Ang tunay na kalakasan ay hindi nanggagaling mula sa pisikal na pagkilos, kundi mula sa walang pagkatalong katatagan.
Kung aapuhapin mo ang iyong kaibuturan,
may dalawang kalakasan dito ang namamayani. At kapag talos mo ang iyong birtúd o katauhan ay
malaki ang maitutulong nito upang makilala ang pagkakaiba ng dalawang
kalakasang ito. Bagama’t sila ay magkarelasyon; ang pisikal na kalakasan, at
ispiritwal na kalakasan, malaki ang agwat ng kanilang mga tungkuling ginagampanan
sa ating personalidad.
Ang kalakasang
pisikal ay may relasyon sa kalusugan ng iyong katawan at naaayon kung papaano mo
inaaruga ito. Kung kumakain ka ng maling mga pagkain, nagpapakalango sa mga
inuming nakakalasing, gumagamit ng ipinagbabawal na mga droga, malakas manigarilyo,
walang ehersisyo o pagpapawis ng katawan, at madalas na nagpupuyat; sa kalaunan,
ang iyong katawan ay susuko at tuluyang igugupo ng malubhang karamdaman. Kung
ikaw ay mayroong karamdamang pisikal, ang iyong kalakasan ay apektado at walang
sapat na kakayahang makagawa pa. Gaano man ang pagnanais mong makakilos nang
ganap, ang iyong karamdaman ang paparalisa sa iyo.
Ito rin ang nagpapahina sa iyong motibasyon para
magpatuloy pa na tapusin ang anumang gawain na iyong sinimulan. Maging ang
iyong mga pakiramdam at mga saloobin, kasama ng iyong pananaw at mga lunggati
sa buhay ay pawang nalilito at wala na sa direksiyon. At kapag ito ay nagpatuloy,
nawala na ang ispirito na gumagabay sa iyo.
Ang “ispirito” na ito ay ang iyong
pambihirang gabay na nagdudulot ng puwersa sa iyong buhay, ito ang
pakiramdam na nagaganap sa iyo sa tuwing may mataas na kalakasang ispiritwal at
mababa na kalakasang ispiritwal na naghahari sa iyong pagkatao.
Sa
karaniwang araw, ang iyong kalakasang ispiritwal ay maaaring tumaas o
bumababa batay sa iyong ginagawa at mga pagbabago sa antas ng mga pakiramdam at
saloobin mo. Kung ang ginagawa mo ay talagang naiibigan mo at nagpapasaya sa
iyo, matapos ang maghapong paggawa, maaaring pisikal na mapagod ka, ngunit
ispiritwal ka namang lumakas. Sakali namang inubos mo ang maghapon sa paggawa
ng mga bagay na wala namang halaga sa iyo at napipilitan ka lamang dahil
trabaho mo ito, at kailangan mo ang suweldo, makakaramdam ka ng matinding
pisikal na kapaguran. Idagdag pa rito na bumaba ang kalakasang ispiritwal mo at
kailangang lunasan ito sa pagtungga ng inuming may ispirito, at
nakakalasing.
Kapag
mababa ang antas ng iyong ispirito, nawawalan ka ng gana o hilig na
magsikhay pa, na paghusayin ang gawain, at mawalan ng pag-asa. Sanhi din ito na
mabaling ang iyong panahon sa mga walang katuturang libangan, katakawan sa pagkain, tsismisan, at
panandaliang aliwan para lamang takasan ang pamamanglaw na nadarama.
Kung mataas ang iyong kalakasang ispiritwal,
dinudulutan ka nito ng simbuyo o pasiyon
para higit na pasiglahin ang iyong
pakiramdam. Ito ang puno't-dulo sa anumang hangarin na nais mong
makamtan. Narito ang sikreto upang lumakas at pasiglahin ang iyong
pagnanais na matupad ang iyong mga pangarap.
Nararamdaman mo ba ang ispirito na ito sa iyong sarili?
Kung wala pa ito sa iyo, apuhapin mo na ngayon sa iyong kalooban at simulan nang gamitin.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment