Ano ang mahalaga, kadakilaan o kayamanan?
Masama ba ang maging mayaman, o ang kasakimang bumabalot upang maging mayaman?
Ang kasakimang walang hangganan ay higit pa sa
kasamaang umaalipin sa iyo. Anumang yaman na iyong nakuha mula sa
paggawa ng kasamaan, paglabag sa batas, pagsasamantala sa tungkulin, at
mga pandaraya sa iyong kapwa ay kasuklam-suklam. Batik ito sa iyong
pagkatao at sa angkang kinabibilangan mo. - Isang babala na nakapaskel sa isang opisina ng pamahalaan.
Sa isang kuwento na may pamagat na, “Gaano Kalaking Lupain ang Kailangan ng Isang tao?
Isinalaysay dito ang naging buhay ng isang magsasaka, na ang tanging
kaligayahan niya ay matatamo lamang sa pagkakaroon niya ng maraming
lupain. Sa pamamagitan ng matinding paggawa at imbing katusuhan, nagawa
niyang patuloy na magkaroon ng maraming mga lupain. Hindi pa ito
nasiyahan, nakipag-kasundo pa siya sa isang negosyante sa isang
pambihirang negosasyon na kung saan lalong dadami ang kanyang mga lupain
sa halagang isang milyong piso. Magiging kanyang lahat ang anumang
lupain na ibigin niya, kung malalakad niya itong paikot mula sa pagsikat
ng araw hanggang dapithapon. Sa kasakiman na maaangkin niya ang lahat
nang naisin niyang lupain sa kaunting halaga ay pumayag ito sa
kasunduan. Pagsikat ng araw, sinimulan niya agad ang paglakad at
pinuntahang lahat ang mga lupaing kanyang natatanaw. Bawa’t makita niya
ay kanyang nilakaran, naging ganid at walang pakundangang niyang
sinamantala ang lahat ng pagkakataon. Lakad dito lakad doon ang
puspusang ginawa niya at kahit humihingal na sa kapaguran ay hindi ito
humihinto kahit saglit man lamang. Pagod na pagod na ito nang mapansin
niyang palubog na ang araw. Napalayo na siyang lubusan sa kanyang
pinanggalingan at kailangang dito rin siya makarating upang tuluyang
makaikot. Humahagok na ito sa pagod, subalit paspas pa rin ito sa
paglakad. Kailangan niyang umabot sa takdang oras at pook na kanilang
napagkasunduan. Nahihilo at nabubuwal na, ngunit tatayong muli at
lalakad, laging napapasubsob, titindig at lalakad muli, nagdidilim na
ang kanyang paningin, kinakapos na sa paghinga, patuloy pa rin siyang
lumalakad. Hanggang tuluyang mapasubasob ito at hindi na nakabangon.
Nagkikisay at nalagutan ng hininga, ilang metro na lamang ang layo sa
takdang pook na tipanan.
Napapailing
ang negosyanteng kausap sa kasunduan nang ilibing ang magsasaka sa anim na
talampakang hukay. Ito lamang pala ang nakalaan at nakatakdang lupa para sa
kanya. Sapat na kabayaran sa lahat ng ginawa niyang paghihirap sa buong
buhay.
Anim na talampakang hukay lamang pala sa lupa ang katumbas ng lahat niyang paghihirap.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment