Wednesday, December 20, 2017

Kumplikado ang Ating Buhay



Pansinin ang mga ito at maglimi:

Malungkot at nangungulila? … Tumawag (gamit ang selpon)
Nais na magkita kaagad ……...Mag-anyaya o mag-imbita
Hindi ka maunawaan?..............Magpaliwanag
Hindi mo maintindihan?...........Magtanong
Ayaw at hindi mo naibigan…...Magpahayag
Nagalak at nais mo pa………...Ipaalam
May mahalaga kang nais?.........Humiling
Nakapinid ang pinto?................Kumatok
May alinlangan?........................Tuklasin
Kapag nagmamahal………..….Ipadama
   Maging totoo, walang personalan, iwasan ang akala, maging mabuti, mapagmalasakit, at tunay na umibig.
   Walang saysay o kapupuntahan kung palaging may duda, akala, at hinala. Kung walang katanungan, walang kasagutan. Hindi maaaring malaman o maintindihan ng iba o nang mismong karelasyon kung pawang paliguy-ligoy, mga panunumbat sa kamalian, mga hinaing at mga pasaring na nakakasugat ng damdamin ang mga ipinadarama, sa halip na tuwirang pagpapahayag ng niloob.
   Walang sinuman ang nakakaalam kung ano ang nagaganap sa iyong isipan. Walang manghuhula o madyikero ang tahasang makakalam ng iyong kaisipan kung ito ay pasulong, pabalik, at nais lamang ng atensiyon. Higit na mainam ang ipahayag ito nang deretso, klaro at sa maikling mga kataga, walang bahid ng drama o paawa effect, kaysa ang umasa, maghintay at manggalaiti sa isang sulok.
   Sa bawat hangarin, kung hindi ka aaksiyon, katiyakan na ang HINDI ang kasagutan, subalit kung kikilos, magtatanong, makikiusap, ipaparamdam ang tunay na saloobin, makakatiyak ka ng Oo.
   May isa lamang tayong buhay sa mundong ito, at huwag naman nating sayangin ito sa walang saysay na pag-aaksaya ng mga sandali –Simplehan naman natin ang ating pamumuhay!

   “For who knows a person’s thoughts except their own spirit within them? In the same way no one knows the thoughts of God except the Spirit of God. What we received is not the spirit of the world, but the spirit who is from God, so that we may understand what God has freely given us . . . For who has known the mind of the Lord so as to instruct him? But we have the mind of Christ.”  (Corinthians 2:11, 12 and 16)

No comments:

Post a Comment