Sunday, November 29, 2020

Ang Dekalogo ni Gat Andres Bonifacio at ang Kartilya ng Katipunan

Pagbabalik Tanaw sa Ating Pambansang Pagkakaisa  bilang Pagpupugay sa Kagitingan ng Ating mga Bayani.

Napagtanto ni Gat Andres Bonifacio na kailangang palakasin ang pagkakaisa ng mga kasapi sa Katipunan (KKK -Kataastaasan, Kagalanggalang Katipunan ng mga Anak ng Bayan), ang bawat kasapi ay kailangang madisiplina at maturuan ng doktrina tungkol  sa mga adhikain at panuntunan ng himagsikan.

Dahil dito, isinulat ang Kartilya ng Katipunan (Primer of Katipunan) bilang mga batayang aral sa mga bagong kasapi ng samahan, na kung saan ito ang naging pangunahing panuntunan sa mga prinsipyo at kautusan ng Katipunan. Ang unang edisyon nito ay sinulat ni Emilio Jacinto, at sa kalaunan  ay binago ni Gat Andres Bonifacio bilang Dekalogo (Kautusan).

Ang Dekalogo ni Gat Andres Bonifacio
 










"Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagka-dalisay at pagka-dakila gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Alin pag-ibig pa? Wala na nga, wala."  -Gat Andres Bonifacio, Supremo ng katipunan

Ang Kartilya ng Katipunan

 Mga Aral ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan ni Emilio Jacinto

 I  Ang buhay na hindi ginugugol sa isang matayog at banal na layunin ay punong walang lilim, o kung hindi man ay nakalalasong damo.

II  Ang gawang magaling na may pagyayabang o may paghahangad na makasarili ay hindi tunay na kabaitan.

III  Tunay na kabanalan ang pagkakawang-gawa, ang pag-ibig sa kapuwa at pagiging tama sa kilos, sa gawa, at sa salita.

IV  Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y pantay-pantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, yaman, sa ganda; ngunit hindi mahihigitan ang kanyang pagkatao.

V  Mas pinahahalagahan ng taong marangal ang kanyang puri kaysa pansariling kapakinabangan sa taong tampalasan, ang inuuna ay sariling pakinabang.

VI  Sa taong may hiya, salita'y panunumpa.

VII  Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala ay maibabalik: ngunit ang panahong nagdaan na ay di na muling magdaraan.

VIII  Ipagtanggol ang inaapi at labanan ang nang-aapi.

IX  Ang taong matalino'y nag-iingat sa bawat sasabihin; matutuong ipaglihim ang dapat ipaglihim.

X  Sa matinik na daan ng buhay, lalaki ang siyang gabay ng asawa at mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa masama, sa kasamaan din hahantong ang inaakay.

XI  Huwag mong tignan ang babae na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang (pisikal na) kahinaan, at alalahanin ang iyong inang pinagsimulan at nag-aruga sa iyong kasanggulan.

XII Ang hindi mo ibig na gawin sa iyong asawa, anak, at kapatid ay huwag mong gagawin sa asawa, anak, at kapatid ng iyong kapuwa.

XIII  Hinidi makikita sa pagiging hari ang halaga ng tao, hindi rin sa tangos ng ilong at puti ng mukha, ni sa pagiging pari na kinatawan ng Diyos, hindi sa taas ng katayuan sa lipunan; totoong tao at mataas na uri, siyang laki sa gubat at walang nababatid kundi sariling wika, yaong may magandang asal, may isang salita, may dangal at puri, yaong hindi nagpapaapi at hindi nang-aapi; yaong marunong magmahal at magmalasakit sa bayang kanyang sinilangan.

XIV  Sa paglaganap ng mga aral na ito, maningning na sisikat at sasabog ang matamis na liwanag ng araw ng kalayaan dito sa ating kapuluan ng nagkakaisang magkakalahi't magkakapatid, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang matutumbasan. Kapag napag-aralan na ang lahat ng ito at naniwala siyang kaya nang gawin ang mga magiging tungkulin, maaari nang punan ang pormularyo ng pagsapi.

                                                       ----ooo----- 

Saturday, November 28, 2020

May Plano Ka ba sa Iyong Buhay?


 Sa basketbol, kahit gaano pa ang iyong praktis sa pagdribol, kung walang "goal" para ihulog at pumasok sa buslo ang bola, wala itong saysay. Kailangan mayroon kang paghuhulugan ng bola. Kung ikaw naman ay may hawak na pana at busog, kahit na anuman ang iyong paghigit sa liting ng pana, kung wala ka namang target o tutudlain, para saan at may hawak ka pang pana at busog? Ganito ang karamihan sa atin, parang mga "zombie" o buhay na patay. Kumikilos lamang sa anumang kapalaran na natanggap sa buhay. Ano nga ba ang nararapat? Kumakain para mabuhay o nabubuhay para kumain?

Ganito din sa buhay, kung wala kang pangarap anumang direksiyon ang patutunguhan mo, tiyak kahit papaano makakarating ka rin. Kaya lamang wala kang makakamtan. Bakit? Kasi po, wala ka namang inumpisahan na layunin kung bakit ka patutungo sa direksiyong ito.

Mistula kang naligaw ng landas, nakigaya sa iba, nakinig sa sulsol ng iba, at bahala na anuman ang mangyari. Bihira sa atin ang kumuha ng papel at lapis, umupo, at simulang magplano kung papaano magiging maayos at nasa tama ang direksiyon ng ating buhay.

Kung ang karaniwang piknik ay ating nagagawang iplano, bakit hindi mismo ang ating buhay? Sa piknik, inaalam natin kung saan ang magandang pook? Sinu-sino ang ating makakasama? Ano ang ating mga dadalhin? Anong mga pagkain ang ating ihahanda? Ano ang ating masasakyan para makarating doon? Ano ang ating mga isusuot at gagamitin kung maliligo tayo? Sapat ba ang ating pera para sa mga gagastusin? At maraming iba pa. Lahat ay pinag-aaralan at pinaplano. Ang tanong: Bakit hindi natin ito magawa mismong sa sarili nating buhay?

Higit na mabusisi o maraming bagay ang paghahanda kung ikakasal. Talagang "by the book" 'ika nga. Kaya lamang, hindi natin ito maparisan o magampanan mismo sa ating buhay? Bakit nga kaya?

Jes Guevara                                                                                                             wagasmalaya.blogspot.com                                                                                                                     Facebook –Jesse Guevara

                                                                                                                              

Magsimula na, NGAYON din


 Lahat ng bagay na ating nakikita na gawa ng tao ay nagsimula muna sa isang imahinasyon. Inisip ito, kinilatis, pinag-aralan at iginuhit. Mula dito ay nagplano at nang makatiyak ay isinakatuparan. Mula sa isang imahinasyon naging pisikal itong bagay.

Kung tutuusin, lahat tayo ay mapanlikha. Nagagawa natin ang maraming bagay kung ang mga ito ay ating nanaisin. Nasa ating mga pagkilos lamang upang matupad ang ating mga pangarap. Nakakatiyak tayo na magaganap ang lahat kung lalakipan natin ito ng pananalig.

Nasa pananalig ang ating gabay, dito natin tahasang masusumpiungan ang minimithi nating lunggati. Kung kapos at wala ito sa kaibuturan ng ating puso, anuman ang ating simulan ay mauuwi lamang sa kawalan. Ang pananalig ay mismong apoy na nagpapasiklab sa ating damdamin na magpatuloy pa hanggang makamit natin ang tagumpay.

Kung sadyang wala ito sa atin, mistula tayong tuyot na patpat na matuling tinatangay ng agos sa ilog at patuloy na isinasalpok sa mga batuhang dinaraanan. Ang pananalig ang ating patnubay at siyang nangingibabaw sa lahat ng ating mga adhikain sa buhay.

Jes Guevara                                                                                                             wagasmalaya.blogspot.com                                                                                                                     Facebook –Jesse Guevara

Balik-tanaw sa Tamang Landas

Madalas kong binabanggit, "Magsimula kaagad at ang lahat ay madali na lamang." Nasa ating mga pagkilos, pagpupunyagi, at matamang disiplina ang tagumpay. "Kapag may tiyaga, may nilaga." 

Madali nating makikilatis ang tagumpay ng isang tao sa kanyang mga ginagawa sa araw-araw, ganito din ating malalaman kung bakit naghihirap ang isang tao sa kanyang mga inaatupag o pinagkaka-abalahan sa isang araw. At kapag patuloy, alam na natin kung saan ito hahantong at kanyang magiging kapalaran sa buhay.

