Wednesday, July 11, 2012

Isa Siyang Tunay na Pilipino


   Isa siyang dayuhan sa ating bansa, at ang tangi lamang niyang hangarin ay makatulong sa ating mga kapus-palad na kababayan. Subalit katulad ng marami nating kababayan na humihingi ng katarungan at pagkakataon na makapamuhay nang matiwasay sa ating lipunan, ay pataksil din siyang pinatay. Hindi ko na isinalin pa sa wikang Pilipino ang editoryal na ito upang ang kabubuan ng mensahe ay maipahayag.

One of us


 
His name was Wilhelmus JJ Lutz Geertman. A native of Holland, he left his country 46 years ago and settled in the Philippines—not in any of its cities, but in its poor, desperate corners, where, for the rest of his life until his murder on July 7, he worked tirelessly for the betterment of the marginalized communities around him. As executive director of the non-governmental group Alay Bayan-Luson Inc., he held office in a middle-class subdivision in Aurora province whose main road, oddly called the Rue de Paree, was perhaps the closest reminder he had of his European roots. 

But it's a safe bet Geertman never gave the street name a wishful glance, as he had cast his eyes somewhere else. His coworkers tell me he was more Filipino than Dutch,” said his brother Antonius, who flew in from the Netherlands with sister Maria Elisabeth for the grim task of burying Geertman in the province and country he had long called his own. The siblings were joined by some 1,000 mourners, many of them the poorest of the poor and recipients of Geertman’s generosity and compassion through the years, in giving their brother a final, grateful send-off.
They were thankful for the fact that Geertman was, to be blunt about it, not only more Filipino than Dutch but also more Filipino than many citizens of this country. Much of his 67 years was spent trying to make a difference in ordinary Filipinos’ lives—specifically, to empower them, fight for their welfare, and give them a decent place in the social order.
In the 1980s, he taught Dumagat, Alta, Cordilleran and Ilongot elders to write and count to allow them to manage their own affairs without being exploited by traders and mining interests. He also taught them how to farm their ancestral lands efficiently. Before that, he organized stevedores and workers in Luzon shipyards into unions, then spearheaded agriculture and literacy programs in Baler and other towns. He raised money for the scholarships of students, trained people on disaster preparedness, and joined the fight for human rights, agrarian reform and responsible mining. The small pension he received from the Dutch government he even shared with farmers and the poor.
“Wim was a foreigner but he lived like one of us,” said Marietta Corpuz, chair of Samahan ng mga Katutubo sa Sierra Madre. “He ate what we ate. He did not make us feel that he was different from us or he was better than us. He crossed rivers so he could reach remote villages.”
Was his death at the hands of still unidentified gunmen a case of plain robbery, or a result of his tenacious, committed work on such causes? The police think a premeditated heist is the simpler explanation, because Geertman was reportedly carrying some P1.2 million he had earlier withdrawn from a bank, to be used for his scholarships. After shooting him in the back, his killers fled with the money.
But the prominence of Geertman’s social work—his opposition to mining, logging and the commercialization of agricultural land in Aurora, for instance—lends plausibility to the suspicion, immediately voiced by those closest to him, that he was killed chiefly because his activities were increasingly becoming a bane to powerful, shadowy interests. His reported ties with Hacienda Luisita farmers have been cited as a possible reason for the “politically motivated” killing, though Alay Bayan-Luson spokesperson Loren Villareal has said it was unlikely he was killed for this reason: “We tend to link Wim’s death to his anticorporate mining and logging stance, and to his being a staunch environmentalist.”
Whatever the motivation behind it, Geertman’s death is a tragedy. More than that, it is an outrage—the latest blood-soaked evidence of the government’s sheer inability to stop the extrajudicial killings that have continued to define the country as a land of lawlessness and impunity. Geertman’s death is the 13th such killing to occur under the two-year-old Aquino administration, which people had hoped would be able to stem the tide of assassinations (about 305) that marked the presidency of Gloria Macapagal-Arroyo. But no respite is in sight.
Geertman could have stayed in his native land and lived a comfortable life, but “home is the Philippines, particularly Aurora,” he had told those around him. With his death, the Philippines has lost an outstanding citizen, whatever citizenship is stated in his passport. If this country knows how to be grateful, it should demand that the government act, at last, to make Geertman’s death the last of its kind.

Saturday, July 07, 2012

Ang Magasing Pilipino sa Internet


Ang imahinasyon ay higit na mahalaga kaysa kaalaman. Ang kalaaman ay limitado, ang imahinasyon ay pinupukaw ang iyong pagkatao.

   Kung mapapasyal ka sa tindahan ng mga aklat at sisimulan mong igala ang iyong mga mata sa napakaraming mga estante na naglalaman ng maraming aklat, mapapansing kakaunti lamang ang mga babasahing nasa wikang Pilipino. Lalo na kung naghahanap ka ng mga literatura tungkol sa ating mga tradisyon, mga sining at mga katutubong kultura. At maging sa mga karaniwang magasin at nakalarawang mga babasahin, bihira ang mga kuwentong may inspirasyon, kapupulutan ng aral at tunay na kumakatawan sa ating pagka-Pilipino.
   Maraming taon na ang lumipas nang simulan kong ikuwento ang aking mga nababasa, at naging mga karanasan sa bawa't talakayan o mga usapan na aking sinalihan. Halos hindi ko na mabilang ang mga ito, sapagkat nakagawian ko na, sa anumang pagtitipon ang simulan ang mga usapan doon sa mga makabuluhang bagay at may matututuhan. Bagama't napuputol ang kuwentuhan tungkol sa mga karaniwang bagay at mga 'buhay ng may buhay,' may kagalakan ding namamayani kapag personalan na at tumatalakay sa ikakaunlad ng bawa't isa.
   Kung ang pag-uusapan ay personal na tagumpay, kaligayahan ng pamilya, sariling-pagtitiwala, taimtim na pananalig, ibayong pagtutulungan, at tungkol sa pag-ibig; ang lahat ay interesado. Hanggang sa may mga nagmungkahing isulat ko ang mga ito. Ang tugon ko ay hindi ako manunulat at wala akong napag-aralan o kamuwangan tungkol dito. Subalit naging palaisipan ito sa akin kung nararapat na gawin o ikuwento na lamang, tulad ng dati. Maging ang aking pamilya ay sinusugan na isulat ko ang aking mga kuwento. At noon lamang Nobyembre ng 2010, nang  buksan ko at simulan (sapalaran) ang magsulat dito sa blog ng AKO, tunay na Pilipino.
  At habang ako'y nagsusulat, patuloy kong pinag-aaralan kung nasa tama at hindi nahuhulog sa kanal ang tinutumbok ng aking mga mensahe. Paumanhin na lamang doon sa mga nakakangilo at malabnaw na paghimas ko sa mga kataga. Katulad ng isang mananahi, marami na ring karayom ang aking nabali sa pagtutuwid ng mga kinakailangang kataga sa pangungusap. Dati'y pailan-ilan lamang ang bumabasa, ngayon ay mahigit ng sandaang libo at patuloy pang nadaragdagan. Kaya naman lalo ko pang pinagbubuti at pinagaganda ang mga larawan para lalong masiyahan ang lahat.
  Ang isa kong hangarin sa pagsulat ay ang maibalik ang nakalimutang mga pambihirang kataga sa ating wikang Pilipino. Mga katutubong kataga na hindi na ginagamit sa ngayon at mistula nang nawala sa sirkulasyon ng ating mga bokabolaryo. Ang pangunahing layunin ng blog na ito ay makapag-ambag ng karagdagang kaalaman tungkol sa pagiging makaDiyos, makaPamilya, makaKalikasan, maKatarungan, at makaBayan para sa ating mga kababayan, saan man panig ng mundo sila naroroon. Nakapaloob ito sa mga mahahalagang mungkahi, mga matibay na gabay at panuntunang matagumpay, at mga kuwentong may inspirasyon sa buhay. Dahil marami na ring nagsusulat para dito tungkol sa ating bansa, subalit laging sa wikang Inggles, ang nakapanlulumo nga lamang, bihira sa wikang Pilipino at tunay na kumakatawan sa ating lahing pinanggalingan.
   Ito ang masidhing hinahangad ng Pagkamulat, ang magasing Pilipino sa Internet.
   Nag-iisa lamang ito, ngunit marami ang nilalaman; walang hintong samut-sari at tahasang gumigising doon sa mga tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan nating mga kababayan.


   Ang tangi ko lamang mungkahi ay simpleng unawain lamang ang nilalaman ng bawa't pahinang narito sa paraan na higit na makakatulong sa bumabasa. At kung hindi maunawaan ang mensahe, magtanong lamang para may matutuhan. Hinihiling ko din na huwag hayaang matulad ito sa iba na mabilis na binabasa at madaling makalimutan. Ang mga pahinang narito ay nararapat na masusing basahin, pag-aralan, pakalimiin, pakatandaan at ipamuhay. At mangyari din kung may kabutihang naitulong sa iyo ay magawang maibahagi doon sa mga natitiyak mong makikinabang din nito, lalo na sa iyong mga mahal sa buhay.
Ang panahon na iyong makabuluhang inaksaya ay panahong hindi nasayang, ito'y karagdagang kabatiran para sa iyong kaunlaran.
   Ang walang hanggang tagumpay sa buhay ay sasaiyo, kung magagawa mong maging reyalidad ang mga inpormasyong narito. Maluwalhating pagtunghay at sa iyong paglalakbay para sa tagumpay, nawa'y marami pang mga pagpapala ang dumatal sa iyong buhay. Maraming salamat sa iyong pakikipagniig sa akin.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Friday, July 06, 2012

Mga Katangian ng Isang Mahusay na Pinuno





Ang kalidad sa buhay ng isang tao ay nasa tamang proporsiyon ng kanyang pagnanasang humusay, kahit saan mang larangan siya nakatuon.

 Ang pamumuno ay isang bihira at mahalagang katangian ng isang tao. Kung walang mga pinuno na mangunguna at mangangasiwa para hubugin ang isang pangkat, samahan, o kalipunan ng mga tao, ang lipunan ay mauusyami at walang kapupuntahan. Ganito din ang nangyayari kung hindi matino at walang pagmamalasakit sa kapakanan ng mga nasasakupan ang namumuno.
  Ang tunay na kalagayan ng isang lipunan ay nararapat lamang batay sa uri ng kanyang mga pinuno o sa mga taong umuugit sa pamahalaan. Kung sino ang iyong pinuno sa lipunang iyong ginagalawan, ay siya ring uri ng pamamahala na iyong makakamtan. Matiwasay o masalimoot man ito, nasa uri ng pinuno ito nakasalalay. At nasa atin naman ang sagradong kapasiyahan na palitan sila, kung sila’y mga problema sa halip na mga solusyon.

Ang mga Katangian
1 Ang mahusay na pinuno ay isang tao na hindi inilalagay sa kompormiso ang kanyang integridad at karakter kapag walang sinuman na nakatingin.

2 Ang mahusay na pinuno ay may natatanging moralidad at matibay na panininidigan sa katotohanan.

3 Ang mahusay na pinuno ay may kusang-palo at masidhing makamtan ang tagumpay para sa kagalingang panlahat.

4 Ang mahusay na pinuno ay hindi palaasa at laging naghihintay sa mangyayari na kailangan pang utusan.

5 Ang mahusay na pinuno ay hindi pabaya at laging nakatuon sa mga bagong inpormasyon at makabuluhan para sa kaunlaran ng bayan.

6 Ang mahusay na pinuno ay pinangangalagaan ang kanyang karangalan at pangalan ng kanyang pamilya maging sa pribado at publikong paningin.

7 Ang mahusay na pinuno ay hindi mapagkanulo, doble-kara o balimbing sa pabagu-bagong panahon, sa mga kaalyado, sa partido, at sa antas ng paglilingkod. 

8 Ang mahusay na pinuno ay hindi matabil ang dila, walang panahon sa mga walang katuturan at hindi nakakatulong, at laging nasa makabuluhang paggawa ang atensiyon.

9 Ang mahusay na pinuno ay masigasig na mabago ang kapaligiran laban sa kahirapan, kabuktutan, at kamangmangan.

10 Ang mahusay na pinuno ay hindi nasusuhulan at ipinagbibili sa anumang halaga ang kanyang sinumpaang tungkulin, at lahat ng tungkol sa pagtupad nito.

11 Ang mahusay na pinuno ay hindi tamad at laging nasa mga aliwan, sugalan o bisyo ng katawan, bagkus nasa paglilingkod lamang sa sambayanan.

12 Ang mahusay na pinuno ay mapagkumbaba, magiliw, at higit na pinahahalagahan ang maliliit at karaniwang tao.

13 Ang mahusay na pinuno ay laging nakatuon sa isipirito ng bayanihan o sama-samang pagtutulungan at kooperasyon.

14 Ang mahusay na pinuno ay isang huwaran at modelo na tinutularan.

15 Ang mahusay na pinuno ay may positibong saloobin at makabuluhang tanawin sa kagandahan ng buhay.

16 Ang mahusay na pinuno ay magalang at masuyong tinutupad ang paglilingkod sa bayan. Nangunguna sa disiplina at pagsupil sa mga kalapastanganan at pandaraya sa kalakal.

17 Ang mahusay na pinuno ay may makabayang adhikain sa ikakaunlad ng bayan, lalo na sa pagpapairal ng mabubuting gabay at panuntunang makatao.

18 Ang mahusay na pinuno ay nangunguna sa pagtangkilik sa mga produkto, mga ani sa agrikultura, palaisdaan, pag-aalaga ng mga hayupan, at likas na mga bungang-kahoy at gulay ng sariling bansa.

19 Ang mahusay na pinuno ay may pagdakila sa tungkulin at nakahandang ipaglaban ito kahit anuman ang mangyari sa sinumang mangangahas na ito’y salaulain.

20 Ang mahusay na pinuno ay mapagmahal at tagapagtaguyod sa pagpapaunlad ng sariling wika, mga tradisyon, mga sining at kulturang Pilipino.

21 Ang mahusay na pinuno ay tunay na Pilipino na makaDiyos, makaPamilya, makaKalikasan, maKatarungan, at makaBayan.

   Upang mapatunayan ang tunay na pinuno, kailangan niyang pasanin ang bigat ng kanyang mga nasasakupan sa kanyang mga balikat at magsakripisyo para sa ikakaunlad ng lahat. Bagama’t iilan at umuunti na lamang ang kanilang mga bilang, hindi pa rin tayo nawawalan ng pag-asa, na kahit papaano’y may natitira pa ring mga tunay na Pilipino na nagmamahal sa ating bansa. Ito ang mga tao na ang tangi nilang hangarin ay ang makapaglilingkod lamang sa sambayanan at hindi nakatuon sa pansariling kapakinabangan o nasa pagpapayaman sa kanilang mga tungkulin.

Mayroon ka bang kilala na tumutugon sa mga mahuhusay na katangiang ito?


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Naniniwala AKO


Sa buhay na ito, kung nais mo ng pagbabago sa mga nakikita mo, simulan ito sa iyong sarili.

Naniniwala AKO
Ang pinakamahusay na bagay tungkol sa hinaharap ay dumarating lamang sa bawa’t isang araw na pagkakataon. Minsan lamang itong kumakatok na iyong dinggin; subalit kung masipag ka man, dadaigin ka ng maagap.

Naniniwala AKO
Ang tungkulin ng  pinuno ay makita ang hinaharap at mabatid ang kanyang organisasyon hindi bilang ito, bagkus kung ano ang kalalabasan o ikakatagumpay nito.

Naniniwala AKO
Isang serye ng mga karanasan ang buhay, bawa’t isa ay nagagawa tayong higit na matibay at matatag kaysa dati, kahit na mahirap itong mapatunayan. Dahil ang daigdig bagama’t masalimoot ay nalikha upang pagyamanin ang ating pagkatao, at kailangan nating matutuhan na ang mga kabiguan at mga karaingan na ating tinitiis, ay nakakatulong sa atin upang matatag na sumulong sa ikakatagumpay ng ating mga adhikain.

Naniniwala AKO
Ang pamumuno ay ang kapasidad na isalin ang bisyon sa reyalidad.

Naniniwala AKO
Ang tagumpay kailanma’y hindi natatapos, dahil ang nagawa mo kahapon ay makakaya mo pang mahigitan ngayon. Walang imposibleng bagay kung ang imahinasyon mo ay walang hanggan.

Naniniwala AKO
Ang dagdagan ng kaunti pa ang iyong ibinibigay kaysa inaasahan mula sa iyo ay isang mabuting paraan na higit na madagdagan ang iyong inaasahan.

Naniniwala AKO
Ang mga pinuno ay hindi ipinapanganak, sila ay ginawa. Sila ay nagsilitaw sa pagpupunyagi at mga sakripisyo, ito ang halaga na kung saan lahat tayo ay kailangang magbayad at magsakripisyo para makamit ang anumang lunggati na makabuluhan.

Naniniwala AKO
Ang bagabag ay siyang patubo na ibinayad ng mga taong nangutang ng kaguluhan.

Naniniwala AKO
Nakakamtan natin ang kalakasan, ang katapangan, at pagtitiwala sa bawa’t karanasan na kung saan ay huminto tayo at hinarap nang totohanan ang mga pagkatakot . . . kailangan nating gawin ang mga bagay na iniisip nating hindi makakaya.

Naniniwala AKO
Ang pamamahala ay ginagawa ang mga bagay na tama. Ang pamumuno ay ginagawa ang mga tamang bagay.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Naniniwala pa AKO

 
Ang kahinaan ng saloobin ay nagiging kahinaan ng karakter o personalidad.

Naniniwala AKO
Maging mabagal sa pagpuna. At mabilis na magpahalaga.

Naniniwala AKO
Ang tao ay walang iba kundi ang produkto ng kanyang kaisipan. Anuman na kanyang iniisip, ito ang mangyayari sa kanya.

Naniniwala AKO
Ang pinakamainam na kasangkapan na panghalina sa iyong arsenal ng mga sandata sa pamumuno ay ang iyong integridad.

Naniniwala AKO
Wala silang pakialam kung gaano ang iyong nalalaman hanggang sa mabatid nila kung gaano ka magmalasakit.

Naniniwala AKO
Kung ang mga bagay ay tila nasa kontrol at malumanay sa pagkilos, ikaw ay mabagal at pahinto na.

Naniniwala AKO
Ang mga ulirang panuntunan ay tinatanglawan ang aking landas, at sa bawa’t pagkakataon, patuloy akong pinagpapala ng bagong katapangan na harapin ang buhay na masigla, may kagalakan, may kabutihan, may kagandahan, at may katotohanan. Wala na akong mahihiling pa sa aking kaluwalhatian.

Naniniwala AKO
Ang unang responsibilidad ng isang pinuno ay maintindihan ang reyalidad, ang pinakahuli ay bumigkas ng, “Salamat sa iyo.” Sa pagitan ng dalawang ito, ang pinuno ay nakalaang maging tagapaglingkod.

Naniniwala AKO
Ang kasiyahan ay nag-uugat sa kaligayahan ng tagumpay at ang mataos na pananalig sa makasining na sama-samang paggawa. Ito ang bayanihan at tradisyong Pilipino.

Naniniwala AKO
 Ang tunay na pagkakakilanlan ng pamumuno ay ang abilidad na mabatid ang isang problema bago ito maging isang kapahamakan.

Naniniwala AKO
Hindi lahat ng hinaharap ay magagawang baguhin. Subalit walang mababago hangga’t hindi ito hinaharap.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Naniniwala pa rin AKO


Ang mabuting ulo at mabuting puso ay makapangyarihang kumbinasyon.

 Naniniwala AKO
Ang pinakadakilang prinsipyo ng pamamahala sa mundo ay, “ang mga bagay na ginagantimpalaan at pinahahalagahan ay yaong mga nagawa, hindi ang mga binabalak."

Naniniwala AKO
Kung nais mong malaman kung bakit ang iyong mga tauhan ay hindi makagawa nang mahusay, mangyari lamang na humarap ka sa salamin at pakatitigan ang iyong sarili. Sapagkat ang iyong pamumuno ang sanhi nito.

Naniniwala AKO
Ang patuloy na kabaitan ay marami ang napagtatagumpayan. Tulad ng araw na tinutunaw ang yelo, ang kabaitan ay nagagawa ang hindi pagkakaunawaan, kawalan ng pagtitiwala, paghihinala, at mga hidwaan na malusaw.

Naniniwala AKO
Ang pagiging uliran ay pangunahin at kritikal na panuntunan sa paglikha ng mga tamang kapasiyahan. Kung may pag-aalinlangan, mistula itong maliwanag na tanglaw sa madilim na daraanan.

Naniniwala AKO
Ang mga matatagumpay na tao ay yaong magagaling sa planong B.

Naniniwala AKO
Na ang walang sandatang katotohanan at walang kundisyon na pagmamahal ay siyang mapapatunayan sa dakong huli.

Naniniwala AKO
Makakakuha ng simpatiya at pagtulong mula sa iba hindi sa pagsiga ng apoy sa ilalim nila, bagkus sa paglikha ng lagablab sa kanilang mga puso na makiisa sa iyong layunin.

Naniniwala AKO
Kahit na ang pamumuno ay mahirap na ipaliwanag, ang isang katangian na karaniwan sa mga magagaling na pinuno ay ang abilidad na gawin ang mga bagay na mangyari.

Naniniwala AKO
Ang karakter ng isang tao ay hindi mapagyayaman sa pagiging tahimik at panatag sa kabila ng mga kaganapan sa kanyang kapaligiran. Sa pamamagitan lamang ng mga karanasan sa mga pagsubok at mga kapighatian; ang kaluluwa ay pinatitibay, ang pananaw ay pinalilinaw, ang ambisyon ay may inspirasyon, at ang tagumpay ay nakakamtan.

Naniniwala AKO
Ang kalidad kailanman ay hindi isang aksidente. Ito ay laging resulta nang matayog na hangarin, matapat na pagsisikhay, matalinong direksiyon at mahusay na pagsasagawa. Kinakatawan nito ang magaling na pagpili sa maraming mga alternatibo at mga pagkakataon.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

At Patuloy na Naniniwala AKO


Dalawang paraan lamang para mapatunayan ang katatagan ng isang tao, ang isa ay itulak pababa, at ang isa naman ay hatakin pataas.

 Ang kahusayan ay . . .
      Higit na pangangalaga kaysa iniisip ng iba ay tama lang;
      Higit na pakikipagsapalaran kaysa iniisip ng iba ay kaligtasan;
      Higit na pangangarap kaysa iniisip ng iba ay karaniwan;
      Higit na umaasa kaysa iniisip ng iba ay puwede na.
      Higit na pagsisikhay kaysa iniisip ng iba na ayos lang.

Naniniwala AKO
Kung nais mong pamunuan ang mga tao, lumakad sa likuran nila.

Naniniwala AKO
Hindi ang mga iyak at kaingayan, kundi ang mga paglipad ng mga bibe, ang nanguna sa buong pangkat na lumipad at sumunod.

Naniniwala AKO
Saan man magtungo ang mga tao, kailangang sundan ko sila, dahil ako ang kanilang pinuno.

Naniniwala AKO
Ang pamumuno: Isang sining na magagawa mong ipagawa sa iba ang nais mong tapusin na gawain dahil nais niyang magawa ito.

Naniniwala AKO
Ang tunay na pinuno ay hindi kailangang mamuno, kuntento na siya na ituro lamang ang tamang daan.

Naniniwala AKO
Ang mga tao ay pinamumunuan lamang ng paglilingkod sa kanila; ang kautusan ay walang itinatangi.

Naniniwala AKO
Makilala na nakakalugod sa iba, lalo na kung namumuno ka, ang mamahala sa iba na may kabagsikan ay may isang kalamangan, subalit higit na mahusay ang kinalulugdan kaysa kinatatakutan.

Naniniwala AKO
Kung magagawa mong mabigyan ng lalong inspirasyon ang iba, na lalong may malaman pa, na lalong may magagawa pa, at lalong mapahusay ang kanilang mga kakayahan, ikaw ay isang  mahusay na pinuno.

Naniniwala AKO
Ang ultimong kasukatan ng isang tao ay hindi kung saan siya nakatindig sa mga sandali ng kapanatagan, bagkus kung saan siya nakatindig sa panahong ng mga paghamon at kontrobersiya.

Naniniwala AKO
Sinuman ay magagawang hawakan ang manibela kapag panatag ang karagatan.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Tuesday, July 03, 2012

Aso't Pusa na Pag-ibig


Ang mag-asawa ay hindi biro, hindi tulad ng mainit na kanin na isinubo ay iluluwa kapag napaso. 

   Marami na akong nakita at naranasang magugulong relasyon, subalit ang away mag-asawa ang namumukod tangi sa lahat. Sapagkat sa ilang sandali lamang, matapos ang halos na magpatayang pag-aaway, balik ulit sa normal na relasyon ang mag-asawa. Isa itong malaking palaisipan sa walang hintong alitan ng mag-asawa; na kung saan ang lalaki at babae ay isinisisi ang kanilang mga kabiguan at 'galit sa mundo' sa sandaling magkita silang dalawa pagdating ng hapon pagkagaling sa trabaho. Magsisimula ang pagtatalo at palitan ng mga maa-anghang na pananalita kahit na sa mumunting bagay na walang halaga. Laging may isyu at dahilan ang bawa't bagay. Kahit na takip ng toothpaste na hindi naibalik ay Word War III na ang katumbas.
  Doon sa iba, sa mga mapayapa at matatag na relasyon ng pagsasama, ang mag-asawa ay may panahong isantabi ang mga maghapong mga karaingan at kapaguran. Hindi nila binibigyan ng malaking atensiyon ang normal na kaganapan sa maghapon, sa paniwalang bahagi ito ng buhay upang maging matatag at matiwasay na magpatuloy sa mga gawain. Maaaring nagpapalitan ng mga kuro-kuro at opinyon sa parehong problema at maging sa antas ng kanilang ipinagkaiba, subalit mayroon silang kabatiran na maging magalang at magiliw sa isa’t-isa. Sa halip na mainitang pagtatalo na humahantong sa alitan ay mga haplos, mga yakap, at mahinahong pananalita ang isinusukli ng bawa’t isa.
   Kahit na magpatuloy ang talakayan sa mga isyu, lalo na kapag kasangkot ang mga kaanak sa magkabilang pamilya, ibayo nilang pinahahalagahan at iginagalang ang kanilang relasyon. Nauunawaan nila na higit silang may pagkakataon na maging masaya kung pipiliin ang respeto at kahalagahan ng isa’t-isa sa kanilang pagsasama. Hindi ang mga pasakitan, mga pagbabanta, mainitang pagtatalo, at mga pangpasama ng kalooban.

   Ayon sa aking maybahay, tatlong persona ang kasangkot kapag mayroong pagtatalong namamagitan sa pag-uusap; ang lalaki, ang babae, at ang relasyon. Bago magsimulang uminit ang palitan ng mga katwiran, ipinauuna sa lahat ang nagmamasid at higit na nakauunawang ‘persona ng relasyon.’ Lagi itong nakamatyag, nag-aalala, at nananalanging huwag humantong sa alitan ang simpleng mga usapan.

   Kung may pagsasaalang-alang ang mag-asawa sa kanilang relasyon, anumang pagtatalo ay kusang tumitigil at ang paghingi ng paumanhin ang siyang umiiral. Subalit doon sa mga batikan at beterano na sa ganitong mga pag-aaway, tila musika at ipinaghehele sa duyan ang kanilang mga nararanasan. Balewala na sa kanila kahit saan humantong ang kanilang buhay, kahit na sa dulo ng impiyerno, basta maipakita ng isa, na siya lamang ang may katwiran. ‘Ika nga sa Inggles, “My way, or the highway!”

Walang Saysay na Taltalan
   Hindi na kailangan pa na magkaroon ng tamang pakiramdam o maghintay ng tamang pagkakataon, ang mahalaga ay maipadama ang kabaitan sa isa’t-isa. Kahit na yaong mga maiinitin ang ulo ay may nakatago ding kabaitan. Ang kailangan lamang ay pagtitimpi at maging mahinahon sa kausap. Hindi ang madala o padadala sa kainitan ng pagtatalo; na biglang sumasabog at tila binagsakan ng sangkaterbang unos na wala nang makapipigil sa matabil at matalim na dila. Madali ang pumasok at mangibabaw sa pagtatalo, lalo na kung personalan na at pati yaong mga nakatagong kamalian at ‘dumi’ ng personalidad ay ipinangangalandakan, ngunit matapos ito, papaano pa mababawi ang mga salitang halos dumurog sa kaluluwa ng kataltalan?
   Madali ang magpakawala ng mga salitang mapanira, humahamak, at dumudurog sa pagkatao ng isang tao, subalit ito ba ang talagang kailangan at nararapat para gisingin at baguhin ang kausap? O, bahagi ito ng pagsupil at pagkontrol sa kalayaan ng katalo?

Bugbugin mo sa katawan ang isang tao at ito’y kanyang malilimutan. Subalit ang saktan ang kanyang damdamin ay mapait na alaala sa kanya magpakailanman.

   Ano ba ang tamang paraan o ang matuwid na landas para sa mag-asawa? Ang pasakit o pagpapasama ng kalooban ay madaling daan para makuha ang gusto. Huwag lamang sumang-ayon at mangatwiran kaagad ay isa pa. Maging ang hindi pagkibo, mabilis na reaksiyon nang walang paglilimi, sadyang palasagot at madaling mainis ay mga paraan din. Ngunit, ang mga ito’y palaban at patungo sa malaki pang hidwaan na kalimitang humahantong sa matinding pagkakagalit at hiwalayan.
   May bumanggit, “Kung manghuhuli ka ng langaw, higit na mabuti ang pulot (honey) kaysa suka (vinegar). Kaya nga sa tawag pa lang na “Honey, may kailangan ka ba?” ay malaki ang nagagawa sa pagsasama. Napakasimple lamang na paraan sa lahat ang . . . magiliw, mahinahon, at mapagmahal na atensiyon. Dahil narito ang respeto, pagdakila (honor) at pagpapahalaga sa namamagitang relasyon. 

   Sa pag-aasawa; kailangan ang lalaki ay bingi, at ang babae naman ay pipi. 

   Sa mga lalaking may asawa, yakaping mahigpit ang inyong maybahay at tagalan ito kaysa dati. Kailangan ito ng inyong maybahay. Dagdagan ito ng halik. Maiibigan niya ito. Lalo na kung siya ay nakatalikod at may ginagawa sa kusina o saan mang panig ng bahay. At kung kakausapin siya, tumitig sa kanyang mga mata nang may pang-unawa, may pagmamahal, at tinatanggap na siya man din ay naghahanap ng pagmamahal sa iyo. Huwag mo nang intindihin pa ang tungkol sa iyong sarili, bagkus ibuhos mong lahat ang iyong atensiyon sa kanya, dahil higit niyang kailangan ito kaysa iyo. At sa puntong ito, mapapaluhod siya sa kaligayahan, at pasasalamatan ang Diyos sa pagkakaroon ng isang asawa na tulad mo, na patuloy na nag-aaral na matutuhan kung papaano mahalin siya ng buong puso.

   Siyanga pala, bago ko malimutan, may isa akong mahalagang sekreto  sa patuloy naming pagsasama ng aking maybahay. Napakasimple at dalawang kataga lamang, “Yes, dear? …”


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan 


Monday, July 02, 2012

Mahusay na Gawain


Ang pinakamataas na gantimpala sa kapaguran ng isang tao ay hindi ang nakukuha niya mula dito, bagkus kung anong pagkatao ang naganap sa kanya.

