Saturday, November 28, 2020

May Plano Ka ba sa Iyong Buhay?


 Sa basketbol, kahit gaano pa ang iyong praktis sa pagdribol, kung walang "goal" para ihulog at pumasok sa buslo ang bola, wala itong saysay. Kailangan mayroon kang paghuhulugan ng bola. Kung ikaw naman ay may hawak na pana at busog, kahit na anuman ang iyong paghigit sa liting ng pana, kung wala ka namang target o tutudlain, para saan at may hawak ka pang pana at busog? Ganito ang karamihan sa atin, parang mga "zombie" o buhay na patay. Kumikilos lamang sa anumang kapalaran na natanggap sa buhay. Ano nga ba ang nararapat? Kumakain para mabuhay o nabubuhay para kumain?

Ganito din sa buhay, kung wala kang pangarap anumang direksiyon ang patutunguhan mo, tiyak kahit papaano makakarating ka rin. Kaya lamang wala kang makakamtan. Bakit? Kasi po, wala ka namang inumpisahan na layunin kung bakit ka patutungo sa direksiyong ito.

Mistula kang naligaw ng landas, nakigaya sa iba, nakinig sa sulsol ng iba, at bahala na anuman ang mangyari. Bihira sa atin ang kumuha ng papel at lapis, umupo, at simulang magplano kung papaano magiging maayos at nasa tama ang direksiyon ng ating buhay.

Kung ang karaniwang piknik ay ating nagagawang iplano, bakit hindi mismo ang ating buhay? Sa piknik, inaalam natin kung saan ang magandang pook? Sinu-sino ang ating makakasama? Ano ang ating mga dadalhin? Anong mga pagkain ang ating ihahanda? Ano ang ating masasakyan para makarating doon? Ano ang ating mga isusuot at gagamitin kung maliligo tayo? Sapat ba ang ating pera para sa mga gagastusin? At maraming iba pa. Lahat ay pinag-aaralan at pinaplano. Ang tanong: Bakit hindi natin ito magawa mismong sa sarili nating buhay?

Higit na mabusisi o maraming bagay ang paghahanda kung ikakasal. Talagang "by the book" 'ika nga. Kaya lamang, hindi natin ito maparisan o magampanan mismo sa ating buhay? Bakit nga kaya?

Jes Guevara                                                                                                             wagasmalaya.blogspot.com                                                                                                                     Facebook –Jesse Guevara

                                                                                                                              

No comments:

Post a Comment