24 na oras lamang ang ibinibigay sa atin tuwing tayo ay nagigising sa umaga. Lahat tayo ay pantay-pantay sa regalong ito maging sino ka man. Katulad ito ng deposito sa bangko, mayroon kang 24 oras upang mag-withdraw at gamitin ang mga sandali sa makabuluhan o sa mga walang saysay. At kinabukasan, mayroon ka na namang regalo ulit na 24 oras. Nasa iyong kapangyarihan kung papaano mo ito pahahalagahan.

Jes Guevara                                                                                                           wagasmalaya.blogspot.com/ Facebook -Jesse Guevara
 

Saturday, August 29, 2020

FAITH is seeing LIGHT with your HEART

TRUE, godly FAITH is defined as TRUST, relying on God when LOOKING to the future, and OBEYING even when we don't fully UNDERSTAND all details. FAITH expresses an individual's feeling of safety. Our FAITH says something significant about WHO we BELIEVE God is. Ultimately, this means trusting God's INTENT to make GOOD on His PROMISES from an ETERNAL perspective. In light of the struggles and trespasses we face, ought to inspire us towards a more confident, purposeful FAITH.  In God we TRUST.


 

Kapag nasupil mo ang iyong sarili, wala nang makakapigil pa sa iyo para magtagumpay.
Sa mundong ito, mayroong maraming bagay na hindi natin makakayang kontrolin. Subalit napatunayan ko mismo, anuman ang iyong binibigyan ng atensiyon at patuloy na ginagawa, ito ang may kontrol sa iyo. Isa na rito kung papaano ka mag-reaksiyon sa anumang nagaganap sa iyong buhay. Nakabatay ito sa iyong paniniwala. Natutuhan ko, ...na anuman ang iyong pinapaniwalaan, ito ang eksaktong magiging ikaw. Kaya nga, kapag naniniwala ka na magagawa mo ang mga bagay, dahil pinagkalooban ka ng kapangyarihan na nagmumula sa kaitasan na may pagpapala ng Diyos. Naniniwala ka, na ikaw ay lumalakad sa mundong ito na hindi nag-iisa.Taimtim ang iyong pananalig na anumang problema o balakid na masasalubong mo ay mayroong Diyos na kumakalinga sa iyo na lagi mong masasandalan.
   Habang ako ay gumugulang, ang aking pang-unawa at pagkilala sa Makapangyarihang Diyos ay kusang sumisibol sa akin. Pinalawak ko pa ang aking pangmasid kung bakit ako, siya, at ikaw ay iisa. Tayong lahat ay bahagi ng umiiral na enerhiya na siyang naghahari sa buong sansinukob. Marami ang naniniwala na ang Diyos ay nasa lahat ng bagay, ngunit hindi naniniwala na ito ay nasa kaibuturan nila. Masasabi ko bilang pagpapakumbaba, subalit sa katunayan ay isang matinding kapalaluan na isipin ang Diyos ay naroon kahit saan man sa sansinukob maliban sa ating mga sarili. Lagi tayong nakatanaw sa itaas, sa mga santo at santa, at sa labas kaysa apuhapin ito mula sa ating puso.
   Kung tatanggapin lamang, ang makaluma nating relihiyon ay nagsasabi; Ang Diyos ay siyang Alpha at Omega, ang simula at katapusan. Ang Lahat-sa-Lahat, kung kaya't kinakailangan maunawaan natin na siya ay nasa atin. Ito ang pinakamalinaw na kasagutan, at ito sa aking pagkakaalam at mga nararanasan sa lahat ng sandali habang ako ay humihinga, sapagkat ito ang pinakatumpak sa lahat, dumating na tayo sa makabuluhang intriga at pagsisyasat: Saan sa atin naroon ang Diyos? Sa ating kalingkingan? Sa ating hinlalaki? Sa ating utak? Sa ating puso? Nasa ating kaluluwa? (Kung mayroon tayong kaluluwa?) (Oo.)
   Ang kasagutan: kung ang Diyos ay tunay na nasa Lahat-sa-Lahat, at Siya ang Alpha at Omega, kung gayon walang lugar o pook sa atin na hindi naroon ang Diyos. Sa katunayan, at hindi mapapasubalian ito, walang saanman o anumang bagay na wala ang Diyos doon. Ang Diyos ay nasa lahat ng dako, at lahat ng ating nadarama, nadidinig, nakikita, nalalasahan, at iniisip ay naroon ang Diyos. Ito ang nagbabalik sa atin doon sa Hindi Mabigkas na Katotohanan. Kung ang Diyos ay nasa lahat ng dako, Siya ay nasa iyo, kung lahat ng nasa iyo, mula paa hanggang ulo ay naroon ang Diyos, samakatuwid nito, ...ikaw ay Diyos.
Ito ay nasusulat: Ang Kaharian ng Diyos ay nasa iyong kaibuturan.
   Kaya nga ang pananalig ko ay nagmumula sa kaalaman na may higit na Makapangyarihan kaysa akin at ako ay bahagi nito at bahagi ko din Siya. Ang taguri ko sa kanya ay Bathala. At bilang ako, ...ay walang magagawa kung hindi ko ito mauunawaan.
Kapag nabatid mo ang pagitan ng karaniwang nais at kailangan makamit, may kontrol ka sa makabuluhan.
 