    Lahat tayo ay bahagi ng paggawa, ito ang nagbibigay ng pag-asa, pinagkakakitaan, pagtitiwala at nagpapalakas para sa ating mga katawan. Nasa ating mga pagkilos nakikilala kung papaano natin binibigyan ng pansin ang ikakatagumpay o ikakabigo ng mga gawaing ito. Anumang larangan o trabahong ating ginagawa, mayroon itong mga paraan para mahusay itong maisagawa.
21 Paraan ng mga Mahusay na Gawain


1- Gawing mahusay ang trabaho sa paghamon sa iyong kakayahan na higitan pa ang nagawa kahapon.
  2- Gawing mahusay ang trabaho sa diwa ng pagtutulungan upang mapabilis ito.
  3- Gawing mahusay ang trabaho sa pag-iwas ng mga kadahilanan para hindi ito matapos.
  4- Gawing mahusay ang trabaho sa pagbuhos ng lahat na iyong makakaya at panahon.
  5- Gawing mahusay ang trabaho sa patuloy ng paggawa nang walang pagliban.
  6- Gawing mahusay ang trabaho sa ikakasiya at ikakatagumpay ng lahat.
  7- Gawing mahusay ang trabaho sa paggawa ng mabuting halimbawa para tularan ito.
  8- Gawing mahusay ang trabaho sa pagpapakita ng integridad at pagmamalasakit.
  9- Gawing mahusay ang trabaho sa pagbibigay ng halaga at inaasahan mula sa iyo.
10- Gawing mahusay ang trabaho sa matiyagang pagtuon dito nang walang abala.
11- Gawing mahusay ang trabaho sa pagtupad ng iyong mga pangako para sa ikakatapos nito.
12- Gawing mahusay ang trabaho sa pagsasanay ng mga katangian para lalong humusay.
13- Gawing mahusay ang trabaho sa pagkakaroon ng malusog na katawan para ito maisagawa.
14- Gawing mahusay ang trabaho sa pagkakaroon ng mabuting  panuntunang sinusunod sa paggawa.
15- Gawing mahusay ang trabaho sa pagdaragdag ng kabatiran tungkol sa ginagawa.
16- Gawing mahusay ang trabaho sa pagbibigay ng papuri sa iba bagama’t minimithi mo ito.
17- Gawing mahusay ang trabaho sa layunin at mga kapakinabangang magmumula dito.
18- Gawing mahusay ang trabaho sa paglikha ng solusyon kaysa maging bahagi ng problema.
19- Gawing mahusay ang trabaho sa pagtuturo sa iba ng mga nararapat pang gawin.
20- Gawing mahusay ang trabaho sa paglalaan ng sapat na pahinga para sa kalakasan ng katawan.
21- Gawing mahusay ang trabaho sa paggawa ng kaibahan at inspirasyon sa iba na tularan ito.

Ang mabuting ideya ay 10 porsiyento at kalakip nito ang implementasyon at masikhay na paggawa, at ang suwerte naman ay 90 porsiyento.

   Sa kabubuan ng iyong trabaho, marami itong daang-daan na posibleng mga kaparaanan at magagawang mga pagbabago o innovations; at sa dami ng iba’t-ibang mga tao na mayroon ding trabaho na tulad ng sa iyo, maraming kumbinasyon din ng kabatiran, sistema ng paggawa, tamang atensiyon sa gawain, kalakasan o kahinaan, at maging pagmamalasakit para dito. Ang kailangan lamang ay tamang pananaw, paninindigan at kasiyahang dulot nito para magtagumpay sa isang trabaho.

   Ikaw, papaano mo ba ituring ang iyong trabaho, nagkataon lamang ba ito o sadyang ito ang iyong pangarap na gawin? Dahil kung walang ningning sa iyong mga mata sa paggawa, at tuwing umaga ay kinakaladkad mo ang iyong mga paa papasok sa trabaho, aba’y magsimula ka nang mag-isip para magbago ng gawain, sapagkat sa kalaunan, mapinsalang karamdaman ang sasaiyo sa pagkabugnot at pagkabagot na naghahari sa iyong kalooban.

Kung mahal mo ang iyong trabaho, magigig maestro ka nito, subalit kung kinasusuklaman mo ito, siya ang iyong maestro.

   Ang matuto nang walang kaisipan ay isang kapaguran;  ang kaisipan na walang natututuhan ay kapahamakan.  Sa gawain, hindi basta lamang gumagawa, pinag-iisipan itong maigi kung mapapadali, makakatulong, at mapapakinabangan.

Ang lunggati ay hindi ang mabuhay magpakailanman. Ang lunggati ay ang makalikha ng bagay na may alaala nito. Kaya nga, huwag basta pakatitigan ang orasan. Gayahin ang ginagawa nito. Magpatuloy sa pagkilos. Humanap ng gawaing kinawiwilihan mo at kailanman, hindi ka na magtatrabaho pa sa araw-araw ng iyong buong buhay.


Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Nasa Pagkakasundo Lamang


Ang daigdig ay hindi isang problema, ang problema ay kung tulog ka.


   Kung tutuusin ang maliliit na bagay ay hindi mapapansin, ngunit kung patuloy itong binibigyan ng atensiyon, lumalaki ito. May bumigkas, "Huwag gawing malaking bundok ang tumpok na bahay ng mga langgam." Sa pagsasama, kung ang pansin ay nasa ikakaganda, ikakapayapa, at ikakaunlad ng bawa't kasama, wala ka ng panahon sa mga walang saysay at maiiwasang mga bagay. Narito ang isang halimbawa ng isang munting karaingan:

    Ang maybahay kasama ng kanyang asawa at dalawang anak, ay nakatira sa isang maliit na dampa sa isang bukirin. Nagkaroon ng malaking sunog sa bayan at nadamay ang bahay ng mga magulang ng kanyang asawa. Gabi na, nang lumikas ito sa kanila na bitbit ang ilang balutan ng damit at nakiusap na tumira sa kanilang maliit na dampa.
   Ilang araw lamang, ang mga pag-ubo ng dalawang matanda at kasikipan sa dampa ay hindi na makayanan pa ng maybahay. Sa kanyang desperasyon, nang sumunod na araw ay nagtungo siya sa punong-barangay, na kanyang kababata, at nakakalunas sa idinudulog niyang maraming mga problema. Matapos ipagtapat ang gumugulo sa kanyang isipan ay nagtanong kaagad ito, Papaano ngayon ang aking gagawin, hindi ko naman basta mapapaalis ang dalawang matanda, sapagkat wala itong matutuluyan pang iba, kundi kami na lamang.”

   “Mayroon ba kayong damulag?" Ang tanong ng punong-barangay.
   “Mayroon, si Kalakian, bakit at para saan ang damulag?” Ang pagtatakang tanong ng maybahay.

  “Kung gayon, ay ipasok mo ang damulag sa loob ng inyong dampa. At bumalik ka sa akin matapos ang isang linggo,” ang bilin ng punong-barangay.

   Bagama’t nalilito, sinunod ito ng maybahay. Ngunit hindi pa natatapos ang isang linggo ay rumaragasang nagbalik ito sa punong-barangay na nanggagalaiti sa inis. “Talagang hindi ko na matitiis pa ang kasikipan sa aming dampa,”ang reklamo ng maybahay, "Hindi kami kasya at nagsi-siksikan na kami!"

   “Mayroon ba kayong mga manok o iba pang mga alaga?”  ang tanong ng punong-barangay.
“Mayroon kaming walong manok , apat na itik, at anim na gansa,” ang pakli ng maybahay, “Ano ang gagawin ko tungkol dito?”

  “Tipunin mo sila at ipasok ding lahat sa inyong dampa,” ang mungkahi nito, “Bumalik kang muli sa akin makalipas ang isang linggo.”

   “Ano ba itong inuutos mo sa akin?” ang pagkabahalang tanong ng maybahay, “Aba’y mangangamoy na kaming lahat nito!” Magkagayunma’y nagpaunlak muli ang maybahay, dahil malaki ang kanyang tiwala sa kahusayan ng mga mungkahi ng punong-barangay.

   Makalipas ang isang linggo, dumating ang maybahay na nanggi-gigil na sa matinding galit at walang tigil na paninisi sa punong-barangay. “Sukdulan nang imposible pang malunasan ang problema sa aming dampa,” ang daing ng maybahay. “Ang aming dampa ay isa ng lubluban ng kalabaw, kulungang ng mga manok, naghahabulang mga itik, at pagkaiingay na mga gansa. Hindi na kami makatulog nang mahimbing sa kanilang mga kaingayan. At hindi ko na matatagalan pa ang kanilang mga amoy!”

   “Kung gayon,” ang pahayag ng pungong-barangay, “Ilabas mo na ang mga manok, mga itik, at mga gansa mula sa inyong dampa.”

    Madaling umuwi ang maybahay at mabilis na ginawa ang hatol, subalit sa pangatlong araw ay muli itong nagbalik at nagkuwento sa nangyari. “Naging matahimik ang aming bahay, dahil nawala na ang mga pagputak ng mga manok, pagkuwak ng mga itik, mga paghahabulan at kaingayan ng mga gansa. Medyo nakatulog nang kaunti ngunit hindi mahimbing.”

   “Kung gayon,” ang susog ng punong-barangay, “Ilabas mo na rin ang damulag mula sa inyong dampa. Sa aking palagay, malulunasan na nito ang iyong problema.”

   At ito nga ang nangyari, matapos mailabas ang damulag ay naging panatag at mapayapa na ang loob ng dampa. Wala na ang damulag, mga manok, mga itik, at mga gansa at ang buong mag-anak, kasama ang dalawang matanda ay mahimbing nang natutulog.  Hindi na rin pinapansin ng maybahay ang mga pag-ubo ng dalawang matanda, sa dahilang tuwing maiisip niya ang kaingayan ng kanyang mga alaga, mistulang musika na ang tunog ng pag-ubo sa kanya. At sa kasikipan, higit na matiwasay siya ngayon kaysa dati na kapiling ang mga hayop.

~~~~~~~
   Bawa’t bagay ay may kapupuntahan, kalalagyan at magkakasanga. Kung minsan, nakakalimutan natin na hindi lahat ay nakakapuwing, bagkus sa ilang pagsasaayos lamang ay magkakasundo na ang lahat. Kung nasa kama ka na huwag nang hangarin pa, na bumalik sa sahig. Kahit na maikli ang kumot, mainam na rin ito kaysa ang mamaluktot.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan