Ano ang mahalaga, kadakilaan o kayamanan?
Masama ba ang maging mayaman, o ang kasakimang bumabalot upang maging mayaman?
Ang kasakimang walang hangganan ay higit pa sa kasamaang umaalipin sa iyo. Anumang yaman na iyong nakuha mula sa paggawa ng kasamaan, paglabag sa batas, pagsasamantala sa tungkulin, at mga pandaraya sa iyong kapwa ay kasuklam-suklam. Batik ito sa iyong pagkatao at sa angkang kinabibilangan mo. - Isang babala na nakapaskel sa isang opisina ng pamahalaan. Sa isang kuwento na may pamagat na, “Gaano Kalaking Lupain ang Kailangan ng Isang tao? Isinalaysay dito ang naging buhay ng isang magsasaka, na ang tanging kaligayahan niya ay matatamo lamang sa pagkakaroon niya ng maraming lupain. Sa pamamagitan ng matinding paggawa at imbing katusuhan, nagawa niyang patuloy na magkaroon ng maraming mga lupain. Hindi pa ito nasiyahan, nakipag-kasundo pa siya sa isang negosyante sa isang pambihirang negosasyon na kung saan lalong dadami ang kanyang mga lupain sa halagang isang milyong piso. Magiging kanyang lahat ang anumang lupain na ibigin niya, kung malalakad niya itong paikot mula sa pagsikat ng araw hanggang dapithapon. Sa kasakiman na maaangkin niya ang lahat nang naisin niyang lupain sa kaunting halaga ay pumayag ito sa kasunduan. Pagsikat ng araw, sinimulan niya agad ang paglakad at pinuntahang lahat ang mga lupaing kanyang natatanaw. Bawa’t makita niya ay kanyang nilakaran, naging ganid at walang pakundangang niyang sinamantala ang lahat ng pagkakataon. Lakad dito lakad doon ang puspusang ginawa niya at kahit humihingal na sa kapaguran ay hindi ito humihinto kahit saglit man lamang. Pagod na pagod na ito nang mapansin niyang palubog na ang araw. Napalayo na siyang lubusan sa kanyang pinanggalingan at kailangang dito rin siya makarating upang tuluyang makaikot. Humahagok na ito sa pagod, subalit paspas pa rin ito sa paglakad. Kailangan niyang umabot sa takdang oras at pook na kanilang napagkasunduan. Nahihilo at nabubuwal na, ngunit tatayong muli at lalakad, laging napapasubsob, titindig at lalakad muli, nagdidilim na ang kanyang paningin, kinakapos na sa paghinga, patuloy pa rin siyang lumalakad. Hanggang tuluyang mapasubasob ito at hindi na nakabangon. Nagkikisay at nalagutan ng hininga, ilang metro na lamang ang layo sa takdang pook na tipanan.
Napapailing ang negosyanteng kausap sa kasunduan nang ilibing siya sa anim na talampakang hukay. Ito lamang ang nakalaan at nakatakdang lupa para sa kanya. Sapat na kabayaran sa lahat ng ginawa niyang paghihirap sa buong buhay.
Anim na talampakang hukay na lupa lamang pala
No comments:
Post a Comment