AKO, tunay na PILIPINO

 AKO, tunay na Pilipino, nananalaytay sa aking mga ugat ang diwang kayumanggi, sa kaibuturan ng aking puso, kaisipan, at kaluluwa, ay taga- pagpatuloy  ng magiting  at makulay kong kasaysayan noon,  ngayon, at magpakailanman. Masikhay kong tinutupad ang aking likas na tungkulin alang-alang sa kapakanan ng aking Inang-bayan. Laging akong handa na ipagtanggol  ang aking  lahi  at  pamayanan  nito  sa  anumang  kapahamakan,  kalapastangan,  at kapighatian.

   Ako ay wagas na mapagmahal, dumaramay, at kapanalig ng mga simulaing nagtataguyod tungo sa malayang pagkakaisa na; makaDiyos, makaPamilya, makaBayan, makaKalikasan, at maKatarungan. Iisa lamang ang aking nilulunggati at pinakamimithi, ang makita’t maranasan na maging isang tunay na bansang malaya ang Pilipinas; demokratiko, maunlad, makatarungan at may bukas na lipunang Pilipino.
   Likas ang yaman ng aking bayan, mula sa mapanlikha at mapagtaguyod na mga kamay ng mga mamamayan nito, sa 7,107 naggagandahang mga pulo na naglalaman ng mga masaganang lupain, sa mga ilog, lawa, at nakapalibot nitong mga karagatan na mabiyaya sa isda at kayamanan nito, sa mga kagubatang nagbibigay-buhay at pangangalakal, sa mga kabundukang nagtataglay ng mga mineral at yamang-likas, at sa pagiging pangunahing sentro nito sa Asya at pandaigdigang kaganapan. Karampatan lamang na tawagin ang aking bansa na, Perlas ng Silangan.
   Aking pinahahalagahan at ipinamamalaki ito, saan mang sulok ng daigdig, sinuman ang aking kaharap, at anumang panahon. Kailanman ay hindi ako nangingimi na ipakilala ang aking lahing kayumanggi.
 Maraming nang dayuhang banyaga na may kanya-kanyang ideolohiya at relihiyon ang nabighani nito; Magmula sa Islam ng mga Arabo, Katoliko ng mga Kastila, Protestante ng mga Amerikano, nasyonalismong pasista ng mga Hapon, sa mga pansariling kalipunan at pulitikang banyaga ng mga ito, na nagpasiklab ng himagsikan; mula kay Raha Lapu-lapu sa Mactan, Gat JoseRizal sa Bagumbayan, Gat Andres Bonifacio sa Balintawak, Hen.Gregorio del Pilar sa Pasong Tirad, Hen.Macario Sakay sa mga kabundukan, at marami pang iba. Patuloy pa ang laban. Hanggat may mga sakim na dayuhang banyaga at huwad na mga Pilipino na patuloy na nagsasabwatan at nagpapairal ng buktot at bulok na sistema sa lipunang Pilipino, ay nag-aalimpuyo ang aking dugo sa ipinunlang binhi ng kagitingan ng aking mga ninuno. Ang silakbo nito ang siyang nagpapaalab na,    
                                                            AKO, tunay na PILIPINO