Saturday, June 11, 2016

Pilipino Ka nga Ba?

Bukas ay Araw ng Kalayaan, marapat lamang na muli nating sisirin at pakalimiin  kung ano ang tunay at wagas na itinitibok ng ating mga puso sa tuwing sasapit ang makabayang araw na ito.....

Pagmamahal sa Inang-Bayan

 
        Ito ang orihinal na bersiyon ng ating Panatang Makabayan na buong kagitingang binibigkas matapos awitin ang ating Pambansang Awit. Bahagi ito ng paglilinang ng ating mga paaralan sa mga mag-aaral upang ikintal sa puso, diwa, at kaluluwa, ang marubdob na pagmamahal sa ating Inang Bayan at sambayanang Pilipino. Kadalasan sa mga pagtitipon; sa panahon ng pagdiriwang tuwing ika-12 ng Hunyo, bahagi ng programa ang pag-awit nito, at sa mga paligsahan at pagsasaya kung sino ang makakabuong awitin ang ating Lupang Hinirang. Matapos ito, ang susunod naman ay ang pagbigkas ng Panatang Makabayan. At kadalasan din, marami ang nakakalimot at hindi mabuo ang ating pambansang awit at panata. Ang kanilang katwiran, para lamang ito sa mga bata. Sa ating henerasyon ngayon, lalo na doon sa mga nagsilaki at nagkaisip sa ibang bansa, tuluyan na itong nalimutan. Doon naman sa mga may kagulangan at mga magulang, pawang pagkibit ng balikat at ismid ang ipupukol sa iyo. May iba naman, mapagkit na tinging Medusa ang magpapatigil at paparalisa sa iyo. Tila mga napapaso at kalabisan na sa kanila ang pag-ukulan pa ito ng pansin. 
   Subalit ayon sa kanila, sila'y mga Pilipino. Kaya lamang, walang nalalaman, o pitak sa kanilang mga puso ang anumang kataga sa awitin at panata tungkol sa pagiging tunay na Pilipino
   Pilipino nga kaya sila? Katanungang pinipilit kong arukin. 
   Ang Lupang Hinirang at Panatang Makabayan ay mahalagang sangkap sa ating katauhan. Nanlulumo ako at hindi mapagtanto kung bakit iilan at bihira ang nakakaalam ng mga ito. Gayong ito ang nagpapaala-ala, bumibigkis, at nagpapakilala sa atin kahit kaninuman, kailanman, at saan mang panig ng mundo. Pinatitibay nito ang ating pagiging makabayan at pagmamalasakit sa ating katutubong kultura at mga sining. Ito ang ating sandigan at personalidad na kumakatawan sa atin kung sino tayo, anong lahi at uri, at ang ating pinanggalingan. Hindi tayo mga putok sa buho na bigla na lamang lumitaw at walang nalalaman sa ating pinagmulan. 
   Nagiging katawa-tawa at nalalagay sa alanganin ang ilang Pilipino kapag nahilingang awitin ang Lupang Hinirang at Panatang Makabayan, at hindi mapaunlakan ang mga banyagang humihiling. Gayong sila ang pasimuno at nangangasiwa sa mga pagdiriwang sa kani-kanilang mga pook sa ibang bansa. Higit pang nakakabalisa; maraming guro sa ngayon ang hindi rin maawit ng buo ang Lupang Hinirang at mabigkas ng tuwiran ang Panatang Makabayan, kapag tinatanong ng mga kabataang nagnanais na matutuhan ang mga ito. Sa maraming bansang aking napuntahan at sinalihang mga pagdiriwang, laging bahagi ito sa mga kulturang pagtitipon. At bilang tunay na Pilipino, nakalaan kang ibahagi ang ating awit at panata. Ito ang pambungad sa alinmang okasyon na nagpapakilala sa ating bansa, lalo na sa pandaigdigang paligsahan, palaro at mga kompetisyon. Katulad sa mga boksing ni Manny Pacquiao, walang masisimulan na laban kung hindi aawitin ang ating Lupang Hinirang.
   Magagawa mo bang awitin at bigkasin ang dalawang makabayang pagdakila na ito sa ating Inang Bayan? 
   Ito ang malaking pagkakaiba sa tunay na Pilipino at doon sa mga huwad at mga nagkukunwaring Pilipino. Ang pakilala nila mga Pilipino daw sila, subalit hindi maawit ang ating Pambansang Awit at mabigkas ang ating Panatang Makabayan. 
   Ang makalimot sa ating nakaraan at pagkakakilanlan; ay masahol pa sa isang banyaga na naghahanap ng sariling lungga.
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
 

No comments:

Post a Comment