Ang hanapin ay respeto, hindi ang atensiyon.
Pagmamahal.
Koneksiyon. Kapayapaan. Kaligayahan.
Tayo
ay mapaghanap nang higit pa sa ating buhay. Lalo na doon sa mga bagay na higit
na magpapasaya at pumapayapa sa ating kalooban. At kahit na mayroon tayong mga
paraan na makipag-ugnay sa iba, ang maabalang paghila ng sosyal media (facebook, twitter, instagram, atbp.) at
teknolohiya ay madalas na nag-iiwan sa atin ng pakiramdam na kulang pa ang
koneksiyon, kulang ang kasiyahan, kulang ang relasyon, at pahapyaw lamang ang
haplos ng pagmamahal.
Bakit?
Sapagkat
kinukulang ng haplos na personal. Mga bagay na nagagawa lamang nang harapan,
nakikita, nahahawakan, nayayakap, at napaglilingkuran. Ito ang mga pagkilos na
nakapagbibigay ng maaliwalas na koneksiyon, para sa ating mga sarili, sa ating
mga mahal sa buhay, sa ating mga kaibigan, mga kasamahan at maging sa mga
estranghero sa araw-araw.
Kahit na
tayo ay abala sa sosyal media;
Huwag nating kalimutan na ngumiti, at
bigkasin ang "Magandang
umaga" sa bawat isa na makakasalubong para masinulang masigla
ang maghapon na positibo ang enerhiya. Walang mawawala at may pakinabang pa kung
bibigkasin nang harapan ang, "Maraming
salamat."
Huwag nating sayangin ang araw na ito na
walang haplos ng tawanan at kasayahan. Ang tumawa ay
medisina.
Huwag nating kaligtaan na tumawag, sumulat o mag-email
sa mga mahal natin sa buhay at mga kaibigan. Ang simpleng pangungumusta ay nag-iiwan
nang makabuluhang ugnayan at kapayapaan sa ating kalooban. Huwag nating kakalimutan: Bagay
na hindi pinahalagahan ikaw ay iiwanan.
Huwag nating palipasin ang mga sandali na hindi
tayo nakakatulong sa pangangailangan ng iba. Kung walang itinanim ay wala ding aanihin: Ibigay muna bago makuha.
Huwag tayong lubhang magpagumon o mawili
sa sosyal media at masidhing nakapokus sa selpon.
Lahat
tayo ay nakadarama hindi lamang ng koneksiyon, kundi sa mga bagay na
nakapag-iiwan ng malalim na pagtanggap at pagpapahalaga; ang maalab na pakiramdam
ng matalik na pakikiisa, pagdadamayan, at pagmamalasakit sa isa't-isa: na
nagagawa lamang ng haplos-personal.
jesseguevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Lungsod ng Balanga, Bataan
wagasmalaya.blogspot.com
No comments:
Post a Comment