patuloy na nag-uutos sa iyo. Ito ang pangunahin mong kritiko; mapagpuna, mapamintas, at mapanisi. Punong-puno ito ng naglalaban na mga opinyon, at kung wala kang pakialam at palasunod sa anumang isipan na kumakatawan dito, wala kang kontrol o anumang pagsupil sa kakahinatnan nito. Magsisi ka man ay huli na.
   Mayroon ang bawa’t isa sa atin ng kapangyarihan na pumili. At ang piliin ang tama kaysa ang mali. Dangan nga lamang, bihira natin itong ginagamit. Sa tuwing nasa panganib na tayo at wala nang magagawa pa, doon lamang natin ito inaapuhap upang magpasiya. Gayong may sapat tayong panahon para paghandaan at maiwasan ang anumang kapahamakan na darating.
   Kadalasan, ang nagpapahirap na makagawa ng tama ay ang katigasan ng kapalaluan. Kahit na mali ay ipinagpipilitan, maipakita lamang na may isang salita at paninindigan. Walang saysay ito at hungkag na pakitang tao, kahit na ang isinisigaw ng puso ay magpakumbaba at tanggapin ang kamaliang nagawa.
   Lahat tayo ay nagkakamali, kaya nga nilikha ang lapis na may pambura. Ang mainam sa lahat, aminin ang kamalian upang ito ay malunasan. Hangga’t itinatago at pinagtatakpan, tumitindi lalo ang mga kasalanan. Dahil ayaw nating mapintasan, nagiging bulag tayo sa mga pagkakataong nasa ating harapan. Humihina ang ating pananalig sa sarili at nawawalan ng pagtitiwala na magpatuloy pa. 

Pagtitiwala sa Sarili

Pinakamahalagang elemento sa tagumpay ang pagtitiwala sa sarili, at ang mahalagang susi nito ay preparasyon.

Kung may matatag kang pagtitiwala sa iyong sarili, anumang iyong sinimulan ay makakaya mong tapusin. At lahat ng tao na karelasyon mo, ay may pananalig at nagtitiwala din sa iyong pagkatao at mga kakayahan.
   Pinakamahalaga sa lahat ang may pagtitiwala sa sarili sa bawa’t aspeto ng ating buhay, ngunit marami sa atin ang patuloy sa pakikibaka, matagpuan lamang ito. Ang nakakalungkot, mailap itong makamtan kung wala kang pananalig sa iyong kakayahan. Kung wala kang pagtitiwala na makakaya mo ang isang gawain, sadyang napakahirap na magtagumpay ka. Dahil ang iyong mga kasamahan ay mag-aalinlangan na tulungan ka at iiwasan ka na makatrabaho pa.
   Kung may pagtitiwala ka sa sarili, ang kasiglahan sa iyong paggawa ay nakapagbibigay ng inspirasyon sa iba para pagkatiwalaan ka; mula sa iyong mga kasamahan, mga katrabaho, mga pinuno, mga parukyano, at mga kaibigan. Lahat sila ay nagiging matapat at nananalig kapag mayroon kang pagtitiwala sa iyong sarili.
   Ang mainam dito, ang pagtitiwala sa sarili ay napag-aaralan at nagagawang matatag. Nasa iyong pagsisikhay at kaparaanan upang palakasin ito. Hangga’t pinagbubuti mo at pinauunlad ang iyong sarili, patuloy ding tumitibay ang iyong pagtitiwala sa sarili. Ang antas nito ay naipapakita sa maraming paraan: sa iyong saloobin, sa mga asal at pag-uugali, batay sa iyong mga pagkilos, pananalita, mga pangako, paninindigan, at pagtupad ng tungkulin. Malaki din ang nagagawa ng iyong integridad at ginagawang pag-iingat na huwag madungisan ang iyong reputasyon.

Mga Halimbawa ng Pagtitiwala sa Sarili
1-Patuloy na ginagawa ang alam na tama, kahit na tinutuya at pinipintasan nang dahil dito.
2-Handa na sumubok at maglaan ng karagdagang kapaguran, mapahusay lamang ang mga gawain.
3-Tinatanggap ang mga pagkakamali, at inilalapat ang tamang leksiyon na natutuhan mula dito.
4-Hindi ipinagyayabang ang mga nagawa o naghihintay ng mga papuri para kilalanin ang kahusayan.
5-Magiliw na tinatanggap ang anumang papuri at mapagkumbabang nagpapasalamat para dito.
6-Madaling lapitan at handang tumulong kahit kaninuman hangga’t may pagkakataon at kakayahan.
7-Maaasahan at mapagkakatiwalaan, maging maliit o malaki mang gawain sa lahat ng sandali at mga pagkakataon na kailangan.

Kung ang mga ito ay hindi mo magagampanan, makakatiyak kang napakababa ng iyong pagtitiwala sa sarili at kadalasan ay iniiwasan ka ng iyong mga kasamahan. Kung ito ang kalagayan mo sa ngayon, simulan nang magbago, ... hindi pa huli ang lahat, may pag-asa ka pang matupad ang iyong mga pangarap. Ito naman ay KUNG,… pagkakatiwalaan mo ang iyong sarili.


Sunday, October 13, 2013

Dalawang Kalakasan

Ang tunay na kalakasan ay hindi nanggagaling mula sa pisikal na pagkilos, kundi mula sa walang pagkatalong katatagan.

 Kung aapuhapin mo ang iyong kaibuturan, may dalawang kalakasan dito ang namamayani. At kapag talos mo ang iyong birtúd o katauhan ay malaki ang maitutulong nito upang makilala ang pagkakaiba ng dalawang kalakasang ito. Bagama’t sila ay magkarelasyon; ang pisikal na kalakasan, at ispiritwal na kalakasan, malaki ang agwat ng kanilang mga tungkuling ginagampanan sa ating personalidad.
   Ang kalakasang pisikal ay may relasyon sa kalusugan ng iyong katawan at naaayon kung papaano mo inaaruga ito. Kung kumakain ka ng maling mga pagkain, nagpapakalango sa mga inuming nakakalasing, gumagamit ng ipinagbabawal na mga droga, malakas manigarilyo, walang ehersisyo o pagpapawis ng katawan, at madalas na nagpupuyat; sa kalaunan, ang iyong katawan ay susuko at tuluyang igugupo ng malubhang karamdaman. Kung ikaw ay mayroong karamdamang pisikal, ang iyong kalakasan ay apektado at walang sapat na kakayahang makagawa pa. Gaano man ang pagnanais mong makakilos nang ganap, ang iyong karamdaman ang paparalisa sa iyo.
   Ito rin ang nagpapahina sa iyong motibasyon para magpatuloy pa na tapusin ang anumang gawain na iyong sinimulan. Maging ang iyong mga pakiramdam at mga saloobin, kasama ng iyong pananaw at mga lunggati sa buhay ay pawang nalilito at wala na sa direksiyon. At kapag ito ay nagpatuloy, nawala na ang ispirito na gumagabay sa iyo.
   Ang ispirito na ito ay ang iyong pambihirang gabay na nagdudulot ng puwersa sa iyong buhay, ito ang pakiramdam na nagaganap sa iyo sa tuwing may mataas na kalakasang ispiritwal at mababa na kalakasang ispiritwal na naghahari sa iyong pagkatao.
   Sa karaniwang araw, ang iyong kalakasang ispiritwal ay maaaring tumaas o bumababa batay sa iyong ginagawa at mga pagbabago sa antas ng mga pakiramdam at saloobin mo. Kung ang ginagawa mo ay talagang naiibigan mo at nagpapasaya sa iyo, matapos ang maghapong paggawa, maaaring pisikal na mapagod ka, ngunit ispiritwal ka namang lumakas. Sakali namang inubos mo ang maghapon sa paggawa ng mga bagay na wala namang halaga sa iyo at napipilitan ka lamang dahil trabaho mo ito, at kailangan mo ang suweldo, makakaramdam ka ng matinding pisikal na kapaguran. Idagdag pa rito na bumaba ang kalakasang ispiritwal mo at kailangang lunasan ito sa pagtungga ng inuming may ispirito, at nakakalasing.
   Kapag mababa ang antas ng iyong ispirito, nawawalan ka ng gana o hilig na magsikhay pa, na paghusayin ang gawain, at mawalan ng pag-asa. Sanhi din ito na mabaling ang iyong panahon sa mga walang katuturang libangan, katakawan sa pagkain, tsismisan, at panandaliang aliwan para lamang takasan ang pamamanglaw na nadarama.
   Kung mataas ang iyong kalakasang ispiritwal, dinudulutan ka nito ng simbuyo o pasiyon para higit na pasiglahin ang iyong pakiramdam. Ito ang puno't-dulo sa anumang hangarin na nais mong makamtan. Narito ang sikreto upang lumakas at pasiglahin ang iyong pagnanais na matupad ang iyong mga pangarap. 

Nararamdaman mo ba ang ispirito na ito sa iyong sarili?
Kung wala pa ito sa iyo, apuhapin mo na ngayon sa iyong kalooban at simulan nang gamitin.

 Jesse Guevara
 Lungsod ng Balanga, Bataan 

Thursday, September 26, 2013

Hindi Mapakali


Upang matamasa ang mabuting kalusugan sa katawan at kaisipan, upang magpatuloy ang kasaganaan at makapagdulot ng tunay na kaligayahan sa sariling pamilya at maging sa sariling pamayanan, maging mapagpayapa sa lahat,  at ilantad ang katotohanan. Kailangan ng sinuman na disiplinahin at supilin muna ang kanyang sariling isipan. Sapagkat maligalig ito kapag masalimoot and buhay at panatag kapag matiwasay ang buhay. Kung magagawang kontrolin ang ang sariling isipan, matutuklasan dito ang kaparaanan sa Pagkamulat, at ang lahat ng kawatasan at kawastuan ay kusang masusumpungan.
   Walang maaasahan ang paghihintay at palaging nakatunganga sa iba. Ang mga taguri nito ay palaasa, pabigat, at pabaya sa sarili. Ang tunay at tanging makakatighaw lamang sa iyong pagkauhaw ay ang gumising nang tuluyan at kumilos para sa iyong kapakanan. Walang sinumang makakatulong sa iyo kung hindi mo muna tutulungan ang iyong sarili. Nasa dulo ng iyong mga kamay ang minimithi mong tagumpay. 
    Iwasan ang sarili na mapabilang doon sa mga tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan sa takbo ng buhay. Ang landas nito ay patungo lamang sa kahirapan at kapahamakan. Imulat ang mga mata at manatiling gising sa tuwina. Huwang nang maghintay at palaging umasa, kumilos na habang maaga pa.

   Bago mahuli ang lahat at maging biktima.

Umaalingasaw na!


Ang isipan ang pinanggagalingan ng kaligayahan at kapighatian. Ang kalinisan at kapayapaan na minimithi ay nagmumula sa kaibuturan. Huwag tuklasin ito sa panlabas, lalo na sa mga materyal na bagay. Anuman ang gawin, hangga't nakatingin at umaasa ka sa mga kaganapan sa iyong kapaligiran, wala itong kakahinatnan. Ikaw MISMO sa iyong sarili and kailangang mag-umpisa ng lahat sa nais mong maganap. 
   Kung hindi ka kikilos, walang kikilos para sa iyo. At kung ikaw ay pabaya at sadyang palaasa sa iba, huwag pagtakhan kung bakit hindi mabago ang iyong kalagayan. Ikaw at wala ng iba pa ang makakagawa ng pagbabago na iyong ninanasa. Nangyayari lamang na dumumi at bumaho ang isang pook, kapag pinabayaan na ito at iniasa na lamang sa iba. Kung ang mismong bakuran mo ay basurahan at nanlilimahid ang kaanyuan, wala kang karapatan na tumingin sa mga malilinis na bakuran at mainggit na kagalitan ang mga ito. 
   Nagiging basurahan at bumabaho lamang ang isang pamayanan, kung palaging kababuyan at kasalaulaan ang pinag-gagawa ng mga nakatira dito, laluna't kung wala nang natitira pang nag-aaruga at tagalinis nito. Gayundin sa mga kalagiman; nangyayari lamang na magpatuloy ang mga kasamaan at karahasan sa isang pamayanan, kapag wala ng natitira pang mabubuting mamamayan para ito mahadlangan.

Kung alam mo kung ano ang iyong tungkulin, at ninanais na mangyari, makakatiyak ka sa sarili kung saang direksiyon ka patungo.