Thursday, October 31, 2019

AKO ay Tunay na Pilipino


Sino ba ang matatawag na tunay na Pilipino? Kailangan pa ba ito?
Hindi pa ba sapat ang na tawagin kang Pilipino? Bakit kailangan pang may kalakip na tunay? Dahil marami ba ang huwad at nagpapanggap na Pilipino? Kung ang ama at ang ina ay taal na mga Pilipino, tama bang bansagan kang tunay na Pilipino?
Ano ba ang kaibahan ng katawagang Pilipino sa “ tunay na Pilipino”?
Ikaw ay Pilipino, kapag mamamayan ka ng Pilipinas.
Ikaw ay Pilipino, kapag ang ama at ina mo ay mga Pilipino.
Ikaw ay Pilipino, kapag ang ina mo ay Pilipino, may sapat na gulang, at pinili mong maging Pilipino.
Ikaw ay Pilipino, kapag naturalisado ka nang naaayon sa batas ng Pilipinas.
Totoo nga ba?
Madaling akuin o banggitin, ako ay Pilipino. Pilipinas ang bansa ko. Ang mga magulang ko ay taal na mga Pilipino. Mamamayan ako ng Pilipinas. At nakapagsalita ako ng Pilipino. Kaya, Pilipino ako.

Ngunit nagagampanan mo naman ba ang pagiging Pilipino mo, upang nararapat at wagas kang matawag na tunay na Pilipino? Liripin ang isinasaad ng pahimakas na ito, "Tunay na Pilipino ka nga ba?"
Tunay na Pilipino ka nga ba?
Sa anyo't kilos pati salita, pakilala mo'y Pilipino ka.
Subalit sa puso't diwa at mga gawa,
   kapag tungkol sa bayang Pilipinas ay kinukutya.
Pilipino ka bang naturingan kung laman ng iyong isip ay banyaga,
   tinatawanan kulturang Pilipino at iyong inaalipusta.
Tunay na Pilipino ka nga ba?
Sa kapighatian ng Pilipinas, umid ang iyong dila.
Sa mga karaingan ay bingi kang tuluyan.
Mistula kang bulag sa iyong mga nasasaksihan.
Tinatamad ka ni dumampi man lamang.
Lagi kang umiiwas at maraming kadahilanan.
Tunay na Pilipino ka nga ba?
Hindi magunita, ni malirip, at sa isip ay sumagi,
   ito ang iyong lahi na diwang kayumanggi.
Kaya't bansag lamang na Pilipino kang naturingan.
Dahil anuman ang mangyari sa iyong Inang-bayan,
   tumatakas ka at walang pakialam.
Papaano nga ba ito?
Madali ang maging tao, subalit mahirap ang magpakatao, o maging makatao.
Sa paghahalintulad;
   Madali ang maging Pilipino, subalit mahirap ang magpaka-Pilipino, o maging maka-Pilipino.
   Madali ang tawaging Pilipino, subalit sa pag-iisip, sa pananalita, at mga gawa ay hindi Pilipino, hindi maka-Pilipino, at walang pagmamalasakit o pagpapahalaga anumang tungkol o nauukol sa Pilipino.
Subalit, ikaw ay tunay na Pilipino,
             Kapag nagagampanan mo sa isip, sa salita, at mga gawa ang pagiging Pilipino.
                         Kapag ipinagmamalaki at ikinararangal mo ang pagiging Pilipino.
Kapag nagmamalasakit at nagpapahalaga ka sa katutubong kultura at kasaysayan ng lahing Pilipino.
           Kapag buong giting mong ipinagtatanggol ang makatarungang karapatan bilang Pilipino.
   Kapag nakikiisa at tumutulong ka sa pagbabago ng Pilipinas tungo sa malayang pagkakaisa na;
                            makaDiyos, makapamilya, makabayan, makakalikasan, at makatarungan.

Sa mga katangiang ito, mayroon kang kagitingan, kabayanihan, at karapatan na bigkasin ang
                                                        AKO, tunay na Pilipino
Malaki ang kaibahan at karaniwang tawag na Pilipino sa napapanahong tawag na tunay na Pilipino.
Katulad ng isinasaad sa ating Panatang Makabayan simula pa noong tayo'y nag-aaral sa mababang paaralan:
Panatang Makabayan
 
Iniibig ko ang Pilipinas
Ito ang aking lupang sinilangan
Ito ang tahanan ng aking lahi
Ako'y kanyang kinukupkop at tinutulungan
Upang maging malakas, maligaya at kapakipakinabang
Bilang ganti, diringgin ko ang payo ng aking mga magulang
Susundin ko ang mga tuntunin ng aking paaralan
Tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang makabayan at masunurin sa batas
Paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pag-iimbot at ng buong katapatan
Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa.

No comments:

Post a Comment